CHAPTER THREE

2225 Words
NANATILING tutok ang aking mga mata sa yellow pad paper na nasa harapan ko ngayon. Kung kailan iisang tanong na lang ay saka pa ako nahirapang sagutan ito. Nasa tatlong minuto na rin siguro akong naghahabi sa isip ko ng isasagot para naman mailigpit ko na itong assignment namin. Natigilan lamang ako sa pag-iisip nang marinig ko ang mga boses nila Mama sa sala. Narito na kasi ako sa kuwarto namin at kanina pa rin nakatulog itong si Rookie. Iniligpit ko ang mga papel na nakakalat sa kama at napagdesisyunang bukas na lang itutuloy ang pagsasagot nito. Linggo naman bukas kaya matututukan ko rin ito. Pasimple akong pumunta sa pintuan para tingnan kung nakauwi na ba si Kuya Paeng, pero bago ko pa man mabuksan ang pinto ay narinig ko na ang mahinang pag-uusap nina Mama, Papa at Kuya. "Bakit ka raw tinanggal?" bakas sa boses ni Mama ang pag-aalala. "Retrenchment daw, e. Marami-rami kaming mga tinanggal. Humingi naman ng paumanhin sa amin at ipinaliwanag na kailangang magbawas ng tao. Karamihan sa amin ay mga baguhan at halos hindi pa umaabot ng dalawang buwan na tinanggal nila," paliwanag ni Kuya. "Wala na ring trabaho si Kuya?" tanong ko sa aking sarili. Nanaig ang katahimikan sa kanila kaya nakaramdam ako ng lungkot, dahil alam kong problemado na sila ngayon kung paano kami sa mga susunod pang araw lalo pa't naghahanap pa rin ng trabaho si Papa. "Sa Lunes, maghahanap naman kaagad ako ng trabaho. Saka, huwag kayong mag-alala. Kung si Papa ay natanggal lang, p'wes ako natanggal pero may separation pay namang matatanggap," masiglang biro pa ni Kuya na ikinangiti ko nang tipid. "Ah! Niloloko yata ako ng panganay natin, oh!" natatawang wika naman ni Papa na ikinatawa ko rin sa kabila ng lungkot na nararamdaman ko rin ngayon. "Talaga namang walang natanggap ang Papa mo na separation pay, e lugi na nga ang kompanya. Ano pa ang ibibigay sa kanila?" gatong pa ni Mama na halatang inaasar din si Papa. Kung sabagay nga naman, parehas mang tinanggal sina Kuya't Papa ay magkaiba pa ring sitwasiyon. Sa pagkakaalam ko kasi ay business closure na talaga ang dating kompanyang pinagtrabahuhan ni Papa. Samantalang si Kuya nama'y, on the way na roon at para maiwasang malugi o magsara ang kompanya, nagbawas na ng mga tao para bawas din sa mga taong pasasahuran. Kaya kahit papaano ay may separation pay pa rin na matatanggap si Kuya. Kung kanina ay problemado sila habang nag-uusap, ngayon naman ay nag-aasaran na lang at si Papa ang napagkakaisahan. Binuksan ko ang pinto kaya napalingon sila sa akin. "Bibili lang po ako ng bond paper saka ballpen," pagpapaalam ko. "Gabi na, ah? Bukas ka na lang bumili," suhestiyon ni Papa. "Kailangan mo na ba ngayon?" tanong naman ni Mama. "Samahan na lang kita," biglang alok ni Kuya sa akin. Akmang tatayo na siya nang pigilan ko. "Hindi na, Kuya. Papasama na lang ako kay Vince. May bibilhin din daw siya, eh kaya sasabay na ako," palusot ko. "Sigurado ka?" Tumango naman ako. "Oo, ka-chat ko lang siya kanina." Pumayag din naman sila kalaunan at binilinan ako. Hindi naman totoo na isasama ko si Vince. Sinabi ko laig iyon para payagan akong makalabas. Gusto ko kasi munang pumunta sa convenience store para kumain saka magpalamig na rin. Ayaw ko rin namang abalahin pa si Vince lalo't alam kong pagod rin iyon sa trabaho at baka'y nagpapahinga na rin ngayon. Gusto ko lang din mapag-isa muna ngayon. Mag-a-alas diyes na ng gabi, pero may iilan pa rin namang mga tao ang nasa labas kaya hindi rin ako natatakot. Nakasuot na ako ng pajama at may kalakihang T-shirt pero hindi na ako nag-abalang magpalit pa. Tutal, gabi na rin naman saka wala rin akong pakialam. Pagkarating sa convenience store ay walang ibang kustomer kung hindi ako. Tiningnan ko rin ang counter para i-check kung sino ang tao ngayon dito pero wala naman akong nadatnan doon kaya dumiretso na ako sa istante ng mga pagkain. Galing ito sa natira kong baon kahapon na dapat ay ihuhulog ko sa ipon, pero wala. Na-stress ako ngayon kaya ipangkakain ko na muna. Nang magbabayad na ako ay wala pa rin akong nakikitang cashier o kahit sinong tao rito. Kung loko-loko lang ako, baka itinakbo ko na itong mga pagkain. "Tao po? Magbabayad na ho ako!" may katamtamang lakas na sigaw ko. Nahagip ng mga mata ko ang isang pigura na kalalabas lang mula sa Storage Room. Bakit siya pa sa mga oras na ito? Natigilan ako nang magtama ang aming mga paningin lalo pa nang unti-unti na itong lumalapit dito sa counter. May bitbit pa siyang maliit na kahon at saka ito inilagay sa lapag nang makarating sa harapan ko para i-punch ang mga binili ko. Mag-i-isang linggo na rin buhat noong first day namin at sa mga nakalipas na araw ay hindi pa kami nagkakausap. Pero masasabi kong madali niya lang na nakapalagayan ng loob ang mga kaklase ko. Tahimik lang din siya pero marunong namang magsalita't makipagbiruan. Parehas lang kami na kung hindi kakausapin o papansinin ay hindi rin iimik. "Ito lang po ba?" Pansamantala akong nawala sa iniisip ko nang magsalita ito at hinihintay ang isasagot ko. "Oo, iyan lang naman." Kaagad akong pumili ng upuan na nasa bandang dulo at saka naupo. Tiningnan ko lang ang mga pagkaing inilatag ko sa ibabaw ng lamesa na para bang nahihirapang mamili kung ano ang uunahin kong buksan. Pero ang totoo, iniisip ko kung paano na naman ako nito kapag nakauwi na ako. Tiyak na pag-uwi ko ay mag-iisip na naman ako lalo pa na mas nadagdagan ang problema nila Mama. Ang hirap mamili. Ang hirap mag-desisyon. The moment na narinig ko ang pinag-uusapan nila kanina ay saka nag-echo sa pandinig ko ang mga sinabi sa akin ni Vince. "Makakatulong ka sa mga magulang mo kahit hindi sa pinansiyal." "Pero sa anong paraan? Hindi naman sapat ang mga nagagawa ko ngayon, eh," mahinang komento ko sa sariling naiisip at saka umub-ob sa lamesa. Tahimik at malamig ang buong convenience store. Sinulit ko ang pagkakataon na ito para dito mag-emote lalo pa na wala namang dumarating na mga kustomer. Matapos ang ilang minuto na nakayuko lang ako sa lamesa ay tumunghay na ako at balewalang binuksan ang paborito kong biscuit. Walang ano-ano kong isinubo ang isang piraso nito habang nakatanaw sa may kadilimang labas ng store. Iilan na lang din ang mga kotseng dumaraan. Mabilis na dumako ang paningin ko sa ibabaw ng lamesa nang may maglapag ng isang cup noodle roon. Tumingala ako para makita kung sino ang naglagay niyon at bahagya pa akong nagulat nang maabutang nakatayo pa rin ito sa gilid ko. Hindi ko napigilan ang mapanguso nang kuhanin ang cup noodle. "Salamat! Hindi ko alam na mabait ka pala," sinsero kong sabi sa kanya habang nakangiti nang malapad. "Sixteen pesos and seventy centavos. I-try mo, masarap iyan. I-punch ko na ba?" Tila nabingi ako sa sinabi nito. Unti-unti ring bumababa ang kaninang nakangiti kong labi at marahang ibinaba pabalik ang cup noodle sa lamesa. "Hayop ka! Akala ko libre mo na. Inaalok mo lang pala sa akin," gigil kong komento. Tumawa naman ito nang bahagya at saka inilapit ulit ang cup noodle sa akin. "Joke lang! Bayad na iyan." "Ayaw ko na maniwala sa iyo. Mamaya ipabayad mo pa sa akin, eh sakto lang iyong perang nadala ko ngayon." "Hindi naman ako ganoon. Sa iyo na iyan. Kainin mo. Mas kailangan mo iyan kaysa sa mga binili mo," aniya. "Sigurado ka, ha? Ito na kukuhanin ko na ulit. Kapag nahawakan na ng kamay ko wala nang bawian at libre na talaga ito," paniniguro ko pa habang unti-unting inilalapit ang mga kamay ko sa cup noodle. Tumango ito saka umalis na sa harapan ko. Hinabol ko lang siya ng tingin habang binubuksan ang cup noodle. Natigilan lang ako nang maalalang kailangan ko itong lagyan ng mainit na tubig. Kinuha ko ito at lumapit sa kanya sa counter habang may ginagawa siya roon. Tumikhim ako para maagaw ang atensiyon nito na kalauna'y tumingin din sa akin. "Salamat pala rito . . . pero kailangan ng mainit na tubig, eh. Pakilagyan naman," nahihiya kong panimula. "Hindi na libre ang mainit na tubig," anito. "Ganoon ba? Siguro naman kung i-se-self service ko ay wala ng bayad," sagot ko at ako na ang naglagay ng mainit na tubig. Hindi na ito umimik pa at bumalik sa kaninang ginagawa. Bago ako bumalik sa upuan ko ay nagpasalamat ako ulit sa kanya na tinanguan niya lang din sa huli. Nakakailang higop na ako nang maupo naman ito sa harap ko at may dala-dala ring cup noodle na may mainit ng tubig. Hindi ko na lang ipinahalata na nagtataka ako kung bakit ito naupo sa harapan ko. Ilang minuto na rin ang nakalipas pero wala pa ring nagsasalita sa amin kahit na alam ko namang hindi kailangan. Pero ayaw ko namang isipin niya na wala akong utang na loob at hindi ko man lang magawang kausapin siya, kaya naman tumikhim ako nang kaunti. "Ah . . . Bakit mo nga pala ako nilibre nito?" tanong ko. Naagaw ko naman ang atensiyon niya kaya saglit itong natigilan sa pagkain. "Ayaw mo ba?" "H-Hindi naman. Tinanong ko lang." "Kasi kaklase kita?" hindi niya siguradong sagot sa akin. "Kaklase rin naman turing ko sa iyo, pero hindi naman kita naisipang ilibre, ah?" "Sabihin na lang natin na mas mabait ako kumpara sa iyo," nakaloloko nitong segunda. Napasinghap ako pero hindi na lang din siya pinatulan at itinuloy na rin ang pagkain. Muli akong tumunghay sa kanya nang hindi ako makuntento sa naging sagot niya sa akin. "Pero, bakit nga?" pangungulit ko pa. Bagot itong tumunghay sa akin. "Sa katatanong mo gusto ko na lang ipabayad iyan sa iyo." "Kapag ba nagbibigay ka, dapat din bang binabawi pa? Kapag nag-re-regalo ka, binabawi mo rin?" segunda ko na ikinatahimik niya. "Binigyan kita kasi gusto ko. Pakiramdam ko ay kailangan mo lang din niyan," tugon nito na ikinangiti ko nang malapad. "Sasagot ka rin naman pala nang diretso, eh," natatawa ko pang komento na nagpa-irap sa kanya nang bahagya. "Pero, salamat. Nakatulong iyong mainit na tubig dito sa noodles na bigay mo," biro ko pa. "Anong oras na pero nasa labas ka pa? Malapit ka lang ba rito?" "Medyo malayo na medyo malapit. Sana gets mo," pabiro kong sagot. Naiiling naman ito sa akin. "Kapag problemado ako, tumatambay ako rito kasi malamig. Pampalamig lang din ng ulo. Hindi kaya ng electric fan kaya dumadayo ako rito. Sayang aircon niyo rito," dagdag ko pa. "Pambihira," nangingiting usal niya. "Magkano sahod mo rito?" "Bakit?" "Wala, curious lang. Tumatanggap pa ba kayo ng applicant?" muli kong tanong. "Hindi pa sa ngayon, bakit?" "Wala, curious lang ulit. Baka maisipan ko lang mag-apply. Bakit ka pala nagtrabaho rito? Huwag mo na akong itatanong ng bakit kasi ang isasagot ko lang din sa iyo ay dahil sa curious lang din ako ulit," imporma ko. Kung tatanungin ako kung nakailang iling na itong si Ross sa akin ay tiyak na hindi ko alam ang masasabi ko. Ang dami na niyang iling habang nagsasalita ako. "Gusto ko lang ma-experience. Na-curious lang din ako kung paano ba magtrabaho at kung ano'ng pakiramdam maging isang empleyado." Napamaang naman ako sa kanya. "Kakaiba ka talaga, 'no? Ikaw pa nga lang din ang nakikita kong working student na naka-kotse habang nagtatrabaho sa convenience store, eh. Ikaw pa lang ang kakilala ko." "Paano mo pala nalamang may kotse ako?" kunot-noong tanong nito sa akin. "Nakita kasi kita rito one time tapos kabababa mo lang din sa kotse mo. Akala ko nga ay may bibilhin ka lang, eh." "Bago pa lang naman din ako rito. Gusto mo bang mag-apply? Baka may vacant pa," alok nito sa akin na ikinatahimik ko. Napabuntonghininga ako. "Hindi ko kasi alam, eh. Gusto ko sana kaso ayaw naman ng mga magulang ko. Pero gusto ko kasing tumulong sa kanila, alam mo iyon? Ikaw nga, oh. Mukha ka namang may kaya-kaya sa buhay pero nagtatrabaho habang nag-aaral, samantalang ako hanggang ganito lang. Feeling ko tuloy, pabigat na ako." Hindi ko na napigilan pa at nakapagsabi na ako ng saloobin kay Ross na alam kong hindi ko naman talaga plano noong una. Nadala na lang din ako lalo na nang malaman ko ang dahilan niya kung bakit siya nagtatrabaho ngayon. "Ikaw, experience lang ang major reason mo. Eh, ako, pera kailangan ko. Kailangan namin iyon," dagdag ko pa sa mahinang boses naman. "Gusto mo pero sabi mo ay hindi ka pinapayagan, pero gusto mong makatulong? Marami namang nagkalat na scholarship diyan, ah? Malaking tulong iyon. O baka kasali ka na?" tanong nito sa akin na mas lalong nagpalugmok sa akin. "Iyon na nga, eh. Wala rin ako niyon." "May scholarship sa school." "Alam ko. Kaso, ni partial scholarship hindi ako makasabit. Hindi na ako tinantanan ng 2.75 na grade kaya paano ako magkakaroon ng scholarship?" maktol ko pa. "Ikaw ba? Kasali?" baling ko sa kanya. Ilang segundo pa ang lumipas bago ito tumango. "Full scholarship, both sem," aniya. "Sana all," bulong ko. Hindi ko naman naramdaman ang pagmamayabang sa paraan nang pagkakasabi niya, hindi katulad ng iba kapag tinanong mo tungkol sa ganito. "Do you want me to help you?" kalauna'y tanong nito sa akin na siyang nagpabuhay ng dugo ko. "Oo naman! Paano?" desidido kong sagot. "Let me guide you."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD