CHAPTER TWO

1792 Words
MAGAAN ang naging unang araw ng klase namin. Typical na ginagawa lang naman talaga every first day of school ay ang walang katapusang Introduce Yourself. Kanya-kanya nga lang ng mga pakulo kaya hindi nagiging boring. Kabababa ko lang mula sa jeep na sinakyan ko galing sa school. Maaga-aga akong umuwi ngayon dahil wala namang gaanong pinagawa sa amin at wala rin naman akong ibang pupuntahan kaya minabuti ko nang umuwi. Bago pa man ako makapasok sa subdivision namin ay natanaw ko ang may kalayuang convenience store. Nakaramdam ako ng gutom at nanubig ang bagang ko nang pumasok sa isip ko ang paborito kong biscuit kaya walang pag-aatubiling inihakbang ko ang aking mga paa papunta roon. Pagkapasok doon ay nasa tatlo lamang ang kustomer na naroon. Agad kong pinuntahan ang istante kung saan ko madalas makita ang mga biscuits. Mabilis akong kumuha ng dalawa niyon pero pagkaraa'y kumuha pa ako ng isa nang maalala ko si Rookie. Iuuwi ko itong isa kanya. Nang makakuha rin ako ng isang maliit lang na bote ng inumin ay mabilis ko iyong inilapag sa counter para magbayad. Habang ginagawa ng cashier ang trabaho niya ay napagawi ang aking paningin sa labas ng store. Tanaw lamang kasi ang labas. Napukaw ang atensiyon ko nang bumaba ang driver ng isang itim na kotse. Napakunot ako ng noo nang mapagsino iyon. Si Ross Xedric Sarmiento. Sa mga naging klase namin kanina ay malabong hindi ko siya makilala. Mas'yado siyang magaling sa klase. Hindi naman nakakainis iyon kasi sa totoo lang . . . namamangha ako sa kanya. Nawala lamang ang paningin ko sa kanya nang magsalita ang cashier at inabot sa akin ang mga binili ko. Sakto rin na papasok na rito sa loob si Ross kaya mabilis akong pumunta sa isang lamesa na nasa bandang dulo. Nakatalikod ako sa gawi niya kaya nakahinga ako nang bahagya. Napa-second look pa ako nang maalala ko ang suot nitong damit kaya muli akong lumingon sa kanya nang dahan-dahan. Nakasuot siya ng uniform na katulad rin sa cashier nitong store. Bakit? Naabutan ko itong bumabati sa cashier at nakipagtapikan pa ng balikat. Nakipagbiruan pa sa kanya iyong cashier hanggang sa marinig kong nagpaalam ito kay Ross. "Oh, paano, tol? Ikaw naman na ang bahala ngayon. May darating pala na bagong deliver mamayang mga 7:30," dinig kong imporma noong cashier kay Ross. Tumango naman si Ross habang binubutones ang polo niya. "Oo, sige. Ako na'ng bahala." Umalis na ito sa counter at saka muling tumapik sa balikat ni Ross. "Alis na ako, 'tol." "Sige, ingat ka." Mabilis kong iniiwas ang tingin sa kanila at umupo ako nang tuwid habang pinapakiramdaman ang paligid. Mukhang nakaalis na rin ang lalaking cashier kanina base na rin sa pagtunog ng wind chime na nakakabit sa itaas ng glass door. Mataman kong binuksan ang balat ng biscuit at saka marahang kumagat doon. Iniisip ko kung bakit nandito si Ross kahit alam kong may ideya na ako. So, nagtatrabaho siya rito? Well, siya pa lang ang nakita kong working student sa isang convenience store na naka-kotse. Ayaw ko maging judgemental pero halata sa itsura nito na nakaaangat siya sa buhay. Kalimitan na alam ko sa ka-edad niya at may kaya ay hindi talaga nagtatrabaho. Tulad ko, mahirap kami pero hindi ako nagtatrabaho. Pabigat. "Ma'am, linisin ko lang po ang lamesa niyo," rinig kong sambit ng sino man. Sa lalim ng iniisip ko ay hindi ko na napansin pa na may nakalapit na pala sa akin. "Ay, sige ho. Salamat," saad ko saka siya tinulungan na pulutin ang mga balat ng pagkain na hindi ko namalayang mayroon pala sa lamesa ko. Sa sobra kong taranta kanina ay hindi ko napansin na ang dugyot pala nitong napili kong upuan. Naiwan sa ere ang kaliwang kamay ko na may hawak pang papel ng siopao nang mapagtanto ko kung sino ang kausap ko. Marahan kong iniangat ang aking ulo at doon ko naabutan si Ross na nagpupunas pa rin ng lamesa. Tumingin ito sa akin pero wala akong nabakas na kahit ano sa mukha niya. Wala akong naaninag na pagkahiya, gulat o taranta. Ang kaswal lang. Kinuha niya sa kamay ko ang kalat na hawak ko saka nagpasalamat at nagpaalam na rin. Hindi ko na nagawa pang umimik dala ng pagkagulat ko. Bahagya pa akong nahiya dahil baka iba ang iniisip no'n. Baka mamaya akala niya ay hinuhusgahan ko na siya o ano. Isinawalang-bahala ko na lang at itinuloy ang pagkain. Paminsan-minsan ay pasimple ko siya kung tingnan. Sinisiguro ko namang hindi niya ako nakikita o naabutang nakatingin sa kanya. Mayroong minsan ko siyang naabutang nag-aayos ng mga tinda sa istante o kaya ay nasa counter kapag may pumapasok na bagong customer. Narinig ko pa nga kanina na palihim siyang pinuri ng mga babaeng highschool students na bumili lang naman ng isang inumin pero lima silang nasa counter. Palibhasa guwapo ang cashier. Pasado ala sais ng gabi nang maubos ko ang kinakain. Itinira ko ang isang biscuit at ang kalahating C2 para iuwi kay Rookie. Itinapon ko sa basurahan ang kalat ko. Bago pa man ako tuluyang makalabas ay nagawa pang hanapin ng mga mata ko si Ross. Kalalabas niya lang galing sa storage room yata at nagkatinginan pa kami. Hindi ko alam kung magpapaalam ba ako o ano. Ayaw ko namang isipin niya na ang sama ng ugali ko lalo pa't mag-kaklase kami. Pero ayaw ko rin namang maging feeling close. Sa huli ay umalis na lang ako nang walang ginagawang kung ano. Naisipan ko sanang ngitian o tanguan siya, kaso natatakot naman ako na magmukhang ewan at baka hindi niya naman ako suklian. Sana maintindihan niya na nahihiya pa akong mamansin dahil ngayon ko pa lang naman siya nakita't nakilala. Napabuntong-hininga ako nang makalabas. Madilim na ang paligid at aligaga na rin ang kalsada. Oras na kasi ng uwian ng iba. Bahagya ko pang pinagalitan ang sarili dahil maglalakad pa ako ng ilang mga layo bago makarating sa gate ng subdivision namin. Kung hindi ko ba naman pinairal ang kasabikan sa biscuit na iyon. Mag-isa kong tinatahak ang medyo may kadilimang daan nang makapasok na ako sa subdivision namin. Ilang minuto lang nang makarinig ako ng "psst!" mula sa likuran ko. Hindi ko iyon pinansin at nagpatuloy lang sa paglalakad. "Maldita naman nito." Nang mabosesan ko ang taong iyon ay mabilis akong humarap sa kanya at sinamaan siya ng tingin. "Vince, napakaepal mo!" iritado kong saad at saka siya pinagkukukurot sa tagiliran. Tawang-tawa naman ito habang uma-aray. "Sorry na! Ito naman, highblood kaagad," depensa pa niya na mas lalo kong ikinainis. "Loko ka! Hindi kamo magandang biro iyon. Paano pala kung may dala-dala akong pepper spray at naitapat ko iyon sa iyo?" "Iyon na nga, e. Buti na lang wala kang dala at alam ko iyon kaya malakas ang loob ko. Sabi sa iyo, e. Itigil mo na iyang kaka-kape mo para bawas nerbiyos," pang-aasar nito. "Ewan sa iyo!" Nagpatuloy ako sa paglalakad at sumabay rin naman agad siya sa akin. Mabuti na lang at itinigil na niya ang pang-aasar dahil kung hindi ay baka sasamain talaga siya sa akin. Wala akong pakialam kahit na kapitbahay ko lang siya. "Ngayon ka pa lang uuwi?" "Siguro, kasi naka-bag at ID pa ako?" sarkastiko kong tugon. "Galing sumagot! Kaya ka nakapag-college, e." "Salamat sa papuri." "Walang anuman." Muli ko na naman siyang sinamaan ng tingin at ngumiti naman ito nang pa-inosente. "Kumusta first day?" pagkuwa'y tanong nitong muli sa seryoso naman ng tono. "Ayon, umay sa pagpapakilala," bagot kong tugon. "Ay, alam mo ba? Noong first year din ako sa college, tinanong kami ng prof namin kung ano expectation namin sa subject niya. At alam mo ba kung ano sagot ko?" masigla nitong aniya. "Oh, ano?" "Hindi ho ako nag-e-expect, Sir. Masakit," seryoso nitong sagot na kalauna'y ikinatawa ko. "Siraulo ka ba? Buti hindi nagalit prof niyo?" Tawang-tawa rin ito sa sariling kalokohan. "Hindi. Ako nga lang daw ang very good answer, e. Mas'yado raw kasing matataas expectations ng mga kaklase ko," paliwanag niya. "E, ikaw? Kumusta ang trabaho?" "Kapagod. Pero masaya naman. Kasi hindi lahat nabibiyayaan ng maayos na trabaho. Atleast, dito sa trabaho ko ay stable." Tumango-tango ako sa kanya. "Oo, parang iyong kay Papa. Naaawa na nga ako sa kanila, e. " Hinawakan ako sa balikat ni Vince para iusog sa puwesto niya at siya ang pumalit sa kaninang puwesto ko. May parating kasing sasakyan kaya itinabi niya ako. "Bakit hindi ka mag-apply ng trabaho? Mag-working student ka?" "Sinabi ko iyan kila Mama noon pero hindi sila pumayag. Nasa college na raw kasi ako at ayaw naman nilang mahati ang atensiyon ko sa pag-aaral lalo pa't alam nila na mahirap nga sa kolehiyo. Huwag daw muna akong mag-isip na magtrabaho kasi nakakatulong naman daw ako kahit papaano. Lalo na kapag walang tao sa bahay kasi nasa trabaho sila at ako ang taga-asikaso sa bahay lalo na kay Rookie. Iyon na lang daw muna ang isipin ko," mahabang paliwanag ko. "Pero kasi alam mo iyon . . . pakiramdam ko kasi hindi sapat lang na nag-aaral ako at nag-aasikaso sa bahay at kay Rookie. Feeling ko, pabigat pa rin ako lalo na ngayong hindi naman na ako bata. Dagdagan mo pa na nakikita ko silang nahihirapan," dagdag ko pa sa mababang boses. Tinapik naman ako ni Vince sa balikat. "Tama lang naman ang sinabi ng mga magulang mo at tama ka rin naman. Hindi naman kasi obligado ng mga anak na suklian kaagad ang mga magulang. Trabaho iyon ng mga magulang-ang tustusan ang buong pamilya. At tama lang din iyang nararamdaman mo. Hindi porque hindi ka ino-obliga ng mga magulang mo na pasanin ang lahat ay may karapatan ka ng magpa-petiks-petiks. Gawain ng anak na makaramdam ng ganiyan lalo na kapag nakikita nilang nahihirapan na ang mga magulang nila. Kumbaga, ang magandang maitutulong muna ng mga anak pansamantala ay iyong bawasan ang bigat at hirap na nararamdaman ng mga magulang nila. Hindi iyong magpapabigat pa lalo. Sa mga magulang mo na mismo nanggaling, Rosie . . . natutulungan mo sila kahit sa ganoong paraan. Darating naman ang araw at matutulungan mo sila. Iyong masusuklian mo rin lahat ng ibinigay nila sa inyo," salaysay ni Vince na ikinatahimik ko. Nanaig ang katahimikan sa aming dalawa habang nilalakad ang daan pauwi. "Buti ka pa. Nasa phase ka na ng buhay mo at nakakatulong ka na sa kanila. Napapasaya mo na ang mga magulang mo. Napagagaan mo na rin ang buhay nila," malungkot kong usal. Narinig ko ang mahina nitong pagtawa. "Oo nga, e. Masarap sa pakiramdam. Pero, Rosie . . . maniwala ka sa akin. Makakatulong ka sa mga magulang mo kahit hindi man tungkol sa pinansiyal. Anak ka nila at mahal nila kayong mga anak nila kahit ano pa man ang mangyari."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD