Pagpasok kong muli sa kwarto kung nasaan sina Mamita, sabay na kaming umiiyak ng babae kanina na ibebenta rin sa auction tulad ko. Nang makita ako ni Mamita, sinabunutan na naman niya ako at hinila papasok at pagkatapos ay tinulak niya 'ko sa sofa na nasa loob. Nang mapaupo ako, tumingala ako sa kanya. Magmamakaawa sana ako nang makita ko ang kamay niya na akmang sasaktan ako. Malapit na sa mukha ko ang matutulis niyang mga kuko nang bigla siyang tumigil habang nangangalit ang panga niya. Pagkatapos no'n ay sumigaw siya nang malakas. Para bang sa pagsigaw niya ibinunton lahat ng inis niya sa ‘kin.
“Bwisit kang babae ka! Ang lakas ng loob mong saktan ako! Sinugatan mo ‘yung mukha ko!” Itinuro pa niya sa ‘kin ‘yung pisngi niya na may sugat dahil sa pagkakakalmot ko sa kanya kanina. Hinawakan niya 'ko sa mukha at mariin niyang pinisil ang magkabila kong pisngi gamit ang malaki niyang kamay at matatabang daliri. Bumaon sa pisngi ko ‘yung mga daliri niya. Nasasaktan ako pero hindi ako nagreklamo. “Pasalamat ka, hindi ko pwedeng sirain ‘yang mukha mo dahil ibebenta ka pa namin!” sigaw niya habang pinandidilatan ako ng mga mata.
“Sorry po. Hindi ko po sinasadya,” umiiyak kong sabi habang pisil pa rin niya ang pisngi ko, kaya hindi ako makapagsalita nang maayos. Ako na ang humingi ng tawad kahit wala naman akong kasalanan sa kanya. Pinagtanggol ko lang naman ang sarili ko dahil balak nila ‘kong gawan ng masama. Kung magkapalit kami ng sitwasyon, siguradong manlalaban din naman siya tulad ko. Sino ba namang matinong tao ang papayag na ibenta sa mga milyonaryong tao at malayo sa pamilya nang walang reklamo? Ito ngang isang babae rito ay wala pa ring tigil sa pag-iyak. Lalo pa nga atang lumakas ang iyak niya nang makita niyang sinasaktan ako ni Mamita.
“Mababawi ba ng sorry mo ‘yung ginawa mo sa mukha ko? May date pa kami ng boyfriend ko mamaya tapos makikita niyang ganito ang mukha ko?! Bwisit ka talaga! Kay kalbo ka sana mapunta para maging parausan ka niya hanggang sa magsawa siya sa ‘yo at iwan ka niyang may sakit!” Lalo pa niyang diniin ang pagkakapisil sa pisngi ko. Kung hindi pa siya hawakan sa braso ni Josa para awatin ay hindi niya ‘ko bibitawan.
“Relax ka lang, Mamita. Baka hindi kayanin ng make-up skills ko ang pagpapaganda d’yan kapag nasira mo ‘yung mukha. Bawal magalusan ang produkto natin. D’yan tayo kumikita. Mas maganda, mas malaki ang bid, kaya mas malaki ang porsyento natin. Sa ibang paraan ka na lang gumanti.”
Tumingin sa kanya si Mamita at ganoon din ako, dahil kinabahan ako sa sinasabi ni Josa na ibang paraan para magantihan ako. “Paano?” tanong ni Mamita kay Josa.
“Hmm… may idea ako. Palabasin mo siya sa stage nang walang saplot at ganda lang ang dala. Ewan ko na lang kung ‘di mabaliw ‘yung mga mayayamang makakakita sa kanya. Sigurado akong mag-uunahan sila na parang mga asong ulol na hayok sa laman at magpapataasan ng bid para lang makuha ‘tong si Miss Job Fair.” Paghuhubarin nila ‘ko?! Hindi! Ayoko! Hindi pwede!
“Parang awa n’yo na po. Ayoko po. Huwag n’yo pong gawin sa ‘kin ‘yon. Sorry po talaga, Mamita. Huwag n’yo po akong palabasin nang nakahubad. Maawa na po kayo sa ‘kin. Pauwiin n’yo na lang po ako. Hinihintay na po ako ng lolo’t lola ko. Baka may masama pong mangyari sa kanila kapag hindi po ako nakauwi ngayon. Maawa na po kayo sa ‘min. Matatanda na po sila at ako lang ang inaasahan. May malaking utang pa po kami sa ospital na kailangan kong bayaran. Nagpapagaling din po ang lola ko dahil na-stroke siya. Parang awa n’yo na po.”
Lumuhod na ‘ko sa harapan ni Mamita at hinawakan ko ang mga paa niya. Kung kailangan kong halikan ang mga paa niya gagawin ko, palayain lang nila ako at huwag ibenta sa mga mayayamang tao na sinasabi nila.
Mahinang sumipa si Mamita kaya nabitawan ko ang paa niya. Nilapat ko na lang sa sahig ang mga nakaikom kong kamay habang nakaluhod pa rin ako at nakayuko.
“Matibay na ang sikmura ko, kaya kahit gaano pa kalungkot ang istorya ng buhay mo, hindi maantig ‘tong damdamin ko. Ano’ng pakialam ko sa pamilya mo? Ang kailangan ko lang problemahin ay ‘yung pamilya ko at kung paano ko sila bubuhayin. Kung mabubuhay ko sila gamit ang mga hampaslupang katulad mo, pwes ‘yon ang gagawin ko. Alam mo, bakit hindi ka na lang matuwa na may makukuhang pera ang lolo at lola mo? Makakabayad kayo ng utang at baka may matira pa hanggang sa mamatay silang dalawa.”
Dumiin ang pagkakaikom ng mga kamay ko at kulang na lang ay madurog ang mga ngipin ko dahil sa diin nang pagkakaikom ng bibig ko habang nangangalit ang panga ko sa galit. Gusto ko siyang saktan uli nang dahil sa sinabi niya. Walang halaga para sa kanya ang buhay namin ng lolo’t lola ko. Gusto kong tumayo at sabunutan siya, sampalin at kalmutin uli, pero pinigilan ko ang sarili ko dahil alam kong hindi ‘yon makakatulong sa ‘kin, dahil sila ang may kontrol sa sitwasyon.
“Parang awa mo na, Mamita. Ano po bang pwede kong gawin para mabago ko po ang isip n’yo? Handa po akong maging alila n’yo habang buhay, huwag n’yo lang po akong ibenta.” Kunwari lamang ito. Wala akong balak na magpaalila sa kanya. Kung sakaling pumayag siya, gagawa ako ng paraan para makatakas sa kanya. Hindi naman siguro siya tulad ng mga mayayamang kliyente rito na may mahigpit na security at maraming guwardiya sa bahay. Kung siya ang magiging amo ko, sa tingin ko’y mas malaki ang tiyansa na makalaya ako at makabalik kina Lolo Ramon at Lola Nida.
“Hindi kita kailangan. Wala kang ibang silbi para sa ‘kin kundi ang maging produkto na ibebenta sa auction mamaya. Tigilan mo na nga ang pagpapaawa sa ‘kin. Nag-aaksaya lang tayo ng laway sa isa’t isa. Nakakapagod magpaliwanag sa ‘yo. Bakit ba hirap kang intindihin na hindi ka na makakatakas dito? Huwag ka na kasing mag-inarte at tanggapin mo na lang ang kapalaran mo. Ipagdasal mo na lang na swertehin ka sa makakabili sa ‘yo, kahit na maliit lang ang posibilidad na mangyari ‘yon, dahil karamihan sa mga kasali sa auction, matatanda na. Mga amoy lupa na sila at may mga sakit pa, pero mga gusto pa ring tumikim ng mga sariwa tulad mo. Oo nga pala, virgin ka pa ba?”
“P-po?!” tanong ko habang nakatingala sa kanya at tumutulo pa rin ang mga luha ko nang dahil sa galit.
“Bingi lang? Ang sabi ko, virgin ka pa ba?”
“H-hindi na po.” Nagsinungaling ako. Kung lalaki ang karamihan ng mga kliyente nila rito, siguradong virgin ang gusto ng mga ito at hindi ko sila bibigyan ng rason na mas lalong gustuhin na makuha ako.
“Sayang. Mas mataas pa naman ang bid sa mga virgin,” sabi ni Josa kaya napatingin ako sa kanya. Buti na lang at hindi ako nagsabi sa kanila ng totoo. “Pagsuotin na lang natin siya ng school uniform para magmukha siyang bata at inosente.” Dumiin na naman ang pagkakaikom ng mga kamay ko. Gagawa talaga sila ng paraan para maibenta ako sa mas mataas na halaga para mas malaki ang maging porsyento nila. Pero naisip ko na ayos na rin ‘yon kaysa naman palabasin nila ‘ko na hubo’t hubad. Kung hindi ko man mapigilan ang masaklap na kahihinatnan ko sa lugar na ‘to, gusto ko namang umalis dito na kahit papaano ay may kaunting dignidad pa rin, dahil hindi mapagpyepyestahan ng mga mata nila ang kahubdan ko.
“Tumayo ka na nga d’yan!” inis na sabi ni Mamita at hinawakan niya ‘ko sa kuwelyo at saka hinila pataas. Nagpatangay na lamang ako dahil wala namang saysay kung magmamakaawa pa ‘ko sa kanya. Siguro nga’y dasal na lang ang makakapitan ko sa sitwasyon kong ito. “Josa, make-up-an mo na ‘to at ipasuot mo na ‘yung uniform na sinasabi mo,” utos ni Mamita.
“Tara do’n. Sumunod ka sa ‘kin,” sabi sa ‘kin ni Josa, habang nakaturo siya sa direksyon kung nasaan ‘yung mga nakasampay na damit na pinamilian ni Mamita ng ipapasuot niya dapat sa ‘kin kanina. Tahimik na lamang akong sumunod kay Josa habang nagpupunas ako ng luha. Habang naglalakad ako’y napatingin pa ‘ko sa babaeng hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak na pilit na pinapatahan ng kasama nito na si Maricar. Sa tangin ko’y menor de edad pa ang babaeng ito. Napagmasdan ko kasi siya at mukhang mas bata siya sa ‘kin. Naawa ako sa kanya pero wala naman akong magawa dahil kahit sarili ko’y hindi ko matulungan.
Tumayo lamang ako sa isang tabi habang may hinahanap na damit si Josa. “Mukhang kasya naman ata sa ‘yo ‘to.” Inabot niya sa ‘kin ‘yung damit na mukhang school uniform. “Magpalit ka na at isuot mo ito.” Tumuro siya sa kaliwa. “Nando’n ‘yung CR. Dalian mo dahil may iba pa ‘kong aayusan.”
Matamlay akong tumango at naglakad papunta sa banyo. May shower, lababo at inidoro ‘yung banyo. May bintana pero sanggol lang ata ang pwedeng magkasya dahil sa liit nito. Mataas din ito kaya hindi ako makadungaw sa labas. Kung nasa akin lang sana ‘yung envelope na dala ko kanina na pinaglalagyan ng resume ko at ballpen, baka nagsulat na ako sa papel o dito mismo sa damit ko, at itinapon palabas sa bintana para makahingi ako ng tulong. Kaya lang ay nabitawan ko ito kanina nang sabunutan ako ni Mamita at nang pagbalik ko’y hindi ko na makita.
Napaiyak na naman ako habang isa-isa kong tinatanggal ‘yung pagkakabutones ng blouse ko. Naaawa ako sa sarili ko at inaalala ko sina Lola Nida at Lolo Ramon. Hinubad ko ‘yung blouse at ipinatong ko ito sa lababo. Kinuha ko ‘yung uniform na binigay sa ‘kin ni Josa at isinuot ko. Masyadong maliit sa ‘kin itong puting blouse kaya hindi ko maisarado ‘yung mga butones sa may dibdib. Namumutok ‘yung harapan ko, na tinatago lang ng luma kong bra na kulay puti at medyo sira na ‘yung lace sa ibabaw. Maigsi rin ito kaya labas ang pusod ko. Nang ‘yung kulay blue na palda naman ang sinuot ko, sobrang igsi nito sa ‘kin. Hanggang pwet ko lang ang naitago nito at kapag yumuko ako nang kaunti ay kita na agad ang kulay puti kong panty.
Hindi ko magawang lumabas ng banyo nang dahil sa suot ko kaya kinatok na ako ni Josa. “Neng, ang tagal mo naman! Lumabas ka na d’yan at nagagalit na naman si Mamita. Sige ka, baka magbago ang isip no’n at palabasin ka nang walang saplot.”
Nang dahil sa sinabi niya’y wala na ‘kong nagawa kundi buksan ang pintuan at lumabas na suot ‘yung school uniform na katiting lang ang tinakpan sa katawan ko. “May iba pa po bang damit d’yan? Masyado pong maliit sa ‘kin 'to. Hindi ko po maisarado ‘yung blouse at ang igsi ng palda.”
“Meron, pero mas maliit pa d’yan. Okay na ‘yan. Ang ganda nga eh. Bagay sa ‘yo.” Napatingin siya sa dibdib ko. “Kaya lang nakasira ‘yung bra mo. Ang chaka. Balik ka sa loob at hubarin mo na lang ‘yang bra mo.”
“P-po?!”
“Tanggalin mo ‘yang bra kasi ang pangit, ‘tsaka para maisarado mo ‘yung blouse mo. Naka-push-up ka yata kaya mas lalong lumaki ‘yang dede mo.”
“Pero—“
“Wala nang pero-pero. Tanggal ng bra pero may suot na uniform o totally na wala kang suot? Mamili ka.”
“M-magtatanggal na lang po.”
Labag man sa kalooban ko’y wala na naman akong nagawa kundi sumunod sa utos. Hinubad ko ‘yung blouse at tinanggal ang suot kong bra. Pumuputok pa rin ‘yung harapan ko pero hindi na katulad kanina. Kaya lang ay nakabakat naman ‘yung ut0ng ko na hindi ko alam kung paano maitatago. Manipis pa naman ‘yung tela ng blouse na suot ko kaya madali itong mapapansin.
“Ang tagal mo na naman d’yan!” sigaw na naman ni Josa sa labas ng banyo. Binuksan ko ‘yung pintuan habang nakatakip ang mga braso ko sa dibdib ko. “Ano na naman ‘yung inaarte mo d’yan? Hoy. Hindi ka pwedeng gan’yan mamaya. Tanggalin mo nga ‘yang braso mo.”
“Pero ang sagwa po kasi.”
“Ano’ng masagwa? Patingin.” Umiling ako habang nakatakip pa rin ang mga braso ko sa dibdib ko. “Neng, bakla ako. Hindi ko pagnanasahan ‘yang dede mo. May dede din ako ‘no?!” mataray niyang sabi habang nakataas ang isang kilay.
Dahan-dahan kong binaba ang mga braso ko. “Baka may bra po kayo d’yan na pwede kong isuot?”
“Neng, huwag na. Ang sexy mo kaya d’yan. Perfect! Tara na do’n at aayusan na kita.” Hinawakan niya ‘ko sa braso at saka hinila.
“Teka lang po. ‘Yung mga damit ko po naiwan ko sa banyo.”
“Hayaan mo na ‘yon. Sa basurahan naman ang punta ng mga ‘yon.”
Pinaupo niya ‘ko sa upuan na nasa harapan ng malaking salamin. Habang nilalagyan niya ‘ko ng make-up sa mukha naiyak na naman ako. Suot ko na ‘yung damit at ngayon ay inaayusan na niya ‘ko. Palapit na ‘ko nang palapit sa masaklap na kapalaran ko. “Tatahan ka o tatawagin ko pa si Mamita para lang tumigil ka?”
“S-sorry po,” pahikbi-hikbi kong sabi.
“Kapag natusok ko ‘yung mata mo, walang sisihan, ah?”
“Tatahan na po ako.” Inabutan ako ni Josa ng tissue at pinunasan ko ‘yung luha ko. Pinigilan ko ‘yung iyak ko hanggang sa matapos siya. Pagkatapos niya ‘kong lagyan ng make-up ‘yung buhok ko naman ang inayos niya. Pinusod niya ito na halos umabot na sa tuktok ng ulo ko. Sobrang linis ng pagkakapusod niya sa ‘kin at banat na banat ‘yung buhok ko mula anit. Nilagyan pa niya ito nang kaunting hair wax para maitago ‘yung maliliit na hibla ng buhok ko na malapit sa noo.
Nang matapos niya ‘kong ayusan, tumayo na lamang ako sa isang sulok habang tahimik akong nagdarasal para mabago pa ang kapalaran ko rito. Mayamaya’y may lumapit sa ‘king babae. Isa ito sa mga dancers na dumating kanina kasama ni Josa. Nakasuot siya ng malaking jacket na kulay pink at maigsi na maong na shorts. Makapal ang make-up niya at kinulot ang mahabang buhok niya. “Ang ganda mo. Sayang ka. Magiging puta ka lang ng mayaman, pero hindi ka naman magiging asawa.”
“Miss baka pwede mo naman akong tulungan na makatakas.”
“Tutulungan kita tapos ako naman ang malilintikan? May mga anak ako. ‘Yang mga kasama ko, lahat ‘yan may mga anak na rin, kaya kahit sino d’yan ang hingian mo ng tulong, walang tutulong sa ‘yo. Nang dalhin kami rito ni Josa, binalaan na niya kami na kahit ano’ng makita at marinig namin dito, walang dapat makalabas, kung ayaw naming matulad sa dati niyang mga dancer na nagsumbong sa pulis.”
“A-ano’ng nangyari sa dati niyang mga dancer?” tanong ko kahit may masama na 'kong kutob sa posibleng nangyari sa kanila.
“Eh ‘di patay, tigok, tegi. May mga protektor sila na nasa posisyon, na ang ilan ay mga suki pa nila rito. Nalaman ko lang dahil naikwento ni Josa sa 'kin. May isang politiko nga akong nakita rito na hindi ko akalain na sumasali sa mga ganito dahil sobrang linis ng imahe sa mga tao. Akala mo loyal sa asawa niya na dating supermodel, pero mahilig pala sa mga babaeng menor de edad. 'Yung huling dalagita na nakuha niya rito, mukhang mas bata pa sa bunso niyang anak." Napabuntong-hininga siya at napailing. "Kung ‘di ko lang kailangan ng pera para sa operasyon ng bunso ko, hindi naman ako sasama rito. Puro babae ang mga anak ko at kapag naiisip ko na sila 'yung ibebenta d'yan sa auction, bumabaligtad talaga ang sikmura ko. Kaya lang, wala naman akong magawa. Kapit ako sa patalim. Kailangan kong gumawa ng paraan para maisalba ang buhay ng bunso ko na nasa panganib ngayon dahil sa sakit niya. Hindi sapat 'yung kinikita ko sa pagsasayaw ko sa bar at iniwan pa ako ng walanghiya kong asawa para sa ibang babae. Kaya nang alukin ako ni Josa para magsayaw rito, napapayag agad ako dahil malaki 'yung pwede kong kitain. 'Yung kailangan kong pagtrabahuhan ng isang buwan, sa isang araw lang, pwede kong kitain dito, dahil grabe kung magtapon ng pera 'yung mga parokyano nila rito. Habang sumasayaw kami, puro tig-iisang libo ang sinasaksak nila sa mga bra't panty namin at minsan may kasama pang dolyar.”
"Bra at panty? 'Yon lang ang susuotin n'yo mamaya?" Ako nga, naka-blouse at palda pa, pero hiyang-hiya na 'ko sa suot ko, pero sila, 'yon lang ang susuotin at habang sumasayaw pa.
"Oo. Alam mo, hindi lang pagandahan at pagalingan sa paggiling ang labanan naming mga dancer dito, kundi pati paigsian at pakontian ng damit. Katawan ang puhunan namin sa trabahong 'to, at katawan mo rin ang ibabalandra nina Mamita d'yan mamaya." Tumingin siya sa ‘kin habang kita sa mga mata niya na naaawa siya sa ‘kin. “Pasensya ka na talaga kung wala akong maitutulong sa ‘yo, kaya papayuhan na lang kita. Paglabas mo rito, lakasan mo na lang ang loob mo at tibayan mo ang sikmura mo. Wala namang ibang makakapagligtas sa 'yo d'yan sa sitwasyon mo kundi ang sarili mo.”