08 (Part 2)

1425 Words
HALOS MADULAS PA SI SKYLER SA PAGMAMADALI para makapunta roon, pero nang madatnan niya ay talagang ahas nga lamang iyon. Hindi niya tuloy alam kung dapat bang makahinga na siya nang maluwag o maasar. Dahil doon ay siya na ang nagtaboy sa ahas. "Naku, malaki nga." Nadatnan pa siya ng ilang kasamahan na sumunod sa kaniya. "Kaya mo talaga?" Napangiwi siya. "O-oo, sanay na ako rito." Nahagip ng paningin niya si John na kagagaling lang sa pagtakbo at hinahapo, para siguro maabutan siya agad. Tila hirap na hirap pa nitong binitbit ang mga gamit nila. "Hayaan niyo, superhero 'yan," gatong nito sa mga kasamahan. Dahil doon ay nagtawanan ang mga ito. "Oo nga, e. Ang bilis." Hindi niya na lang pinansin ang komento ng mga ito, bagkus ay naghanap nang malayo-layong puwesto kung saan mailalagay ang ahas na dala gamit ang mahabang piraso ng sanga. "Hays..." Nangilabot pa siya nang mailapag iyon. Hindi naman talaga siya sanay sa ahas. Takot na takot nga siya nang unang makita si Erena, pero para hindi siya pag-isipan ng iba ay pinanindigan niya ang ginawa. Matapos ay agad siyang bumalik sa batis. Nagsisimula nang maligo ang mga kasamahan niya. Samantalang, si John ay nakaupo sa bato at hinintay siya. Maghuhubad na sana siya ng damit nang lapitan siya ni Travis. Ito ang madalas mapuri ng mga nagte-train sa kanila. Okay naman na sana ito, kung hindi lang mahangin. "Kung kailan wala ang Commander, saka ka yata nagpabibo?" Agad na nagsalubong ang mga kilay niya. "Anong sinasabi mo?" Sinubukan niya pang sabihin iyon nang pabiro, pero mukhang seryoso talaga ito. "Anong pinag-usapan ninyo ni Commander noong nakaraang araw?" Kung hindi siya nagkakamali, ang araw na tinutukoy nito ay ang araw na ipinatawag siya para tanungin ang tungkol kay Erena. "Mukhang nagiging paborito ka na ni Commander, ah. Paano mo 'yon ginagawa?" Gusto niyang matawa nang maramdaman ang inggit nito. At anong paboritong sinasabi nito? E, halos araw-araw na nga siyang pinagagalitan ni Commander Chavez. "Training pa lang naman ito, huwag mo masyadong seryosohin. Pantay-pantay pa rin tayo, walang nakakaangat at paborito." Umangas ang tingin sa kaniya nito. "Ganoon iyan kadali sabihin. Paano ba naman, ikaw kasi ang paborito. Kung hindi, nasaan ka ba gabi-gabi? May sikretong lakad para sa 'yo?" Nakaramdam siya ng gulat. Mukhang hindi lang si John ang nakakaalam ng pag-alis niya gabi-gabi. Bukod doon, sana ay iyon lang ang nalalaman nito at walang tungkol kay Erena. "Uy, ano na?" Sumulpot si John sa gilid niya, sandali pang dinapuan ng paningin si Travis na kunwaring nag-uunat. "Mauubos na ang oras natin, maligo na tayo." Inakbayan siya ni John at inilayo kay Travis. Samantalang, hinabol niya pa ng paningin si Travis na hanggang ngayon ay may nang-uusisa pang tingin. "Layu-layuan mo si Travis. Traydor 'yon." At ito lang yata ang unang beses na gusto niyang magpasalamat kay John. Dahil sa totoo lang ay hindi siya magaling magsinungaling, mabuti na lang at inilayo siya roon, baka kung ano pang masabi niya at lalo itong maghinala. "Gusto kasi niyon ay siya ang paborito. Palibhasa lagi kang kausap ni Commander," dugtong ni John habang naghuhubad na ng damit. Ganoon na rin ang ginawa niya para makaligo na. "Kausap, para pagalitan. Ano namang nakakainggit doon?" "Ewan ko riyan." Nagkibit-balikat si John sa kaniya. Natapos silang maligo. Gun firring ang sunod nilang task. Pinangunahan ni Travis ang pag-aayos sa field na gagamitin nila. Isa naman siya sa mga nanonood lang. Hindi ba? Kung siya ang paborito, sa kaniya sana inatas ang pamumuno sa pag-aayos niyon. "Yabang, 'no?" Bumulong-bulong pa si John sa tabi niya. Natawa na lang siya at hindi nagkomento. "Totoong baril ang gagamitin, 'di ba?" tanong ng isa sa mga kasamahan nilang nakaabang. "Aba, malamang. Alangang laruan? Magagamit mo ba 'yon sa labanan?" anang naman ng isa. Si Erena? Lalabas kaya ito? Delikado ang mga ligaw na bala. Babawalan naman siguro ito ni Commander. Hindi niya tuloy mapigilan ang hindi mag-alala para rito. Mula naman sa gilid ay inaayos na ang mga baril na gagamitin. Napalunok siya nang makita ang snipper. Delikadong talaga. "Baguhan ka sa trainings?" Napapitlag siya nang mula sa tabi niya ay sumulpot si Romulo. Ayos. Sa lahat ng mga kasamahan niyang nakakalat rito ay siya pa ang tinabihan at kinausap nito. "H-hindi naman po, pangalawa ko na ito." Tumango ito sa kaniya. "Pangalawa na, pero hindi alam ang mga patakaran? Hindi isinasapuso?" Umawang ang labi niya. Agad na hinanap ng paningin niya si Travis. Nakatingin na ito sa kanila habang inuutusan lang ang ilan sa mga kasamahan niya na mag-set up. Nabuo ang hinala niya nang ngisian siya nito. Nagsumbong si Travis. Ayos. Hindi naman siya makasagot. Hindi rin basta-bastang puwedeng sagutin ang senior niya. Siguradong masasaktan siya nang harapan man o patago. Tinapik nito ang balikat niya na tila pinapakalma siya. "Parang natatakot ka?" Natatawa nitong sinabi. "Hindi mo kailangang matakot, kung papanig ka sa akin, hindi ba?" Sa ikalawang pagkakataon ay umawang ang labi niya rito. Naiintindihan niya na hindi ang sinasabi nito, pero iisa lang ang ibig sabihin. Kumpirmasiyon iyon na may pangkatang nagaganap sa kampo. Naiilang siyang natawa, trinato niya na lang iyon na biro para hindi niya na kailanganing sumagot. "Liu!" At maraming salamat sa Commander na tinawag siya. Mukhang kararating lang nito. "Yes, Sir!" Tumakbo siya agad at sumaludo rito. Sandali lang siyang tiningnan ng Commander bago nagbalik ng paningin kay Romulo. Mukhang natunugan na rin nito ang mga sinasabi sa kaniya. "Sa lahat ng narito, kay Romulo ka pinakamag-ingat." Pabulong iyon nang sabihin nito. "Yes, Sir." Sandali niyang tiningnan si Romulo na may pekeng ngiti sa labi para sa Commander nila. Iba rin talaga ang pakiramdam niya rito. "Ingat, Liu." Napailing pa ang kanang-kamay nito na si Santos sa kaniya. Natapos ang training. Pakiramdam niya ay nagawa niya ang best niya dahil hindi rin naman siya napuna, pero talagang kataka-taka ang pagpapalitan ng tinginan ng Commander nila at ni Romulo. Nang makita niyang tulog na si John ay nagpasya na siyang lumabas ng tent para puntahan si Erena, ngunit pagkalabas niya ay nakaabang na ang Commander sa kaniya. Akala niya ay nakauwi na ito. "Commander," tawag niya. Napatango ito ay inakay siya palayo sa tent. "Iwasan niyo munang magkita." "P-po?" Naguguluhan niyang tiningala ito. "Nagmamanman ang mga iyon at alam kong hindi mo naman gugustuhin mapahamak si Erena." Tinapik siya nito sa balikat. "Mauna na ako, mag-iingat ka rito." Hindi na siya nakapagsalita at awang ang labi na pinanood ang Commander nila na unti-unting naglalaho sa paningin niya habang lumalayo ang distansiya nila. Kinagat niya ang kaniyang labi. Maghihintay si Erena. Nangako siyang pupunta siya araw-araw kahit na anong mangyari. Hindi niya man lang nasabi sa Commander ang tungkol doon sa pagkagulat kanina. "Stress ka?" Nang lingunin niya ang magsalita, si Travis pala iyon na mayabang nang nakatayo sa likuran niya. "Mukhang may bilin ang Commander sa 'yo, ah?" sabi nito. "Mukha ring maaga pa tayo bukas. Matulog na tayo—" Sinubukan niyang lagpasan ito, pero ganoon din siya kabilis na naitulak nito pabalik sa puwesto. Kunot-noo niya itong tiningnan mula sa pag-upo sa lupa. "Anong problema mo?" tanong niya. Nawala ang pekeng ngiti sa labi ni Travis at napalitan ng seryosong ekspresiyon. Ilang segundo lang ay lumabas na mula sa gilid nito ang ilan sa mga kasamahan nila. "Anong..." Magtatanong pa sana siya nang inangat siya ng mga iyon habang hawak ang magkabilang braso niya at unti-unti siyang inilalayo mula sa kampo. "Bitawan niyo ako!" Ginawa niya ang makakaya niya para manatiling kalmado kahit na alam niya kung saan na ito papunta. "Bakit? Magsusumbong ka kay Commander?" tudyo ni Travis. Nagtawanan ang mga may hawak sa kaniya habang patuloy siya sa pagpiglas. "’Eto!" Halos maduwal siya nang matanggap ang suntok ni Travis na dumapo sa sikmura niya. "B-bitawan niyo ako. Pareparehas tayong mapaparusahan kapag nalaman ito ng mga senior natin—" "Depende kung magsusumbong ka?" Hinila ni Travis ang suot niyang T-shirt. "E, magsusumbong ka ba?" Muli siyang nakatanggap ng sapak sa mukha kaya kahit na inangat siya ay muli siyang natumba. Walang kapaguran ang mga ito. Tatlo laban sa isa. At walang balak na pakinggan siya. Siguradong hihinto lamang ang mga ito kapag talagang hindi na siya makatatayo sa pagkabugbog-sarado. Tinanggap niya ang bawat sipa at suntok ng mga ito nang manawa nang lumaban, pero hindi rin nagtagal ay nanawa ang mga ito sa pagbugbog sa kaniya. Iniwan siya ng mga ito na bugbog-sarado at hindi na makagalaw para bumalik man lang sa kampo. Pero iisa lang ang nasa isip niya. Si Erena na naghihintay sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD