MALAMIG sa loob ng sasakyan ni Noah. Malamig pero kumportable ang pakiramdam ni Sayon. Nakasakay sila ngayon sa mamahalin at magarang kotse nitong kulay itim na ang brand ay Audie. Sampung minuto na silang nagbibiyahe mula ng umalis sila sa bar. At sa sampung minutong iyon ay napakatahimik sa loob ng sasakyan. Bago nito pinaandar ang kotse kanina ay tinanong muna nito kung saan siya nakatira. Sinabi niya ang pangalan ng isang subdibisyon sa bandang Mandaluyong. Lihim siyang napangiti ng hindi na ito nagtanong pa kung saan iyon banda. Mukhang alam nito ang lugar. Dahil weekdays at kahit alas nuwebe na ng gabi ay traffic pa rin sa kalsada. Kaya ang dapat na mas mabilis nilang biyahe ay tumagal. Nasa gitna na sila ng EDSA ng mukha ay hindi ito nakatiis at kinausap siya.
“Are you sure, you wanna go home?”
Tumingin siya rito.
Sumulyap ito sa kanya. “Kumain ka na ba? I mean bago kayo nagpunta sa bar kanina, nag-dinner ka na ba?” magkasunod nitong tanong. Nasa tono nito na tila ayaw pa siyang pauwiin.
Bumuga siya ng hangin. “Actually, iyan nga sana ang gusto kong sabihin. Medyo naunahan mo lang ako. Pwede mo ba akong ibaba nalang kahit sa isang fastfood restaurant? Hindi pa talaga ako kumakain eh. Akala ko naman kasi kainan ang pupuntahan namin kanina. Hindi ko naman alam na…”
“Hindi nila sinabi sa iyo?” palipat-lipat ang tingin nito sa kanya at sa daang tinatahak nila. Napansin niyang maingat itong magmaneho. At nagustuhan niya iyon.
Umiling siya. “As you can see… iniwan nila ako sa iyo. Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa ha. Medyo paranoid lang kasi iyong kaibigan ko sa pagrereto sa akin ng alam mo na… hindi ko naman alam na doon pala sa bar mo ang punta namin. Tapos heto at iniwan pa ako sa’yo at naging kargo mo pa. Hindi yata nila maintindihan na hindi ko kailangan ng mga reto-reto na iyan.”
Tumawa ang binata. Kung bakit at nagustuhan niya ang paraan ng pagtawa nito. “Same goes with me. Hindi lang pala ako ang nakahalata sa pakana ng dalawang iyon.” Iiling-iling na pahayag nito.
Nagsalubong ang mga kilay niya. “Bakit? Hinahanapan ka rin ng pinsan mo ng mairereto sa iyo?”
“You got it!” itinuro pa siya nito habang tumango-tango.
Napamulagat siya. “At wala din sa bokabularyo mo ang reto-reto?”
Hindi ito sumagot sa halip ay tumingin lang sa kanya.
Bakit? Ngani-ngani niyang itanong pero baka magmukha siyang intrimitida. Hindi naman sila close. Tumango-tango nalang siya kahit kating-kati ang dila niyang magtanong. “Ayun nga… e hindi pa ako nagdi-dinner.” Pagbabalik niya sa usapan nila kanina. “So ire-request ko sana na ibaba mo nalang ako sa isang fastfood. Baka mag-take out nalang ako. O bahala na. Gutom na rin kasi ako eh.” Hindi niya napigilang hagurin ang sariling tiyan.
Muli itong sumulyap sa kanya. “Ayaw mo ba akong kasabay kumain?”
“Huh?” nakita niya ang pagtaas ng isang sulok ng labi nito.
Nagkibit-balikat ito. “Hindi pa rin naman ako nagdi-dinner. And I understand na hindi mo ito inaasahan. Pero dahil sa wakas ay nakilala ko na rin ang savior ko that night when I was robbed, I wanna spend this night para naman mai-treat ka at makabawi ako sa pagdadala mo sa akin sa ospital. You know, I’ve always wanted to say thank you sa taong tumulong sa akin when kapag na-meet ko ulit siya. Iyan ang palagi kong sinasabi sa sarili ko. At ngayong nandito ka na kasama ko, might grab the opportunity.” Mahabang pahayag nito.
Hindi siya nakapagsalita. Sandali siyang nag-isip. Hindi niya naisip iyon o sumagi man lang sa isip niya na kakain sila ng binatang ito sa labas – ng silang dalawa lamang. Yes, Noah is a catch pagdating sa mga babaeng naghahanap ng majo-jowa pero she’s not included to them. Wala sa isip niyang makipaglandian o lumabas kasama ito. Pero dahil totoong nagugutom na talaga siya at gusto rin naman niyang i-appreciate ang pasasalamat nito ay tatangi pa ba siya?
“So?” untag nito ng hindi pa siya sumagot.
“Treat mo talaga?”
Maluwang itong ngumisi. “Yes. My treat. Anything you want tonight.” Nasa tono na nito ang pangungumbinsi.
“Kahit saang restaurant?”
“Kahit saan.”
“Malakas akong kumain.”
“Then, may kasama pala akong pareho kong malakas kumain ngayon.”
Lumabi siya pagkuwa’y bumungisngis. “Baka bumuka ‘yang sugat mo pag naparami ang kain mo.”
Nagkibit-balikat ito. “It’s been a month. Natuyo na rin ang tahi ko. I’m fine now. Tsaka hindi naman ganoon kalaki ang sugat. I can eat whatever and how much I want to eat.”
“S-sige. Parang gusto ko ng seafoods.” Pagpayag niya sa wakas.
“Seafoods then. Let’s celebrate!” masiglang tugon nito.
“SO, is it okay if I ask you kung anong ginagawa mo that night sa parkeng iyon ng makita mo ako?”
Mula sa malayo ay tumingin si Sayon kay Noah. Kagaya niya ay nakasandal din ito sa harap ng kotse nito habang nakaharap sa malawak na karagatan. Nasa harap sila ng Baywalk ngayon. Doon sila napadpad pagkatapos nilang kumain. Ang dapat na pag-uwi niya kanina ay hindi natuloy dahil napasarap ang kuwentuhan nilang dalawa. Nagpasya siyang huwag munang umuwi dahil nag-eenjoy siya sa company ng binata kaya ng tanungin nito kung gusto pa niyang mamasyal ay umoo siya. Doon nila napagpasyahang tumambay para magpahangin.
Kagaya ng sinabi nito ay malakas nga itong kumain. At kahit kanina lang sila nagkakilala ay hindi na rin siya nangiming kumain sa harap nito. Sinabayan niya ang binata dahil talagang gutom na din siya at masarap ang mga putahe sa restaurant na pinagdalhan nito sa kanya. Dahil doon ay nawala ang tila pag-aalangan niya sa presensiya nito. Palakuwento ito at hindi nakaka-intimidate. Bukod doon ay talagang ito ang sumagot sa lahat ng gastos nila. Na hindi pa niya naranasan minsan sa mga naging kasintahan niya.
Palagi siyang may share sa nagiging lakad niya kasama ng mga ex niya. Para sa kanya, hindi lahat ng gastos ay ginagawa ng lalaki. At may pera rin naman siya kaya nakiki-share siya. Pumapayag naman ang mga ex niya. Pero kay Noah, kahit anong pilit niyang pagbibigay ng share kanina ay hindi nito tinanggap. Ayaw niyang isiping pogi points iyon para sa binata pero iyon ang totoo.
“Wala naman. Nagmumuni-muni lang ng mga oras na ‘yun.” Saglit lang niya itong pinukulan ng tingin at muling itinuon ang atensiyon sa dagat.
Pasado alas diyes na ng gabi at may mangilan-ngilan pang mga taong kagaya nilang namamasyal sa Baywalk.
“Muni-muni? Sa oras na iyon at sa lugar na ganon? Must be a hard one dahil kailangan mo pang lumabas ng bahay niyo para magmuni-muni.” Komento nito saka tumingin sa kanya.
“Hard one nga. He. He.” Parang tangang sabi niya. Biglang nanariwa ang sakit na naramdaman niya ng mga panahong iyon. Agad siyang umisip ng paraan para ilayo ang usapan sa kanya. Hindi pa siya handang pag-usapan ang tungkol sa naging kapalpakan niya sa mga lalaki. “Ikaw? Ano naman ang ginagawa mo bago ka nasaksak? Obviously, nakainom ka kasi amoy alak ka.” Nakita niyang napangiwi si Noah. “Pero kung ayaw mong sagutin ay okay lang din naman.” Biglang bawi niya. Masyado yata siyang naging prangka.
Ilang segudong nanahimik ito. Tila tinatantiya kung sasagutin ba ang tanong niya o hindi. Sa huli ay muli itong nagsalita. “I don’t know… kanina lang kita nakilala pero magaan kaagad ang loob ko sa iyo. This is not the usual me pagdating sa mga bago kong kakilala.” Magaan ang tonong sabi nito.
“Talaga?”
“Yeah. I can tell you my story pero baka pagtawanan mo lang ako.”
“Meron bang nakakatawang istorya na nauuwi sa paglalasing….at pagkakasaksak?” sa halip ay tanong niya.
Hindi sumagot ang binata. Matipid lang itong ngumiti. Narinig niyang tumikhim ito at umayos ng pagkakasandal. “You promise first na hindi mo ako pagtatawanan. I will tell you my story dahil magaan ang loob ko sa iyo at magaan ang loob kong magkuwento sa iyo. I don’t know. I just feel it. Apart from that, you just saved my life…”
Itinaas niya ang dalawang kamay. “I promise na hindi kita pagtatawanan kahit ano pa ‘yan. At puwede ba tigilan mo na ‘yang kasasabi mong niligtas ko ang buhay mo. Hindi ako ang mga doktor na gumamot sa iyo ano.” Ingos niya rito.
Nagkibit-balikat nanaman ito at nagsimulang magkuwento. Inabot din ng ilang minuto ang pagkukuwento nito sa kanya. Pareho silang tahimik ng matapos itong magkuwento.
“Well?” untag nito ng hindi pa rin siya umimik pagkatapos ng ilang minuto.
Nang bigla siyang bumulanghit ng tawa. Malakas iyon at naagaw ang atensiyon ng ilang taong naroon sa tawa niya. Pagkatapos ng huling break-up niya ay ngayon lang ulit siya nakatawa ng ganoon kalakas.
“Sayon!” marahas na bigkas ni Noah.
Natutop niya ang bibig. Natatawa pa rin siya habang inililibot ang paningin sa paligid. Huminto ang mata niya kay Noah na alanganin na ang pagkakatingin sa kanya. Kung kanina ay maaliwalas ang mukha nito at mukhang hindi siya gagawan ng masama, ngayon ay para siyang lalamunin ng buhay. Nakasimangot na ito at seryosong-seryoso ang mukha. Agad siyang sumeryoso kahit natatawa pa rin siya.
“That is not funny.” Mariin nitong sabi. “You promised na hindi ka tatawa and what you just did is insulting.”
Napahiya naman siya. Tama nga naman ito. Pinigilan na niya ang matawa. Kailangan niyang depensahan ang sarili. “Pasensiya ka na Noah. Hindi ko lang mapigilang tumawa talaga. Hindi ako tumatawa kagaya ng iniisip mo.”
Lalong sumama ang timplada ng mukha nito. Bago nito maisip na iwan siya roon ay mabilis na siyang nagpaliwanag.
“Ganito kasi ‘yun. Kaya ako natawa kasi…” hindi niya napigilan ang mapahagikgik. “Kasi ano…alam mo kasi…hindi lang ikaw ang ganyan. Ewan ko …” muli siyang napahagikgik. Mukhang tinamaan siya ng alak na nainom niya kanina kahit kanina pa iyon. “Kung bakit sa dinami-rami ng taong puwede mong makasama ngayon, at kasama ko ngayon, e pareho pa tayo ng naging sitwasyon.”
“Anong ibig mong sabihin?” hindi pa rin nawawala ang anyong tila gusto siya nitong tirisin.
“Hindi lang ikaw ang naloko Noah. At natatawa ako dahil pareho tayo ng sitwasyon. Well, hindi kasing pareho na literal ha. Kundi ‘yung pareho tayong ‘third party’ o naging sabit sa isang relasyon. At pareho nating hindi alam. Alam mo ‘yun. In short, pareho tayong naging tanga!” at muli siyang tumawa.
“Wait. Wait. You mean. Naloko ka na din?” nawala ang kaseryosohan nito. Napalitan iyon ng kyuryosidad.
“U-huh…” mataginting niyang sagot.
“At nakakatawa ‘yun?” maang nitong tanong.
Natigil siya sa pagtawa. “Grabe ka naman! Siyempre hindi nakakatawa ‘yun! Wala ka bang sense of humor?” nasabi na niya iyon bago pa niya napigilan ang sarili. “Joke lang.” aniya ng muling sumama ang mukha ng binata. “Buti nga ikaw, isa lang. E ako? Tatlong beses akong naging tanga? Biruin mo ‘yun? Tatlong beses!” iminuwestra pa niya ang tatlo niyang daliri saka muling tumawa.
Napaiktad siya ng dumampi ang daliri nito sa kanyang pisngi malapit sa kanyang mata. Hindi niya namalayang may luha na pala siya.
“And that must be the reason kaya naroon ka sa lugar na iyon kung saan nakita mo ako.” Hindi iyon tanong kundi pahayag ng binata.
Hindi siya nakaimik. Natulala siya sa ginawa nitong pagpahid ng luha sa kanyang pisngi. First time na may lalaking nagpahid ng kanyang luha.
“That must be really hard. Hindi ka pa talaga natuto sa isa o dalawa. Nagkaroon pa talaga ng pangatlo?” komento nito.
Tinatamad na ngiti ang ginawa niya. “O diba? Paano akong hindi matatawa? Magkasama ang dalawang tanga ngayong gabi.” Binistahan niya ito mula ulo hanggang paa. “At sino ang mag-aakalang sa itsura mong ‘yan e magpapaloko ka, diba?”
Unti-unting sumilay ang ngiti sa labi ng binata. Sa halip na ma-offend ay mukhang natumbok na nito kung bakit siya natatawa.
“Bitter ka pa rin ba?” hindi niya napigilang itanong.
Nagkibit-balikat ito. “Bitter. I don’t think that’s the right word for it. I was hurt and ‘yun nga, naging tanga din. Masakit pakinggan pero iyon ang totoo. I just need to face and accept the reality. Pagkatapos ng lahat ng nangyari sa akin, nasaksak ako at muntikang maubusan ng dugo. I think I just need to move on and live gaya ng sinasabi nila. But I’m not bitter.” Tinitigan siya nito. “Ikaw? Bitter ka ba ngayon?” Na-concsious siya kaya naglihis siya ng mukha.
Hindi niya alam kung sasagot siya o hindi. Bitter pa nga ba siya? Siguro ay oo, pero iyon ay dahil sa pangatlong beses na nagpaloko siya.
“I wonder kung bakit kailangang gawin ng mga lalaking iyon sa iyo ang ginawa nila?”
“Hindi ko din alam eh…” humina ang boses niya. Iyon din ang madalas niyang itanong sa sarili kapag nalalaman niyang sabit lang siya sa isang relasyon.
“Whatever the reason maybe… hindi kita kilala ngayon kung hindi dahil sa mga nangyari in the past…” makahulugang wika nito.
Nagsalubong ang mga kilay niya. “Mukhang may laman ‘yang sinabi mo ah.”
“I guess we can find that out…soon…”
Pagtingin niya rito ay nakatitig na pala ito sa kanya. Natahimik siya at piniling manahimik. Nanahimik na din ito at pareho silang tumingin sa payapang karagatan na nasa harapan nila. Hindi niya sigurado na pagkatapos ng gabing iyon ay makikita pa niyang muli ang binata. Hindi rin niya inaasahang muli pa itong makikita. At hindi niya ipagkakaila sa sariling masaya siyang kasama ito sa gabing iyon. Kahit kanina lang niya ito nakilala. May parte niyang sana ay magkita sila ulit.