HINDI PA MAN GANOON KATAGAL NA HINDI NAKIKITA ni Erena si Skyler, pakiramdam niya ay napakatagal na niyon. Hindi niya maintindihan kung bakit kung kailan siya nagkaroon ng bagong kaibigan, saka pa iyon ipagbabawal.
Sinubukan niya na ring puntahan sa kampo si Skyler para man lang kahit papaano ay masilayan niya ito, ngunit nabigo siya.
Nakita siya ng kaibigan nito.
Siyempre, kilala niya iyon, si John.
Aaminin niyang natakot siya at kinabahan, pero lumipas naman ang mga araw at walang tumugis sa kaniya.
At ang tangi niya lang tuloy ginagawa sa araw-araw ay kumain, matulog, at aliwin ang sarili sa harap ng telebisyon kaya naman kung anu-ano rin ang nakikita niyang nagpapasabik sa kaniya.
Gaya nang paglabas sa kagubatan at ang pagpunta sa mataong lugar.
"Erena." Lumapit sa kaniya si Manang Tessing dala ang telepono. "May tawag ka."
"Sino po?" Tinitigan niya muna ang telepono bago kunin.
"E 'di, ang bestfriend mo."
Dati naman, sa tuwing tumatawag ito ay awtomatiko siyang sumisigla. Pero ngayon, hindi niya iyon masyadong maramdaman.
"Louie..." Halos hindi niya rin marinig ang sariling boses sa hina niyon.
"Hey?" Doon pa lang ay naramdaman niya na ang pagtataka nito. "Are you okay? Aren't you happy to talk to me?"
"I am..." Kinalma niya ang sarili.
Si Skyler pa rin ang nasa isip niya.
"Hindi mo ba ako nami-miss? I was about to tell you something."
Hindi siya agad nakapagsalita.
"Oh, seryoso nga? Hindi ka ba okay?"
"Ano ang sasabihin mo, Louie?" Imbis na sagutin iyon ay itinuon niya ang atensiyon sa sinabi nito.
Linya naman nito ang natahimik.
"Nothing..." Naiilang pa itong natawa. "Weird. I'll just call you back, kapag okay ka na."
And the call ended.
Alam niyang nagtampo si Louie, pero hindi niya naman alam ang gagawin. Alam niyang ayaw nito ng kinukulit kapag nagtatampo at kusang tatawag ulit iyon kapag okay na.
"Ang bilis, ah." Mula sa sala ay nakita pa ni Manang Tessing ang pagbalik niya sa telepono.
"Busy na po si Louie, sige po." Tumango siya kay Manang Tessing.
Nasa hallway na siya papunta sa basement nang marinig ang boses ng daddy niya.
"Ano kamo?" Kausap nito si Santos na kararating lang.
"Kararating lang po kasi ng balita sa kampo na hindi raw makararating ang supplies, bukas pa. Kaso ang problema naman, Commander, walang pagkain ang mga bata ngayong araw at konti na rin ang imbak sa mansiyon na ito."
"Isang araw lang pala," anang daddy niya. "Pababain ang isa sa mga iyon sa bayan."
"Isa lang, Commander?"
"Oo, bakit?"
"Kakayanin ba iyon?"
"Kakayanin 'yan ni Liu."
Sumilip siya mula sa gilid ng pader. Nakita niyang tinapik pa ng daddy niya sa balikat si Santos bago nagpatuloy ang dalawa sa paglalakad.
Pabababain si Skyler sa bayan nang mag-isa? Hindi ba't malayo iyon at marami ang bibilhin kung iisipin?
Hindi iyon kakayanin ni Skyler.
Sa pag-iling pa lang ni Santos ay alam niya na.
Nang maging abala si Manang Tessing sa paglinis matapos lang umalis ng daddy niya ay roon na siya tumakas para makapunta sa kampo at hintayin na dumaan si Skyler sa daan papunta sa bayan. Hindi niya kinalimutang magsuot ng jacket kahit na hindi rin komportable para sa kaniya, lalong-lalo na para sa mga kakambal na nasa likuran niya.
Medyo matagal pala, kaya napaupo na lang siya sa puno na naroroon.
Bakit niya nga ba ito naisip? Wala rin naman siyang maitutulong kay Skyler.
Ilang sandali lang ay nakarinig na siya ng yabag ng mga paa.
Hindi lang si Skyler iyon! Pati si John! Tuloy ay nagdalawang-isip siya kung susunod pa ba siya kay Skyler o hindi dahil siguradong matatakot sa kaniya si John.
"Erena?"
Napapitlag siya nang mahuli siya ni Skyler.
Agad na dumapo ang paningin niya kay John na bahagyang napaatras.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong ni Skyler.
Hindi siya nakagalaw sa kinatatayuan kaya naman mabilis na nakalapit si Skyler, pero si John ay nanatili sa puwesto.
Hindi naman ganoon kalala ang takot sa mga mata nito, mas lamang ang interes.
Nilingon din ni Skyler ang likuran nang makitang iyon ang tinitingnan niya.
"Hindi siya takot sa 'yo, 'wag kang mag-alala." Nilingon ulit nito si John na tila may isinenyas pa. "John."
Namangha pa siya nang tipid na ngumiti sa kaniya si John. Hindi siya makapaniwala. Pakiramdam niya tuloy ay nananaginip lang siya. Napatango na lang siya kay Skyler nang dahil doon.
"Aalis kami ni John. Bakit mo kami sinusundan?"
"Sa bayan kayo pupunta, 'di ba?" sabi niya. "Narinig ko kay Daddy."
Nagpakita ang pagtataka sa mukha nito, pero wala naman siyang magawa kundi ang yumuko. Hindi niya kayang sabihin. Alam niya rin kasi sa sarili niyang imposible.
Naramdaman niya ang pagngiti ni Skyler bago guluhin ang buhok niya. Bagay na namiss niya.
"Ang tagal nating hindi nagkita." Doon na siya tuluyang nag-angat ng paningin kay Skyler na nanatili ang ngiti sa labi. "Gusto mong sumama?"
Tuluyang nalaglag ang panga niya.
Inaaya ba talaga siya ni Skyler?
Agad namang lumapit sa gawi nila si John pero hindi pa rin ganoon kalapit sa kaniya.
"Ako si John. Ikinagagalak kong makilala ka, Erena." Tumango ito sa kaniya.
Tumango rin siya. Magsasalita rin sana para sabihing nagagalak din siyang makilala ito kung hindi lamang naunang magsalita si John.
"Sandali lang, Miss Erena." Agad namang hinila nito si Skyler nang ilang metro ang layo mula sa kanila. "Baliw ka na ba, Sky? Maraming tao sa bayan!"
Dahil nga hindi naman ganoon kalayo ay hindi imposible para sa kaniya na marinig ang pinag-uusapan ng dalawa.
Kinagat niya ang labi niya.
Tama naman si John, pero kung hindi man siya nito hahayaang makasama ay malulungkot talaga siya.
"Nakatago naman. Kumalma ka nga, John."
"Paano ako kakalma? Kapag may nangyari riyan." Tinuro pa siya nito, pero nanatili pa rin naman kay Skyler ang paningin. "Parehas tayong lagot kay Commander."
"Walang mangyayari kay Erena kung hindi ka rin magpapahalata. Baka nga mas mahalata pa sa akto mo kaysa kay Erena mismo, e. Kaya, tara na."
"Skyler!" tawag pa nito nang talikuran ni Skyler para puntahan siya, pero wala rin itong nagawa dahil tila ba desidido si Skyler.
"A-ayos lang ako. Dito na lang ako," sabi niya.
Tipid lang na ngumiti si Skyler bago inabot ang kanang kamay niya. "Ang sabi mo sa akin, gusto mong maranasan ang pumunta sa bayan. Kaya kapag may pagkakataon, hindi na dapat sinasayang, Erena."
At sa hindi mabilang na beses, naramdaman niyang normal siya sa piling ni Skyler. Walang pangamba at kampante, dahil alam niyang hindi siya nito pababayaan.