TAHIMIK siyang tumayo mula sa kama para tignan muli ang bintana. Hindi pala masiyadong maganda ang panahon. Malamig na talaga sa silid na iyon dahil air-conditioned, kaya naman hindi niya siguro naramdaman ang pagbabago ng temperatura.
Malilim sa labas, makapal ang mga ulap. Medyo malakas na rin ang hampas ng mga alon sa pampang sa ibaba bago ang mga puno.
Hindi naman siguro delikado rito kung babagyo man?
Kunot-noo niyang nilingon ang pintuan nang marinig ang pagbukas niyon.
Isang babae ang iniluwa niyon. Nagniningning pa ang mga mata nito nang makita siya, samantalang heto siya, nagtataka.
Sino ito?
Maganda ang babae, may maikli at itim na buhok, matangkad, balingkinitan ang katawan, may magandang tindig at katamtaman lang ang kulay.
Isa ba ito sa mga taong nakalimutan niya?
Kasi ngayon, ang paningin niya ay nakatuon lang sa maikli nitong buhok.
Hindi na siya nagtanong kung ano ang ginagawa nito rito, tutal mukha namang nakaguhit na rin sa mukha niya ang tanong niyang iyon.
"Ah... pasensiya na." Nakita niya kung paanong humigpit ang pagkakakapit nito sa doorknob, mukhang natauhan sa ginawa, nabigla rin sa sariling asta at may napagtanto.
Ngayon ay kalmado na itong naglalakad papunta sa kaniya, habang hindi pa rin siya gumagalaw.
Ang mga kamay nito ay itinago nito sa likuran. Ewan niya, siguro para mas magmukha itong kalmado at para mawala ang pagkailang sa paligid?
"Napadaan ako, kasi nalaman kong gising ka na raw," anang nito.
Naikom niya ang pagkakaparte ng kaniyang labi. Hindi niya alam kung magsasalita ba siya at kung ano ang dapat niyang sabihin.
"Pasensiya na rin," anang niya; sa wakas. "Hindi ko kasi alam kung sino ka-"
"D-don't worry!" Tila naiilang pa itong natawa sa kaniya. "Alam ko naman na, nagka-amnesia ka raw kaya wala kang maalala. Sabagay..."
Hinintay niya na ituloy nito ang sasabihin, pero hindi na iyon nasundan.
"Sabagay, ano?" anang niya.
"Wala! Wala!" Tumingkayad ito matapos huminga nang malalim.
Tinignan niya ulit ito mula ulo hanggang paa. Naroon pa rin naman ang pagkasabik nito, pero tila nako-control na.
"Kung ganoon... anong pangalan mo?" Interesado na rin naman siya, kaya itinanong niya na.
"My name is Dion!" Naroon na naman ang pagkasabik nito, tumindi, sumigla nang maramdaman siguro ang interes niya.
Medyo weirdo ang dating niyon sa kaniya.
"At ikaw ay...?" dugtong niya pa.
Umawang naman ang labi nito sa kaniya na tila hindi maintindihan ang tanong niya kaya hindi makasagot.
"Ako?" tanong pa nito, nakaturo sa sarili.
Tumango siya. "Ikaw... ano kita?"
Nanlaki ang nga mata nito. Naroon ang bakas ng pagka-aligaga, pero humapa rin.
"I think... I shouldn't said it this sooner. Kasi 'di ba, ang alam ko ay bawal pa?" Lumabas ang kompletong hanay ng puti nitong mga ngipin matapos ngumiti sa kaniya na tila nakahinga nang maluwag.
Wala nama siyang nagawa kundi ang tumango sa babae.
"Gabi na, gabi ka na dumalaw..." sinabi niya na lamang.
Sa totoo lang ay gabi naman na talaga, sinabi niya para hindi manatili ang katahimikan sa pagitan nila dahil maging siya ay naiilang na rin.
"Ah... kanina kasi, may ensayo kami?" Umabante ito, inikot ang paningin sa silid bago huminto sa sofa. Kagaya nang inaasahan niya ay umupo nga ito roon. Naging komportable, nakapatong pa ang dalawang braso sa sandalan niyon. "Lahat ng narito kasi may ensayo, bawal tanggihan, at beneficial din naman!"
Tipid siyang tumango bago nag-iwas nang paningin.
"Puwede ba akong magtanong ulit?" Hindi niya na mapigilan.
"Ah... sige." Pero ang pagpayag namab nito ay tila hindi pa sigurado.
Bahala na siguro.
"Mahalaga ka ba sa akin?"
Umere ang katahimikan sa pagitan nila. Lumamlam naman ang mata ni Dion sa kaniya, namula ang mga pisngi, naestatwa. Nang matauhan na naman siguro ay 'tsaka lang ito nag-iwas nang paningin at pekeng umubo.
"Ang sabi ko, 'di ba bawal ang tanong tungkol sa nakaraan mo? Bawal pa."
"Mahirap bang sagutin?" Pabiro niya pang itinanong.
Hindi naman mukhang natatawa ngayon sa sinabi niya si Dion, tumalim pa ang tingin sa kaniya.
"Kilala ba kita noon? O mahalaga ka sa akin?" At inulit niya iyon nang hindi niya marinig ang gustong marinig.
"I don't know whether to answer that or not, pero oo mahalaga ako... sayo." Matapos isagot iyon ay kaagad itong nag-iwas nang paningin sa kaniya.
Napansin niya rin na may pagkamaangas ang kilos nito, hindi babaeng babae.
Ilang sandali lang ay nagbalik na ito ng paningin sa kaniya. "Ano nga bang sabi ni Doc Gabby? Puwede ka na raw bang lumabas? Bukas? Sa isang araw?"
Hindi pa rumirehistro sa kaniya ang sinagot nito sa kaniya ay may panibago na naman itong itinanong. Mabilis itong magsalita, tila nagmamadali at tila may iniiwasan.
"Hindi pa... pero konting tiis na lang daw," sagot niya.
"I can make them release you fast," puno ng kompiyansa nitong sinabi.
Awtomatiko namang nagsalubong ang kilay niya, pero medyo natuwa rin siya. "Talaga?"
"Oo, gusto kasi kita sanang ayain diyan sa pampang." Nginuso pa nito ang bintana. Awtimatiko niyang nilingon ang tinignan niyang pampang kanina. "Mangingisda sana. Para makalabas labas ka na at nang hindi ka nababagot dito."
Napangiwi siya.
Masama kasi ang panahon.
Delikado kung mangingisda sila.
"Bukas, maayos na ang panahon. Kung iyon ang inaalala mo."
Nabigla siya nang mabasa nito ang nasa isip niya.
"At wala akong kapangyarihan o ano man. Obvious lang talaga sa mukha mo ang mga iniisip mo." Tumayo ito, kalmado at swabe pa rin ang galaw. "Mauna na ako, Skyler. Babalikan kita bukas." Itinaas nito ang kanang kamay at sumaludo sa kaniya. "Kita-kits."
Awang ang labi naman niyang pinanood ang pag-alis nito. Napaka misteryoso, tila nga bagyong dumaan lang sa silid niya.
Sino ba kasi iyon?
DINALA ni Dion ang kaniyang palad sa kaniyang dibdib na malakas na malakas ang tibokmatapos lumabas sa kuwarto ni Skyler. Ngayon ay nakasandal siya sa pinto niyon at ikinakalma ang sarili.
Grabe. Hindi niya alam na ganoon pala lalo ka-guwapo si Skyler kapag nakamulat.
Isang taon niya kasing nakita lamang ito nang nakapikit.
Iba pa rin pala talaga kapag nakikita ang mata ng isang tao. Tila nakikita niya kung ano ang nasa loob nito, at kahit walang eksaktong sinasabi o ipinapaalam ay nakikilala niya ito. Ganoon iyon kahiwaga para sa kaniya.
Kinagat niya ang labi, nagpatuloy sa paglalakad pabalik sa opisina ng kanilang lider kung saan niya nakitang nanggaling si John kanina.
Dalawang beses niyang kinatok ang pintuan niyon.
Ilang sandali lang ay narinig niya na ang boses nito. "Pasok."
Wala na siyang inaksayang panahon at tinungo na ang loob ng opisina.
"Kailan niyo ilalabas si Skyler sa kuwartong iyon?" Diretsa niya.
Huminto sa pag-ikot sa swivel chair si Christian, nakatagilid sa kaniya at nanatili ang paningin sa kaharap na pader.
"Sa pagkakaalam ko Dion ay wala ka namang kinalaman kay Skyler? Bakit mo itinatanong? May gusto ka na naman bang gawin?" Dirediretso nitong tanong.
Kumunot ang noo niya dahil hindi niya nagustuhan ang kasarkastikuhan nito.
"Gusto kong ilabas niyo na si Skyler doon. Magaling at gising na siya, hindi ba? Ilang araw niyo na rin siyang kinulong simula nang magising, tama na siguro iyon?"
Ni hindi man lang siya napapitlag nang ihampas ni Christian ang ballpen na hawak sa lamesa na kanina lang ay pinaglalaruan pa nito.
"Nagiging mayabang ka na naman, Dion."
Nag-iwas siya nang paningin. "Bakit, Kuya? Anong gagawin mo? Walang talab sa akin ang disiplina-"
"Naiintindihan mo ba? Hindi pa puwede! Ngayon pa lang ay wala nang ibang ginawa ang lalaking iyon kundi magtanong tungkol sa nakaraan at kung ilalabas natin iyon kaagad, hindi natin alam kung saan siya dadalhin ng kyuryosidad niya!"
Kinuha niya ang balisong sa kaniyang bulsa at ekspertong itinusok iyon sa lamesa nito.
"Kung ikukukobg niyo pa siya nang mas matagal, mas lalala pa sa inaasahan ang kyuryosidad niya. Itrato ba natin siyang normal dito, para unti-unti ay matatanggap niyang dito ba nga siya. Ang mga lider nga, kailangan din ng mga taga-payo. Malamang ikaw rin, Kuya. Kaya sana, tumanggap ka ng komento ng iba, ng nasasapian mo, ng kagaya kong malapit sa'yo."
Hinugot niya ang balisong nang mapatahimik niyon si Christian at muling binulsa iyon.
"Bukas, ilalabas ko na si Skyler."
Akma sana siyang aalis na nang magsalita pa ito.
"Hindi ko alam kung bakit atat ka, Dion. Pero sa oras na hindi mo napatunayan ang dahilan mo, gagawa ako ng paraan para hindi na natin kailanganin ang lalaking iyan at sinasabi ko, sa harapan mo, ako mismo ang babaril sa kaniya."
Kinuyom niya ang kamao niya, ngumisi na puno ng galit.
"Iyan ang sinasabi ko sa'yo, Kuya. Hindi lang ako ang masasagi sa banta mong iyan, pati si John."
"Seryoso ako sa sinasabi ko, Dion. Mas mahalaga ang layunin ang binuo kong samahan kaysa sa kahit na sinong tao."
Umawang ang labi niya matapos marinig iyon.
Kilalang kilala niya ang kapatid niya... pero habang tumatagal, parang hindi niya na ito kilala; ibang tao na nga siguro na wala ng pakiramdam.
Totoong mahalaga ang layunin ng organisasiyong ito, pero dapat bang kasama roon ang pagkawala ng simpatya nito?