“May maitutulong ka sa ‘kin. Lorelei Sebastian ang pangalan ko. Wala na ‘kong mga magulang pero may lolo’t lola pa ako. Matatanda na sila at tumigil na sa paghahanap-buhay at ako na lang ang inaasahan nila. ‘Yung lola ko kalalabas lang ng ospital dahil na-stroke siya at paralisado na ang kalahati ng katawan niya. Baon kami sa utang, kaya nang alukin ako na mag-apply rito bilang tagalinis, sumama agad ako. Hindi ko naman alam na babagsak ako sa lugar na ‘to. Hindi ko alam na ibebenta ako rito. Kaya gano’n din ‘yung lolo’t lola ko. Wala silang kaalam-alam sa nangyayari sa ‘kin. Ang buong akala nila trabaho ang ipinunta ko rito. Ni hindi nila alam kung saang hotel ako sinama ni Rita. Kapag hindi na ako nakabalik, hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa kanila. Kawawa naman sila.” Ikinuwento ko sa kanya ang buhay ko at ang tungkol sa lolo’t lola ko, na may pagbabakasakali na maawa siya sa ‘kin at pagbigyan niya ang hihilingin kong tulong sa kanya. “Kaya kung pwe—,“ Hindi ko naituloy ang sasabihin ko dahil bigla siyang nagsalita.
“Lorelei, kung hihilingin mo na ipaalam ko sa kanila kung ano’ng nangyari sa ‘yo. Pasensya ka na dahil hindi ko ‘yon magagawa. Alam mo namang hindi ko pwedeng gawin ‘yan dahil ikapapahamak ko at ng pamilya ko. Baka sumugod ang pamilya mo rito at mabanggit pa na ako ang nagsabi sa kanila ng tungkol sa ‘yo. Mawawalan ako ng trabaho, o baka mas malala pa do’n ang mangyari. Baka ipapatay ako. Pasensya na talaga. Hindi pwede,” sabi niya habang bahagya siyang pailing-iling.
“Huwag kang mag-alala.” Hinawakan ko siya sa kamay at tiningnan sa mga mata. “Hindi naman ako hihiling ng ikapapahamak mo at ng pamilya mo. Kung sakali lang naman na hindi na ako makabalik sa lolo’t lola ko, hihilingin ko lang sana, na kung pwede ay puntahan mo sila paminsan-minsan. Kahit hindi mo sila kausapin. Kahit hanggang tanaw lang. Para lang alam ko na may tumitingin sa kalagayan nila. Gusto ko lang na may pagbilinan ako sa kanila. Para kahit sa huling pagkakataon ay may magawa ako para sa kanila. Hindi ko alam kung sino’ng makakabili sa ‘kin sa auction na ‘to. Hindi ko alam ang pagkatao ng taong makakakuha sa ‘kin. Hindi ko alam kung mapapabuti ba ang lagay ko o hindi, kung makalalabas pa ba ‘ko o makukulong na habangbuhay, o kung pagkatapos ng araw na ito’y sisikatan pa ako ng araw.” Pahina nang pahina ang boses ko. Sa bawat oras na inilalagi ko rito’y parang nawawalan na ako ng pag-asa na makatakas, lalo pa’t isang maling kilos ko lang ay maaaring may bumaon na bala sa ulo ko dahil sa dami ng bantay. Kung hindi lang siguro iniisip ni Mamita ‘yung perang makukuha nila kapag naibenta ako nang malaki sa auction ay baka nadispatya na ‘ko.
“Tsk! Huwag ka ngang magsalita ng gan’yan. Makikita mo pa ang pagsikat uli ng araw bukas. Huwag mo agad bigyan ng deadline ang sarili mo. Umasa ka pa rin na makikita mo ang lolo’t lola mo. Gamitin mo ‘yang ganda mo at ‘yung utak mo. Sabi ko nga ‘di ba, ikaw lang ang makapagliligtas sa sarili mo. Isipin mo, na sa bawat magiging desisyon mo, dadalhin ka no’n papunta sa kalayaan mo.” Naramdaman ko ang marahan niyang pagpisil sa kamay ko na para bang sinasabi na tatagaan ko ang loob ko.
“Sana nga makalaya pa ‘ko rito,” sabi ko na may kasamang bahagyang pagngiti. “Ano nga pala ang pangalan mo?”
“Violet ang pangalan ko kapag nasa bar ako, pero Sandra ang totoong pangalan ko.”
“Mas bagay sa ‘yo ‘yung Sandra.”
“True 'yan. Parang ang maldita nung Violet 'no? Parang violent lang. Gano’n.” Ngumiti ako at tumango.
“Mabalik tayo sa pinag-uusapan natin kanina, Sandra. Payag ka na ba sa hinihiling ko? Kahit hindi madalas. Kahit paminsan-minsan lang. Isa o dalawang beses lang sa isang buwan mo sila dalawin, ayos na sa akin ‘yon.” Kahit kasi alam kong nando’n sina Janet at Tope na maaaring tumingin kina lolo’t lola kapag wala na ako, iba pa rin ‘yung may titingin sa kanila na isang tao na alam kung ano ang totoong nangyari sa ‘kin.
“Parang kokonsensiyahin mo naman ako sa tuwing pupuntahan ko ang pamilya mo.”
“Wala ka namang kasalanan sa ‘kin kaya hindi ka dapat makonsensiya. Pabor ‘tong hinihiling ko sa ‘yo at tatanawin kong malaking utang na loob. Please, Sandra. Please?”
Ilang segundo niya muna akong tiningnan sa mga mata bago siya magpakawala ng isang malalim na buntong hininga. “Sige na nga. Sa gagawin ko para sa ‘yo, baka sakaling mabawasan ang kasalanan ko, dahil sa dami ng mga babaeng ibinenta rito na hindi ko tinulungan. Makapuntos man lang ako sa langit, para kapag humarap na ‘ko kay Lord at tinanong ako kung may nagawa ba ‘kong mabuti sa lupa, ikaw ang isa sa mga babanggitin ko,” nakangiti niyang sabi sa ‘kin kaya napangiti na rin ako. Pagkatapos ay ibinigay ko sa kanya ‘yung pangalan nina lolo’t lola at kung saan kami nakatira. Alam daw ni Sandra kung saan kami nakatira dahil minsan na pala siyang napunta ro’n sa lugar namin kaya hindi magiging mahirap sa kanya na hanapin.
“Salamat, Sandra. Kung sakaling makalaya ako, o kung sakaling swertehin ako, hahanapin kita at ibabalik ko sa ‘yo lahat ng kabutihan na ginawa mo para sa ‘kin.”
“Cash mo ibalik ah? Pero tumatanggap din naman ako ng cheke,” natatawa niyang sabi.
“Sige. Kahit sa anong paraan mo pa gusto.” Sa sobrang tuwa ko nang dahil sa pagpayag niya, niyakap ko siya. “Salamat uli, Sandra.” Maluha-luha kong sabi habang tinatapik naman niya ‘ko sa likuran. Sa mga masasakit na ginawa at pananalita na natanggap ko mula kina Rita, Mamita, Josa at sa lalaki na nagtutok ng baril sa ‘kin, nakatutuwang malaman na may mabuting tao pa rin sa lugar na ‘to. Hindi lahat ng tao na narito ay walang mga puso at halang ang kaluluwa.
“Hoooy! Ano’ng dina-drama n’yo d’yan?!” Narinig ko ang matinis na boses ni Josa kaya napabitaw ako sa pagkakayakap ko kay Sandra.
“W-wala po." Pinunasan ko 'yung luha sa pisngi ko. "Pinapatahan niya lang po ako, kasi natatakot po ako. Pinapalakas niya lang po ‘yung loob ko,” sabi ko na may halong kaunting katotohanan dahil totoo naman na bahagyang napagaan ni Sandra ang bigat ng nararamdaman ko.
Pareho kaming hinawakan ni Josa sa braso at saka kami pinaglayo. “Nakuu! Talaga ba?!" May pagdududang tanong ni Josa habang nakataas ang isang kilay. "Baka may pinaplano kayong dalawa, ha?! Nakuu! Tigil-tigilan n’yo ‘yan. Isusumbong ko kayo kay Mamita,” sabi ni Josa habang nanlalaki ang mga mata niya at nakapamewang ang isang kamay niya. ‘Yung isang kamay niya naman ay gamit niyang panduro nang salitan sa amin ni Sandra. Nang huminto ang hintuturo niya sa tapat ni Sandra, “Ikaw, Sandra, alam kong nasa ospital ang anak mo, at kailangan mo ng malaking pera, kaya huwag kang gagawa ng problema. Baka hindi mo na makitang maoperahan ‘yung anak mo. Baka sa langit na kayo magkita ulit kapag nagkataon. Pareho kayong mawawala rito sa mundong ibabaw. Ikaw dahil pinapatay ka ni boss, at ‘yung anak mo naman dahil hindi naoperahan nang dahil sa kagagahan mo.”
“Ito namang si Josa. Chill ka lang. Para namang ‘di mo ‘ko kilala. Alam mo naman na lumalabas ‘yung pagiging nanay ko sa mga babae rito. Puro kasi kayo sindak ni Mamita. Tingnan mo tuloy ‘yung dala ni Maricar. Kanina pa umaatungal ‘yan. Pagdating ko umiiyak na ‘yan. Hanggang ngayon gano’n pa rin. Baka mamatay na ‘yan sa dehydration bago n’yo pa mabenta. Minsan daanin n’yo rin sa lambing at maayos na salita. Kita mo ‘to.” Hinawakan ako ni Sandra sa baba. “Mukha ba ‘tong tuyot? Ang ganda pa rin kahit umiyak nang slight. Pinatahan ko kasi. Tingin ko mabebenta n’yo ‘to ng two million o baka mga three million pa nga.”
“Three million?”
“Oo, gano’n kayaman ‘yung mga suki nina Josa rito. Milyong pera kung magsipaglustay. Kaya sigurado ako na magbubuhay reyna ka kapag ibinahay ka na. ‘Di ba Josa? Di ba magbubuhay reyna siya, kaya dapat magpakabait siya at huwag nang iiyak para hindi makabawas sa ganda?”
“Oo, kaya ikaw, Miss Job Fair, tigil-tigilan ang kaartehan. Walang mangyayari sa pag-iyak mo. Mugtong mata at sipon lang ang mapapala mo. Ikaw naman Sandra, tigilan mo ang pagpapaka-mother d’yan. Bumalik ka na sa mga kasama mo at mag-practice ka ng sayaw n’yo.”
“Kailangan pa ba ng practice?” tanong ni Sandra sabay halukipkip ng mga braso. “Puro giling lang naman ‘yon.”
“Kahit paggiling dapat pina-practice! Para maraming magtapon ng pera sa inyo. Sige na! Alis na d’yan! Do’n! Balik do’n!” Tinuro ni Josa ‘yung ibang mga kasamang dancers ni Sandra na kasalukuyang nagpra-practice ng sayaw nila.
“Okay po, Madam Josa. One last yakap na lang dito kay ate girl. Pampaswerte sa kanya.” Niyakap ako ni Sandra.
“Tutupad ako sa napag-usapan natin,” bulong niya bago niya ‘ko bitawan. Bago siya tuluyang maglakad palayo sa ‘kin, nginitian niya ako. Pero kita ko pa rin sa mga mata niya ang para bang magkahalong lungkot at awa para sa ‘kin. Alam ko naman na pakunwari lang ‘yung sinabi niya kanina na magbubuhay reyna ako. ‘Yung mga sinabi niya kanina ay para lang ilihis ‘yung usapan nang hindi kami paghinalaan ni Josa.
“Ano ba ‘yan, daming seremonyas. Akala mo naman may pampaswerte siya. Eh ang malas nga niya sa asawa,” nakangiwing sabi ni Josa habang palayo si Sandra sa ‘min. Pagkatapos no’n ay ibinalik niya sa ‘kin ang tingin. “Ikaw, kailangan mo ring mag-practice.”
“Practice po? Para saan?”
“Aba’y hindi lang sila ang may performance. Dapat ikaw rin. Main event ka tapos tatayo ka lang do’n? Hindi pwede ‘yon. Baka mabagot sila sa ‘yo at walang mag-bid nang malaki. Kapag mas mayaman ang makakabili sa ‘yo, mas magbubuhay reyna ka. Ayaw mo naman siguro mapunta sa kaunti lang ang yaman tapos pangit pa. Dapat kahit sa pangit ka mapunta, at least unlimited naman ang pera.” Puro na lang pera ang naririnig ko sa kanila. Nakakagigil na. Palibhasa hindi naman sila ang ibebenta at mapapariwara ang buhay.
“Ano po bang ipagagawa n’yo sa ‘kin?”
“Marunong ka bang sumayaw?”
“P-po? Sayaw?”
“Hindi lang simpleng sayaw. Kailangan mong gumiling. Mas sexy at kaakit-akit, mas maganda dahil mas maraming pera.” Giling? Sexy? Kaakit-akit? Hindi ko na nga magawang kumilos sa suot kong maigsi at masikip na damit, tapos pasasayawin pa nila ako ng sexy?!
“Hindi ko po kaya. Ayoko po.” Protesta ko habang umiiling. Hindi pa ba sapat na ibebenta nila ako nang labag sa kalooban ko? Hindi pa ba sapat na pagkakakitaan nila ako? Kailangan ko pa bang mas lalong ibaba ang sarili ko, sa pagsasayaw sa harapan ng mga kliyente nila? Sobra na.
“Hindi mo kaya? Ayaw mo?”
“Opo. Pasensya na po, ‘tsaka hindi rin po ako marunong sumayaw. Baka mapahiya lang po kayo nang dahil sa ‘kin.” Kasinungalingan ‘yung huli kong sinabi, dahil ang totoo niyan ay kasali ako sa dance group sa school ko noon at may ilang beses na rin kaming sumali sa mga dance competition sa mga baranggay. Minsan nananalo kaya may nauuwi ako na kaunting pera kina lolo’t lola.
“Okay,” sabi niya sabay kibit balikat. Matutuwa na sana ‘ko pero may sunod pa siyang sinabi. “Kung hindi mo kayang magsayaw, huhubaran na lang kita. Para sa gano’n ‘di mo na kailangan mag-effort.”
“Huwag po! S-sasayaw na lang po ako. S-sasayaw na lang po,” naiiyak kong sabi. Sa takot ko na totohanin niya ‘yung sinabi niya, mukhang mapipilitan na ‘kong magsayaw kahit na ‘di ko kayang sikmurain na pagpyestahan ang katawan ko ng mga taong hindi ko kilala.