HINDI LANG NAMAN IYON ANG BESES NA TINULUNGAN siya ni Skyler. Marami pa at hindi niya na mabilang. Kaya sana, kahit sa ganitong paraan man lamang ay nakatulong si John sa kaniyang kaibigan.
Hindi niya talaga alam kung ano ang mararamdaman niya noong oras na nakita niya si Erena.
Sa kuwento pa nga lang tungkol sa babaeng ahas ay takot na takot na siya, ang makita pa kaya ito nang harapan sa hindi niya inaasahang panahon?
Isa pa, tila ba sinusundan talaga nito si Skyler. Kaya nang mga oras na iyon ay naisip niyang nagsasabi nga siguro ng totoo ang kaibigan niya.
"Kaya ba palagi kang wala gabi-gabi?" Nagpanggap siyang pumupulot din ng bato at hinagis palabas ng kampo.
"Oo..."
Napalabi siya sa sagot ni Skyler.
Oo nga, ano pa bang dahilan ni Skyler para mawala halos gabi-gabi?
"Kung ganoon, kailan kayo magkikita ulit ni Erena?"
Sandali pang lumingon sa likuran nila si Skyler, tila sinisigurado na walang nakikinig.
Malayo-layo naman sila sa tent kung saan naroon ang lahat kaya imposibleng marinig sila.
"Hindi pa kami puwedeng magkita sa ngayon. Ipinagbabawal ni Commander."
Umawang ang labi niya. "A-alam ni Commander? Mabuti, hindi niya pinatay ang babaeng ahas?"
Muli na namang pumasok sa isip niya ang hitsura nito. Madilim na kanina kaya naman hindi malinaw ang mukha nito maliban sa siyam na ahas na nasa likuran.
"Anak ni Commander si Erena—"
"Ano—"
Muntik nang mapalakas ang boses niya kung hindi nga lamang natakpan ni Skyler ang bibig niya agad.
"Huwag kang maingay." Muli itong bumaling sa tent. "At umiwas ka sa grupo ni Travis. Sila ang bumugbog sa akin at tingin ko inutusan sila ni Romulo."
"Sinabi mo ba kay Commander?" tanong niya.
"Sinabi ko ang tungkol kina Travis, pero ang kay Romulo, hindi. Kutob ko lang iyon at walang ebidensiya."
Nakaramdam na naman siya nang matinding pag-aalala.
"Ako ang pinag-iinitan at minamanmanan ngayon, pati si Commander, kaya hindi muna kami puwedeng magkita ni Erena."
Sinabi lahat ni Skyler sa kaniya ang mga nangyari at ang alam nito tungkol sa pagkatao ni Erena. Lahat ng mga tanong niya ay sinagot din nito.
At nang magkaroon siya ng ideya sa lahat at nang malaman ang pagkabusilak ng puso ni Erena ay inaamin niyang unti-unting nawawala ang takot niya rito at mas ginugusto niyang protektahan ang pagkakaibigan na mayroon ang dalawa.
KINAUMAGAHAN AY MAGAAN ANG PAKIRAMDAM NI SKYLER nang magising. Dahil siguro sa nangyari kagabi kung saan napag-usapan nila ni John ang lahat, at nang maramdaman niyang mas tinatanggap na nito si Erena.
Sana nga lang, kapag nagkita si John at si Erena ay hindi bumalik ang takot nito.
Kinapa niya ang pendant ng suot na kuwintas bago tuluyang bumangon.
Paglabas niya pa lang ng tent ay nagbibihis na ang mga kasamahan niya kaya naman ganoon na rin ang ginawa niya. Ilang minuto lang ay pinapila na sila.
Mukhang kararating lang ni Commander Chavez.
"Sa araw na ito ay magpapatuloy ang ensayo ninyo."
Sandali lang ang naging orientation. Nagsimula rin kasi agad ang paghahanda para sa ensayo. Tumulong siya sa preparation pero ilang sandali lang ay nilapitan na siya ni Commander.
Tinapik pa nito ang braso niya para makuha nang tuluyan ang atensiyon niya.
"Liu," mahina lang ang pagtawag nito sa kaniya, tipong siya lamang ang makaririnig.
"Sir, Yes. Sir!" Agad siyang sumaludo.
"Dahil ikaw lang naman ang pinakakilala kong sundalo, hayaan mong may ipag-utos ako sa 'yo."
"Sir, Yes—"
Inalis nito ang akto ng pagaludo niya.
"Mamaya na ulit 'yan." Tukoy nito roon. "Bumaba ka muna patungo sa bayan."
Umawang ang labi niya. "P-po?"
"Nagkaproblema sa taong nagsu-supply ng mga pagkain sa bahay. Wala ng stock. Gusto ko sanang ikaw ang mag-asikaso niyon." Pasimpleng inilibot ni Commander Chavez ang paningin bago nagpatuloy. "Pumunta ka muna kay Tessing para malaman mo kung ano ang mga kulang. Kakayanin mo bang mag-isa?"
Natahimik siya at eksakto namang dumapo ang paningin niya kay John.
"Isasama ko po si John. Mauna na ako, Commander—"
Aalis na sana siya nang hablutin nito ang braso niya, may nais sabihin pero hindi na rin nasabi dahil nauna na siya.
"Alam na ni John ang lahat. Nakita niya po si Erena noong kumukuha kami ng panggatong, Sir."
Nagkatinginan ang kanilang Commander at si Santos.
"Kung malaki ang tiwala mo sa kaibigan mong iyan, sige ipagpatuloy mo. Pero sa oras na mapahamak ang anak ko, alam mo na ang mangyayari, Liu."
Tumango siya bago nagpatuloy.
Nasabi niya naman na lahat kay John ang gagawin at talagang manghang-mangha ito nang malamang may mansiyon ang Commander nila sa gitna ng kagubatan. Hindi niya kasi nasabi iyon kagabi.
"Grabe ang laking mansiyon nito, ah?" Tiningala ni John ang mansiyon. "Gaano kaya kayaman si Commander?"
Nagkibit-balikat na lang siya kahit na napaisip din siya roon, dahil mukhang napakayaman ngang talaga ni Commander Chavez.
"Tara..." Hahakbang na sana siya papasok nang pigilan siya ni John.
"S-sandali, nandiyan ba siya?"
Napakamot siya sa batok niya. Kahit kailan ay duwag itong si John.
"Akala ko ba gusto mo nang makilala? Bakit parang umaatras ka na naman?"
Natawa ito sa sarili. "E, siyempre. Mabibigla pa rin siguro ako, naghahanda lang."
Matapos niyon ay sabay na silang pumasok sa loob. Muntikan pang matalisod sa pagkataranta si John.
"Mabuti na lang at nilista ko na ang lahat ng kailangan." Inabot ni Manang Tessing sa kaniya ang kapirasong papel. "Heto, mag-iingat kayo sa bayan."
Tumango siya at tinupi ang papel sa dalang panyo bago ibinulsa.
Sandali pang tiningnan ni Manang Tessing si John. Nasabi niya naman nang alam na nito ang tungkol kay Erena, pero siguro ay hindi mawala sa mga ito ang pag-aalala dahil sa pagdodoble ingat.
At isa pa, parang hindi niya yata nakikita si Erena.
"Nasaan po si Erena?" Nilibot niya ang paningin sa buong mansiyon.
"Wari ko ay nasa silid niya. Kukumustahin mo ba?"
Agad siyang umiling. "Pagbalik na lang po siguro."
Tiningnan niya pa si John na ngumuso sa kaniya, alam niya kasing natatakot ito at nakakahiya naman kung masasaksihan iyon ni Manang Tessing.
Inubos nila ang inip sa pag-uusap tungkol sa kung anu-anong bagay habang naglalakbay palabas ng kagubatan. Mukhang mahabang lakarin kasi iyon bago nila marating ang sasakyan ni Commander Chavez na maaari nilang magamit mamaya kapag patag na ang daanan.
"E, naalala mo ba 'yung..."
Halos sabay silang huminto nang makarinig ng kaluskos.
Umawang ang labi niya nang sa paglingon niya ay si Erena pa ang makikita niya sa kanilang likuran na nakasunod sa kanila.