Parang isang estatwang nakatayo si Isla sa harapan ng pinto ng kwarto ni Clay, nanlalamig ang mga daliri habang nakasapo sa sariling dibdib. Hindi niya maintindihan kung bakit siya narito—kung anong puwersa ang nagtulak sa kanya para tahakin ang silid ng lalaking matagal nang hindi niya nakakaharap. Sumisikip ang kanyang dibdib, parang hinihigop ng katahimikan sa pagitan nila ang buong hangin sa kanyang baga. Ang pintong nasa harapan niya ay tila isang harang na maaaring bumagsak sa isang maling hakbang. Napabuga siya ng hangin, pilit na pinapakalma ang nanginginig niyang mga kamay. Ngunit kahit anong gawin niya, hindi niya maitatangging may pangambang gumagapang sa kanyang balat, parang may paparating na unos na hindi niya kayang iwasan. Ganoon na lang ba ang pagkatakot niya kay Clay?

