NAKABALIK sila sa kampo. Siyempre hindi matatapos ang araw na hindi siya haharangin ni John para tanungin. Napagpasiyahan niya naman lang na igugol ang natitirang oras para sa araw na iyon sa pag-e-ensayo para bukas.
"Obsessed na nga yata talaga si Catalina sa'yo."
Tinira niya ang target, biglaan iyon kaya naman napatalon pa si John.
"Teka, nambibigla! Galit ka ba? Kalma ka lang, p're. Makaka-attend tayo sa debut ni Erena."
Nahinto siya. Hindi lang pala iyon basta birthday, debut. Mag-e-eighteen pa lang pala si Erena at isang taon ang agwat nila.
Espesiyal ang araw bukas.
"O?" si John. "Nandito ulit 'yung Louie."
Tuluyan nang naagaw niyon ang atensiyon niya. Si Louie nga iyon na papunta sa Commander nila. Base sa hula niya ay mukhang kinukumusta nito ang lakad nila kanina.
Siniko siya ni John nang parehas nilang mapansin na nasa kaniya ang paningin ng Commander at ni Louie.
"Ba't sa'yo nakatingin?"
Hindi niya rin alam. Bakit nga ba?
Sumapit ang gabi at naroon pa rin si Louie. Siguro ay gagawin na nitong routine ang pagpunta punta sa kampo, sabagay, hindi niya rin nga alam kung magtatagal ito rito. Maaaring mauna siyang umalis pagkatapos ng training at maiwan ito sa tabi ni Erena.
Hindi ba't dapat ay maging masaya na lang siya na may maiiwang kaibigan rito si Erena?
"Ang weird din ni Governor, 'no? Siguro ganoon lang talaga ang mga old rich, ini-spoil ang mga anak, pero hindi ko alam na puwede palang umabot sa punto na kahit love life pinapakialaman, ikukunsinti."
Itinuon niya ang atensiyon sa pagkain.
"Bakit nga ulit ayaw mo kay Catalina?" patuloy pa nito. "Ilang ulit ko nang tinatanong, ni minsan hindi mo naman sinagot."
Hindi niya ugali ang magkalat ng baho ng iba.
"Hindi ba siya maganda para sa'yo? Kasi kung para sa akin naman, masasabi kong talagang maganda si Catalina. Tapos si Erena, cute lang."
Awtomatikong nagtaas ng kamay si John, akmang sumusuko nang tignan niya na ito nang masama.
"Okay, okay. Hindi nga pala uso pagdating sa'yo ang opinyon." Umasta pa itong nagzi-zipper ng bibig.
Napailing na lang siya at nagtuloy sa pagkain.
"Ikaw si Skyler?"
Umere kaagad ang katahimikan sa pagitan nila ni John nang mula sa harapan nila ay sumulpot si Louie. Maganda ang pagkakangiti nito, hindi rin naman mayabang tignan ang tindig at ang mga kamay ay nasa likuran. Ganito lumapit ang mga taong pala-kaibigan sa mga estrangherong kagaya nila.
"Oo, siya si Skyler." Si John na ang sumagot, marahil nahinuha na wala siyang balak magsalita.
Naiilang na ngumiti ito. Naramdaman siguro kaagad na hindi niya gustong nasa harapan niya ito ngayon.
"Can I talk to you?"
"Kausap mo na ko, hindi ba?" sagot niya.
Si John naman ang naiilang na natawa.
"Hoy... Sky," pabulong pa siya nitong sinuway.
"I mean, in private."
Nagtagal ang paningin niya rito bago siya napabuntong-hininga at tumayo. Kung ano man ang sasabihin nito ay wala siyang ideya, pero nakita niya naman pursigido itong makausap siya kaya pumayag na siya.
Nahagip pa ng paningin niya ang Commander nila na sinundan siya ng paningin.
Limang metro mula sa kalbong parte ng kampo ay lumayo sila para makapag-usap. Pinakiramdaman niya naman ito mula sa likuran niya kung kailan magsisimula.
"Napansin na kita noong unang punta ko rito, kaya medyo hindi pa ako makapaniwala na ikaw pala si Skyler."
Tamad niyang nilingon ito nang nakapamulsa.
"Tito told me that you and Erena are not on good terms right now."
Hindi siya sumagot.
"At posibleng hindi ka makapunta bukas, para sa birthday niya."
Kung ganoon ay iyon pala ang pinag-uusapan ng mga ito kanina.
"Ano ba si Erena para sa'yo?"
Umawang ang labi niya. "Ikaw, ano sa'yo si Erena?"
Lumitaw ang mapaglarong ngiti sa mukha ni Louie. Tila ba namamangha at natutuwa sa reaksiyong pinakita niya.
"Galit ka ba?" anang pa nito.
Inayos niya ang sarili. Tama, wala naman itong kasalanan sa kaniya, bakit kung makaakto siya ay para bang galit pa siya?
"Or jealous?"
"Sabihin mo na ang kailangan mo sa'kin."
Naroon na naman ang namamangha at natatawa nitong ekspresiyon. "Ganito siguro talaga ang mga nakalinya ng magiging sundalo, kahit dumating akong kalmado, para bang uuwi akong may bala sa ulo."
Bakit ba kasi hindi na lang nito sabihin ang gustong sabihin, hindi pinapaikot pa siya nito.
"Kaya ko tinanong, para masiguradong hindi mo pinaglalaruan lang ang damdamin ni Erena. You don't know how precious she is to us," anang pa nito. "I don't want to see her sad any longer, kaya ayoko na rin sanang makitang mabibigo na naman siya dahil sa ipinangako mo."
Natahimik siya, bagama't naroon pa rin ang matalim na tingin niya rito.
"Kung hindi ka makapupunta, masabi mo man lang sana sa kaniya." Tumalikod ito, ngunit nahinto rin sa akmang paglakad bago siya nilingon. "Nga pala, salamat na naging kaibigan ka ni Erena kahit na sa maikling panahon lang habang wala ako. I just want to say that you don't have to worry anymore, 'cause starting from now on... I'll stick by her side."
Doon natapos ang usapan nila.
Ilang minuto pa siyang nahinto roon. Nang makabalik naman siya ay wala na ang Commander, si Santos at Louie.
"Anong nangyayari sa kampong ito? 'Interesting' sa ingles. Tingin mo, Skyler?" Makahulugang sinabi iyon ng senior niya na si Romulo.
Sumaludo lang siya bilang paggalang, pero hindi sumang-ayon.
"Sinabi ko naman sa'yo, hindi ka sana sunod-sunuran kung sa amin ka pumanig." Bahagya pa itong lumapit sa kaniya para maibulong iyon.
Sumaludo pa ito pabalik sa kaniya bago ito umalis sa harapan niya para tumuloy sa malaking tent ng mga seniors.
Napapikit na lamang siya kasabay ng paghugot niya nang malalim na buntong-hininga, 'tsaka siya dumiretso kay John na nakaabang na.
"Ah... puwede mo ba akong samahan?"
Takang umawang ang labi ni John sa kaniya. "Ha?"
Huminto silang dalawa sa tapat ng gate ng mansiyon nila Erena.
"Sigurado ka ba rito, Sky?"
Pinagmasdan niya ang mansiyon bago siya nanguna sa paglalakad.
WALANG emosiyon na pinagmasdan ni Erena ang mga disenyo para sa kaarawan niya, lahat ng mga iyon ay kararating lang sa mansiyon. Tinotoo nga ng Daddy niya ang hiling niya, party...
"Lalong mas exciting kapag ikinabit na lahat ng iyan bukas!" si Manang Tessing.
Tipid lang siyang ngumiti.
"O, saan ka pupunta?" Tinuro niya iyon mula front door. "Labas po, sa garden."
Dumiretso na kaagad siya roon nang tumango sa kaniya si Manang Tessing, pero hindi naman nakatakas sa paningin niya ang naaawang tingin nito sa kaniya.
Napapitlag siya nang sumulpot sa gilid niya si Louie.
Kauuwi lang yata nito galing sa kampo.
Bata pa man sila ay gusto na nitong magsundalo, pero hindi naman iyon ang gusto ng parents nito, masunurin si Louie kaya kahit labag sa loob ay sinunod nito ang mga magulang.
Kaya ngayong bakasiyon nito mula sa eskuwela ay nilulubos nito ang oras para maaliw ang sarili at mapunan ang kagustuhan noong pagkabata.
"Nag-iisa ka na naman." Bumaba pa ang paaningin nito sa suot niyang bracelet. "It looks nice."
Dahil doon ay sinipat niya rin ang suot na bracelet.
"It suits the night, really cute."
Tumango lang siya bago naupo sa bench na naroroon para tignan ang kalangitan.
Sumunod naman kaagad si Louie sa kaniya.
"Hulaan mo ang birthday gift ko," anang pa nito.
Sandali niya lang itong tinignan. Alam niya namang kinakausap lang siya nito para hindi tuluyang lumipad ang isip niya.
"Ano?"
"You told me you wanted 'that' necklace, right? The one that you sent me using Manang Tessing's social media account."
Umawang ang labi niya. "Binili mo 'yon?"
"Yep." Tumango ito. "That was supposed to be a surprise... pero mas excited pa yata ako sa'yo, so..."
Hindi niya naman inaakalang bibihin iyon ni Louie. Nagustuhan niya lang naman iyon dahil may kahawig na palagi niyang nakikita.
"Thank you, Louie..."
"You're welcome." Ginulo nito ang buhok niya.
Natigilan siya nang may maalala, pero kaagad niyang inilihis ang isip.
"A smile for a thank you is enough already," pagpaparinig pa nito.
Napangiti tuloy siya dahil doon.
Mula sa pagkakadapo ng paningin niya sa lupa ay napunta iyon sa harapan nang marinig ang musika, likha ng isang instrumento... gitara?
At ang may hawak ng gitara na iyon ay walang iba kundi si Skyler.
Kaagad niyang inilibot ang paningin. Mukhang gulat din si Louie, samantalang sa likuran naman ni Skyler ay naroon si John na sumasayaw kasabay ng pagtugtog ni Skyler.
Nang tignan niya naman ang bandang gilid niya ay nangunguna sa paglabas ng mansiyon ang Daddy niya kasunod si Manang Tessing at si Santos. Nangunguwestiyon niya pa itong tinignan, pero inilahad lang ng Daddy niya si Skyler, kaya naman wala siyang ibang pagpipilian kundi bigyang pansin ito.
At ang tinutugtog nito, tila ba hindi niya pa naririnig.
"Sana ay alam mong natatangi ka, kung nakikita mo lang kung gaano ka kaganda kapag nasisinagan ng buwan ang iyong ngiti... ang iyong mata... Sana ay alam mo kung gaano mo ako napapahanga..."
At ang gitarang hawak ni Skyler ay ang gitara ng Daddy niya sa basement.
Bakit ngayon ito tumugtog...?
"Ligaya ang nadarama sa tuwing kausap ka... gusto kong hinahawakan ang iyong kamay, panggabay at ika'y nagtitiwala. Kung puwede lang na hindi matapos ang gabi... kung puwede lang na ipalit ang bawat umaga na mayroon ako sa gabi na tayong dalawa ay magkasama... Sana ay hindi ako nagkulang na ipaalala..."
Nag-iwas siya ng paningin bago nabawi ang lakas para makalayo matapos manlambot ng tuhod niya sa boses nito.
Awtomatikong nahinto sa pagtugtog si Skyler, hinabol siya, pinigilan gamit sa paghawak ng braso niya na kaagad niya ring binawi.
"Erena..." tawag nito sa kaniya.
"Narinig mo ang sinabi ko, ayaw na kitang makita!"
Umere ang katahimikan nang magtaas siya ng boses.
Samantalang walang bakas ng takot sa mga mata ni Skyler kundi pagsusumamo.
"Umalis na kayo!"
Naudlot ang sanang paghawak nito sa kaniya.
"Alam kong nandito ka ngayon, dahil bukas, hindi mo na naman matutupad ang pinangako mo sa'kin. Hindi mo na kailangang isipin 'yon, Skyler. Dahil simula ngayon? Wala na akong naaalala sa lahat ng mga pinag-usapan natin."
Walang pagdadalawang-isip niya itong tinalikuran. Narinig niya pa ang pagtawag sa kaniya ni Manang Tessing, pero tinakbo niya na ang daan para magkulong sa silid.
Tumatak pa sa isip niya ang pagbagsak ng balikat ni Skyler matapos niyang sabihin iyon.
Para saan pa iyon?
Hindi niya maintindihan.
Iisa na lang ang pinanghahawakan niya, sa araw na lang sana ng kaarawan niya... ngunit heto, bigo na naman siya.
Tinakpan niya ang labi para mapigilan ang paghagulhol.
Nabibingi siya sa sarili niyang emosiyon kaya kahit ang pagtawag at pagkatok ng mga ito sa pinto ay hindi niya na narinig.
Nakatulog siya sa ganoong estado at nagising na lang na nasa sariling kama na siya. Inilipat marahil siya roon nang mabuksan ang pinto niya.
Nang bumangon siya ay si Louie kaagad ang bumungad sa kaniya.
"Your Dad has already been to the camp. Binilin ka niya sa akin, uuwi rin daw siya pagkatapos ng assessment doon."
Assessment...
Kaagad siyang napabangon. Ganoon din naman siya kabilis na napigilan ni Louie.
"Where are you going?"
Hindi siya nagsalita, kundi ay mas nagpumilit pang makaalis sa pagkakahawak nito.
"Umalis na si Skyler."
Tila ba nawalan siya ng enerhiya.
"Hindi niya na raw gagawin ang assessment."