MALALIM na ang iniisip ni Erena nang sumulpot sa tabi niya si Manang Tessing. Ilang araw na rin ang nakalilipas nang mangyari ang insidente sa labas ng mansiyon at ang itaboy niya si Skyler.
"Malapit na ang birthday mo, Anak."
Tipid lang siyang ngumiti sa ginang.
Niyakap niya ang tuhod at umunan doon habang nakatanaw sa bintana.
"Hindi ba't lagi mong sinasabi na gusto mo ng party? Hindi man marami, pero mag-iimbita tayo at maghahanda ng bongga! Sinabi ko na iyon sa Daddy mo at pumayag naman siya kaagad!"
Sa kabila niyon ay hindi siya nakaramdam ng saya. Isa lang naman kasi ang dahilan kung bakit inaabangan niya ang kaarawan niya, nawala pa.
"Erena..." anang pa nito. "Huwag mo sanang mamasamain, pero hindi lang sa binatang iyon umiikot ang mundo. Bata ka pa at marami ka pang mas dapat pagtuunan ng pansin. Kagaya ng pag-aaral mo."
Mapait siyang napangiti habang nasa kawalan pa rin ang paningin.
"Iyon nga po ang hindi ko maintindihan. Hindi ko alam kung para saan pa ang pag-aaral kung hindi rin naman ako makalalabas sa kagubatang ito para magamit ang mga iyon."
Hindi nakasagot si Manang Tessing, pero nararamdaman niya ang awa at lungkot nito para sa kaniya.
"At sa lahat ng pagkakataon... palagi na lang kayong naaawa sa akin. Nananatili lang kayo dahil sa awa."
"Erena."
"Hindi ba't iyon naman po ang totoo?"
Naging malalim ang ginawang pagbuntong-hininga nito. "Huwag mong isipin na awa lang ang dahilan ng lahat para manatili kami sa'yo, Erena."
Natawa siya. "E, ano pa po?"
"Pagmamahal, Anak."
Siya naman ang hindi nakasagot.
"Naiintindihan ko kung bakit ka nagkakaganito ngayon, pero sana ay maging bukas ka sa paliwanag. Hindi lahat ng tungkol sa'yo ay mata mo lang ang nakakikita. Hindi mo makikita ang mukha mo kung hindi ka titingin sa salamin, kagaya ng tinutukoy ko, hindi mo makikita kung ano ang nakikita sa'yo ng ibang tao kung hindi ka titingin sa kalooban nila para sa'yo."
Tumayo ito, hudyat ng pag-alis.
"Sana ay mabigyan mo ng pagkakataon ang binatang iyon na magpaliwanag. Pinilit kong hindi mangialam, pero para sa akin... hindi lahat ay kasalanan ni Skyler. Nakikita ko kung paano ka niyang tignan, Erena. At ang nakikita ko sa mga mata niya? Hindi awa kundi mas malalim pa."
AWTOMATIKONG dumikit sa kaniya si John, Ngayon pa lang ay alam niya ng parehas na sila ng iniisip.
"Baka iyan talaga ang paborito ni Commander?"
Mas natuuon pa ang atensiyon niya sa samahan ng dalawa.
Tama si John. Talagang magandang lalaki nga ito, maputi, matangkad at maganda ang pangangatawan.
Halos kaedad niya lang din kung titignan. Isa pa, mukha ring mataas ang kompiyansa nito sa sarili sa kilos pa lang nito.
"Saan kaya galing 'yan, 'no?" patuloy naman ni John.
Hindi niya alam.
Hindi kaya... nasa mansiyon ito ni Commander? Paano si Erena?
Teka... posible rin bang alam nito ang tungkol kay Erena?
"Ewan ko, Sky, pero parang... iba nararamdaman ko sa Louie na iyan."
Hindi lang ikaw, John. Hindi lang ikaw, anang niya sa sarili.
Buong training ay naroon lang ang Louie na iyon. Halos hindi na siya maka-focus dahil ang mga mata niya ay naroon lang sa bagong salta.
Kahit noong tanghalian ay naroon pa rin si Louie, halos lahat pati ang mga taga-kampo niya ay kausap na maliban lang sa kanilang dalawa ni John.
"Mahirap ba mag-aral sa America?" Isa sa mga kasamahan nila ang nagtanong.
"Not really, siguro ang mahirap lang sabayan ay ang kultura na mayroon doon. They are liberated."
"Ibig sabihin marami ring chics?"
Nag-focus na lang siya sa pagkain. Samantalang atentibo naman si John sa pakikinig doon bagama't hindi nakikisali.
"Yep," tipid ang sagot nito.
"Nako, e 'di may girlfriend ka na roon?"
"Wala, e."
Doon na siya nag-angat ng paningin.
"Ayaw mo sa mga sexy'ng amerikana?"
Napangisi ito.
Nawala lang ang paningin niya nang makitang umalis sa usapan si Commander at tumanaw sa malapit na ilog doon. Katatapos lang kasi ng isa sa tasks nila, kaya sa ilog sila nahinto at nagtanghalian.
Tinapos niya ang pagkain at kaagad na nilapitan si Commander.
"Wala ka ba talagang takot, Liu?" Nakakamangha na hindi pa man siya nito nililingon ay alam na kaagad nito na siya ang naroon.
"Alam ko naman pong hindi niyo ako babarilin talaga noong gabing iyon." Akma itong huhugot ng baril, pero napigilan niya, "Pero handa naman akong mabaril, ginusto ko iyon kung sakali."
Ibinalik nito ang baril. "At ito na ang huling pagkakataon na makakausap mo pa si Erena, Liu. Iyon ay kung makapapasa ka."
"Gagalingan ko sa Biyernes, Commander."
"Hindi ka sigurado."
"Sigurado po ako."
Bakas ang pagkamangha sa mukha nito nang lingunin siya, ngunit hindi rin nagtagal ay napangisi ito, napahalakhak.
"Sige, patunayan mo."
Sandaling namutawi ang katahimikan sa pagitan nila.
"Ang lalaking iyon, Commander... alam ba ang tungkol kay Erena?"
Sandaling tinignan ng Commander si Louie. Nang mapansin naman nitong nakatingin si Commander ay awtomatiko itong sumaludo.
"Kababata ni Erena si Louie at ilang taon din silang hindi nagkita. Umuwi lang si Louie para sa kaarawaan nito."
Hindi niya alam kung bakit bigla siyang napanghinaan ng loob.
"Kung ganoon ay siya ang paborito mo, Commander?"
Bumakas ang natatawang ekspresiyon kay Commander. "Mahalaga pa ba kung sino ang paborito ko?"
Napakamot siya sa batok niya. "Naririnig ko lang po, Commander."
"Hindi ba't sinabi ko nang wala akong paborito?" anang pa nito.
Napanguso na lang siya bago sandaling tumahimik. "Commander, tungkol po sa pagtakas ko kay Erena sa bayan..."
Tinignan siya nito, naghihintay na dugtungan ang sasabihin niya.
"Inaasahan ko na po ang maaari kong kahantungan niyon, pero nangibabaw ang kagustuhan ko na ipakita kay Erena ang mundo sa labas ng kagubatang ito. Nangibabaw sa akin ang tuparin ang kahilingan niya..."
Hindi niya mabasa ang ekspresiyon ni Commander, pero pakiramdam niya naman ay hindi rin ito galit kaya naman nagpatuloy siya.
"Kagaya nang sinabi ninyo... ilang araw lang naman ang itatagal naming lahat dito, kaya kahit man lang habang nandito ako, gusto kong maramdaman ni Erena na normal siya, kasama na roon ang pagpaparanas sa kaniya ng mamulat kung ano ang mayroon sa labas-"
"Pero hindi lahat ng mabubuting hangarin ay palaging maganda ang kahihinatnan," putol nito sa kaniya.
Napayuko siya.
"Hindi ko alam kung ano ang talagang nangyari sa inyo ng anak ko, pero sana ay maayos iyon bago ka man umalis, Liu. Wala na akong tiwala sa'yo noong una pa lamang, pero anong magagawa ko? Ikaw lang ang makakaayos ng lahat. Isa pa, ang anak ko ay nasasaktan na simula nang iluwal sa mundo, kaya sana maintindihan mo kung bakit galit na galit ako dahil ngayon, nadagdagan pa ang sakit na nadarama niya."
Tamang tama siya ng salita nito, sanhi ng pagkirot ng dibdib niya. Hindi niya sinasadya, pero anong magagawa niya, totoo namang nasaktan niya pa rin si Erena.
"Naiintindihan ko, Commander."
Natapos ang usapan nila at kinailangan ng lahat na bumalik sa kampo. Panay naman ang tanong sa kaniya ni John 'na naman' kung ano ang pinag-usapan nila ng Commander.
Habang nag-aayos naman ng tent nang dumilim ang gabi, na kay Louie pa rin ang paningin nila ni John. Nagmumukha silang mga tsismosa.
"Sino kaya talaga ang lalaking iyan, 'no?"
"Kababata ni Erena." Ilang ulit nang tinanong iyon ni John kaya naman hindi niya na napigilan ang sariling sumagot.
"Totoo ba?"
"Hindi," sakastiko niyang anang.
Sinamaan lang naman siya ng tingin ni John. "Ang tanong, mabuti ba siya para kay Erena mo?"
Erena niya.
Hindi niya alam kung bakit pakiramdam niya ay namanhid ang pisngi niya nang dahil doon.
"Gusto mo... kilalanin natin?"
Taka niyang tinignan si John. "Sinasabi mo?"
"Sundan natin."
Tinabingi niya ang ulo, pumapasok sa utak niya ang ideya ni John. Nagkakapakinabang ito habang mas tumatagal, ah.
Pumayag siya sa suhestiyon ni John. Ngayon ay sinusundan na nga nila ang tatlo na pabalik na sa mansiyon; si Commander, si Santos at si Louie.
Pinanlakihan niya ng mata si John nang makatapak ito ng tuyong sanga. Kaagad niya naman itong hinila patago sa pinaka malapit na puno sa eksaktong paglingon ng tatlo.
Madilim at wala rin naman silang dalang pang-ilaw kaya naman ipinagpasalamat niya iyon at hindi sila nakita sa paglingon ng mga ito. Nagpaulit ulit ang ganoong galaw nila hanggang sa marating nila ang tapat ng gate ng mansiyon kung saan pumasok ang tatlo.
Hinintay nilang mawala sa paningin nila ang mga iyon bago sila umabante sa gate.
"Ako muna, siguraduhin mong hindi ka gagawa ng ingay," anang niya rito.
Tumango lang si John at sinenyasan siyang magmadali.
Inakyan niya ang gate nang walang kahirap hirap hanggang sa marating niya ang bakod sa loob. Sumandal siya roon habang hinihintay na makababa si John.
"Anak ng!" Inis niyang bulong nang bumagsak si John.
Kaagad niya naman itong hinila at pinadapa kung saan natatakpan sila ng sementadong plant box.
"Sinabi nang magdahan-dahan!" Natahimik sila nang mula sa main door ay lumabas si Manang Tessing.
"Nako, baka malaking sanga lang iyon," si Manang Tessing, ang tunog ng pagbagsak ni John ang tinutukoy. Sandali lang itong luminga sa paligid bago muling pumasok.
"Ewan ko ba kung bakit nagtatago pa tayo, e, mukhang ayos naman na kayo ni Coammander."
"May kasunduan kami na 'tsaka ko lang kikitain si Erena kapag pumasa ako sa kaniya sa training sa Biyernes," paliwanag niya pa. At heto na naman nga siya at sumusuway.
"Tara na, daming sinasabi."
Sabay nilang ginapang ni John ang bintana sa first floor, nang silipin nila iyon ay naroon ang living room. Walang tao bukod kay Manang Tessing.
"Hindi rito," sabi niya.
Sunod naman nilang pinuntahan ang kasunod na bintana.
"Kusina," si John. "Wala ring tao."
Sabay nilang ginapang ang paalis sa bintana, sumandal sa pader para magpahinga muna.
"Ang sabi ko kay Nanay, training ang ipupunta ko rito, hindi pagiging detective."
Inismiran niya si John. "Kanino bang ideya 'to?"
"Sa akin, kanino pa ba?"
Napailing na lang siya nang hindi yata naramdaman nito ang sarkasmo niya.
"Naisip ko 'to, kasi alam ko rin na nag-o-overthink ka na kung anong mayroon kay Louie at Erena, tapos sabi mo kababata pa. E, hindi ba, kapag ganoon, 'yung isa maaaring may feelings?"
"Naisip mo pa talaga 'yan?"
"Oo naman!" Tinalikuran siya ni John at nagpatuloy sa pagpunta sa susunod na bintana.
Puno nang masayang emosiyon niyang tinignan si John na abala sa pagsilip sa bintanang pinuntahan.
Hindi niya man aminin ay sobra-sobra na ang tuwang nararamdaman niya sa pagiging maaalalahanin nito. Unti-unti niyang nakikita ang halaga ni John para sa kaniya, noon pa man, hindi lang talaga siya mapagpakita ng damdamin.
"Simula nang dumating ako rito, matamlay ka pa rin. Is that how you became while I am gone?" boses iyon ni Louie.
Kaagad naman siyang sinenyasan ni John na lumapit na kaagad niya namang ginawa. Nang silipin niya ang maliit na bintana sa ibaba ng pader, nakumpirma niyang nasa basement ang dalawa. Bahagyang nakatalikod ang dalawa sa kanila. Nakaupo sa sofa na dalawang metro yata ang baba mula sa bintanang kinasisilipan nila.
"Whose boots is that?" si Louie. "Ang naaalala ko, nang umalis rin ako rito ay hinding hindi ka mapilit na magsuot ng sapatos. It looks big and tacky."
"Tacky?" bulong niya sa sarili.
"Baduy raw," si John ang sumagot.
Aba, walang-hiya iyon, ah. Siniraan pa ang bota niya kay Erena.
"Nakita ko rin 'yon," bulong ni John. "Kamukha ng sapatos mo, suot ni Erena noong pumunta tayo sa bayan."
"Malamang, sa akin iyon!" sagot niya.
Awtomatiko naman silang napatago nang itaas ni Louie ang paningin.
Nagkatinginan pa sila ni John habang parehas na nasa gilid ng bintana.
Talagang muntik na sila!
Syaka lang sila sumilip ulit nang maramdamang wala na sa kanila ang paningin ni Louie.
"Bigay ito sa akin," si Erena.
May kung ano sa puso niya ang nagdiwang nang marinig ang boses nito. Ngayon niya na lang ulit narinig ang boses ni Erena...
"Nino? Ni Tito?"
Umiling si Erena, ang mga paningin ay nasa botang suot nito. "Ng... kaibigan ko."
"Kailan ka pa nagkaroon ng kaibigan?" tila biro pa ang sinabi ni Erena nang matawa si Louie.
Napatingin pa sa kaniya si John. Parang siya na ang naiinsulto.
Tama si Erena... mababa nga ang tingin ng mga ito sa kaniya.
"Sige, if you really have a friend, tell me the name."
"Hindi ka naniniwala, hindi ko na lang sasabihin."
Sabay silang natawa ni John, kaagad din na pinigilan ang isa't isa at sabay na napatago.
"I'm sorry..." si Louie.
"It's okay," si Erena. "Matagal kang nawala, Louie. Naiintindihan ko."
Namagitan ang katahimikan sa pagitan ng dalawa.
"Sorry," si John sa kaniya.
Taka niya naman itong tinignan. "Para saan?"
"Kasi... nahusgahan ko si Erena."
Napailing siya. Napaka lambot namang talaga ng puso.
"Naiintindihan ko. Hindi mo kailangang mag-sorry sa akin."
"Sana magalingan si Commander sa'yo sa Biyernes, para kapag puwede mo nang makausap si Erena at maimbitahan ka sa birthday niya, puwede akong sumama."
"Ano namang gagawin mo roon?"
"E 'di makikikain!"
Sinamaan niya kaagad ng tingin si John, pero alam niya namang nagbibiro lang ito.
Isang regalo si John para sa kaniya. Madalas man ay naiinis siya, ipinagpapasalamat niya na naisipan niyang isalba si John noon sa mga bully.
Nagpalitan sila ng ngiti bago nila napagpasiyahang umuwi na.