MAHIGPIT ang pagkakakapit ko sa strap ng aking bag habang nakatayo rito sa gilid ng hagdanan. Minuto na rin ang nakalilipas magmula nang dumating ako pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nagagawang maihakbang ang aking mga paa. Kanina pa talaga ako nag-aalangan noong nasa bahay pa ako pero mas lumala lamang ngayon dahil alam kong hindi magtatagal ay magkikita kami ulit.
Noong nakaraang araw pa kami nagkaroon ng pagkakataon na makapag-usap ni Ross at ngayon ko lang napagtanto ang sinabi nito sa akin.
"Do you want me to help you?"
"Oo naman! Paano?"
"Let me guide you."
Kampante pa ako kahapon dahil buo ang kumpiyansa ko na baka sinabi niya lang iyon at hindi naman talaga siya seryoso, pero ngayon ay abot-abot na ang kaba ko. Halo-halo rin ang dahilan.
Una, nilibre niya ako ng cup noodles at ang kapal pa ng mukha ko dahil hindi ko man lang nagawang tumanggi. Pangalawa, first time na nga naming nagkausap noon, problema ko kaagad ang ikinuwento ko. Pangatlo, nagawa ko siyang tanungin kung may bakanteng puwesto pa ba sa pinagtatrabahuhan niya. Pang-apat, nakakahiya pa dahil ultimo mababa kong grado ay iminaktol ko sa kanya. At ang pang-huli, inalok niya pa akong tulungan. So, paano ko na siya haharapin mamaya nang hindi niya nahahalata na ngayon lang ako tinubuan ng hiya?
Inis kong kinamot ang aking ulo bago huminga nang malalim saka tuluyang umakyat sa hagdan na kanina ko pa pinagmamasdan. Ilang estudyante na rin ang nadaanan ako kanina, ang iba nga yata'y nagtataka kung bakit nakatayo lang ako, pero sa huli ay wala namang nagtangkang magtanong sa akin. Hindi ko rin naman sila sasagutin.
Nahinto ako sa paghakbang nang maalala ko na naman ang mukha ni Ross kaya tumalikod akong muli para bumaba sana pero kasabay niyon ang pag-akbay sa akin ng sino man, dahilan para mapasabay ako sa kanya sa pag-akyat.
"Tara na. Hindi ka p'wedeng ma-late. Kasama ang attendance sa grading system," anito. Hindi ko pa man naiaangat ang aking paningin ay alam ko na kaagad kung sino ito.
"Ross," usal ko sa pangalan nito kaya nilingon niya ako kasabay nang pag-alis niya ng pagkakaakbay sa akin.
"Oh? Mali ba sinabi ko? Ten percent din ang attendance, kaya kung male-late ka, malaking kabawasan na iyon sa grade mo," paliwanag pa nito. "Hindi ba gusto mong makapasok sa scholarship?" dagdag na tanong pa nito sa akin habang sabay naming tinatahak ang classroom.
Napakurap ako nang maintindihan ang ibig niyang sabihin. "O-Oo."
"P'wes, simulan mo sa attendance. Sabihin na nating siya ang may pinakamababang porsyento, pero malakas din ang hatak niyan. Hindi naman iyan ilalagay sa computation kung wala iyang silbi," imporma nito habang seryoso ang mukha.
Napalabi naman ako dahil sa bahagya nitong pagiging prangka at hindi man lang mas'yadong nag-filter. Sa huli ay hindi na ako nagbigay ng komento at nagkasya na lang sa pagtango. Mahirap na't baka mabigwasan pa ako. Kita ng seryoso sa buhay iyong tao, eh.
Pagkarating sa loob ng room ay dumiretso kaagad ako sa lagi kong inuupuan. Napamaang pa ako nang makitang kasunod ko lang din si Ross at akma nang umuupo sa katabi kong upuan. Nagtataka ko siyang tiningnan.
"May nakaupo sa upuan ko," sagot niya kaagad. Nilingon ko ang lagi niyang puwesto, pero ganoon na lang ang pagkunot ng noo ko nang makitang bakante ang silyang iyon kaya muli ko siyang tiningnan. "Kanina, mayro'n."
Tumango na lang ako at hindi na pinansin pa ang topak ng lalaking ito. Wala pang ilang minuto nang dumating din ang Prof namin sa Compensation Administration. Matapos bumati ay kaagad itong nagpalabas ng Yellow Pad paper na nagsanhi nang bulung-bulungan at pagmamaktol ng mga kaklase ko, na ginawa ko rin.
"Before we start our discussion for the next topic, I want you to make a short summary of what we have discussed last meeting," imporma nito.
Lihim akong napakagat sa aking labi kasunod nang pagyuko ko. "Paktay na. Nakalimutan ko pa naman na," bulong ko sa aking sarili. Muli kong iniangat ang aking ulo nang may inilapag na kung ano ang katabi ko. Isang yellow paper.
"I'll give you a hint. Theories of Wages," aniya sabay tuon sa kanyang sariling papel. Ito na ba ang sinasabi niyang "Let me guide you"?
Napakurap ako ng mga mata dahil hindi ko kaagad naintindihan ang sinabi niya sa akin. Muli kong inalala kung ano-ano ba ang mayroon sa topic na iyon pero tanging Equity Theory na lang ang naaalala ko. Sinimulan ko na ang pagsusulat at hinayaang mag-focus na lamang sa topic na iyon dahil alam kong wala akong mapipiga pa. May problema talaga ako lagi sa pagme-memorize ng mga terms.
Sa ilang minuto kong pagsusulat, nakakaisang paragraph pa lang ako at apat na sentences. Hindi ko alam kung magandang pangitain ba ito dahil kahit papaano ay may naisulat pa ako o ano. Tumingin ako sa kanang bahagi ko at hindi ko na napigilang mainggit pa sa katabi ko dahil marami na siyang naisusulat, at mukhang may maisusulat pa siya.
"Sana all," bulong ko. HIndi naman iyon nakaligtas sa pandinig niya kaya lumingon siya sa gawi ko nang nakakunot ang mga noo. Sinulyapan nito ang papel ko at hindi na niya nagawang itago ang pag-ngiwi.
"Isulat mo kung ano lang ang naaalala mo," aniya.
"Naisulat ko na," mahinang tugon ko sa kanya.
"Ayan na iyon?" paniniguro pa nito.
"Oo, piga na iyan. Ayan na iyong best ko." Hindi ko man nakitang nag-facepalm si Ross, pero sa loob-loob ko ay alam kong gusto niya iyong gawin sa harap ko.
Hindi na ako nag-attempt pa na dagdagan ang gawa ko kaya hinintay ko na lamang ang go signal ng Prof namin para ipasa ito. Wala na rin naman akong magagawa pa kung hindi ang tanggapin ang katotohanan na nakinig lang ako sa discussion pero hindi ko isiniksik sa kokote ang lahat ng itinuro sa amin. Pasens'ya.
Nang matapos ang mahigit tatlong oras na klase ay mabilis kong inasikaso ang mga gamit para makalabas na ng room dahil gutom na gutom na ako. Akala ko ay tuluyan na akong makakawala kay Ross, pero ganoon na lamang ang gulat ko nang sabayan niya ako sa paglalakad. Hindi ko na lamang siya pinuna dahil baka nagkataon lang naman na parehas kami ng lalakaran.
Malapit na kami sa Food Hall nang harapin ko na siya. "Saan ka pupunta?" Tulad ko ay nahinto rin siya sa paglalakad.
"Ikaw, saan ka ba pupunta?" balik niyang tanong sa akin.
"Bakit ba nakasunod ka?"
"Sinong may sabing sinusundan kita? May iba pa ba akong dapat daanan pa-Food Hall?" pamimilosopo nito sa akin. "Saka sasabihin ko rin ang magiging set-up natin. Seryoso ako sa sinabi ko sa iyo noong Linggo. May isang salita ako, Monticildez," dagdag na imporma nito sa akin. Napaingos ako nang banggitin niya ang apelyido ko. Napaka-formal naman.
"Para ka namang others. Rosie na lang."
Nang tuluyang makapasok sa Food Hall ay nagkanya-kanya na kami ng order na dalawa. Siya na rin ang nagsabi sa akin na kumain na raw muna kami bago mag-usap. Pumayag na lang ako kahit na wala naman talagang kaso sa akin kung mag-usap man kami habang kumakain. Siguro hindi niya kayang mag-multitask nang kumakain. Tahimik lang naming inubos ang mga pagkain. Hindi ko na siya nagawa pang daldalin dahil hindi ko rin naman alam ang sasabihin sa kanya.
Mas nauna siyang natapos kaysa sa akin kaya bahagya pa akong nailang habang hinihintay niya ako. Na-conscious na lang ako bigla sa paraan ng pagsubo ko kaya bahagya akong bumagal.
Tumikhim ito. "Tulad ng sinabi ko sa iyo noon, tutulungan kita. Hindi ako bumabal---"
"Bakit mo ako gustong tulungan?
"Kasi kinakailangan mo ng tulong? Look, wala naman itong kapalit. If someone's need my help at kaya ko namang makatulong in some ways, why not help? Hindi tayo mga bata para ipagsawalang-bahala ang mga ganitong bagay. Alam natin pareho kung gaano kahirap ang kolehiyo. Pare-parehas nating kailangang maka-graduate, kaya hindi p'wedeng ako lang," mahabang paliwanag nito. "But of course, hindi ko rin naman p'wedeng ipilit kung ayaw mo. Tatanungin kita, gusto mo bang tulungan ang sarili mo? Kaya mo bang tumatanggap ng tulong?" matiim na tanong nito sa akin.
Hindi ko napigilang mapatawa nang hilaw sabay iwas ng tingin sa kanya. "Ikaw naman, natanong ko lang naman iyon, eh. Seryoso mo naman sa life," biro ko pa.
"At ikaw, kailan ka magse-seryoso?"
Napahinga ako nang malalim at kasabay niyon ang pagseseryoso ng aking mukha. Tutal, napatunayan ko na rin naman na seryoso't genuine talaga siya sa mga sinasabi niya. Sadyang hindi ko lang din talaga mapaniwalaan noong una dahil s'yempre, sino ba namang tao ang willing tumulong sa paraang ganito, plus, for long-term pa, 'di ba?
"Gusto ko naman talaga. Hindi ko lang din talaga ine-expect na seryoso ka sa sinabi mo noong nakaraang araw. Saka... nahihiya lang din naman ako," pag-amin ko.
Napaingos ito. "If I know, sa mga susunod na araw, mawawala na rin iyang hiya mo," komento pa niya.
"In short, magiging walang-hiya rin ako?"
"Ikaw ang nagsabi niyan. Let's see if mapapatunayan nga iyan."
Ilang minuto ang itinagal bago ako nagkaroon ng lakas ng loob na magsalitang muli. "Ano nga pala iyong... idi-discuss mo sa akin?"
Umayos ito nang pagkakaupo habang naka-ekis ang mga braso sa tapat ng kaniyang dibdib. "Basic lang naman at alam ko na alam mo rin ang mga ito. Ang kailangan lang natin ay ang mag-exert ng effort at pati na ang pagta-time manage. Kaya mo naman siguro ito, ano?"
"Oo... O-Oo?" nawala ang kumpiyansa ko nang maalala ko ang salitang "effort" dahil hindi ako sigurado kung kaya ko nga bang panindigan iyon.
"It's okay. Hindi naman binibigla ang bagay na iyan. Pagtutulungan natin pareho kung paano matutunan ang mga bagay na iyon. Sa ngayon, magsimula tayo sa attendance. Minor factor siya sa grading system natin, pero makatutulong na rin para pandagdag sa grades natin. As much as you can avoid being absent, much better. Maliit na chance na lang din ang ma-late ka lalo't hindi naman na ganoon ka-aga ang schedule natin. P'wera na lamang kung may valid reason ka para ma-late o kaya ay um-absent. Make sure na makakausap mo ang Prof to explain your side. I think, hindi mahirap sa part mo ito, tama?" imporma niya sa akin.
Mabilis ang mga naging pagtango ko. "Oo naman. Kung may ikapa-proud man ako, attendance ko lang."
Tumango ito. "Okay. Iyan lang naman ngayon. Bukas na lang ang iba," aniya sabay tayo. Nagpaalam na ito sa akin na mauuna na raw siya na akala mo naman ay hindi ko rin makikita sa susunod na klase.
Ginugol ko ang natitirang oras sa vacant time ko para matulog sa Library. Hindi ko alam pero nakagawian ko na ito lalo na kung alam kong wala namang dapat gawin. Kailangan kong mag-recharge para sa next class. Mahirap nang inaantok sa gitna ng klase lalo pa at oras talaga ng siesta ang susunod na klase.
Sa huling naging klase namin, hindi ko na katabi si Ross. Sa iba na siya naupo. Mukhang nagkataon lang na nakatabi ko siya kaninang umaga. Nasa kalagitnaan na ako nang paglalakad ko matapos makalabas ng campus nang may humintong itim na sasakyan sa bandang gilid ko. Magrereklamo sana ako pero nang makitang si Ross pala ang may-ari niyon ay, huwag na lang.
"Sumakay ka na. Iisa lang naman ang destinasyon natin," alok nito.
Hindi na ako tumutol kaya sumakay ako kaagad. Tipid na rin sa pamasahe. "Destiny natin?" natatawa kong komento.
"Magkaiba ang 'destiny' sa 'destination', Rosie. Mukhang kailangan nating tumambay sa Library bukas." Kaagad siyang nag-maniobra ng kanyang sasakyan nang makitang naisuot ko na ang aking seatbelt.
"Ito naman. Magkaiba rin ang nagjo-joke sa bobo. Mukhang kailangan din nating tumambay sa comedy bar at nang mahasa naman ang sense of humor mo," panggagaya ko sa kanya. Wala akong nakuhang komento mula sa kanya kaya hindi ko na nagawang dumaldal pa.