PROLOGUE
~Mine to Keep~
"Sige, takbo! Tumakbo ka lang hanggang gusto mo! Mahahabol ka rin namin. Kahit magtago ka pa, makikita at makikita ka rin namin! Hahahahaha!" Kasabay ng malakas na pagkulog ay dumagundong ang malakas na halakhakan ng mga lalaki.
Wala magawa si Eila kundi isiksik ang katawan sa gilid ng mga nakatumbang puno upang magtago. Basang- basa ang mahabang bestidang suot niya at nangangatog na ang kaniyang buong katawan dala ng sobrang panlalamig at takot. Hindi niya akalaing malalagay siya sa ganitong sitwasyon. Gusto lang niyang lumaya at magpakalayo, pero heto siya at nahaharap na kaagad sa malaking pagsubok.
Ito na ba ang karma niya sa pagsuway sa mga magulang?
Pagod na siya at tila ba gusto ng bumigay ng katawan niya subalit hindi siya pwedeng magpahuli. Sa oras na matagpuan siya ng mga lalaking humahabol sa kaniya ay siguradong katapusan niya na. Tahimik na lang siyang napaluha at taimtim na nanalangin na kahit sa papaanong paraan at may dumating na tulong.
Diyos ko, nagmamakaawa po ako. Tulungan ninyo po ako…
Ilang sandali pa at nakarinig siya ng mga yabag. Papalapit sa kanya ang mga yabag. Lalo niyang isiniksik sa mga puno ang katawan. Ang kaninang panginginig ay lalong tumindi dala ng takot. Habang naririnig ang papalapit na yabag, wala sa loob na napapikit na lang siya ng mariin. Hindi niya na mabilang kung ilang segundo siya sa ganoong posisyon nang tumigil ang yabag.
Dahan- dahan siyang nagmulat ng mga mata at sumalubong sa kaniya ang isang pares ng basang sapatos.
‘Hindi!’ piping sigaw ng utak niya.
Sa pagtingala niya ay mas lalong tumindi ang panginginig ng buong katawan niya. Lalo niyang siniksik ang katawan sa gilid ng puno kahit imposible na.
“Boom! Huli ka, munting binibini!” nakangising bulaga ng lalaki sabay hila sa kaniya.
"Huwag po. Maawa po kayo... Huwag!" sumabay ang sigaw niya sa malakas na kalugkog. Sinubukan niyang manlaban pero isang malakas na sampal ang tinamo niya mula dito. Tumama sa kung saan ang ulo niya dahilan para unti-unting magdilim ang paningin niya.
*****
Kumikirot ang kaliwang balikat ni Logan. Alam niyang hindi iisang tama lang ang tinamo niya kaya naman mas nagpursige siyang makalayo. Nakarinig muli siya ng putok at pagtama ng mga bala sa sinasakyan niyang kotse. Payuko siyang nagmaneho sa pag-asang makakalayo pa.
Nang maramdamang nagsisimula nang magpaliko-liko ang takbo ng kotseng sinasakyan ay mabilis niya nang itinabi iyon.
Sa kabila ng malakas na ulan, bumaba siya ng sasakyan at tumakbo patungo sa kakahuyan. Malayo pa siya kabayanan at wala tiyak na tulong ang darating. Sa mga oras na ito ay sarili lang ang maasahan niya.
Bitbit ang baril tumakbo siya habang pilit iniignora ang sakit ng sugatang balikat. Maraming humahabol sa kaniya at lahat sila’y armado. Kung mabubuhay man siya ngayong gabi, lahat gagawin niya upang maging makabuluhan ang buhay na inilaan sa kaniya.
Iyon ay kung makakaligtas siya ngayong gabi…
*****
"I don't have a right to choose a man for me or a right to fall in love with…"
"I don't know what love is. F**k with that thing!! The hell with it, but I don't even know how to… All I know is since I met you, I fell in love with you… I love you and it will remain the same…”