Naisipan kong maglakad na lang at didiretso ako sa resto malapit lang naman dahil yung school na pinapasukan ko ay nasa bayan din, may ilang lakad lang na kailangan lakarin.
Habang naglalakad ako ay may nararamdaman ako na parang may sumusunod sa akin, lumingon ako sa likuran ko at nakita kong wala naman. Baka guni-guni ko lang siguro, pinagpatuloy ko na ang paglalakad ko pero parang may sumusunod talaga sa akin. May naisip akong paraan para mahuli kung sino ‘yon.
Mabilis akong naglakad at kaagad akong pumasok sa isang eskinita. Napangisi ako nang makita ko kung sino ang sumusunod sa akin. Palinga-linga ito at tila hinahanap ako. Napahagod pa siya sa buhok niya dahilan para gumulo ito at mapataas, nang gawin niya ‘yon ay masasabi kong may tinatago siyang kagwapuhan pero hindi ako interesado roon.
“Sinong hinahanap mo?” tanong ko sa kaniya nang lumabas ako at pumunta sa likuran niya.
Natigil siya sa kakagalaw nang marinig niya ang boses ko. Dahan-dahan siyang humarap sa akin at ngumiti siya.
“Wala naman. Huh, buti narito ka? Naglakad ka lang?” tanong niya na para bang wala talagang kaalam-alam.
“Huwag mo nga akong lokohin. Anong kailangan mo sa akin?” diretsong tanong ko, ayoko ng magpaligoy-ligoy pa.
Napakamot pa siya sa kaniyang ulo at inayos ang kaniyang salamin bago nagsalita.
“Na-curious lang naman ako saka baka may mangyaring masama,” sabi niya at hindi makatingin sa akin.
“Pa-suspense ka pa. Kaya ko ang sarili ko, umuwi ka na.”
Tumalikod na ako at nagsimula nang maglakad. Sino ba siya? Ilang taon na rin akong nag-aaral doon pero ngayon lang may gumulo sa pag-aaral ko. Sana naman bukas ay hindi na niya ako pansinin. Ayokong may dumagdag pa sa mga iniisip ko.
“Gusto ko lang naman makasigurado, pasensya na kung makulit ako.”
Sumabay siya sa paglakad sa akin. Hindi ko na siya kinausap pa at hinayaan na lang. Diretso lang din ang tingin ko habang naglalakad, kung minsan ay nagsasalita siya sa kung anong nakikita niya pero hindi ako sumasagot.
“Uy, Nash! Saan ang punta mo?” May isang ginang na lumapit sa kaniya, hindi ko na hinintay pa na matapos ang pag-uusap nila at nagtuloy-tuloy ako sa paglalakad.
“Ah, Tita may sinasamahan lang po. Sige po, mauuna na apo ako. Ingat po kayo,” rinig kong sabi niya at naramdaman ko na lang na nasa tabi ko na siya.
“Ang bilis mo maglakad,” aniya at habol-habol pa ang hininga niya.
“Tigilan mo na ako, bakit ba kinakausap mo ako? Ano ba talagang gusto mo?” iritadong tanong ko at tumigil ako sa harapan ng resto namin at hinarap siya.
“Anong gusto ko? Ikaw, joke!” Tumawa siya pero nang makita niyang seryoso akong nakatingin sa kaniya ay tumigil siya. “Okay, fine. Matagal na kitang gusto, freshmen pa lang ako ay nakuha mo na aga ang atensyon ko pero hindi ako nagpapansin sayo, kitang-kita naman kasi na napaka-busy mo. Feeling ko nga ay tatalunin mo na si Einstein e, I seriously like you.”
“Busy pa rin naman ako ngayon pero bakit?”
“Hindi ko na kayang itago ang nararamdaman ko lalo na nang marinig ko yung sinabi ni Kenneth.” Napayuko siya nang sabihin niya ‘yon.
Kenneth? Sa pagkakaalam ko ay isa siya sa mga kaklasi ko pero laging bagsak, himala nga at hindi siya bumabalik at nakakasunod pa rin.
“Kung ano man ‘yon, wala akong pakialam. Sige na, umuwi ka na.”
Iniangat niya ang mukha niya sa akin at nakita ko ang lungkot sa mga mata nito. Bakita ngayon nangyari ito? Kung kailan malapit na akong matapos?
“I’m sorry, nasa maling pagkakataon yata ako,” peke siyang napangiti. “Okay, mauuna na ako. Ingat ka,” sabi niya at tinalikuran niya ako. Nakatingin lang ako sa kaniya at hinihintay na makaalis na siya.
“Pero hindi ako titigil,” mahinang sabi niya pero tama lang para marinig ko.
Hindi ko na hinintay pa na makaalis siya, tumalikod na ako at pumasok na sa resto. Pagkapasok ko ay sakto naman na may umalis, agad akong tumulong sa pagliligpit ng mga pinagkainan doon. Marami-rami ngayon ang tao rito sa resto at nakakatuwang tingnan na halos lahat ay busy sa kani-kanilang trabaho.
“Ma’am, may gusto po ba kayong kainin?” tanong sa akin nung cook namin, lumabas nang makita ako.
“Hindi po ako kakain, aalis na rin po ako. Salamat po,” sabi ko at tinangunan niya lang ako at bumalik na siya sa kusina.
Lumabas na lang ako at uuwi na, tiningnan ko lang talaga ang resto. Matagal na rin kasi akong ‘di nakakapunta roon, ngayon lang ulit. Naglalakad na ako ngayon papunta sa mga sakayan nang may tatlong babae na humarang sa akin, kapareho ko ang uniform nila pero hindi ko alam kung mga kaklasi ko ba ito.
“Anong kailangan niyo sa akin?”
“Ikaw, ikaw mismo.” Kumunot ang noo ko nang sinabi iyon ng nasa gitna at para siyang isang leader sa kanila.
Bigla niyang hinawakan ang palapulsuhan ko at hinigit ako. Hindi ko alam kung saan nila ako dadalhin pero hindi ko hahayaan na higitin nila ako ng ganito at basta-basta. Malakas ang pwersang ginamit ko para bawiin ang kamay ko sa kaniya. Napatigil siya sa paglakad at mariin akong tiningnan.
“Gusto mo bang dito na lang tayo mag-usap?” mahinahon na sabi niya kahit kitang-kita naman sa mata niya na parang naiirita na siya.
“Sino ba kayo?”
“I’m Thea, may gusto lang sana kami sayo. About sa school, ganon.”
“Ayoko,” matigas na sabi ko at akmang aalis na ako nang hawakan nila ang backpack ko. Dahilan para mapatigil ako sa akmang pag-alis ko.
“Not so fast. Kailangan ka namin kaya hindi mo kami puwedeng tanggihan,” sabi niya sa akin na kahit nakatalikod ako sa kanila.
“Wala akong pakialam sa inyo.” Tinanggal ko ang strap ng bag sa magkabilang balikat ko at kinuha ito mula sa kanila. “Kailanman walang magandang maidudulot ang panloloko, magsi-aral na lang kayo ng mabuti. Bye!” sabi ko habang papalayo sa kanila nakita ko pa ang pagbunsangot nila at ang pagpapadyak nila dahil sa pagka-asar.
Alam ko kung ano ang gusto nila mula sa akin. Siguradong hihingi sila ng mga sagot, bakit ganon na lang sila kung mag-isip? Hindi gagana yung mga ganoong paraan para sa akin, nagpapakahirap ako tapos sila hindi man lang nahihirapan? Hindi puwede, pare-pareho lang naman kaming nag-aaral para makapagtapos.
Luminga-linga ako para tingnan kung may sasakyan ba, lilipat kasi ako sa kabilang daan. Nang masiguro kong wala na ay naglakad na ako pero may biglang humigit sa akin dahil para mapahiga kami sa daan at mapagulong. Nakita ko naman ang isang sasakyan na mabilis na dumaan sa gilid namin. Ano? Alam kong wala ng sasakyan ha.
Agad akong tumayo at inayos ko ang uniform ko. Nakita kong napapatingin ang mga taong dumaraan sa amin.
“Ayos ka lamg ba? Mabuti na lang talaga at hindi pa ako nakakauwi,” narinig ko na naman ang boses niya.
“Thanks,” maikling sabi ko.
Aalis na sana ako nang hawakan niya ang kamay ko. Agad kong binawi iyon mula sa kaniya. Nabibigla ako!
“May gasgas ka sa siko mo, ayos ka lang ba?”
“Oo, mauuna na ako.”
“Sasamahan na kita,” aniya at ganon nga ang ginawa niya, panay ang alalay niya sa akin hanggang sa pagsakay ko. Akala ko ay iiwan na niya ako roon pero nagkamali ako, sinamahan niya pa rin ako.
“Si Thea ang may gawa no’ng kanina, nakita ko rin yung pag-uusap niyo. Na-curious ako kaya hindi muna ako umuwi,” sabi niya habang nakasakay na kami sa tricycle, gusto sana niyang sa likod na lang ng driver kaso may isa pang pasahero at lalaki rin ito.
“Kilala mo pala ‘yon?” tanong ko sa kaniya.
“Oo, ex ni Kenneth ‘yon parehong pasang awa mabuti na nga lang at nakakapasa e.”
“May gusto silang ipagawa sa akin, alam ko na kung ano ‘yon. Hindi ako interesado kaya hindi ko na inalam kung ano ang kapalit non.”
“Ganyan naman talaga si Thea, gagamitin ang pera nila para magawa ang gusto niya. Sayang lang ang pinapa-aral sa kaniya.”
Pinatigil ko sa driver ang tricycle dahil narito na ako sa amin. Bumaba na ako at nagbayad, ganoon din si Nash. Napakunot ang noo ko dahil doon.
“Hindi ka pa ba uuwi?” tanong ko sa kaniya.
“Uuwi na kapag nakapasok ka na sa loob ng bahay niyo,” aniya at ngumiti sa akin.
Papasok na sana ako sa loob nang magsalita siya, eh?
“Wait, ilahad mo yung palad mo sa akin.”
“Ano na naman ba ang pakulo mo?” tanong ko at inilahad sa kaniya ang palad ko.
Kinuha niya ito ay nakita kong may hawak siyang ballpen. May kung ano siyang isinulat sa palad ko.
“Ayan, aalis na ako.” Nakangiting sabi niya at umalis na.
Tiningnan ko kung ano ang nasa palad ko, tsk. Number niya, aanhin ko naman ito? Aasahan ba niyang makikipag-text mate ako sa kaniya?
Pagkapasok ko sa loob ng bahay ay wala si Mama, malinis din ang buong bahay. Pumasok na lang ako sa loob ng kuwarto ko, paniguradong may pinuntahan si Mama. I-te-text ko na lang siya kung nasaan siya.
Humiga ako sa kama ko at kinuha ang phone ko. Nag-text ako kay Mama, tinanong ko kung nasaan siya. Agad naman siyang nag-reply sa akin.
Mama:
Nasa mall lang ako, mag-te-text ako kapag pauwi na ako.
Akmang ibababa ko na ang phone ko, nang makita ko na naman yung sa palad ko. Ano bang kalokohan ‘to? I-si-save ko na lang para magkaroon ng laman ang contacts ko, si Mama lang naman kasi ang nakakaalam ng number ko at iilang mga relatives ko.
Tapos ko ng i-type ang numero niya nang hindi ko sinasadyang mapindot ang call agad ko itong pinatay dahil sa kaba. Baka isipin no’n, interesado ako sa kaniya.
Inilagay ko sa side table ang phone ko at tumingin sa kisame. Hindi talaga ako makapaniwala na nangyari sa akin ‘yon at posibleng si Thea nga ang may gawa no’n pero parang ayaw tanggapin ng isip ko ‘yon. Bahala nga sila! Basta ‘di ako papayag sa mga ganon.
Nakita kong umilaw ang phone ko, kinuha ko ito at nakita kong may text message si Nash.
Nash:
Miss me? Kakakita lang natin kanina ha.
Napairap ako sa text niya at hindi na nag-reply. Napaupo ako sa kama nang may maramdaman akong mahapdi, yung sa siko ko nga pala. Tumayo ako at kinuha ang first aid kit na narito. Pagkatapos kong lagyan ng betadine ay tinakpan ko ito ng band aid.
Lumabas ako ng kuwarto nang makarinig ako ng ingay mula sa labas. Ano na naman bang meron?
Pagkabukas ko sa pintuan ay nagulat ako sa nakita ko at naisara ko kaagad ang pintuan. Anong ginagawa niya rito?
“Anak, buksan mo ang pinto.”
“Bakit pa po kayo pumunta rito?” tanong ko at hindi pa rin binubuksan ang pintuan.
“Gusto lang kitang kumustahin,” aniya.
Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan, “Maayos lang po ako, sige na po. Baka dumating pa si Mama,” sabi ko at tumango siya sa akin.
“Puwede ko bang makuha ang number mo?” Sinabi ko sa kaniya ang number ko at sinave naman niya ito. “Kapag may kailangan ka, huwag kang mahihiyang lumapit sa akin ha? Mag-iingat kayo, mauuna na ako,” sabi niya at kinagulat ko ang ginawa niya. Hinawakan niya ang ibabaw ng ulo ko at bahagyang hinimas iyon.
“Sige po.” Pagkasara ko sa pintuan ay hindi ko mapigil na mapaiyak at mapaupo.
Sana puwedeng pang ibalik ang dati.