17

1987 Words
HINDI roon natapos ang pagmamasid nila kay Louie. Hindi siya mapakali sa bawat araw na lumilipas. Para bang gusto niyang siya ang kasama nito... gusto niyang siya na lang ulit ang kasama nito kagaya ng dati. Kahit ilang oras lang tuwing gabi, tinatanaw ang bilog na buwan sa tapat ng talon. Ngayon kasi ay siya na lang ang mag-isang nagpapabalik balik doon, umaasang isang gabi ay pupunta si Erena roon, pero hindi. Hindi nangyari. Sinusubukan niya ring pumunta tuwing umaga, tuwing may libreng oras, kagaya na lang ngayon. Umaga, mataas ang sikat ng araw, malinaw ang paligid, pero walang kahit anong bakas ni Erena. "Wala pa rin, ano?" Sumulpot na lang si John sa likuran niya. Sinundan siya. Umiling siya. Nasa iisang lugar sila, pero para bang ngayon ay magkalayo na ang mundo nila, hindi kagaya ng dati. "Hayaan mo, bukas, kapag nagalingan si Commander makikita at makakausap mo rin si Erena." Tinapik ni John ang balikat niya. Natawa na lang siya, pero naroon pa rin ang lungkot sa boses. "Nga pala, pinapahanap ka ni Sir Santos." Kaagad silang pumunta sa kampo. Kapag ganito kasi, siguradong may emergency, kaya naman ngayon pa lang ay iba na ang kaba niya. "Sir." Sumaludo siya rito. Pasimple niya pang tinignan ang paligid. Kanina lang ay narito ang Commander. Umalis na? "Bumaba ka, naroon na si Commander. Sabay na raw kayong pupunta sa bahay ni Governor." Umawang ang labi niya. Naramdaman niya pa ang nagtatakang paglingon sa kaniya ni John. "T-teka, Sir. Bakit kasama ako?" tanong niya. "E, baka kasi paborito ka ng lahat?" sumingit pa si Travis. "Ang alam ko ay inimbita si Commander sa pananghalian at personal na ni-request ni Governor na isama ka." "Naks, paborito nga," sa ikalawang pagkakataon ay sumingit si Travis. "Asuncion." Doon na ito sinaway ni Santos. "Sige na, Skyler." Kahit hindi pa siya sigurado ay napatango na lang siya. Para saan ang tanghalian na iyon at talagang isasama pa siya? "Tingin mo... dahil kay Catalina kaya ka ni-request?" si John. Nagkibit-balikat siya. Kung oo man, pakiramdam niya ay hindi na kaagad siya matutuwa sa kahihinatnan. Naabutan niyang naghihintay sa sasakyan ang Commander. Hindi niya alam kung bakit iba ang pakiramdam niya sa naramdaman nito ngayon. "Sumakay ka na." "Sir, Yes. Sir!" Kaagad siyang sumaludo rito bago sumakay sa sasakyan. Walang kibo ang Commander habang pinapaandar ang sasakyan, hindi niya tuloy alam kung ano ang iisipin niya. "Hindi ko alam na kilala ka pala ng Governor." Napayuko siya. Sa kasamaang-palad, oo. "Anong koneksiyon mo sa kaniya?" dugtong na tanong naman nito. "Po?" Ang tono kasi nito, tila nanghihinala. Hininto nito ang sasakyan sa gilid ng kalsada. Hindi pa sila gaanong nakalalagpas sa liblib na parte ng daan. "Ipinadala ka ba ng Gobernador para alamin ang tungkol kay Erena?" Umawang ang labi niya. Ngayon naman ay inaakusahan na siya? Napabuntong-hininga siya. "Pumasok ako sa kampo nang hindi alam na may Erena, Commander." "Madali lang magsinungaling, Liu. Ayoko sa lahat ay ginagago pa ako-" Hinugot niya ang baril nito at itinutok sa ulo niya. Bagay na hindi inaasahan nito. Nang kakalabitin niya na sana ang gatilyo ay kaagad na inagaw iyon ng Commander at ibinalik sa bulsa. Lumabas ito mula sa sasakyan, pabagsak na sinarado ang pintuan nito at paulit-ulit na sinipa at sinuntok ang sasakyan; naglalabas ng galit. Lumabas na rin siya sa sasakyan at kaagad na pinigilan ito. "Commander." Hindi niya inaakalang masasaksihan niya ang pag-iyak nito. Iyak miserable, bakas ang takot. "Sana... hindi ko hinayaan si Melissa na gawin iyon kay Erena..." Napayuko siya. Hindi niya kayang manood na lamang habang ang isang Ama ay umiiyak para sa anak. Masama ba kung sasabihin niyang naiinggit siya? Dahil hindi niya na mararanasan ang bagay na iyon. Melissa? Kung ganoon ay Melissa ang pangalan ng siyentistang gumawa kay Erena, na siya ring Ina nito. "Kung hindi sana ako nabulag sa pagmamahal ko sa kaniya." Puno ng pagsisisi ang pagsigaw nito. "Kasalanan ko ang lahat! Kasalanan ko kung bakit hindi normal si Erena... kung bakit hindi man lang siya makalabas sa letseng gubat na iyan..." Alanganin niyang inilagay ang palad sa likuran nito, pero nang hindi naman ito umalma ay ipinagpatuloy niya ang paghagod sa likuran nito upang pakalmahin. "Sana ay hindi siya nahihirapan ngayon, Liu." "Nakausap ko si Erena tungkol sa bagay na iyan Commander." Unti-unting natahimik ito, para makinig sa kaniya. "Napaka buting bata ni Erena, napaka maunawain, pero tama kayo, Commander. Mali pa rin at ngayon, nahihirapan si Erena." Inalala niya ang araw na iyon. "Alam niyo ba kung anong sinabi niya?" anang niya pa. "Mahal niya pa rin ang Mommy niya at nagpapasalamat pa rin siya na binuhay siya nito at nakita niya ang mundo, na hindi siya nagpatawad dahil kailanman ay hindi siya nagtanim ng sama ng loob, na kahit ganoon siya, pakiramdam niya ay napaka ginhawa pa rin ng buhay niya." Unti-unti ring natawa si Commander. Naroon ang pagkamangha at pagmamalaki para sa anak. "Naging mabuting Ama ka pa rin, Commander. Dahil din sa'yo kung bakit lumaki si Erena na marunong magpahalaga sa maliliit na bagay, na marunong makontento at nang mapagmahal. Kung malalaman ni Erena na ganiyan ang iniisip ninyo, siguradong mas malulungkot lang siya." Marahan siyang tinapik sa balikat nito, napapailing at tila natutuwa. "Hindi totoong hindi normal si Erena. Kakaiba lang siya sa atin sa panlabas, pero normal ang panloob ni Erena, mas puro pa nga ang puso kaysa sa atin. Kaya sana samahan niyo akong itrato ng normal si Erena." Nagulat na lang siya nang hilain siya ng Commander at yakapin, tila batang ginulo ang buhok niya. Natawa na lang siya nang pakawalan siya nito. "Hindi niyo na siguro ako ulit tututukan ng baril, hindi ba?" "Hindi na," sagot agad nito. "Kung ikaw na ang magmamaneho." Narating nila ang bahay ng Gobernador, siyempre, ilang ulit na rin siyang nakapunta rito kaya talagang pamilyar na sa kaniya. "Hindi mo ako binigo!" Nakipagkamay ang Gobernador sa Commander. Tipid lang na ngumiti ang Commander bago nakipagkamay rin dito. "Skyler, hijo!" Kaagad naman siyang niyakap nito, sandali lang at mabilis ding humiwalay. Naroon ang ningning sa mga mata nito. Mukhang inaasahan talaga ang pagdating niya. Ang Gobernador pa lamang at ang sekretarya nito ang narito upang sumalubong. "Oh my! Dad!" At kagaya nga ng inaasahan ay narito si Catalina. Posturang-postura ito. "Hello po! You are Commander Chavez po, right?" Nakipagkamay pa ito kay Commander bago kinapit ang braso sa Daddy nito. "You are here din? You surprised me!" Hindi siya nag-react kahit na sa isip-isip niya ay gusto niya nang sabihing napilitan lang naman siya. "Tara na sa dining area, mukhang naging matagal ang biyahe ninyo at gutom na rin kayo." Kaagad naman silang dumulog sa lamesa. Iba talaga ang pakiramdam niya rito, halata sa mukha ng Commander na napipilitan lamang ito. Nag-umpisa naman ang usapan tungkol sa kung ano ang lagay ng training nila. "Didiretsahin na kita, Commander Chavez." Halos sabay silang nahinto sa kalagitnaan ng pagkain nang sabihin iyon ni Governor. Kaagad namang dumapo ang paningin niya kay Commander na nahinto ang paningin sa plato. "Nalaman ko kasi na may lupa ka sa Sierra Madre, malapit mismo sa kampo... interesado ako sa property na iyon." Tuluyan nang nalaglag ang panga niya. "Matagal na sa akin ang property. I won't sell the value of that property for money." Tama, hindi puwede iyon. Paano si Erena? "Why not?" Umakto pa itong tila ba napaka dali lamang ng hinihiling. "Kapag natapos na ang training ng mga bata, hindi ba't hindi mo na rin iyon magagamit dahil ikaw lamang ang naroon, tama ba ako?" At ang tono nito, tila ba may dating. "Mawalang-galang na, Governor Javier, pero humindi na ako." "But business is about convincing the other party, right?" "Dad, ano namang gagawin mo sa ganoong katagong property? Just leave it." Natawa lang ito sa itinanong ng anak. "The property and the value are interesting, Catalina." Muli itong bumaling kay Commander. "If you change your mind I'll always have time to meet you up." "Hindi na magbabago ang isip ko, Governor." Gulat pa siya nang sa kaniya sunod na bumaling ang Commander. "Liu, tapos ka na ba?" Alam niyang senyales iyon kaya naman sinubo niya na ang laman ng kutsara para makaalis na. "Sir, Yes. Sir." "The formality is still there, huh?" Parehas nilang hindi pinansin ang pagpuna roon ng Gobernador. Naunang sumaludo ang Commander bilang pamamaalam, sumunod naman siya. "Sandali," anang ng Gobernador sa kanila. "We'll escort you out." Tinignan niya pa ang Commander para makita ang reaksiyon nito, ngunit hindi naman ito tumutol kaya sumunod na lang din siya sa daloy hanggang marating nila ang main door. "Liu." Napahinto siya sa pagsunod nang tawagin nito ang pangalan niya, ganoon na rin ang Commander nila. "Kumusta ang kapatid mo?" "P-po?" Dinalaw kaagad siya ng kaba. Bakit nito kinukumusta si Claude? "Oh... nito lang Claude was hospitalized," si Catalina ang sumagot. Pakiramdam niya tuloy ay pinagbagsakan siya ng langit. "From what I heard from your Mom, he's home na and okay na." Nilingon niya kaagad ang Commander. Nakuha naman kaagad nito ang gusto niyang sabihin. Tumatak pa sa isip niya ang madilim na ekspresiyon sa mukha ng Gobernador bago sila makaalis. Nang makarating sa bahay nila, halos talunin niya na ang gate makapasok lang nang madali. Sumunod naman ang Commander sa kaniya. "Ma!" tawag niya. "Ma!" Doon lamang ito lumabas mula sa kusina nang makapasok sila sa living room. "Skyler?" Tila hindi pa ito makapaniwala na narito siya ngayon. "Magandang tanghali po." Nagawa pa nitong batiin ang Commander. Napatango na lang ito bago bumaling sa kaniya. "Nasaan si Claude?" "Kuya!" Kaagad niyang sinalubong at niyakap si Claude. "Anong nangyari sa'yo, ha?" "Okay lang ako, Kuya! Miss na miss kita!" Matapos niya itong yakapin nang mahigpit ay tiningala niya ang Mama niya. "Maayos na si Claude, Anak. Mabuti na lang napahiram kami ni Governor ng pera-" "Ma, naman!" Namuo ang luha sa mga mata niya, labis ang inis. "Hindi ba't kabilin bilinan ko na iwasan mo ang mga iyon? Bakit doon ka pa nanghiram ng pera?" Hinawakan nito ang braso niya para pakalmahin siya. "Kasi, Anak. Sila lang ang madaling lapitan, hindi nga sila nanghihingi ng kapalit, inimbitahan pa tayo sa birthday ni Catalina bukas." "Ma..." Iyon na mismo ang kapalit... ang pumunta siya. Paano si Erena? Pero hindi iyon maiintindihan ng Mama niya at ayaw niya na ring palalimin pa ang usapan dahil siguradong masasaktan lang ito. Napaupo na lang siya sa sofa, napahilot sa sentido. Ilang minuto yata siyang nasa ganoong posisyon kung hindi lamang siya inaya ng Commander na bumalik na sa kampo ay hindi pa siya tatayo. "Naiipit ka?" anang ng Commander habang nagmamaneho pabalik. "Pasensiya na, Commander." Umiling ito. "Huwag kang humingi ng pasensiya. Gusto ko rin sabihing hindi mo rin kasalanan kung talagang mabenta ka sa anak ng Governor." Tipid siyang natawa, tinapik naman nito ang balikat niya. "May mga ibang araw pa para makausap mo si Erena." Umiling siya. "Nangako ako kay Erena, Commander. Pupunta ako, mag-uusap kami." "Iba ka talaga maging pursigido, Liu." Puri pa nito. "Pero gaano ka naman nakakasigurado riyan? Sabi nga nila ang pangako ay sadyang napapako." "Pero hindi sa akin, Commander." Napahalakhak na lang ito bago tinapik ang balikat niya at itinuon ang atensiyon sa pagmamaneho. NAKASIMANGOT na pumasok sa loob ng mansiyon nila si Catalina matapos umalis ni Skyler at ng Commander nito. Bitin pa ang oras na nakasama niya ito. "You told me, you'd convince him!" maktol niya sa Daddy niya. "I already did, Anak." "No you didn't!" "You should know how to manipulate a person's mind." Tuso itong ngumiti sa kaniya. Napaisip naman siya. Ano ang tinutukoy nito? "Just wait for tomorrow and be your best self on that day." Marahan pa siyang niyakap nito at hinalikan saa noo. "Happy birthday." Hindi niya pa man maintindihan ang nais nitong sabihin ay nakaramdam pa rin siya ng pagkalma at pagkampante. Pagkakatiwalaan niya sa ngayon ang kaniyang Ama. "Thank you, Dad."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD