Episode 23

2051 Words
Salubong ang mga kilay ni Keith habang binabantayan ang mga taong naglilinis sa kanyang apartment. Pangalawa at huling araw na ito nang kakakiskis bawat sulok at kanto. Kahit na bagong bili ang ilang mga vases, dekorasyon, at furnitures ay pinapa-disinfect pa niya hanggang sa kumintab na tila ginto at pilak. Umakyat sa second floor si Keith at sunod na sinubaybayan niya ang paglilinis sa guest room. Napatango siya sa resulta nito. Kulay aqua blue ang mga kurtina, moss green naman ang carpet, at kumbinasyon ng pink at puti ang kobre kama, mga unan, at kumot. “May kulang pa kaya?” bulong niya at binunot sa bulsa ang piraso ng papel. Nakalagay dito ang deskripsiyon ng eksaktong disenyo na gusto ng kanyang pekeng asawa. “Sa tingin ko, wala na. Sana naman wala siyang maging reklamo.”  Sabagay ay sanay naman siyang mag-interpret ng gustong ayos ng kliyente sa kanilang bahay bilang kasama ito sa kanyang expertise. Wala pa namang kaso na siya’y nireklamuhan. Lahat nga ng kanilang kliyente ay pinupuri ang kanilang serbisyo kaya umaabot ng maraming taon ang relasyon ng kanyang kompanya sa mga ito. “Subukan lang niyang magreklamo at hahalikan ko siya.” Napangisi siya sa ideyang iyon. “Excuse me lang po, Sir. Kasama po ba ‘to sa mga gamit ninyo?” “Hmm?” Lumingon si Keith sa kanyang likuran at halos lumuwa ang mga mata niya sa bagay na iwinawagayway ng lalaki na may dalawang de-gulong na trash bin. Isa itong itim na lacy bikini bottom. “Saan mo nakuha ‘yan?!” “Doon po sa kwarto ninyo. Nasa ilalim ng kama.” “Anak ng…” Umusok si Keith habang hawak-hawak niya ang kanyang noo. Buwisit talaga. Ilang linggo na nga akong walang koneksyon kay Ladine, hindi ko alam, iniwanan pa pala niya ako ng bakas? Malakas na nagbuntong-hininga si Keith at itinuro ang underwear papunta sa trash bin. Nag-iwas na siya ng tingin na tila nasislaw dito. “Pakiusap, isama mo na ‘yan sa mga itatapon.” “Naku, sayang naman ‘to. Mukhang mamahalin,” anang lalaki habang sinusuri ang bikini. “Basta idispatsa mo na ‘yan!” Napatalon ang lalaki sa gulat. “Ay, sige po! Sabi ko nga, basura na ‘to eh. Sige po. Sorry sa istorbo, Sir.” Lumabas na ng kuwarto ang lalaki ngunit halata pa rin sa mukha niya ang panghihinayang. Namumula pa rin sa pagkaasar si Keith nang pagtuunan niya ng pansin ang cellphone. Dahil sa nasa priority list ang pangalan ni Irish, mabilis itong nai-dial. Pilit niyang pinapahupa ang pagka-badtrip habang hinihintay na damputin ito. Nang sumagot ang dalaga at narinig niya ang banayad nitong boses, wala sa sariling napangiti siya.  “Hello, Keith.” “Hi.” Lumabas siya sa kwarto at sumandal sa steel railing. Mula doon sa pasilyo ay tanaw niya ang lahat ng bahagi ng kanyang apartment at ang mga tauhan na tinawagan niya mula sa cleaning agency. “Gusto ko lang sana itanong kung anong oras kita susunduin? Ready na ang bahay ko mamaya lang.” “Um… pweden kayang bukas na lang ng umaga?” “O, bakit naman?” Nagsalubong ang mga kilay ni Keith. Maingat siyang bumaba ng hagdan upang mas makita nang maigi ang isang lalaki sa pagpupunas nito vase na kasinlaki niya. “Akala ko ba, ngayong Sabado ka lilipat?” “Yeah. Nasabi ko nga ‘yan. Actually, ready na ako pati ‘yong mga gamit ko. But I think, bukas pa ako makakalipat. I just need to deal with something." Bumagsak ang malapad na balikat ni Keith. “Sigurado na ‘yan, okay? Sandali, hindi kaya nagbago na ang isip mo?” “No, of course!” Alanganing tumawa ang dalaga sa kabilang linya. “Pwede ba naman ‘yon? Basta bukas ako mag-mo-move in diyan. Pero hindi na ako magpapasundo.” “Bakit, may iba bang susundo sa ‘yo?” “Ano ka ba, I’m on my own.” “O, sige. Sinabi mo, eh. Pero kung kailangan mo ng tulong, tawagan mo lang ako bago ka umalis.” “I will. Sige, Keith. See you tomorrow na lang.” Tumango lang ang binata. Matamlay siyang ngumiti nang ibaba ang cellphone at ipinagpatuloy ang pagmamasid. Ang totoo’y hindi naman dumihin ang kanyang lugar. Madalang rin kapitan ng alikabok ang air conditioning system kahit na ang mga carpet. Ngunit dahil may makakasalo na siya rito’y hangga’t maaari nais niyang maging perpekto ang tahanan sa paningin ni Irish. Siya ang pinili nitong husband for hire. Ang huling nanaisin niya ay magsisi ito sa kanya.  Gayunman, may isa pang mas mabigat na dahilan kung bakit nanggagalaiti siya sa alikabok. Oo’t sagana ito sa site. Pero nakakayanan naman niya ang setting doon dahil nakasuot naman siya ng mask. Ngunit hindi naman niya ito nato-tolerate pagdating sa apartment dahil sa kanyang mild allergy. Mabuti nga’t nabawasan ito nang magsimula siyang mag-gym. Nang gabing iyon, kahit na sobrang maaliwalas ang buong kwarto’y hindi kaagad inabutan ng antok si Keith. Nakahilata lang siya sa kama na walang ibang saplot ngunit natatakpan naman ng makapal na kumot. Kahit noon ay nakasanayan na niya ang matulog nang walang nakaharang maliban na lang noong mga panahon na naglagi si La Diva sa kanyang apartment. Isang linggo din siyang nakasuot ng pajamas habang maiging naka-lock ang kanyang kwarto kapag gabi. Napaisip tuloy siya habang nakatingala sa kisame. Kapag nandito na kaya si Irish, magkakandado pa rin ba ako? Pero hindi naman siya garapal katulad ni Ladine. Kahit siguro matulog uli ako na hubad, okay lang. Hindi naman niya ako papasukin sa kwarto ko. Pumikit na siya at nagpwesto na matutulog na. Ngunit bago siya tuluyang dalawin ng antok ay natawa pa siya sa huling tinuran. o0o Kahit nag-set ng alarm, mas maagang gumising si Keith. Matapos maligo at mag-ayos ng sarili ay diretso siya sa kusina upang magluto ng almusal. Maya't maya rin ang pagsilip niya sa cellphone dahil sa pag-aabang sa text o tawag ni Irish. Bahagyang naninibago siya sa kanyang ikinikilos. Kahit noong nasa totoong relasyon siya ay hindi naman siya ganito ka-effort. Kung kailan kunwari lang ang lahat, saka pa siya todo sa pag-aasikaso. Hindi siya kaagad kumain at tinakpan lang sa mesa ang almusal. Isang tasa lang ng tsaa ang hawak niya habang nakaupo sa malaking sofa na kahapon lang din binili. Sa isang kamay niya ay hawak ang remote control ng TV na paulit-ulit niyang pinipindot. Mangyari’y wala naman sa pinapanuod ang atensyon niya. Nanliit ang kanyang mga mata. Nasaan na kaya ang babaeng ‘yon? Kapag hindi pa siya dumating bago mag-eight am, dadamputin ko na siya sa bahay niya kahit ayaw niya! Ilang sandali pa at tumunog ang doorbell. Napasinghap siya nang tumayo at ni hindi nga naisuot ang pampabahay na tsinelas, mabuksan lang ang pinto. Ni hindi nga niya sinilip muna sa pinhole ang bisita bago ito buksan. Sabagay, isang tao lang naman ang inaasahan niyang darating. Malawak ang kanyang pagkakangiti nang buksan ang double door. Ngunit natulala siya nang makatitigan ang isang pares ng kulay orange na mga mata na bumungad sa kanya. Hindi ito kumukurap habang pinagmamasdan siya na tila nanghihipnotismo. Makintab at kulay abo ang balahibo at ang mga tainga ay nakatindig na tila nakaalerto sa kanyang presensya. “Meow…” Makailang beses na kumurap si Keith nang mapansin ang dalagang at sa karga nito. “A-ano ‘yan?” “Hindi ito basta ‘ano’,” ani Irish. “This is Midnight, my baby. He’s a British Shorthair cat,” pagmamalaking tinuran ni Irish. “A-alaga mo?” Wala sa sariling nagbigay ng daanan si Keith upang tumuloy si Irish sa loob. Sinundan niya ito hanggang sala. “Papatirahin mo dito ang… ang pusa na ‘yan?” Ibinaba ni Irish ang pusa sa sofa at lumapit kay Keith. Hinawakan niya ang mga kamay ng naguguluhang binata. “I’m so sorry dahil hindi ko kaagad nasabi sa ‘yo. But actually, si Midnight ang dahilan kung bakit hindi kami natuloy kahapon.” Liningon niya ang pusa na ngayon ay tila naninigas na nakaupo sa sofa. “Oh, kawawa naman si Midnight. Naninibago pa siya. Sana lang maka-adopt siya kaagad sa bago niyang bahay. Okay lang ba sa ‘yo si Midnight? Mabait naman siya, eh.” Nanlalaki ang mga mata ni Keith na sinulyapan ang pusa. Tila gusto niya itong itapon sa labas lalo na nang magpagpag sa kanyang bagong sofa. Nais man niyang maiyak, pinilit niyang ngumiti lalo na nang pisilin ni Irish ang mga kamay niya. “S-sure! Kahit ilang pusa pa ang dalhin mo rito, okay lang sa ‘kin basta… basta masaya ka." “Oh, thank you so much, Keith!” Mahigpit na niyakap ni Irish ang binata. “Kahapon pa ako nag-aalala kasi nag-aalala ako na baka magalit ka kay Midnight. I’m so happy kasi tanggap mo siya.”  Nabibigla man sa hindi inaasahang yakap, kusang gumapang ang mga braso ni Keith upang ikulong ang dalaga sa loob ng katawan niya. Isa man ang mga pusa sa ‘bagay’ na kanyang kinaaayawan, kung ito ang makadaragdag sa maayos nilang pagbabahay-bahayan ay maluwag niyang tatanggapin.  Mabuti na lang, may antihistamine ako dito. "Bakit ko naman hindi tatanggapin si... si Midnight? Mahalaga siya sa 'yo kaya mahalaga na rin sa akin." Lalong humigpit si Irish sa pagkakayakap. "Salamat talaga, Keith. Sobrang na-appreciate ko talaga 'to," aniya at bumitiw siya nang mapansin ang apartment. "Ang ganda naman dito. Bago ba ang unit mo?" Nakapamulsa na nagkibit-balikat si Keith. “Hindi naman. Matagal na akong nakatira rito. Siguro ten years na. Bagong linis lang,” aniya at napalingon sa malaking lalaki na bumungad sa pinto. May bitbit na dalawang maleta ang mga kamay nito. “Ma’am Irish, saan ko po ito ilalapag?” “Diyan na lang, kuya.” Si Keith ang sumagot sabay lingon kay Irish. “Ako na ang mag-aakyat ng mga gamit mo sa kwarto.” Tumaas ang mga kilay ni irish. “S-saan?” “Sa guest room syempre. Bakit, gusto mo ba sa kwarto ko?” “Hindi ah!” salungat ni Irish. Biglang nagkakulay ang mga pisngi niya. “Binibiro lang naman kita,” nakangising tugon ni Keith at tinungo ang mga bagahe. Matapos magpaalam ng tagabuhat, diniretso ni Keith ang mga ito sa guest room. Sumunod naman si Irish doon habang karga niya si Midnight. “Okay ka na ba rito?” tanong ni Keith. Nag-unat siya ng mga braso matapos ibaba ang mga luggage. Namilog ang mga mata ni Irish nang pahapyawan ng tingin ang kabuuan ng kwarto. “Oh, my God. This is… this room is so lovely.” “Oo naman. Parang ikaw lang,” nakayukong bulong ni Keith. “What did you say?” “Huh? Wala.” Tipid na ngumiti si Keith ngunit nanliit ang mga mata niya nang mapansing bumaba ang malaking pusa at kumiskis sa kanyang paa. Tumingala ito at nag-meow sa kanya na siyang ikinatindig ng kanyang mga balahibo. “Wow, Midnight likes you. Hindi lahat nilalapitan niya at once,” nangingiting komento ni Irish.  Napalunok na lang si Keith. Kahit ang mga pusa na dinadala ng kanyang ina galing sa veterinary clinic noon ay hindi niya pinapangahasang lapitan. Naninibago siya sa sarili dahil hindi pa niya sinisipa si Midnight.  “O, sige. Maiwan muna kita. Pero bumaba ka agad kasi naghanda ako ng almusal. Kumain ka na ba?” “Hindi pa nga.” “Buti naman. Ang ibig kong sabihin, mabuti at may makakasabay akong kumain.”  “Susunod na lang ako, Keith. Magpapalit lang ako ng damit.” Tumango si Keith. Bago niya isinara ang pinto’y sinulyapan niya ang nakatalikod na imahe ng dalaga. Akala siguro ni Irish ay nakaalis na siya dahil ibinaba na nito ang zipper ng suot na bestida.  Hindi man sinasadya ay nahagip ng paningin ni Keith ang parte ng bra ng dalaga. Lalo tuloy siyang hindi nakakilos sa kinatatayuan habang hawak ang doorknob. Nahimasmasan lang siya nang mag-meow si Midnight habang nakatingin sa kanya. Dahil sa pagkagulat ay malakas niyang isinara ang pinto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD