—Eight years later—
"Pasok mga suki, presyong pang-masa… Ate ganda, bili ka na sakin, fresh na fresh pa itong mga paninda ko..." Masiglang wika ni Vivoree sa bawat taong dumadaan sa kanyang pwesto.
Isa siyang tindera ng gulay sa malawak na palengke ng Maynila. Halos mahigit dalawang taon na rin siyang nagtitinda doon. Ang kinikita niya sa pagtitinda ay sakto lang sa pang-araw araw nilang gastusin subalit minsan nga'y kulang pa lalo na at nag-aaral pa sa highschool ang kanyang bunsong kapatid na si Fabio.
"V, narinig mo na ba ang usap-usapan?" Tanong ni Sonya. Nagtitinda rin ng gulay at rekados ang babae at katabi ng pwesto niya.
"Ano bang tsismis yan?" Balik tanong niya habang abala sa pag-aayos ng mga kamatis.
"Aba, ang balahurang may-ari nitong stall na pinagtitindahan natin, magtataas na naman daw ng singil sa renta!" Malakas nitong bulalas.
Natigil siya sa kanyang ginagawa at kunot noong nag-angat ng tingin kay Sonya. "Ano? Eh di ba nag-increase na sila noong nakaraang buwan?"
"Naku sinabi mo pa! Mukhang buwan buwan yata silang magtataas ng renta hanggang sa malugi na tayo," sabat naman ni Nery na karatig tindahan niya din.
Aburido siyang napasuklay ng buhok. "Tangínang buhay yan oh. Ang hirap-hirap na nga ng kalagayan natin tapos dadagdag pa sila."
"Yun na nga eh. Wala talagang konsiderasyon ang mga yan porket malakas ang kapit sa gobyerno. Naku nakakainis talaga. Kung sino pa yung mayaman sila pa lalo yung inaangat tapos tayong mga mahirap wala na, mas lalo pa tayong malulugmok sa kahirapan kahit anong gapang pa natin pataas. Di talaga patas ang mundo kasi minsan kahit anong sama ng mga yan di naman nakakarma. Para lang yata sating mahihirap ang karma na yan," mahabang palatak ni Sonya.
Nagpakawala na lang siya ng isang malalim na buntong hininga. Ayaw man niyang sabihin, pero sang-ayon siya sa sinabi ni Sonya. Ang karma ay para lang sa mahirap dahil kung mayaman ka, kayang kaya nitong tapalan ang lahat ng pera.
"Ineng magkano ang kilo nitong patatas?" Tanong ng isang may edad na babae.
Mabilis na nagbago ang kanyang ekspresyon at magiliw itong nginitian. Ganun naman talaga. Kahit may problema kang dinadala, kailangan parin maging magiliw sa mga customers dahil yun ang tama.
"One hundred twenty po Madam pero dahil maganda ka, isang daan na lang para sayo..."
Napakamot ito ng ulo. "Ang mahal naman. Wala bang tawad dyan?"
"Naku Madam may benteng tawad ka na tsaka tingnan mo naman ang mga patatas, mas maganda pa sa tindera yan," pangbobola niya.
Humugot naman ito ng pera sa wallet at nag-abot sa kanya ng dalawang daan. "Dalawang kilo. Basta maganda yan ha. Walang halong bulok..."
"Oo naman. Kapag may bulok to balikan niyo po ako at awayin dahil nagsinungaling ako," tugon niya habang nagtitimbang ng patatas.
Ilang sandali pa ay iniabot na niya sa ginang ang supot. "Salamat po Madam. Suki na tayo ha. Balik ka dito sa susunod..."
Tumango naman ito at umalis na. Akmang magbabalat siya ng carrots nang bigla na lang lumitaw si Roda na humahangos sa harapan niya.
"Anong nangyari sayo at para kang hinahabol ng pulis?" Nagtataka niyang tanong.
"K-kasi...Ang nanay mo V...Sinugod sa ospital dahil nagsusuka ng sariwang dugo habang naglalabada kina Madam Sheena!"
"Ano?! Naglabada si Nanay?!" Bulalas niya.
Dalawang taon na rin ang nakaraan mula ng patigilin niya ang kanyang Nanay Erlinda sa paglalabada dahil lagi itong kinakapos sa paghinga. Nais niya mang ipagamot ang matanda, lagi naman itong tumatanggi dahil nga kapos sila sa pera at baon pa sa utang.
"Oo! At nasa ospital siya ngayon. Puntahan mo na lang agad at ako na ang magsasara nitong tindahan mo," suhestyon ng matalik niyang kaibigan.
"S—sige...Ikaw na ang bahala dito sa mga paninda ko ha," bilin niya bago patakbong lumabas ng palengke.
Hindi niya alintana ang amoy pawis at init ng araw. Agad siyang pumara ng jeep para puntahan ang kanyang ina. Subalit sa kamalas-malasan pa ay gitgitan ang daloy ng trapiko kaya't napilitan siyang bumaba na lang para takbuhin ang ospital.
Abot-abot ang kanyang paghinga habang tagaktak ang pawis sa kanyang noo nang makarating siya sa pampublikong ospital na pinagdalhan sa kanyang ina. Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at agad na tinanong ang nurse na nasa station.
"Ma'am may pasyente po bang Erlinda Escalante dito?"
"Sandali lang po ha," magalang nitong tugon.
Hindi naman nagtagal ay agad na ibinigay ng nurse ang kinaroroonan ng kanyang ina. Mabilis siyang kumaripas ng takbo at hinanap ang hospital bed nito.
"N-nay! Ano pong nangyari sa inyo?" Naiiyak niyang tanong.
Mas lalo pa siyang nanlumo nang makitang namumutla ito. Ngayon niya mas napagtanto na ang laki na pala ng ipinagbago ng kanyang Nanay. Pumayat ng husto ang ginang at mas pinatanda pa ng panahon kaysa edad nito.
"Naku, ayos lang ako anak. Pagod lang to—"
"Ano bang pagod yang pinagsasabi ninyo. Sumuka daw kayo ng dugo Nay tapos pagod lang? Bakit ba kasi kayo naglabada. Alam niyo namang hindi niyo na kaya diba?" Frustrated niyang wika.
"Konti lang naman yun anak at isa pa gusto ko lang namang kumita ng extra dahil tatlong buwan na tayong hindi nakakapagbayad ng renta sa bahay. Nagbanta na ang may-ari na paalisin nila tayo kapag hindi tayo nag-abot ng pera..."
Napahilamos siya ng mukha. "Pero kahit na po. Gagawan ko naman yun ng paraan eh. Diba sabi ko sa bahay lang kayo." Hindi na niya napigilan pang mapaiyak.
"Excuse me, kayo po ba si Vivoree Escalante na guardian ni Mrs.Erlinda?"
Napalingon siya sa nagsasalita at nakitang isang may edad na doktor iyon. Inayos niya ang sarili bago tuluyang humarap dito.
"Opo Doc. Ahm...Ano pong sakit ng Nanay ko?" Malumanay niyang tanong.
"Much better kung sumunod ka sa opisina ko Miss Escalante. Marami akong sasabihin sayo," seryoso nitong wika bago sumulyap sa kanyang ina.
Tumango naman siya. "Sige po Doc. Susunod po ako," aniya bago nilingon si Nanay Erlinda at nagpaalam.
Pumasok siya sa opisina ng doktor. Agad naman itong naupo sa swivel chair habang may hawak na mga papel.
"Ah, Doc...Kamusta po ang lagay ng Nanay ko. Ayos lang po ba siya? Hindi ba malala ang karamdaman niya?" Kinakabahan niyang tanong.
Nagpakawala ang doktor ng isang malalim na buntong hininga. "Based on the tests initial results, your mother is suffering from lung cancer kaya madalas siyang nahihirapang huminga and about the blood vomiting, I'm afraid to say this but the cancer might be in a higher stage. I'll be honest with you Miss Escalante, kung sana ay naagapan lang ito agad, the case won't be this worse."
Natulala siya sa sinabi ng doktor habang na nag-uunahan sa pagpatak ang kanyang mga luha. May sakit ang nanay niya at mukhang malala na ito. Hindi niya maiwasang sisihin ang sarili niya. Kung naging maayos lang sana ang takbo ng buhay niya. Kung sana... Agad siyang napailing nang maisip ang bagay na iyon. Hindi iyon ang dapat niyang isipin sa ngayon.
Lumunok siya ng ilang beses para mawala ang bikig sa kanyang lalamunan. "May...may magagawa pa po ba kami Doc? May mga gamot ba na dapat bilhin?" Puno ng pag-aasam niyang tanong.
"Of course. I will refer you to a much bigger hospital nang sa ganun mas matutukan pa ang kondisyon ng nanay mo but I will be honest with you Miss Escalante, kapag nagpagamot ang nanay mo, all I can promise you is the doctor will do their best to her case but we can't promise she'll live dahil magdedepende parin sa kanyang katawan at mismong will ng pasyente ang paggaling nito."
Mabilis siyang tumango. "Naiintindihan ko po, Doc."
"Well that's good," binigyan siya nito ng isang ngiti.
"Pero...magkano po kaya sa tingin niyo ang gagastusin kung ipapagamot ko si Nanay?"
"Gaya ng sabi ko kanina, magagamot siya hindi lang sa tulong ng doktor kundi mismo ng katawan ng pasyente kaya the treatment can range one hundred twenty thousand up to one million depending on how long until she gets fully cured, Miss Escalante."
"Aabot ng halos isang milyon?" Halos pabulong niyang anas. Saan ba siya kukuha ng ganun kalaking halaga sa kalagayan nila ngayon?
Matapos nilang mag-usap ng doktor ay halos walang lakas siyang naglakad pabalik sa ward ng kanyang ina. Walang patid din sa pagtulo ang kanyang mga luha habang nag-iisip ng paraan kung ano ang maaari niyang gawin para maipagamot ang Nanay Erlinda niya.
Minsan naitatanong niya kung bakit sila pinaparusahan ng ganito. Wala naman silang nagawang kasalanan. Lalo ng hindi rin sila nang-apak ng kapwa pero parang pinapahirapan parin silang buong pamilya ng pagkakataon. Kung sana maibabalik lang niya ang panahon, hindi na lang sana siya lumiban sa klase noon at tumalon sa pader. Siguro iba ang magiging takbo ng buhay niya kung hindi sila nagkakilala.
Ilang sandali pa ay muli na siyang nakabalik sa kinaroroonan ni Nanay Erlinda. Pinagmasdan niya ang payapang paghinga nito hanggang sa dumako ang kanyang mga mata sa magaspang nitong mga kamay. Ang mga kamay na iyon ang umaruga sa kanya sa loob ng nakaraang walong taon dahilan kung bakit muli siyang nakatayo sa sarili niyang mga paa ngayon.
Ito ang bukod tanging hindi sumuko sa kanya kahit pa tinalikuran na siya ng buong mundo. Pinahid niya ang luha sa kanyang pisngi. Kung ang Nanay niya ay hindi sumuko noon para maging maayos ulit ang kalagayan niya, bakit niya ito susukuan ngayon?
Humugot siya ng isang malalim na paghinga. Gagawin niya ang lahat maipagamot lang ito kahit pa ibenta niya ang kanyang kaluluwa sa impyernong kasasadlakan niya…