Kalmadong inilatag ni Elysia ang kamay sa harapan ng kapatid, animo’y sinasabi kay Elliot na sa anumang oras ng hudyat ng prinsipe ay sabay siyang kikilos sa utos nito.
“Nakahanda ako, Elliot!” mahinang tono ng dalaga ngunit sapat pa rin upang marinig ni Wynonna at ng iba pang mga kawal.
Animo’y sa puntong iyon, bahagyang napawi ang tensyong nararamdaman ng mga kawal sa digmaan. May kung ano sa tono at mensahe ng prinsesa na siyang nagpa kalma at nagpalakas ng loob ng mga ito.
Hindi naman nag aksaya ng oras ang lalaki at agad na kinuha ang kamay ng prinsesa. Maya-maya pa, hinila niya ito para mahigpit na yakapin.
Bilang nakaatas ang pinakamataas na pamumuno kay Elliot, lihim sa mga kasama nito ang nadadamang takot para sa hinaharap nilang panganib. Batid ng prinsipe na hindi nila kakayanin ang bilang ng mga kalaban’g nasa harapan nila. Gayon pa man, walang lugar ang pagiging duwag sa mga oras na iyon. Sa isip ni Elliot, ang mahalaga ay lalaban sila hanggang sa huli.
“Malaki ang tiwala namin sa iyo Elysia. Matatapos din ito,” bulong ng prinsipe na hanggang ngayon ay hindi pa rin pumipiglas sa pagkakayakap sa nakababatang kapatid.
Bagama’t binabalot ng takot ang paligid, hindi natinag ang magkapatid.
"P-prinsipe Elliot... P-prinsesa Elysia..." walang emosyong turan ni Wynonna habang pinag mamasdan ang katapat na direksyon.
Naputol naman ang yakapan ng magkapatid nang marinig ang tinig ng babaeng kawal. Katulad ni Wynonna ay naagaw ng maiitim na usok ang atensyon ng lahat.
Mula sa makapal na hamog, maaaninag ang naglalakihang anino ng hindi matukoy na mga nilalang doon. Kung kanina ay nararamdaman ang pag yanig ng lupa dahil sa mga nagbababagsakang mga bato, ngayon naman ay mas dama ang pagyanig dahilan sa bawat yabag ng papalapit na mga kalaban.
Nagpatuloy si Wynonna sa naudlot nitong bati. Wika ng dalaga, "Sa tingin ko mamaya na lang muna ulit ang yakapan. Papalapit na sila sa kaharian Prinsipe Elliot," ani nito na pahina ng pahina ang tono.
"Magsihanda kayo! Ano mang oras ay susugod tayo. Wynonna, igiya mo sa gawing gitna ang prinsesa upang makapag handa siya sa pagpapalit anyo. Maghahati naman ang ikalawa at ikatlong pulutong sa kanluran at silangang bahagi habang ang una at pang apat na pulutong ay susunod sa akin pa-norte!"
Habang nagbibigay ng taktiko ang prinsipe, atentibong nakatuon ang atensyon ng mga mandirigma nito sa kabila ng komosyon na nangyayari sa lugar. Nagpatuloy ang pagbuhos ng malalaking masa ngunit sa pagkakataong ito ay mas mabibigat at doble ang bilang ng mga ibinabato sa lugar. Idagdag na rin ang tila pag lamon ng itim na usok sa paligid.
"Sa paglalahad ko ng kapangyarihang apoy sa aking palad, iyon ang hudyat ng pag sugod ng bawat pangkat..." sandaling huminto ang prinsipe sa sinasabi bago marahang ipinikit ang mga mata niya. Alam ni Elliot na ang susunod niyang utos ay hindi ganon kadaling ibigay ngunit batid din niyang ito ang sinumpaang tungkulin ng lahat kawal na nasa harapan nito. Sa ilang minutong pananahimik, mga sinusukat niya ang sarili kung marapat niya bang sabihin ang susunod na utos.
Sa muling pagmulat nito ng mga mata, sumalubong sa kanya ang matitikas na tindig ng kanyang mga mandirigma. Tila sa mga oras na iyon ay alam na nila kung ano ang huling habilin na bibitawan ng kanilang prinsipe sa kanilang harapan.
Noon din, malalim na hininga ang ibinuga ni Elliot at muling pinasadahan ng tingin sa huling pagkakataon ang nasasakupan.
"Hinihiling kong ialay ninyo ang inyong mga buhay sa lupang ito... Hinihingi ko bilang puhunan ang bawat dugong masasawi sa ngalan ng kinabukasan ng kaharian." Kahit hirap sa pagsasalita dahil sa namumuong emosyon sa loob ay pinilit na tapusin ng prinsipe ang huling bilin. Nagawa na lang nitong yumuko matapos noon.
"Karangalan namin ang mag lingkod mahal na prinsipe. Batid namin ang pag aalala niyo ngunit hindi niyo kailangang panghinayangan ang buhay namin. Ikagagalak namin'g masawi sa digmaan alang-alang sa kaligtasan ng mga maiiwan naming mahal sa buhay," ani Sandro, isa sa matataas na kawal.
Maya-maya pa't sinundan ito ng isa pang tinig mula rin sa isa sa mga kawal. Si Liyor, aniya, "Sumasang ayon ako kay Sandro ngunit hindi pa tapos ang digmaan kaya isantabi muna natin ang lungkot. Makakauwi tayo sa kani-kaniyang mga pamilya natin at matatapos ang digmaan bago pa matapos ang araw. Nasa atin ang ninuno natin." Matapos ang mensahe ni Liyor ay tinahak ng mga mata nito ang direksyon ng prinsesa at sunod itong malapad na ngumiti.
Napalingon naman ang lahat sa direksyon ni Elysia na siyang nagpakaba sa dalaga. Sa sandaling iyon, hindi alam ni Elysia kung papano tutugon sa lalaking kawal. Imbis na magpadala sa nararamdaman ay inalala niya na lamang ang eksena kanina sa kaharian kung saan pinalakas ng Hari ang loob niya.
Sa kabilang banda ng pangkat ng itim na kapangyarihan, isang matikas na lalaki ang nangunguna sa prosisyon. Lulan ito ng balangkas ng kabayo ngunit gawa pa rin sa kaparehong itim na usok.
Nakasuot ang lalaki ng itim na kwelyadong kasuotan. May maliit na detalye ng satin sa bandang taas ng damit ngunit natatakpan ang mukha nito ng makapal at itim na baro.
Maya-maya pa, ang malalim nitong boses ang nangibabaw sa pulutong.
Aniya, "Tignan mo nga naman Ama, sinong mag aakalang ang mahihinang nilalang ang namumuno sa lugar na ito?" Sandaling huminto ang lalaki upang pagmasdan ang kinikilala niyang kalaban sa kabilang direksyon. Hindi man pamilyar sa mukha ng Prinsipe at Prinsesa, batid niya agad kung sino ang dalawa sa lahat ng naroon. Nagpatuloy siya sa pagsasalita. Aniyang muli, "Kahit sa malayo ay dama ko ang presensya ng bastardo niyong ninuno... Hindi ka nagkakamali sa pagbawi sa kaharian."
Napako ang tingin ng lalaki'ng nakabaro sa direksyon ni Elysia. Tila ineeksamina ang bawat detalye sa katawan nito. Natigilan lamang siya nang makarinig ng maliit na tinig.
"Prinsipe Zyldian, inatasan ko na ang huling hukbo na hanapin at dalhin ng buhay ang Hari sa harapan ninyo. May iba pa ba kayong ipag uutos?" wika naman ng babaeng tinig na ngayon ay kasusulpot lamang sa tabi ng kinikilala niyang prinsipe. Dahil nga lulan ng kabayo, nakatingalang tumitig ang babae kay Zyldian.
"Kung ganoon..." biting usal ng prinsipe at saka matamis na ngumisi sa dalaga. Nagpatuloy ito, "simulan na natin ang laro. Ano sa tingin mo, Aihara?"
Ilang sandali, sa isang kumpas ng kamay ni Prinsipe Zyldian ay agad na huminto sa pag usad ang lahat ng nilalang na nalikom nito.
Napansin naman iyon ng pangkat nila Elliot. Agad na mababatid ang pagtigil dahil sa biglaang kawalan ng presensya ng ingay at pagdagundong sa nasabing lugar.
Bagamat tumahimik ang paligid, may kung ano sa atmospira na siyang nagpadagdag ng kaba at takot sa iilang mga tao roon.
"Sa tingin ko, hindi pang karaniwan ito..." bulong ng isa sa mga kawal.
"Anong binabalak nila?"
"Maging mapag matyag ang lahat!"
Isa-isang maririnig ang halu-halong reaksyon ng mga mandirigma roon. Karamihan sa kanila ay nakakaramdam na ng matinding pagkabagabag ngunit ibahin mo ang tatlong nasa harapan. Kalmadong inoobserbahan nila Prinsipe Elliot, Prinsesa Elyisa at pinaka malapit na babaeng kawal ang paligid.
Maya-maya pa, napunan ang paligid ng hindi kilalang tinig. Sigurado naman sina Prinsipe Elliot na hindi iyon nagmumula sa pangkat nila.
"Paumanhin sa kaunting gulong dala ko sa kaharian, mahal na prinsipe," ani ng tinig. Segundo lamang ang pagitan bago lumitaw ang image ni Prinsipe Zyldian mula sa makapal na usok. Ganon pa rin ay lulan ito ng alagang usok na kabayo.
"Sino ka at ano ang pakay mo sa nasasakupan ko?!" mariin ang bawat bitaw ng salita mula sa labi ni Elliot.
"Isang malamig na pagbati mula sa prinsipe?" baling ng lalaki at saka pa nagpakawala ng tila nanunutyang tawa.
"Walang pag da-dalawang isip sa hindi ko pag abot ng mainit na pagbati sa iyo, kung sino ka man," walang emosyong tugon ni Elliot.
"Tawagin mo akong Zyldian. Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa Elliot. Narito ako upang bawiin ang kahariang inagaw ng iyong ama sa aking ama..." naputol doon ang linya ni Zyldian nang subukan nitong bumaba mula sa kabayo. Nang magtagumpay, ipinakilala nito ang sarili sa pamamagitan ng pagbaba ng kaniyang baro. Muli itong nagpatuloy, "Bibigyan kita ng pagkakataong buhayin ang hukbo mo ngunit sa isang kondisyon."
Sa muling pagtigil nito, matikas niyang tinungo ang direksyon ng kaharap na prinsipe. Huminto lamang si Zyldian nang marating ang tatlong metro'ng layo niya mula kay Elliot.
Dahil doon, nagkaroon ng pagkakataon ang pangkat ng prinsipe na masilayan ang lalaking nakabaro. Sa sandali ay bahagya pa silang nagulat nang mapansin ang pagkakahawig ng lalaki sa dalawang magkapatid. Noon din sa oras na iyon at kani-kaniyang haka-haka ang mabilis na naglaro sa isipan ng mga kawal.
"At ano naman ang kapalit?"
"Kapalit ng buhay ng mahihinang nilalang na ito ay isusuko mo ang kaharian, pati na rin ang kapatid mong may tangan ng kapangyarihan ng Phoenix. Ano sa tingin mo Elliot?"
Habang nakikipag negosasyon, marahang itinago ni Prinsipe Elliot ang kamay sa likuran. Sa parehong pagkakataon ay inilahad nito ang kamay at kusa namang kumawala ang isang maliit na apoy mula roon, senyales ng pagbibigay niya ng hudyat sa mga kasamahan.
"Ikinalulungkot ko ngunit sa tingin ko'y hindi ko mapagbibigyan ang kahilinga mo," matamang wika ni Prinsipe Elliot. Maya-maya pa at sinundan iyon ng pagkalakas lakas na hiyaw mula sa mataas na babaeng kawal, si Wynonna.
"Sa ngalan ng Adeleuse! Sugod!!!"
Isa-isang humakbang ang bawat pulutong sa kani-kanilang direksyon, kasabay ang buong lakas na hiyaw ng bawat sundalo. Mabilis din na nagliwanag ang paligid buhat ng gamitin ng bawat kawal ang kapangyarihan apoy nila.
Samantala, kasabay ng lahat ay ang pagtakbo sa salungat na direksyon nina Wynonna at Elysia ngunit lingid sa kaalaman nila ay tahimik silang binabantayan ng babaeng tagasunod ni Zyldian.
"Nakikita ko ang nakikita mo. Alam mo na ang dapat mong gawin, Aihara."
Tulad ng utos ni Zyldian, sa isang iglap ay nagpalit ng anyo ang dalaga. Mula sa maliit na pigura ng katawan nito kanina, agresibong pumalit ang imahe ng malaking rabena.
Noon din, isang kampante'ng ngisi na lamang ang lumabas na ekspresyon sa naka itim na prinsipe.
Sa huling beses, ani Zyldian, "Simulan na natin ang pagdidilig ng dugo sa bagong Adeluese."