IKALIMANG KABANATA
°°
"AALIS NA AKO. IKAW NA MUNA ANG BAHALA DITO, LALO NA SA SARILI MO, MAHAL HA," bilin ni Ramon kay Leonora. Dumating na ang araw ng uwi nito sa Dumaguete--- maaga pa silang gumising para sa lakad ni Ramon. Gusto niya man sana ihatid ito, pinigilan niya lang ang sarili niya. Malulungkot lang kasi siya, oras na makitang papalayo sa kaniya ang nobyo niya. Natatandaan niyang iyon ang unang beses na mapapalayo ito sa kaniya ng matagal. Kahit sabihin ilang linggo lang itong mawawala.
Naisip ni Leonora na iba pala ang pakiramdam pag napalayo sa'yo ang isang taong madalas mong kasama. Ayaw niya man isiping may kulang, wala na siyang magawa dahil kailangan ni Ramon 'yon. Hihintayin niya na lang sigurong bumalik ito. Kilala niya ang nobyo niya, alam niyang gagawin nito ang lahat para makabalik agad ito sa kaniya.
"Hindi pa nga ako nakakaalis, malungkot ka na. Naku naman, Mahal. Babalik naman agad ako. Huwag kang masyadong mag-isip ha, " ani ni Ramon sa kaniya--- kasabay ang pagyakap nito ng mahigpit kay Leonora.
Napabuntong-hininga siya nang kumuwala siya ng yakap dito.
"Magiging maayos ka d'on ha. Huwag mong pababayaan ang sarili mo. Wala ako d'on para ihanda ang lahat ng kailangan mo. Mamimiss kita agad, Mahal..." Isang mabilis na halik ang ginawad sa kaniya ni Ramon sa nuo niya. Hindi niya talaga mawari kung bakit ganoon na lang ang kabang nararamdaman niya nang mga sandaling 'yon.
Pilit niyang iniinda ang may hindi magandang mangyayari--- ayaw niyang mag-isip ng ganoon, dahil alam nya sa sarili niyang hindi niya makakayang may mangyaring masama kay Ramon.
"Basta pagdating mo tawagan mo agad ako at tatawagan ko rin si Megan para puntahan ka kung saan ka."
"Hindi ba nag-usap na tayo na hindi natin aabalahin si Megan dahil baka may ginagawa din ito.."
"Naku, Mahal. Kilala ko si Megan, alam kong hindi ako matatanggihan n'on, lalo pa't malaman niyang nandoon ka na. Malamang magpapasama 'yon kay Garreth, para puntahan ka, " sabi niya dito, kasabay ang pag-ayos niya ng kwelyo nito.
"Sino si Garreth? Boyfriend niya? Akala ko ba mahigpit mama mo at daddy niya sa kaniya."
"Hindi kaibigan niya lang si Garreth. Kilala ito ni mama at ng papa niya, Mahal. Wala kang dapat ipag-alala at alam ni Megan ang bawal sa kaniya--"
"Dapat kasi tularan ka niya. Tulad mo hinintay mo munang matapos ka sa pag-aaral bago maging tayo. Hindi ka nagmadali, Leonora."
"Kasi hinintay mo ako at hindi ka nagsawang hintayin ako, " malambing niyang tugon sa mga sinabi nito sa kaniya. Isang mabilis na halik sa labi ang pinagkaloob sa kaniya ni Ramon. Ang isa sa mga bagay na ma-mi-miss niya sa ilang linggong pag-alis nito.
"Sigi na alis ka na. Baka mamaya maisipan ko pang sumama sa'yo," natatawang sabi ni Leonora. Mahirap din kasi para sa kaniya ang tanggaping aalis si Ramon at mapapalayo ito sa kaniya. Ito ang unang beses na maghihiwalay sila ng binata. Kailangan niya lang tanggapin ang lahat--- tulad nga ng sabi sa kaniya ng Mommy Stacey nya, buong tiwala lang ang ibigay niya kay Ramon at walang kahit na ano'ng makakasira sa relasyon nila.
Nagpaalam na sa kaniya si Ramon, matapos siya nitong halikan sa labi niya at yakapin ng mahigpit. Hindi na siya nag-atubili pang ihatid ito sa lobby, malulungkot lang sya pag nagkataon. Sinirado niya na ng maayos ang pinto, gaya ng sinabi nito sa kaniya. Nagpasya muna siyang iligpit lahat ng kalat nilang dalawa nagdaang gabi, ganoon din ang kaninang pinagsaluhan nilang dalawa.
Tatawagan niya si Megan pagkatapos ng mga gawain niya, kailangan ipagbigay-alam ditong parating na si Ramon. Ibibilin niya ang mapapangasawa sa kapatid niya, na kung pwedi ito na rin ang magpakilala sa mama nila. Alam nya kasing hindi niya pa ito magagawa, dahil pag uuwi siya busy si Ramon at sa pagkakataong umuwi ito siya naman ang hindi pwedi. Hindi talaga sila kailanman nagtatagpong dalawa--- mabuti na nga lang at umuwi ito bago ang kasal nila.
=====
TRENTA minutos na ang lumipasu mula nang ibaba ni Megan ang tawag mula kay Leonora. Sinabi nito sa kaniyang 'yon ang araw na uwi ni Ramon sa Dumaguete--- sa Isla Talisay lang pala ang bayan ng binata, halos trenta minutos lang din mula sa isla kung saan sila nakatira.
Napangiti siya nang napagmasdan niya ang sarili sa malaking salamin na nasa silid niya. Kanina pa siya naka-ayos, hindi niya na kailangan pang magpaalam sa mama at papa niya dahil maghapon ang mga itong nasa palengke para magtinda sa malaki nilang pwesto. Hindi niya na rin inabala pa si Garreth tulad ng bilin sa kaniya ni Leonora, siya na ang bahala.
Matamis na ngiti ang sumilay sa labi niya, sino nga naman ang mag-aakalang magkikita na sila ni Ramon? Hindi niya na pala kailangan pang mag-iiyak para payagan siya pumunta ng Manila dahil ito na pala mismo ang pupunta sa lugar nilang hindi niya inaasahan.
"Parang patatagpuin na tayo ng universe, " bulong ni Megan sa sarili. Natutuwa siya, halos nga walang pagsidlan ng saya ang puso niya. Ilang oras na lang at magkikita na sila ni Ramon--- kung dati nabubuhay lang ito sa kwento ni Ate Leonora niya sa kaniya, ngayon makakaharap niya na mismo at gagawin niya ang lahat maging masaya lang ito sa isla.
Naniniwala si Megan na ang tadhana mismo ang nagdala kay Ramon sa kaniya. Napalunok siya nang maalalang ikakasal na nga pala ito kay Leonora--- pumait ang tingin niya sa sarili sa mga naisip tungkol sa kapatid at sa nobyo nitong gustong-gusto nyang makasama noon pa man.
Pinasadahan nya ulit ng tingin ang sarili. Maganda si Megan, balingkinitan ang katawan niya, tama lang ang laki ng hinaharap niyang kitang-kita sa hapit niyang t-shirt na suot ngayon, itim na itim naman ang hanggang balikat niyang buhok, kayumanggi ang kulay ng balat niyang nakuha nya sa Mama Leonor nya, ganoon din ang matangos nyang ilong at mamula-mulang pisngi. Kung tutuusin hindi siya nararapat sa isla para sa kaniya, gusto niyang maging katulad ni Leonora na lumaki at nakapagtapos ng pag-aaral sa kinalakhang Manila. Para sa kaniya hindi siya dapat sa lugar na iyon, kung kaya niya lang suwayin ang mga magulang niya pipiliin nyang sa tabi ni Leonora--- napasinghap siya dahil sa swerteng natamo ng kapatid niya. Pakiramdam niya na kay Leonora na ang lahat.
Napalunok siya sa naisip. Kasabay ang isang matamis na ngiti na sumilay sa kaniyang labi dahil alam niya at naniniwala siyang hindi lahat ng swerte na kay Leonora--- dahil malapit niya ng makaharap ang swerte para sa kaniya at yon ay si Ramon Zacharias Bautista.