“Mama naman! Tigilan niyo na nga po sabi ‘yan e!” Hindi ko mapigilan na hindi mapasigaw dahil sa ginagawa ni Mama.
Dalawang taon na ang nakakaraan nang iwan kami ni Papa. May iba siyang babae at mas pinili niya ‘yon kaysa sa amin. Hindi ko nga siya maintindihan, hindi ko maintindihan kung bakit niya kami iniwan no’n. May pagkukulang ba kami ni Mama? Hindi ko alam, palagi akong nasa school kaya hindi ko gaanong alam ang nangyayari sa bahay.
Panay iyak si Mama at hindi ko na magawang magtanong hanggang sa nalaman ko na lang sa ibang tao pa.
Kinuha ko ang isang bote ng alak na dapat ay lalagukan na niya. Nakita kong napahilamos siya sa kaniyang mukha at umiyak.
“Mama, tama na po. Matutulog na po kayo, okay.” Hindi ko na siya hinintay na sumagot at inalalayan ko na siyang makatayo at dinala siya sa kaniyang kuwarto.
Dahan-dahan kong inihiga si Mama sa kaniyang kama. Bago ako lumabas sa kaniyang kuwarto ay narinig ko pa na nagsalita ito.
“Napakawalang hiya niya!”
Tuluyan na akong lumabas at nilinis ang sala. Pagkatapos kong gawin ‘yon ay napa-upo ako sa couch at inilapag ko sa center table mga libro na hiniram ko sa Library kanina.
Marami pa akong gagawin kaya wala na akong panahon para isipin pa ang nakalipas na. Isa lang ang layunin ko ngayon ang makapagtapos ng pag-aaral. Papatunayan ko kay Papa na kaya namin kahit wala siya. Dalawang taon na rin naman ang nakalipas, ngayon pa ba kami susuko? Nah, hindi hahayaan na umabot kami sa puntong iyon.
Nasa last year na ako ng college at kailangan ko pang mag-aral sa Manila at para doon na rin kumuha ng Bar exam. Alam kong matagal ang pag-aaral sa Law pero ito ang gusto ko at alam kong kakayanin ko ito. Nabanggit ko na rin kay Mama ito, wala naman siyang pagtutol.
Napahilot ako sa sintido ko nang maalala kong naubos ko na pala ang allowance ko, may mga binili kasi akong libro sa bookstore. Minsan kasi ay nahihiya na akong manghingi kay Mama, alam kong hirap na rin siya na maitaguyod ang maliit naming resto na nasa bayan. Naisip ko minsan na tumigil na muna sa pag-aaral at tulungan na na lang si Mama pero ayaw niya. Hindi na ako nagpumilit pa.
Tumayo na ako at pumunta na ako sa kuwarto para matulog.
Kinabukasan ay maaga akong nagising at ako rin ang nagluto para sa agahan namin.
“Pasensya na kagabi, ‘nak. Nagkaproblema din kasi sa resto,” rinig kong sabi ni Mama.
Inilapag ko sa mesa ang kape niya at ang mga pagkain.
“Ayos lang po ‘yon, Mama basta huwag na po kayong umiinom. Baka magkasakit pa kayo dahil doon e.”
“Thank you, kain na tayo.”
“Papasok na po ako, nagbaon naman po ako. Kumain po kayo ng marami, mauuna na po ako.” Hinalikan ko siya sa kaniyang pisngi at akmang aalis na nang hawakan niya ang kamay ko, napatingin ako sa kaniya.
“Thanks, ‘Ma.”
Binigyan niya ako ng allowance pero kailangan ko na itong tipirin sa ngayon.
Pagkapasok ko sa loob ng school agad akong pumasok na sa room. Yung iba kasi ay nasa hallway pa at nakikipagchikahan. Wala nang ibang department dito dahil Law School ito. Balak ko nga sanang sa Manila na ako mag-law school pero inaalala ko si Mama. Pagkatapos ko na lang siguro, nasa last year naman na ako.
Tahimik akong umupo sa upuan ko at agad kong binuksan ang libro na hiniram ko sa Library, hindi ko pa ito tapos. Hindi ako makapag-concentrate dahil yung mga kaklasi ko ay unti-unti silang umiingay.
Nag-take down notes na lang ako habang ginagawa ko ‘yon ay may lumipad na isang papel sa akin, nakalukot iyon. Lahat sila ay natahimik at napatingin sa akin.
“Lagot na, sinong may gawa no’n?”
“P’re, ‘di ko rin alam. Iba raw kung magalit ang matalino.”
Rinig kong mga sabi nila. Kinuha ko ang papel na nakalukot at tumayo ako.
“Hehe, sorry. Nagbibiruan lang naman kaming magkakaibigan,” may biglang lumapit sa akin, babae ito pero hindi ko alam ang pangalan niya.
Nilagpasan ko siya at itinapon sa basurahan na narito sa loob ng room. Pagkatapos no’n ay umupo na ako at pinagpatuloy ko na ang ginagawa ko.
“Nakakakaba talaga siya, sis!”
“Sinabi mo pa, ni hindi nga natin alam kung ano ang iniisip niyan.”
Hinayaan ko na silang kung ano ang mga gusto nilang gawin. Nasasabi nila ang mga ‘yon dahil hindi ako palakaibigan at tahimik lang din.
Lunch time na pero hindi pa rin ako umaalis sa kinauupuan ko, kailangan ko pang mag-take down notes. Balak ko kasing ibalik na sa Library itong mga libro para wala na akong dinadala mamaya. Hindi ko na rin namalayan na kakaunti na lang ang nasa room, napaunat ako at pagkatapos ay inayos ko na ang mga gamit ko. Pupunta na ako sa library para isauli ang mga hiniram ko.
“Hello, cutie! Hindi ka pa ba nagugutom?”
Nagpatuloy lang ako sa pagliligpit at bahagya akong nagulat nang may humawak sa kamay ko. Agad ko naman binawi ang kamay ko, sino ba ito?
Tiningnan ko siya at isa lang naman siya sa mga kaklasi ko. May salamin siya at makakapal ang kilay, nang mapatingin ako sa uniform niya ay inayos niya pa iyon na kahit wala namang gusot. A totally nerd, I guess.
“Ako ba ang kinakausap mo?” tanong ko pagkatapos kong maisukbit sa magkabilang balikat ko ang backpack ko at kinuha ko na rin ang mga libro ko pero nauna siya. Hinayaan ko na lang.
“Sa library ka ba pupunta?” tanong niya sa akin at binalewala ang tanong ko sa kaniya.
“Oo, ibabalik ko ang mga ‘yan.” Hindi ko na siya hinintay pang makasagot, nauna na akong naglakad palabas sa room.
Mariin akong napapikit at napatigil sa paglakad nang hindi siya sumunod sa akin. Iminulat ko ang mga mata ko at nakita kong nakatayo pa rin siya at tila hindi na gumagalaw. Anong nangyari sa kaniya?
“Let’s go,” sabi ko sa kaniya at bahagyang hinila ang laylayan ng polo niya. Mabuti naman at nabalik na siya sa ulirat, para kasing natulala siya kanina.
“I’m sorry, hindi lang kasi ako makapaniwala.”
“Na?”
“Na kinakausap mo ako ngayon, kakaiba ang epekto no’n sa akin. Kilala ka kasi bilang maldita at nag-iisa. Paniguradong pag-uusapan niyan tayo, I’m sorry.”
Nanatili akong walang reaksyon, nakikita ko nga na sa bawat room na nadaraan namin ay napapatingin sila sa amin at may pagtataka sa mga mata nila.
“Gano’n ba? Akin na ang mga ‘yan.”
Tumigil ako sa paglalakad at tiningnan siya. Hindi siya makatingin sa akin.
“Ayoko, tutulungan kitang ibalik ang mga ito.” Nagsimula ulit siyang maglakad at ganon na rin ako. Ang kaibahan lang ay nauuna siya ng ilang hakbang sa akin.
Pagkapasok namin sa library ay ibinalik ko na ang mga libro at tuloy-tuloy akong naglakad palabas nang library.
“Wait!” Hindi ko na siya nilingunan, may kumausap kasi sa kaniya.
Tumigil ako sa paglakad ko nang hawakan niya ang braso ko. Ilang segundo kaming nasa ganoong sitwasyon.
“Yung braso ko,” sabi ko at agad naman niyang tinanggal ang pagkakahawak doon.
Narinig ko ang pagbuntonghininga niya.
“Kahit hindi mo gaanong pinapakita ang reaksyon mo, ang cutie mo pa rin. Sana balang araw, makita ko naman yung other side mo,” pabirong sabi niya at bigla na lang umalis sa harapan ko. Weirdo.