Kumatok uli si Rita tulad ng pagkatok niya kanina. Dalawang magkasunod na katok at pagkatapos ay isa at saka dalawang magkasunod uli. Nang bumukas ang pintuan isang matangkad at matabang babae na may hawak na natutuping abaniko at makapal na make-up ang sumalubong sa amin. Ang kapal rin ng nakapilantik niyang fake eye lashes at matingkad ang mapulang buhok niya na kakulay din ng mahahabang kuko niya. Ang dami niyang suot na alahas at masyadong makulay ‘yung suot niyang damit. Lahat ata ng kulay sa rainbow nasa damit na niya. Dahil bukas ang pintuan mas dinig na 'yung iyak sa loob kaya napakunot noo ako. Isinarado naman agad ng babae 'yung pintuan sa likuran niya.
"Mamita!" bati ni Rita sabay yakap dito. Ito kaya 'yung sinasabi niyang kakilala niya? Habang yakap siya ni Rita napatingin ito sa 'kin.
"Siya ba 'yung sinasabi mo?" tanong nitong nagngangalang Mamita at pagkatapos ay humiwalay na siya ng yakap kay Rita.
Hinawakan ako ni Rita sa balikat. "Siya nga. Ang ganda 'no? May lahi ‘yan," sabi pa niya kaya nginitian ko si Mamita.
Humakbang palapit sa ‘kin si Mamita. Hinawakan niya ako sa balikat at saka inikot hanggang sa mapatalikod ako sa kanya at pagkatapos ay inikot niya uli ako paharap. Tiningnan niya 'ko mula ulo hanggang paa na para bang sinusuri. "Maganda. Magaling ka talagang pumili, Rita." Lahat siguro ng mga empleyado nila rito kailangan maganda, para lahat ng makikita ng mga bisita nila rito maganda rin. Parang 'yung receptionist sa baba at saka 'yung mga guard na nakita ko kanina. Magaganda ang tindig, matatangkad at saka malalaki ang katawan. Ang taas naman pala ng standards nila rito. Sana pumasa ako kapag tinanong na ako sa interview mamaya. Sana makita nila ni hindi lang ganda ang mayroon ako.
"So pa'no? Iwan ko na sa 'yo? Ikaw na ang bahala rito," sabi ni rita kasabay ng magaan na pagtapik sa balikat ko.
"Oo. Ako na ang bahala."
"Yung ano, alam mo na. Dating gawi. Iche-check ko agad 'yon mamaya," nakangiting sabi ni Rita.
"Gusto mo pagkaalis mo, ipasok ko na agad?"
"Basta, ikaw na ang bahala."
"Okay, sige," patango-tangong sabi ni Mamita kay Rita. Hindi ko maintindihan ang pinag-uusapan nika kaya palipat-lipat na lang ako ng tingin sa kanilang dalawa. Ang napansin ko lang ang 'yung ngiti sa mga labi ni Rita na para bang may napanalunan siya.
Hinawakan ako ni Rita sa braso. "Lorelei, siya na ang bahala sa 'yo. Mabait 'yang si Mamita. Basta sumunod ka lang sa lahat ng sasabihin niya at magkakasundo kayong dalawa."
"Aalis ka na?" Akala ko kasi, hanggang sa matapos ‘tong interview ay sasamahan niya ‘ko. Mas lalo tuloy akong kinabahan dahil iiwan niya ‘ko rito. Hindi naman bago sa 'kin ang mag-apply ng trabaho at saka sumalang sa interview, pero ito kasi 'yung first time na mag-a-apply ako sa lugar na tulad nito na para sa mga mayayaman.
"May pasok kasi ako sa trabaho. Hinatid lang kita. Huwag kang mag-alala nandito naman si Mamita. Ano? Alis na ko ah? Good luck!" Ang lapad ng ngiti niya sa ‘kin. Bago siya umalis, yumakap siya at humalik sa pisngi ni Mamita. Hinawakan naman ako ni Mamita sa kamay at bago kami pumasok sa kwarto nilingon ko si Rita na naglalakad na palayo.
"Ano nga uli ang pangalan mo, hija?"
"Lorelei po," sagot ko habang sinasarado niya ‘yung pintuan. Napatingin ako sa dalawang babae na nakaupo sa sofa. Mukhang kaedad ko 'yung isa, habang 'yung isa mukhang nasa forties na. Nagtaka ako sa suot ng umiiyak, kasi para siyang pupunta sa party sa igsi ng dress na suot niya na sleeveless pa, at ang taas ng takong ng sapatos niya na kulay silver. Aplikante rin kaya siya? Pero bakit siya umiiyak at bakit gano’n ‘yung suot niya?
"Ang ingay! Diyos ko, walang tigil ang atungal!" reklamo ni Mamita, sabay bukas ng abiniko niya at mabilis na pinaypayan ang sarili. "Nag-iinit ang ulo ko sa inyo! Maricar 'yang recruit mo ha, patahanin mo ‘yan," sabi ni Mamita sa may edad na babae.
"Yes, Mamita. Sorry po." Nagulat ako sa boses nitong Maricar na kasama ng umiiyak na babae. Akala ko kasi babae rin 'to pero parang hindi ata. Pagtingin ko sa leeg niya may adam's apple siya.
"Tara do'n, Lorelei. Bibigyan kita ng damit. Magpalit ka. Bakit ba ganyan ang pinasuot ni Rita sa 'yo?" sabi ni Mamita habang nakahawak pa sa manggas ng blouse ko.
Napatingin naman ako sa suot kong damit. Maayos naman ito at maganda pa kahit galing lang sa ukay-ukay. Ano kayang problema? "Po? Bakit po? Ano po ba dapat?" tanong ko dahil pinaghandaan ko pa naman itong sinuot ko ngayon, tapos mali pala.
“Hindi bagay sa okasyon.” Okasyon? Interview ito 'di ba?
Naglakad kami palapit sa isang sampayan na bakal na puno ng mga damit habang hatak niya ang manggas ko. Hindi ko alam kung bakit may ganoon dito sa kwarto na dapat ay opisina pero hindi naman mukhang opisina. Walang office table, computer or filling cabinet man lang. Dahil sa mga nakikita ko rito, kinakabahan na 'ko. Hindi tulad ng kaba ko kanina dahil kinakabahan ako para sa interview, kundi kaba dahil parang may mali rito. Interview ba talaga 'to para maging tagapaglinis ng hotel? Habang namimili sa mga nakasampay na damit si Mamita, may kumatok sa pinto na tulad ng pagkatok ni Rita kanina. Secret code ba 'yon?
"Maricar, ikaw na nga ang magbukas. 'Yung mga dancer siguro 'yan. Nag-text si Josa kanina, papunta na raw sila." Dancer? May event nga ata mamaya. Pero bakit dito sila pumunta? I-interviewhin din ba sila?
Binuksan ni Maricar 'yung pinto at ang daming babae na pumasok sa kwarto. Ang iigsi ng mga palda at short na suot nila at 'yung iba labas pa ang pusod dahil sa igsi ng suot na pang-itaas. "Mamita!" sigaw ng maliit na bakla na kasama ng mga ito. Ito siguro ‘yung Josa. Pakende-kendeng pa itong lumapit kay Mamita at bumeso. "Nandito na ‘yung mga dancers ko. Inagahan ko ang punta para kapag may reklamo ka, magagawan ko ng paraan. Kapag hindi pasado sa standards mo, may oras pa 'ko humanap ng kapalit."
Tiningnan ni Mamita 'yung mga babae. "Hmm... Ayos naman lahat. Magaganda at sexy. Magagaling ba 'yang sumayaw?"
"Hay! Buti naman!" sabi niya habang magkalapat ang mga palad niya at mga daliri lang niya ang pumapalkpak. "Syempre naman, Mamita. Magagaling 'yang sumayaw at gumiling."
"Dapat lang. Ang laki ng binayad ko sa 'yo," sabi ni Mamita habang pinapaypayan pa rin niya ang sarili. Malakas naman 'yung aircon sa kwarto pero parang init na init pa rin siya.
Napatingin sa 'kin 'yung Josa. Tiningnan niya ‘ko mula ulo hanggang paa. "Neng sa'n ka punta? Job fair? Parang naligaw ka ata." tanong niya habang nakataas ang isang kilay.
"Interview po. Cleaner po rito sa hotel." Pagkasabi ko nito, bigla siyang humagalpak ng tawa at tumingin kay Mamita.
"Kay Rita 'to 'no?" sabi niya habang nakaturo pa sa ‘kin ang hintuturo niya.
"Kay Rita nga."
"Yung babae talagang 'yon." Tumingin siya uli sa 'kin. "Neng, walang interview rito, pero auction meron."
"P-po? A-auction? Ano pong ibebenta?"
"Ikaw!" sagot niya sa pataas na boses at pagkatapos ay tumawa na naman siya.
Nanlaki ang mga mata ko, at napatingin ako sa babaeng umiiyak. Kaya pala! Sabi na nga ba at tama ang kutob ko. May mali nga rito! "Aalis na po ako!" sabi ko pero nakakaisang hakbang pa lang ako, sinabunutan na ako ni Mamita. Napahawak ako sa ulo ko dahil sa sakit. Parang mapipilas ‘yung anit ko dahil sa pagkakasabunot niya sa 'kin.
"Walang aalis. Hindi ka aalis.” Mabagal niyang sabi habang may diin sa bawat salita niya. “Dahil sa oras na lumabas ka sa pintuan na ‘yan…” Itinuro pa niya ‘yung pinto gamit ang nakatupi nang abaniko niya. “… huling araw mo na at makikita ka na lang na palutang-lutang sa ilog o kaya ay nabubulok sa damuhan sa bakanteng lote. Gusto mo ba 'yon?"
“Ayoko po, pero maawa na po kayo sa ‘kin. Paalisin n’yo na po ako.”
"Neng may mga baril 'yung mga bantay sa labas at kahit malagpasan mo sila may nagkalat na bantay sa buong hotel. Hindi ka makakalayo. 'Yung may-ari nitong hotel ang nagpapa-auction dito. May CCTV sa bawat sulok. Kahit magtago ka pa, mahahanap ka, kaya huwag ka nang magtangka umalis pa. Swerte ka pa rin naman dahil mayaman ang bibili sa 'yo. Puro milyonary o bilyonaryo 'yung mga kasali sa auction. Sana nga lang mapunta ka sa bata pa, hindi sa amoy lupa na," sabi ni Josa sabay tawa na naman, na para bang may nakakatawa sa sinabi niya.
"Maawa po kayo! Ayoko po! May lolo at lola po ako na kailangang balikan." Umiiyak na 'ko habang nakasabunot pa rin si Mamita sa akin at halos mapatingala na ako dahil sa pagkakahila niya sa buhok ko.
"Si Rita na ang bahala sa kanila. Malaki ang bayad sa kanya sa pagdala niya sa 'yo rito." Walang-hiyang Rita 'yon! Kapag nakalabas ako nang buhay rito humanda siya sa 'kin! Isusumbong ko siya sa mga pulis. Ipakukulong ko siya. Sigurado ako na hindi lang ako ang naging biktima niya. Ilang babae na kaya ang niloko niya? Ilang babae na kaya ang dinala niya rito at binenta sa mayayaman na kliyente rito? Kung sino man ang may-ari ng hotel na ‘to, sobrang sama rin niyang tao, dahil siya ang pasimuno ng lahat ng ito.
"Sa inyo na lang po 'yung pera n'yo. Uuwi na lang po ako sa 'min. Parang-awa n'yo na po." Hindi pa rin ako tumigil sa pagmamakaawa ko sa kanila. Nagbabaka sakali pa rin ako na mahabag sila at palayain ako.
"Kahit magmakaawa ka pa at lumuha ng dugo hindi kita paaalisin, dahil ako ang mapapatay ng boss ko kapag hindi kita naipakita sa kanila. Nakapangako na ako, kaya pasensya na. Hindi kita mapagbibigyan. Doon ka na lang sa bibili sa 'yo magmakaawa." Pasubsob akong binitawan ni Mamita. "Huwag ako ang artehan mo. Hindi tumatalab sa ‘kin ‘yung mga gan’yan," sabi niya at namili na uli siya sa mga damit.
"Sana hindi ka kay kalbo mapunta. Balita ko may sakit 'yon eh. Kadiri." Parang kinalibutan pa si Josa pagkasabi niya no’n. Kalbo? Sino ‘yon at ano’ng sakit ang mayroon siya na nakakadiri? Nakakahawa kaya? Ayoko nang isipin kung ano'ng pwedeng mangyari sa' kin kapag napunta ako sa sinasabi ni Josa. Dapat makaalis ako rito bago pa mangyari 'yon. Kaya lang ay paano?
"S-sino po 'yon?" Pilit kong tinatapangan ang loob ko, pero nilalamon na ako ng takot. Wala nang tigil ang pagtulo ng mga luha ko kaya panay ang punas ko.
"Nag-iisa lang naman siyang kalbo kaya madali mo siyang makikilala."
May hinagis na damit sa akin si Mamita na hindi ko nasapo kaya nahulog sa sahig. "Isuot mo 'yan at tigilan mo na ang pag-iyak. Josa make-up-an mo 'yan mamaya."
"Ako ang bahala rito kay Miss Job Fair. Mas lalo siyang gaganda mamaya."
"Siguraduhin mo, para malaki ang porsyento natin." Porsyento? Kaya pala ayaw nila 'kong paalisin kahit nagmamakaawa ako dahil malaking pera ang makukuha nila. Paano nila nagagawa 'to? Paano nila nasisikmura na kumain gamit ang pera na nakukuha nila kapalit ng mga buhay ng mga babaeng dinadala rito para ibenta? Ilang babae na ang sinira nila ang buhay? Nasaan na kaya ang mga babaeng 'yon? Buhay pa kaya sila? Mas lalo akong naiyak. Hindi lang dahil sa takot, kundi dahil sa matinding galit. Nakaksuklam ang mga taong 'to. Mga wala silang konsensya at mga halang ang kaluluwa.
"Mga hayop kayo! Kami ang ibebenta n'yo tapos kayo ang makikinabang?! Mga demonyo!" sigaw ko kaya sinampal ako nang malakas ni Mamita, at halos mabingi ako nang dahil sa lakas nito. Ang laki at ang taba pa naman ng kamay niya.
"Yan ang napapala ng mga tangang katulad n'yo! Mga hampaslupa!" sinabunutan na naman niya ako pero nanlaban na ako kaya nakalmot ko siya sa mukha.
“Aray! Peste ka!” malakas na sigaw niya habang nakahawak siya sa mukha niya.
Nang mabitawan niya ako, tumakbo ako palabas ng pintuan. Mabilis ang ginawa kong pagtakbo at hindi na ako lumingon. Pagbukas ko ng isa pang pinto nguso ng baril ang sumalubong sa 'kin. Mukhang natimbrehan agad nila ang mga bantay sa tangka kong pagtakas. Natulala ako nang dahil sa takot. Nakakita na ako ng baril pero hindi pa ako natutukan sa ulo.
"Balik," walang emosyong sabi ng lalaki.
"Parang awa n'yo na po kuya. Patakasin n'yo po ako. Kawawa po ‘yung lola at lolo ko."
"Balik." Gamit 'yung hawak niyang baril, isinenyas pa niya 'yung daan pabalik sa pinanggalingan ko.
"Please kuya. May nanay ka rin, at may asawa, kapatid o anak na babae. Kung ilalagay mo sila sa sitwasyon ko ngayon, kakayanin ba ng konsensya mo?" Sinubukan ko siyang konsensyahin at baka sakaling patakasin niya ako.
"Balik sa loob," wala pa ring emosyon na sabi niya. Mga halang na talaga ang kaluluwa ng mga taong nandito at hindi na sila marunong maawa dahil malaking pera ang kapalit nito.
Dahil walang nagawa ang pagmamakaawa ko, sa huli ay sumunod na lang ako at bumalik ako kina Mamita habang nakasunod sa ‘kin ‘tong lalaki at nakatutok pa rin sa ‘kin ang hawak niyang baril. Totoo nga ang sinabi nina Mamita. Wala akong takas, dahil isang maling kilos ko lang ay baka may bumaong bala sa ulo ko.
Napaiyak na lamang ako habang naglalakad at laman ng isip ko sina Lola Nida at Lolo Ramon. Nawala na nga si Nanay sa kanila, pati ba naman ako mawawala rin? Hindi ko kayang isipin kung ano'ng mararamdaman nilang dalawa. Hindi ko rin kayang mapalayo sa kanila lalo na sa sitwasyon ngayon ni Lola Nida.