11 (Part 1)

1088 Words
HALOS HINDI SIYA MAKATINGIN NANG DIRETSO KAY COMMANDER CHAVEZ nang ihatid siya at sabay silang bumalik sa kampo kinaumagahan. Iniisip niya pa rin ang pag-amin ni Erena, pero hindi naman kaya iba ang ibig sabihin nito sa salitang gusto siya nito? Puwede namang gusto siya ni Erena bilang tao, hindi ba? Iika-ika pa siya nang makarating sa bungad ng kampo kasabay ang mga ito. Mas nakakailang na naroon na pala ang lahat ng mga kasamahan niya, nakapila, at ang mga mata ay nasa kanila. Halata namang gusto na agad siyang puntahan ni John na may halong inis at pag-aalala ang mukha. Sumisenyas pa ito na mukhang walang ideya sa mga nangyari, pero hinanap din siya kagabi. Kaya lamang ito tumigil nang pandilatan niya ng mga mata. Nahinto rin naman siya nang makitang nasa likuran lang ni John si Travis at ang mga bumugbog sa kaniya. Nakatayo ang mga ito nang tuwid para sa kanilang Commander na para bang walang ginawang masama kagabi sa kaniya. "Go to your line, Liu." "Sir, Yes. Sir!" Kahit hirap pa rin sa paggalaw ay sumaludo siya bilang paggalang. Mula naman sa gilid ng mga mata niya nakita niya ang matalim na titig ni Travis sa kanila. Sa iika-ikang paraan ay lumakad siya sa bakanteng puwesto sa tabi ni John at doon humilera. Malas, nasa likod niya na rin ngayon si Travis. "Anong nangyari sa 'yo?" Pagalit na bulong na tinanong ni John, agad-agad siyempre. "Nabugbog ka ba?" "Mukhang nadulas," seryoso ang pagsabi ni Travis mula sa likuran niya pero naroon ang laman. "Sabi ko naman sa 'yo, e. Huwag ka nang lalabas gabi-gabi!" ani John. Uto-uto talaga. "Kung ganoon ay gabi-gabi ka pa lang lumalabas, Skyler. Para saan?" si Travis sa ikalawang pagkakataon. "Attention!" Naagaw pareparehas ang atensiyon nila nang magsalita na ang Commander. Mula sa gilid ng mga mata niya ay tiningnan niya si Travis na sumeryoso nang tumingin sa harapan bago rin siya bumaling doon. "Wala pang tayong isang buwan sa kampo, parami na nang parami ang nilalabag ninyo sa mga inilatag na kasunduan! Masuwerte kayong hindi ko nahuhuli ang iba sa inyo!" Halos lahat ay mas umayos pa sa pagtayo, lalo na ang mga guilty. Isa na siya roon, pero alam naman na iyon ni Commander kaya siguro hindi na siya gaano kinabahan. "Narito tayo sa isa pang dahilan, ang mapatibay ang ating samahan." Dumapo sa kaniya ang paningin nito. "Sa oras na mahuli kong nagsasakitan kayo sa kahit na ano pang dahilan, ibabalik ko kayo sa mga pinanggalingan ninyo. I don't accept such an attitude as that! Do you understand?" "Sir, Yes. Sir!" Dinig niya pa ang pag-ubo ni Travis. "Ibig sabihin ba, nabugbog ka talaga?" Pasimple pang bulong ni John pero hindi siya sumagot. Kahit naman hindi niya kumpirmahin, mukhang alam na agad ng lahat na siya ang tinutukoy na nabugbog kaya nabuksan ang usapang iyon. Isa pa, balot na balot siya ng pasa. Obvious talaga. Natapos ang orientation. Nagsimula nang muli ang pag-e-ensayo sa paggamit ng baril. Habang inaayos niya ang baril niya, siya namang pagtabi ni Travis sa kaniya matapos umalis ni John para maghanap ng bagong puwesto. "Gago ka talaga, Skyler. Sinumbong mo ba ako?" Nagpapanggap itong nasa baril ang atensiyon, dahil ngayon, mula sa hindi kalayuan ay nasa kanila ang atensiyon ni Commander Chavez. Kinakabahan siya dahil siguradong gaganti ito. "Anong sabi ni John? Lumalabas ka gabi-gabi? Sa anong dahilan?" Hindi siya nagsalita. "Siyempre, kapag hindi sinabi may malalim na dahilan. What are you hiding, Skyler?" Iyon lang ang sinabi nito at umalis na rin agad. Hinabol niya pa ng paningin si Travis bago sumulpot pabalik sa tabi niya si John. Siguradong hahanapan na siya ng butas ni Travis. Mas lalong hihigpit ang lahat. Paano si Erena? "Kinausap ka ni Travis?" si John. "Anong sinabi?" Nagpanggap siya na naglalagay ng bala. "Wala." "Bumubuka kaya bibig, sigurado meron. Ayaw mo lang sabihin." Napailing na lang siya. Talagang napakatatag ni John sa mga ganitong bagay. "Alam mo naman palang ayaw ko, talagang ipipilit mo pang sumagot ako," sabi niya. Mabilis na umiling si John. "Bawal ba malaman? Kung bawal. E 'di, sige. Ito na lang ang sagutin mo, sino ang bumugbog sa 'yo?" "John," banta niya. Sa wakas ay natigil din katatanong sa kaniya si John. Nagkaroon siya ng tsansa na magpahinga at makapag-isip. "Kumuha na raw ng tuyong sanga sa banda roon. Sasama ka pa?" si John na nilapitan siya sa may tent. "Sa tingin ko, 'wag na." Umismid siya, tumayo at inayos ang sarili. "Oh?" Tiningnan pa siya ni John mula ulo hanggang paa. "Sabi ko 'wag na, e." "Ikaw ba si Commander?" "Hindi?" Nagtataka pa nitong sagot. "Kaya hindi ikaw ang magsasabi kung kikilos ako o hindi, tara." Pinangunahan niya na ito sa paglalakad. Napakamot naman si John sa batok niya, pero wala ring nagawa kundi ang sumunod. Tahimik din naman sila habang kumukuha ng mga tuyong kahoy. Marami na rin ang mga nakuha nila, halos siya nga lang yata ang nakapansin na malayo na sila sa ibang kasamahan nila, dahil ang buong atensiyon ni John ay nakatuon sa pagkuha ng mga panggatong. "Diyan ka na lang, Sky. Halata na ang pagod sa 'yo, e. Konti na lang naman, doon lang ako sa banda roon." Tumango lang siya dahil talaga namang pagod nga siya at bugbog pa rin ang katawan niya. Nasa kalagitnan siya nang pag-iisip kung paano nga ba niya maipakikita ang improvement sa Commander nila nang marinig niya ang sigaw ni John. Talagang natatakot. Tatayo na sana siya para puntahan ang pinanggalingan ng sigaw nito nang mauna na itong bumalik. "John!" Hinawakan niya ang magkabilang braso nito para kumalma, hanggang ngayon kasi ay sumisigaw pa rin ito. "Anong nangyari?" "N-nakita ko!" "Ang?" "Ang babaeng ahas! Kailangan nilang malaman 'to!" Bago pa man matawag ni John ang mga kasamahan nila ay tinakpan niya na ang bibig nito. Nagtataka naman siyang panandilatan ni John na hindi nawawala ang takot mula sa mga mata. Napamura pa siya nang maalalang sumama rin nga pala sa pangunguha ng panggatong si Travis. Anak ng. "A-ano ba!" Nang bitawan niya ang bibig nito ay awtomatiko nang humina ang boses nito. Ganoon ang ginagawa niya sa tuwing nag-o-overreact si John. "Alam kong hindi ka maniniwala pero nagsasabi ako ng totoo, kaya tara na—" "Mabait si Erena." Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. "Sky, hindi ito ang oras para sa babae!" "Si Erena ang babaeng ahas." Mula sa takot na natatawang mukha ni John ay naglaho ang mga emosyon nito nang marinig ang sinabi niya. "Kaibigan ko siya, John."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD