08 (Part 1)

1100 Words
PAREHAS SILANG NATAHIMIK NI ERENA matapos ng mga pinag-usapan. Parehas hindi sigurado kung kailan ba matatapos ang mga naroon sa itaas. Mabuti na lang at ilang sandali lang, nakarinig na sila ng mga yabag ng paa. Iyon ay ang kasambahay ng mga ito sa mansiyon na kung tawagin ay Manang Tessing. Dala nito ang isang tray ng pagkain, nakakita rin siya ng injection. "Kumain na muna kayo," sabi nito. Agad naman siyang tumango pero pinauna na kumain si Erena bago inabot ang pagkain na para sa kaniya. "Konting tiis na lang. Makababalik ka na sa kampo, Totoy." Tumango lang siya sa matandang babae at nagpatuloy sa pagkain. Napansin niyang may katandaan na ngang talaga si Manang Tessing. Ano kaya ang reaksiyon nito nang unang makita si Erena? "Ano iyon, Hijo?" Nahuli siya nitong nakatingin dito. "Para saan po ang injection?" Dumapo ang paningin niya sa injection. Naramdaman niya naman ang pagtingin ni Erena sa kaniya. "Ah, ito ba?" Kinuha nito ang injection sa tray na nakalapag sa lamesa. "Hindi kasi gusto ni Sir na pinapakain ng mga buhay na hayop ang mga kakambal ni Erena, kaya't para makuha ang kaparehas na sustansiya ay humanap kami ng alternatibo. Sa injection na ito, naroon lahat ng mga sustansiya na bubuhay sa mga kakambal ni Erena." Umawang ang labi niya sa pagkamangha. Talagang iniingatan ng mga ito pati ang mga kakambal ni Erena. Ibig sabihin ay ganoon nga kahahalaga ang mga ito. "Paano kapag hindi napakain ang mga ito o naturukan?" Natahimik ang dalawa sa itinanong niya na mukhang walang balak sagutin iyon, pero iginagalang niya naman iyon. "Medyo na-curious lang po ako. Ayos lang na hindi ko malaman." Sinubukan niyang alisin ang katahimikan. Sa wakas ay tahimik lang na napangiti si Manang Tessing bago inilapag ang injection. Bahagya naman niyang naramdaman ang pagkalungkot ni Erena bago ito nagtuloy sa pagkain. "Iisa lang ang kaibigan ni Erena, Skyler. Masaya ako na dumagdag ka at naniniwala akong hindi ka gagawa ng bagay na ikasasakit ni Erena, kaya huwag mo akong bibiguin." Nakaramdam siya ng konting kaba, pero agad ding tumango dahil sigurado naman siyang hinding-hindi niya gagawin ang bagay na iyon. "Ay siya, kumain na kayong dalawa." Muli nitong kinuha ang injection at itinurok kay Erena. Umakto naman ito na tila sanay na. "Kailangan ko nang magmadali, kailangan din ako sa itaas. Ikaw Skyler, aalis ka kapag wala na ang mga bisita ni Sir. Iyon ang bilin niya." "O-opo," sagot niya. Sumenyas pa ito sa kaniya bago tuluyang umalis. Bumaling naman siya kay Erena na tahimik pa rin habang kumakain. Sigurado siyang lungkot ang nakita niya sa mukha nito nang itanong niya ang tungkol sa mga kakambal na ahas kanina. "Gaano na katagal sa inyo si Manang Tessing?" Nag-angat ng paningin sa kaniya si Erena. Natagalan bago ito sumagot ng, "Simula noong binata pa si Daddy, helper na siya nila." "Ah..." Kunwari siyang tumango. Gusto niya lang naman na maalis ang lungkot ni Erena at malihis iyon kaya siya nagtanong. "Isa rin sa natakot sa akin si Manang..." sabi nito na tila sinasariwa iyon. "Ang sabi nga ni Daddy, magre-resign na sana si Manang, pero nang makita raw akong masaya sa buhat niya, nagpasya siya na samahan kami hanggang dito." Napangiti siya. Iyon din kasi ang naramdaman niya noong oras na magkakilala sila ni Erena. Takot na takot siya, pero may kung ano rito na makukuha ang loob ng isang tao. Puro. Iyon si Erena. Tinapos nila ang pagkain. Eksakto namang natapos ang nagkakasiyahan sa itaas, doon niya na napagpasyahang tumakas. "Sana bukas, masaya ka na." Kinausap niya ang natutulog na si Erena. Mukhang hindi pa ito komportable sa puwesto sa sofa. Halos isiksik na kasi nito ang sarili para magkasya. "Sandali," sabi niya. Marahan niyang binuhat si Erena habang siniguradong hindi ito magigising bago inayos ang higa sa sofa para makatuwid ito. Nang maibaba ay sandali lang na gumalaw si Erena, pero salamat naman at hindi nagising. Agad siyang naghanap ng kumot na naroon at ikinumot dito para hindi lamigin. "Kailangan mo nang makabalik sa kampo habang wala pa roon ang ilan sa mga kasamahan ko." "Sir, Yes. Sir!" Sumaludo siya sa Commander. Doon niya lang napansin ang pagod na pagod ang anyo ng Commander nila. Bumaba pa ang paningin nito kay Erena na ngayon ay nasa likuran niya, bago muling ibinalik ang paningin sa kaniya. "Mauna na po ako, Commander." "Liu." Aalis na sana siya nang tawagin pa siya ng Commander kaya naman awtomatiko siyang napahinto. "Kahit anong mangyari, huwag na huwag mong ilalabas ang tungkol kay Erena, lalong-lalo na sa mga kasamahan natin sa kampo." Hinintay niya munang manuot sa isip niya iyon bago siya napatango. "Delikado ang mga kasamahan ko, kaya sana ay maunawaan mo." "Walang problema, Commander. Hinding-hindi ko ilalagay sa kapahamakan si Erena. Gaya ninyo, mahalaga na rin sa akin si Erena bilang kaibigan." Bahagya pa siyang tinitigan ng Commander bago ito tumango-tango, senyales na maari na siyang makaalis. Kinabukasan ay wala namang masyadong nakapansin na nawala siya, maliban siyempre kay John na halos maging security guard na ng tent niya. "Nakakatulog ka pa ba? Kagabi, wala ka na naman." Habang papunta sa batis upang maligo ay binuksan ni John ang usapan tungkol doon. Agad niya namang tiningnan nang masama si John nang makitang ilan sa mga kasamahan nila ang napatingin sa gawi nila. "Sa susunod mo na kaya itanong 'yan? Kapag napahamak ako sa lakas ng boses mo, ako mismo lulunod sa 'yo sa batis." "At palagi na lang bayolente ang mga sagot mo." Ngumuso pa ito na tila nagtatampo. Hindi niya na lang pinansin ito at nagtuloy sa paglalakad. Nahinto lang sila nang isa sa mga kasamahan nila ang tumakbo pabalik. "May ahas!" Agad na bumilis ang t***k ng puso niya nang marinig iyon. Hindi maaari, si Erena. "Hawakan mo 'to." Hindi niya na hinintay ang sasabihin ni John at inabot na rito ang towel at mga damit na pamalit niya. "H-hoy! Sandali!" Hindi niya na nilingon si John na hindi magkandaugaga sa mga dala-dala. Kailangan niyang mapuntahan si Erena at mailayo roon. Hindi ito maaring makita ng mga kasamahan niya. "Ako na!" Halos itulak niya ang mga pupunta sana sa gawi ng batis. "A-ako na." Samantalang, nagtataka naman siyang tiningnan ng mga ito. "Baka hindi mo kayanin. Malaki raw iyon sabi ni Ton." "At saka ano bang problema mo? Mas marami, mas madaling maitataboy," anang pa ng isa na may kaunting bahid ng inis ang boses. Hindi na siya makapagsalita. Wala siyang magawa kundi bilisan ang pagtakbo para siya ang mauna roon dahil hindi niya mapipigilan ang mga iyon sa oras na makita si... Erena.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD