Kasabay ng magandang sikat ng araw, sumilay ang matamis na ngiti sa mukha ni Irish nang siya’y magising. Mas malaki man ang nakasanayang kwarto niya sa sariling bahay, sobrang komportable naman siya sa bagong tinutulugan niya. Lahat ng gusto niya ay naroon na katulad ng mga paboritong kulay at dekorasyon. Hindi niya ma-imagine kung paano naisabuhay ni Keith ang ideal niyang silid. Oo’t sinabi niya ang description nito ngunit lumagpas pa sa kanyang expectations ang kinalabasan. Tila nabasa nito ang eksaktong hiling sa kanyang isipan. Araw iyon ng Lunes. Katulad ng nakasanayan ay maaga siyang gumising dahil papasok pa siya sa trabaho. Hindi porque siya ang may-ari ng Love’s World Jewelry ay pwede na siyang magpa-easy-easy. Ngayon pang malaking halaga ang naibawas niya sa personal na pondo.

