Bernadette and Juniel - 3

1607 Words
DUMATING sina Bernadette at Juniel sa Philamhomes nang hindi nagkikibuan. “Diyan na lang ako sa tapat. Siguradong tulog na silang lahat,” mahinang sabi ng dalaga sabay tanggal ng seat belt. Wala pa ring imik si Juniel bagaman tumango ito. Nang makaibis ng kotse ang dalaga ay hinintay pa muna ni Juniel na mabuksan ang gate. Umibis din ito at nakisilip sa siwang ng gate kung may nagising na. “Sorry,” mahinang sabi ni Juniel. “Sorry din,” tugon din ni Bernadette na nahihiyang tumingin sa binata. May sasabihin pa sana si Juniel subalit bumukas na ang pedestrian gate. Ang daddy ni Bernadette ang nagbukas. “Ang bilis naman ninyo,” puna ni Benedict sa dalawa. “Boring,” matipid na tugon ni Bernadette. “Good night, Juniel.” Narinig pa niya ang pagtanggi ni Juniel sa paanyaya ng daddy niya na pumasok muna sa loob. Basta siya nagtuluy-tuloy nang umakyat sa kanyang silid upang makapagpahinga na. Sabado. Kagigising pa lang ni Bernadette ay naroon na si Juniel sa kanila. Sa gayak ng binata ay halatang naka-ready na naman ito sa kung anumang outdoor gimmick na naisip. “Kain na, Princess,” alok nito sa kanya. Nauna pa itong dumulog sa mesa. Si Juniel ang pangatlong taong tumatawag sa kanya ng “Princess”. “Dalian ninyong dalawa at nang mas marami kayong magawa,” wika ni Mariel na tumabi na rin ng upo sa asawang si Benedict. “Ipinagpaalam na kita kina Tita. Sasamahan mo akong mamigay ng relief goods sa Antipolo,” sabi ni Juniel sa dalaga. Tumaas ang kilay ni Bernadette at itinuon ang atensiyon sa pagkain. Ang una niyang naisip ay yayayain siya ng binata na mag-hiking. Ganoon sila ni Juniel. Kulang na lang ay magpatayan kapag nag-aaway pero sila pa ring dalawa ang magkadikit. Sa mga kaibigan niyang babae, mas matimbang pa ang pagtingin niya kay Juniel. Malaki ang tiwala niya sa binata dahil kahit ano’ng mangyari ay hindi siya nito pababayaan. MABILIS na naligo si Bernadette dahil may lakad sila ni Juniel. Hinayaan na lamang niyang nakalugay ang basang buhok. Isang knapsack na naglalaman ng personal na mga gamit ang binitbit niya. Ipinasya niyang sa kotse na lamang ni Juniel mag-aayos ng mukha. Kahit na nga ba alam niyang iinisin na naman siya nito kapag nakita siyang nag-a-apply ng kung anu-anong cosmetics. Bukod sa kanyang ama, kontra din si Juniel sa pagpapahid niya ng makeup sa mukha. Naka-rubber shoes siya subalit lalo siyang lumiit sa gayong ayos. Hamak na mas matangkad sa kanya ang binata. “Tanghali na tayo,” anitong nasa kalagitnaan ng hagdan. Obviously, sinusundo na naman siya nito. “Para na nga akong hinahabol ng pitong kabayo sa bilis ng kilos ko, ah,” tugon niya at tumuloy na sa kusina para magpaalam sa ina. Hindi nagtagal ay palabas na sila ng bahay. “Nasaan ang kotse mo?” baling niya sa binatang nakasunod sa kanya. “Nasa daddy mo,” sagot nito at inilabas ang susi ng isa pang sasakyan. “Nakipagpalit ako. Kaya iyong Land Cruiser ninyo ang gagamitin natin. Gusto mong mag-drive?” Umiling siya at sumakay na sa passenger’s seat. “Besides, hindi ko alam ang daan,” pagdadahilan niya. “Gasgas nang katwiran iyan,” bale-walang wika nito nang makalabas na ng garahe ang sasakyan. “Kahit naman kailan ay tamad kang magmaneho. Bakit ka pa nag-aral mag-drive?” “For emergency purposes, that’s why.” Nagsimula nang ilabas ni Bernadette ang mga gamit sa pampaganda. Napansin niyang namimili ng radio station si Juniel sa digital audio system ng sasakyan. “Sa FM mo ilagay. Gusto ko sa kantahan.” “Hindi puwede,” kontra kaagad nito. “Paano na tayo maa-update sa nangyari sa Antipolo kung puro tugtog ang pakikinggan mo? Gusto ko’y sa balita. Baka magkaroon ng rerouting ng sasakyan ay malalaman natin para hindi tayo maliligaw.” “Bahala ka na nga,” aniya habang patuloy sa pag-aayos ng kolorete sa mukha. Mayamaya’y ini-off ni Juniel ang radyo. Marahil ay nagsawa rin ito sa pakikinig sa balita. “Sino naman ang nag-utos sa iyong sumali sa pagdi-distribute ng mga relief goods sa nasalanta ng bagyo? Himala ng mga santo, totoo ba?” Tinalian niya ng laso ang buhok. “Walang nag-utos sa akin. Nag-volunteer ako sa grupo ng officemate kong active sa ganitong organisasyon. Para hindi na lang puro pansarili ang nagagawa natin sa mundo.” Kunwari’y tumirik ang mga mata ni Bernadette sa narinig. Bago kasi sa kanya ang gimmick na iyon ng binata. Ganoon pa man ay natutuwa siya sa ideya nito. In fact, excited siya sa pagsama rito at kung ano ang maaari niyang maitulong. “Akala ko`y may balak kang kumandidato,” buska niya. “Sige, ngayon ka na mangantiyaw. Pero mamaya behave ka dahil baka isipin ng mga naroroon ay ginagawa mo silang katatawanan. Alam mo naman ang dinaranas ng mga nasalanta, hindi ba?” Pormal ang anyo ni Juniel. “Konting sympathy, Princess.” “Okay,” walang anumang sang-ayon aniya. “MARE!” Nakilala agad ni Mariel ang tinig na iyon ni Roselle sa kabilang linya. Sa pagdaan ng mga taon ay higit pa silang naging close ni Roselle. Bukod sa lingguhan nilang pagkikita ay ang walang sawang pagtatawagan sa telepono. “Ang mga bata, nakaalis na ba?” tanong nito. “Kanina pa, bakit?” “Wala bang nababanggit sa iyo ang dalaga mo?” puno ng curiosity ang tanong na iyon ni Roselle. “Tungkol naman saan?” Kumunot ang noo ni Mariel. Hindi niya maiwasang kabahan. Paminsan-minsan kasi ay binabanggit sa kanya ni Roselle ang tungkol sa napagkasunduan nila noon. “Napansin naming may sumpong na umuwi si Juniel kagabi. `Di ba’t sa party sila nagpunta kagabi? Nagtataka nga kami dahil maagang umuwi pero nang tanungin namin si Juniel ay hindi kami pinansin. Nagkaproblema kaya?” “Hindi ko alam. Si Benedict ang nagbukas ng gate kay Princess. At ang kuwento nga sa akin ay dire-deretso raw ang aming anak sa kuwarto. Wala naman sigurong problema sa dalawa. Kasi, maaga pa lang ay nandito na uli si Juniel. Sa Antipolo raw ang punta nila.” “Mare, hindi kaya napakatagal na nating naghihintay?” pag-iiba nito ng topic. “Naiinip ka na ba?” natatawang sabi ni Mariel. Mukhang hindi siya nagkakamali ng hinala. “Twenty-five na si Juniel, Mare. At si Bernadette mo naman ay twenty-three na. Hindi ba’t nasa tamang edad na sila? Isa pa’y parehas naman silang may stable na trabaho. Tutal, hindi naman natin sila pababayaan sakaling kakailanganin nila ang tulong natin.” Napabuntong-hininga si Mariel. “Alam mong iyon ang gusto kong mangyari, Mareng Roselle. Kaya nga, kahit anong tutol nina Benedict at Frederick ay hindi nabura sa isip ko ang kasunduan natin. Kaya lang kasi... wala akong lakas ng loob na sabihin sa anak ko ang tungkol sa bagay na iyon,” pag-amin niya. “Tiyak na ang mag-ama ang makakaaway ko sakaling ipagpilitan ko iyan.” “But it doesn’t mean na give up ka na, hindi ba?” “Of course not. Kahit na alam kong hindi tayo dapat makialam sa kanilang dalawa ay gusto ko pa ring umasam na sila nga ang magkakatuluyan. Tanging si Juniel lang ang gusto ko para kay Bernadette. Hindi dahil sa may napagkasunduan tayo kundi dahil nakikita ko sa `yong anak ang labis na pag-aalala sa aking anak.” “Sabay silang lumaki at nasanay na magkasama palagi kahit pa nga madalas ay nag-aasaran. Sana nga’y mali si Frederick sa pagsasabing sisterly love lang ang nararamdaman ng anak mo kay Princess,” patuloy ni Mariel. “Iyan nga ang madalas na sinasabi sa akin ni Frederick na kesyo sabik lang daw si Juniel sa kapatid na babae kaya ganoon kalapit sa anak mo. Ilang beses niya akong pinagsabihan na huwag makialam sa damdamin ni Juniel. Pero hindi ko ma-imagine na ibang babae ang liligawan ng aking anak at pakakasalan.” “Tama si Frederick. Mahirap din kasing mamilit.” Nasa tinig ni Mariel ang pag-aalinlangan. “Ano ngayon ang gagawin natin?” matamlay na tanong ni Roselle. “Kaya siguro naisip ko ang tungkol sa kasunduan natin ay dahil nate-tense ako ngayon dito sa isa kong anak, kay Roi. Twenty-one pa lang siya pero mukhang nagbabalak nang mag-asawa. Malakas ang loob komo nakapasa na sa board exam. Makakapasok siya sa J&V.” “Eh, de walang problema ganyang magkakatrabaho si Roi,” ani Mariel. “Gusto kong unang lumagay sa tahimik si Juniel,” rason ni Roselle. Natawa si Mariel nang mahalatang tila iiyak ang boses ng kaibigan. “Gusto ko talagang makasal sina Bernadette at Juniel ko. Kaya lang, kapag ipinilit natin... baka magalit sa ating dalawa.” “Iyon na nga...” “Baka isumpa ako ni Frederick kapag nalaman niyang ganito ako kadesperadang magkatuluyan ang dalawa.” “Basta ako, hindi pa rin naman ako nawawalan ng pag-asa. Nakita mo naman, palaging magkasama ang dalawa,” ani Mariel na pinaglulubag ang loob ng kaibigan. “Wala akong makitang puwedeng i-consider na romantic moments sa bawat pagsasama ng dalawa. Paano magiging posible ang gusto nating mangyari?” Nawalan ng kibo si Mariel. “Let’s take advantage of it, mare. Ganyan din kami noon ni Frederick. Walang ginawa kundi asarin ako pero sa huli’y...” Nalunod na ng bungisngis ni Roselle ang sasabihin. “Ibang kaso ng dalawang bata,” giit ni Mariel. “Hindi ba’t ikinasal ka rin na ayaw mo sana noong una?” ganti ni Roselle sa kanya. “Iba rin iyong sa akin.” “Alam ko na!” Nagkaroon ng excitement ang tinig ni Roselle.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD