Sumama nga sa amin si Elton na basang-basa... kami rin naman ni Amalia.
"Kuya, ilang taon na si Mozes?" tanong ni Amalia kahit pa nakababa na kami sa sasakyan.
Ngumiti si Elton sa tanong ni Amalia habang nakakunot naman ang noo ko.
"Matanda lang 'yon sa akin ng isang taon, 23." sagot niya.
"Tigilan mo na ang pagkaka-crush do'n Amalia. Hindi bagay ang mga gano'ng edad sa atin." sabat ko sa usapan nila at sabay silang napabaling sa akin... parehong nakakunot ang mga noo.
"Crush lang naman, GG." giit ni Amalia.
Pinagsisihan ko kaagad ang sinabi ko dahil nalungkot ang mukha ni Amalia at matiim naman ang titig sa akin ni Elton. Mukha siyang galit.
"Oh... Elton! Nandito ka. Bakit ngayon ka lang dumalaw?" bati ni Chloe sa kanya nang makita kami sa labas. Nauna na ring pumasok si Amalia sa bahay nila. Gano'n din ako.
"Yeah. I was busy." narinig kong sagot ni Elton kay Chloe habang papasok na ako sa banyo.
"Mama! Andito si Elton!" narinig kong sigaw ni Chloe. Welcome na welcome talaga ,e no? sabi ko sa isipan ko.
Nagulat ako habang sinasabon ang sarili nang may malakas na kumatok sa banyo. Animo'y masisira na iyon.
"GG! Bilisan mo! Maliligo si Elton!" pasigaw na sabi ni Chloe.
"Oo!" tangi kong sinagot.
Kailan pa ba matatapos 'yang bahay niya? At nang hindi na kami maabala pa. Naiinis kong reklamo. Imbis gusto ko pa sanang hilurin ang sarili ngunit hindi ko na nagawa! Paano, may paboritong bisita na naghihintay sa labas.
Nagmadali akong lumabas sa banyo at nakitang nakaupo siya sa upuan ng kusina namin. Hindi ko siya pinansin at diretso ang lakad ko papunta sa kwarto ko. Nando'n naman na si Chloe para libangin siya at pagsilbihan.
Hindi na ako kailangan.
Simpleng shorts at t-shirt lang ang suot ko habang nasa ulo ko pa ang tuwalya, dahil basa pa ang buhok ko. Nagulat ako paglabas ko ng kwarto nang nakitang naghihintay si Chloe at Tiya sa akin, hawak-hawak ni Tiya ang uniform na sinuot ko sa parade ng opening salvo.
Nagtataka ako kung bakit hawak iyon ni Tiya at parang masama ang timpla ng mukha niya.
"Saan ka kumuha ng pera para pambili sa damit na ito?" masungit na tanong ni Tiya sa akin sabay tapon niya sa damit... sa mukha ko.
"Kaya siguro nawala ang isang libo sa pitaka mo, Mama. Baka pinambili niya niyan." gatong na sinabi ni Chloe..
"Hindi po! Si Joseph po at Amalia ang gumastos para diyan." depensa kong sagot.
"Talaga? Bakit ka naman pag gagastusan ng ibang tao? Ni Tatay mo nga, ayaw kag pagkagastusan." mariing sinabi ni Tiya at sumikdo ang dibdib ko sa sinabi niya.
"Totoo po ang sinasabi ko." sagot ko sa isang mahinang boses, dahil nasaktan ako sa sinabi ni Tiya. Nararamdaman kong umiinit na ang gilid ng mga mata ko.
"Huwag kang maniwala, Mama. Imbento niya lang 'yan para hindi mo siya pagalitan. Masyadong ambisyosa. Sumasali-sali pa sa mga ganyan-ganyan. Hindi naman bagay." sabat ni Chloe at nangingilid na ang mga luha ko.
Sasagot pa sana ako ng dumating si Tatay at halatang galing pa ito sa palayan, dahil may mga putik pa ang binti niya. Kumunot agad ang noo ni Tatay nang maabutan kami sa gano'ng ayos.
"Anong nangyayari?" pagtatakang tanong ni Tatay.
"Iyang anak mo, ninakaw ang pera ko para ipambili sa damit na 'yan!" sikmat ni Tiya at nanlilisik ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. Nakaturo naman ang kamay niya sa damit na hawak ko.
Tumingin agad ako kay Tatay na may mukha ng pagmamakaawa. Sana naman kahit ngayon lang ay ipaglaban ako ni Tatay.
Umiling ako agad. "Hindi po ako nagnakaw Tay. Galing po ang pera sa mga kaibigan ko. Maniwala kayo sa akin." pagsusumamo kong sinabi.
Hindi ko mabasa ang ekspresyon sa mukha ni Tatay. Wala akong makita...kahit awa.
"Bakit mo pinakelaman ang pera ng Tiya mo?" mariing tanong ni Tatay sa akin.
Hindi siya naniniwala sa akin. Ngayon, mas lalo akong nasaktan sa katotohanang iyon. Sila na naman ang papaboran niya.
"Hindi po talaga ako ang kumuha sa pera ni Tiya, Tay. At... may naipon naman po ako kung sakali mang hindi ako ginastusan ng mga kaibigan ko." mataman kong sagot kay Tatay. Wala pa ring nagbabago sa mukha niya.
"May ipon ka? Paano ka naman magkakaipon, aber?" kuryosong tanong ni Tiya.
"Malamang Mama, marami na siyang naipon sa mga perang nakuha niya sayo." datong ni Chloe sa galit na galit na itsura ni Tiya.
Bumagsak na ang luha ko dahil sa pagtatampo ko kay Tatay. Kahit ngayon lang, hindi niya akong magawang maipaglaban. Minsan natatanong ko sa sarili ko kung anak niya ba talaga ako.
"Hindi 'yan totoo. Hindi ako magnanakaw." mangiyak-ngiyak kong sagot.
"Magsabi ka ng totoo, GG!" napaigtad ako sa gulat nang tumaas ang boses ni Tatay. Ngayon niya lang ako pinagtaasan ng boses. Tiningnan ko siya na may hindi makapaniwalang mukha at namamalisbis na ang luha sa pisngi ko.
"Tay naman paniwalaan niyo naman ako... kahit ngayon lang." pagmamakaawa kong sinabi sa kanya.
"Naku! Diyan tayo dadaanin. Sa pagpapaawa... at maniniwala ka naman?" tanong ni Tiya kay Tatay.
"Aminin mo na, GG upang hindi na magalit sayo ang Tiya at kapatid mo." ngayon, kalmado na niyang sinabi iyon.
Pagalit kong pinalis ang luha ko at matiim na tinitigan si Tatay.
"Gano'n mo sila kamahal, Tay? Paaaminin mo 'ko sa isang bagay na hindi ko ginawa? Eh ako Tay, kailan ko mararamdamang mahal mo 'ko?" galit kong sinabi sa kanya at walang tigil na ang mga luha ko. "Palagi mo nalang silang kinakampihan, ako itong palaging binabalewala mo, Tay. Kahit sa bagay na ito man lang, maramdaman ko naman sana na may pakealam kayo sa akin. Kahit ngayon lang, Tay."umiiyak kong sinabi.
Narinig ko namang tumawa si Tiya na para bang may nakakatawa sa mga sinasabi ko.
"Kita mo na? Sinasagot-sagot ka na! Si Chloe, ni minsan narinig mo bang sinasagot sagot ka? Walang respeto iyang anak mo, Hernan!" galit na sinabi ni Tiya.
"Hindi na nahiya." dagdag pa ni Chloe at nakaismid sa akin.
"Iba ang nangangatwiran sa nagsasabi ng totoo, Tiya." kalmado kong sinabi.
"Aba't pati ako sinasagot sagot mo?! Walang respeto!" sikmat niya sa akin at isang mainit na palad ang dumampi sa pisngi ko. Napahawak naman ako sa masakit kong pisngi.
"Paalisin mo 'yan, Hernan! At baka atakehin ako sa puso sa batang iyan!" utos niya kay Tatay.
Napatingin ako kay Tatay. Hindi niya man ako kinampihan, hindi naman siguro niya magagawang paalisin ako 'di ba?
"Umalis ka na muna. Mainit ang ulo ng Tiya mo." mataman niyang sinabi at naglakad papunta sa kusina.
Parang may mga munting karayum na tumusok sa dibdib ko. Anak niya ako, pero nagawa niya akong palayasin. Paano nagagawa ni Tatay ito sa akin?
"Alis na." mariing sabi ni Chloe at binigyan ko siya ng isang masamang tingin. Hindi ako nag dalawang isip na lumabas ng bahay. Tumakbo ako agad...papalayo. Sobrang sakit ng dibdib ko habang tumatakbo ako. Walang humpay ang pagtulo ng mga luha ko.
Ang nag-iisang taong pwede kong maasahan, ang pwede kong makapitan at pwede akong mahalin... ang nag-iisa kong pamilya. Mas pinili ang ibang tao kaysa sa akin. Wala na yatang mas sasakit pa roon.
Noon pa man ako namamalimos sa pagmamahal ni Tatay, pero palaging wala akong natatanggap kahit na katiting. Akala ko may pamilya ako. Mag-isa lang pala ako.
Mabilis kong narating ang kubo dahil sa bilis ng takbo ko. Buti na lang talaga at nilinisan namin ito ni Amalia. Dito na muna ako magpapalipas ng gabi.
Hindi ako uuwi.
Malapit nang magtakip-silim kaya pinailaw ko ang gasera. Bahala na kahit wala akong hapunan,makakaya ko naman ang gutom kaysa sa sakit na nararamdaman ko.
Nahiga ako sa kama habang umiiyak sa grabeng pagtatampo ko kay Tatay. Habang abala ako sa pagpapalis ng luha ay naririnig ko na ang mga insektong pang-gabi. Agad akong nakaramdam ng takot at bumangon para tingnan kong nai-lock ko ba ang ang pintuan.
Gumagabi na, madilin na sa labas.
Ngayon lang ako matutulog sa isang lugar na nag-iisa. Natatakot ako, pero hindi ko na kayang umuwi.
Naupo na muna ako sa sala at humilig, yakap-yakap ko ang aking sarili. Mas mabuti pa yatang manirahan akong mag-isa. Gano'n din naman iyon, may kasama nga ako sa bahay pero para na rin akong mag-isa.
Napabaling ako sa kusina nang makarinig ako ng kaluskos. Nasa gitnang bahagi na kasi ito ng gubat, kaya malamang maraming ligaw na hayop sa paligid lalo na't gabi na.
Mahihinang katok ang narinig ko kaya napaatras ako sa gilid ng inuupuan ko. Walang tigil ang mahihinang katok at walang nagsasalita.
Hindi naman siguro si Amalia iyan, dahil kong siya 'yan, dapat kanina pa niya tinawag ang pangalan ko.
Hindi ako nagsalita sa sobrang takot ko. Baka ibang tao iyan at baka... masamang tao.
"GG." narinig kong sinabi ng tao sa labas. Kilala ko ang boses na 'yon! Paano niya ako nasundan dito?
"GG." ulit niyang tawag sa pangalan ko ngunit hindi ako sumagot.
Papapasukin ko ba siya? Bakit niya ako sinundan? Narinig niya kaya ang pag-uusap namin kanina nila Tatay?
Dahan-dahan akong naglakad papunta sa pintuan. Binuksan ko ang pinto at nakitang nakatayo siya roon. Kahit hindi ko masyadong maaninag ang mukha niya ay alam kong siya 'yon.
"Bakit ka nari--"
Bago ko pa matapos ang tanong ko ay niyakap na niya ako agad. Mahigpit iyon...hindi ako makahinga.
Hindi ko alam pero para akong nakaramdam ng kapayapaan sa dibdib ko. Parang nawala ang sakit sa dibdib ko dahil sa yakap niya sa akin.
Walang hiya-hiyang niyakap ko siya pabalik. Kahit ngayon man lang, gusto kong makaramdam na may taong nakakaintindi sa nararamdaman ko.
Kahit galing pa ito sa kanya.