“Mabuti naman. Akala ko kailangan pa kitang pilitin. Patuturuan kita sa mga star dancers ko. Kahit hindi ka marunong gumiling, matututo ka sa dalawang ‘yon.” Humarap siya sa mga babae na nagpra-practice ng sayaw na ipe-perform nila mamaya. Nandoon na rin si Sandra na parang napipilitan lang gumalaw. Hindi ko alam kung hirap siya sa dance steps nila o tinatamad na siyang mag-practice dahil alam na niya ‘yung steps dahil paulit-ulit naman nilang ginagawa. “Vanilla! Mocha!” sigaw ni Josa habang nakataas pa ang isang kamay niya. May dalawang babae na napalingon sa kanya. Parehong magaganda at sexy ang mga ito at pansin ko lang na sila ang may pinakamalalaking dibdib na halos kumawala na sa katiting na suot nilang mga bra na pinalamutian ng makikinang na mga bato o crystal beads.
“Yes po, Mama Josa?” sabay pa nilang sagot.
“Halika kayo rito! Dali!” Sinenyas pa ni Josa ang kamay niya upang mabilis na lumapit sa kanya ‘yung dalawa. Nagmamadali naman silang lumapit sa amin ni Josa.
“Bakit po, Mama Josa?” tanong ng maputing babae na blonde ang mahaba at medyo wavy na buhok. Makapal ang mapupula at makapal niyang labi, matangos ang ilong at mahaba ang peke niyang pilikmata. May eyeliner pa siya kaya mas lalong nakita ang bilog at ganda ng kanyang mga mata na may suot na kulay blue na contact lense. Ang make-up niya ay makulay na pink. Para siyang manika sa itsura niya. Mukhang kasing tangkad ko siya, pero talo ako kung usapang dibdib na. Malaki ang hinaharap ko, pero lamang pa rin ‘yung sa kanilang dalawa.
“Vanilla, mamaya kayo ang sasama rito sa stage,” sabi ni Josa habang nakahawak sa braso ko. “Turuan niyong gumiling. Kung kailangan niyong gumamit ng props, kayo na ang bahala. Basta galingan n’yo ang palabas mamaya.”
“Sisiw. Kayang-kaya namin ‘yon Mama, Josa,” sagot naman ng isa pang babae na ngumunguya ng bubble gum. Siya siguro ‘yung Mocha. Magkasing-tangkad sila nitong si Vanilla, pero morena siya at kulay red violet ang buhok niya. Mahaba ito at mukhang pina-rebond dahil unat na unat at nasa gitna pa ang hati. Peke din ang pilikmata niya tulad ng kay Vanilla, pero parang may inilagay para magkulay neon green ‘yung banda sa magkabilang gilid. Makapal din ang labi niya na parang lipgloss lang ang nakalagay dahil ang kintab nitong tingnan. Napakaliit ng baywang niya kaya kitang-kita ang laki ng dibdib niya na may sumisilip na tattoo na bulaklak ang design.
“Siguraduhin n’yo lang, Mocha. Huwag n’yo kong ipapahiya. Hindi raw ‘to marunong sumayaw, kaya turuan n’yo mabuti.”
“Yes, Mama Josa,” sabay na sagot nina Vanilla at Mocha.
“At ikaw, neng, huwag matigas ang ulo. Kung ano’ng ituro sa ‘yo ng dalawang ‘to sundin mo. Alam na alam na nila ang kiliti ng mga lalaki. Alam na alam nila kung paano magpatigas ng malambot,” sabi ni Josa sabay tawa. Alam ko kung ano’ng tinutukoy niya. Kahit hindi pa ‘ko nakakakita ng gano’n, hindi naman ako inosente. Ako ba naman ang magkaroon ng kaibigan na katulad ni Janet.
“Opo. Susunod naman po ako,” sagot ko habang nagpipigil ng iyak. Nang dahil sa pag-uusap namin ni Sandra kanina, alam kong may pamilya at mga anak na itong sina Vanilla at Mocha, kahit na hindi halata sa itsura nila dahil ang gaganda at sexy nila na parang mga hindi pa nanganak. Hindi ako gagawa ng ikakapahamak nila, dahil ayokong dalhin ‘yon sa konsensya ko, kahit pa labag sa kalooban ko itong gusto nilang ipagawa sa ‘kin.
“Mabuti! O siya, iwan ko na ‘to sa inyo, ha?” sabi ni Josa at pagkatapos ay naglakad na siya paalis habang kumekendeng pa.
“Ano’ng name mo?” tanong sa ‘kin ni Vanilla.
“Lorelei,” matamlay na sagot ko.
“Ako si Vanilla at siya naman si Mocha. Kitang-kita naman sa kutis ‘di ba?” sabi pa niya at tumango naman ako.
“Hindi ka raw marunong sumayaw?” tanong ni Mocha.
“O-opo,” pagsisinungaling ko na naman.
“Kung gano’n pala, mahirap kang turuan. Pauupuin ka na lang siguro namin mamaya, tapos kami na ang bahala sa performance,” sabi ni Vanilla.
“Uupo lang po ako?"
“Oo, pero syempre hindi pwedeng hindi ka gagalaw do’n kahit kaunti. Bubulungan ka na lang namin mamaya kung ano’ng mga dapat mong gawin,” dagdag pa ni Mocha. “Kapag may ginawa rin kami sa ‘yo, hindi ka pwedeng tumanggi. Pare-pareho naman tayong mga babae rito, kaya huwag ka sanang mailang o matakot sa ‘min mamaya. Parte lang lahat ‘yon ng performance namin,” paliwanag pa niya.
“P-paano po?”
“Kapag hinawakan kita na tulad nito.” Hinawakan ako ni Vanilla sa leeg at malagkit na tiningnan sa mga mata kaya napaiwas ako ng tingin. “At nilapit ko ang mukha ko sa ‘yo na parang ganito.” Inilapit niya ang mukha niya sa ‘kin na halos magtama na ang mga labi namin. Kaya sa gulat ko’y napaatras na ako. Kaya ko pa ‘yung malagkit na pagtingin niya sa ‘kin, pero ‘yung halos mahalikan na niya ako’y, hindi ko kinaya.
“Lorelei, hindi pwede ‘yung gan’yan. Hindi lang leeg mo ang hahawakan namin mamaya. Buong katawan mo!” sita ni Mocha sa ‘kin. “Hindi pwedeng umarte ka na diring-diri ka sa ‘min. Dapat magmukhang nag-e-enjoy ka rin. Gustong-gusto ng mga lalaki ‘yung gano’n.”
“Hindi ko naman talaga gusto ‘to. Hindi naman ako dapat nandito.” Hindi ko na napigilang maiyak.
“Alam naman namin ‘yon, pero trabaho namin ‘to. Pasensya ka na,” sabi ni Vanilla habang hinihimas ako sa braso. “Kailangan naming sumunod sa mga utos sa ‘min. Kapag sinabihan kaming sumayaw, magsasayaw kami. Kapag sinabihan kaming maghubad, maghuhubad kami. Hindi rin namin gusto ‘to, pero ito lang ‘yung lugar na tumanggap sa ‘min at nagbigay ng trabaho. Ito lang ‘yung kaya naming gawin.”
“Bakit ‘di kasi kayo magtrabaho ng marangal?” walang preno kong sabi.
“Hindi ko kailangan ng dangal, kapag tirik na ‘yung mata ng anak ko at wala nang pangpagamot ‘yung nanay ko. Kung para sa ‘yo, hindi ‘to marangal, pwes para sa ‘kin, ito na ‘yung pinakamarangal na trabaho na nagawa ko. Kasi hindi ko kailangan na magnakaw, at wala akong sinasaktan na tao. Naiintindihan kita. Ayoko ring mapunta sa kinatatatayuan mo ngayon, pero sana maintindihan mo na tali ang mga kamay namin at may busal ang mga bibig namin. Kung magkapalit tayo ng sitwasyon baka gawin mo lang din ‘yung ginagawa namin. Hindi mo kami kaaway. Pareho lang tayong biktima ng kahirapan. Mas minalas ka nga lang,” mataray na sabi sa ‘kin ni Mocha. May sasabihin pa sana siya pero inawat na siya at nilayo na ako ni Vanilla sa kanya.
Pinaupo ako ni Vanila sa isang tabi at kinausap. “Pagpasensyahan mo na si Mocha. Lahat naman tayo rito may pinagdadaaan. Si Sandra, ‘yung kausap mo kanina, may sakit ‘yung anak niya at nasa ospital. Si Mocha naman maagang namatayan ng asawa at nagda-dialysis ‘yung nanay niya. Tapos ‘yung anak pa niya may drown syndrome. Mahal ang bayad sa school. Gusto kasi niyang matuto ‘yung anak niya na tumayo sa sariling mga paa kung sakaling mawala na siya balang-araw. At syempre ‘di naman ako papakabog kung usapang problema. Nalugi ‘yung negosyo ng pamilya namin kaya nabaon kami sa utang at naisangla ‘yung bahay at lupa namin. Hindi nakayanan ng tatay ko ‘yung depression hanggang sa maapektuhan na ‘yung pag-iisip niya. Nasa mental hospital ngayon ang tatay ko. Umaasa pa rin ako ng gagaling siya. At gusto ko sana, kapag bumalik na ‘yung katinuan niya, nabawi ko na uli ‘yung ari-arian namin at nabuhay ko na uli ‘yung negosyo namin. Alam mo, kapag nagawa ko ‘yon, titigil na ‘ko sa ganitong trabaho,” malumanay niyang kwento sa akin.
“Naiintindihan ko naman kayo. Pero hindi n’yo naman maaalis sa ‘kin ang matakot at magalit. Pagkatapos ng performance n’yo rito, makakabalik pa kayo sa pamilya n’yo, pero ako, hindi na. Hindi ko na makakasama ang lolo’t lola ko.” Napahagulgol na ako ng iyak. Mahirap lang talaga ‘tong mga pinagdadaanan ko at itong mga gusto nilang ipagawa sa ‘kin. Hindi naman kasi makatao. Ayoko mang ibunton ‘yung sama ng loob ko sa kanila, pero hindi ko mapigilan. “Pwede bang iwan mo na muna ako?”
“Kapag iniwan kita, baka mapansin ni Mama Josa. Baka palitan pa niya kami ni Mocha. Sinasabi ko sa ‘yo, hindi mo gugustuhin na makasama sina Olive at Betty sa performance mo mamaya. Kita mo ‘yung nasa harapan ni Sandra na naka-color green at ‘yung katabi na naka-color pink. Sila ‘yon.” Napatingin ako sa dalawang babae na sinasabi niya. “Sanay sa live show ‘yung dalawang ‘yan at ayoko nang isipin kung ano’ng pwede nilang gawin o ipagawa sa ‘yo mamaya para makabingwit ng mayamang customer. Hindi lang simpleng paghuhubad ang ginagawa nila.”
Nakaramdam ako ng matinding kaba ng dahil sa sinabi niya. Nang hawakan at lapitan nga lang ako ni Vanilla kanina, natakot na ako. Paano pa kaya kung mas malala pa do’n ang gawin nung dalawang dancer na sinasabi niya? Paano kung hubaran ako ng mga ‘yon at harap-harapang lapastanganin sa harap ng marami para sa pansarili nilang interes? Bigla akong napatigil sa pag-iyak nang maisip ko ang mga posibleng mangyari.
“Promise, hahawakan ka lang namin ni Mocha. Walang makikitang maselang parte ng katawan mo. Maliban na lang d’yan sa n!pples mo na bakat na talaga.” Bigla akong napatakip ng diddib ko at mahina namang natawa si Vanilla. “Huwag ka nang mahiya sa ‘kin. Marami na ‘kong nakitang gan’yan. Iba’t iba pa ang laki, shape at kulay.”
“M-may extra ka bang bra?” nahihiya kong tanong habang pahikbi-hikbi ako at nagpupunas ng luha.
“Wala, pero kahit naman meron, hindi ko naman mapapahiram sa ‘yo, kasi ako naman ang mapapagalitan. ‘Yan na ‘yung pinasuot sa ‘yo, kaya wala nang palitan.”
“Kalmado na ba ‘yan?” Hindi ko napansin ang paglapit ni Mocha sa ‘min. Napatingala ako sa kanya at nakita kong nakataas ang isang kilay niya. Mainit pa rin ata ang ulo niya pero mukhang gusto pa rin niya na sila ang makasama ko mamaya.
“Medyo?” Hindi siguradong sagot ni Vanilla.
“Kung okay na siya, mag-practice na tayo kahit kunwari lang, dahil narinig ko ‘yung pag-uusap ni Mama Josa at Mamita. Gusto ni Mamita na ipalit sina Olive at Betty sa ‘tin.”
“O-okay na ‘ko! Okay na ‘ko!” Medyo napalakas ang boses ko sa takot na palitan nga ni Mamita sina Vanilla at Mocha.
“Pasalamat ka, Lorelei at kinontra ni Mama Josa si Mamita. Paborito kami ni Mama Josa kaya kami ang pinasama sa ‘yo. Kaya umayos ka na bago pa ituloy ni Mamita ‘yung gusto niya kapag nakitang wala tayong ginagawa.” Medyo masungit pa rin ang pagkakasabi ni Mocha sa ‘kin.
“S-sige. Aayusin ko. Salamat,” mahinang sabi ko.
Habang tinuturo sa ‘kin nina Vanilla ‘yung gagawin namin mamaya. Narinig ko si Sandra na kausap si Josa at tinatanong niya kung pwede niyang magamit ‘yung cellphone niya. Noong una nagtaka ako sa tanong niya dahil cellphone naman niya ‘yon kaya bakit kailangan pa niyang ipagpaalam kay Josa. Pero nang mapansin ko na kahit isa sa mga dancers walang may hawak na cellphone at wala rin akong nakita kahit isa sa kanila na gumamit ng cellphone mula pa kanina nang dumating sila, napaisip na ‘ko.
“Kunin mo lang kay Gary. Siya naman ang may hawak ng susi sa locker.” Nagpasalamat si Sandra kay Josa bago siya lumabas ng kwarto. ‘Yung Gary siguro na tinutukoy ni Josa ay isa sa mga bantay na nakaharap ko na kanina.
“Bawal kayong mag-cellphone?” tanong ko kina Vanilla at Mocha.
“Dati pwede, pero may nangyari kasi noon, kaya ipinagbawal na. Bago kami pumasok dito kinukuha muna ‘yung mga cellphone namin,” sagot ni Mocha.
“Bakit?” usisa ko pa.
“May babae kasi na dinala rito tulad mo, na nakakuha ng cellphone ng isa sa mga kasama naming dancer. Si Tonette ‘yon, pero wala na siya rito. Ang sabi lang ni Mama Josa, umuwi raw ng probinya at gusto na lang magsaka kaysa sumayaw.” Napaisip ako kung umuwi nga kaya ng probinsya ‘yung dating dancer na kasama nila o may ginawang masama sa rito dahil muntikan nang magkaproblema nang dahil sa kanya. “Burara kasi si Tonette, kaya naipatong siguro sa kung saan ‘yung cellphone niya. Nakuha nung babae ‘yung cellphone ni Tonette at nakatawag sa kapatid,” kwento ni Vanilla.
“Nakahingi ba ng tulong ‘yung babae? Nakatakas ba siya?” Umaasa ako na may marinig na magandang sagot, dahil kung may isang nakatakas, baka may pag-asa rin ako.
“Hindi. Naka-blindfold kasi siya nang dalhin dito kaya hindi niya nasabi kung nasaan siya,” sagot ni Vanilla sa tanong ko na ikipinanghina ko. Wala ata talagang paraan para makalabas pa sa impyerno na ‘to.
“At bago pa siya may ibang masabi, nahuli na siya ni Mamita. Hindi na nga siya nakatakas, minalas pa, dahil kay Dela Costa siya napunta,” pailing-iling na kwento ni Mocha.
“Dela Costa? Sino ‘yon?”
“Mayamang businessman na chakka na nga kalbo pa. Balita ko pa may sakit daw ‘yon. Hindi naman siya madalas dito pero kapag may natipuhan siya, hindi siya titigil hanggang hindi niya nakukuha. Sana lang, wala siya mamaya, kasi sa ganda mong ‘yan, sigurado akong makikipag-ubusan ng pera ‘yon, makuha ka lang.” Iisa lang ata ‘yung kalbo na sinasabi ni Josa kanina at ‘yung sinasabi ni Mocha ngayon. Sana nga wala ‘yung Dela Costa na ‘yon dito, dahil siya ata ang pinakahuling lalaki na gusto kong makakuha sa akin.