“MAG-IINGAT kayo,” paalala ni Benedict pagkakita sa anak na pababa ng hagdanan.
Humalik muna sa pisngi ng mga magulang si Bernadette bago nagpatiuna nang lumabas.
“Sure, Tito Benedict. Promise, hindi kami maglalasing nang husto,” pabirong tugon ni Juniel.
“Sige na at kanina pa kayo late,” taboy ni Mariel.
Nakita pa ni Bernadette ang paghalik ng binata sa kanyang ina. Hindi maiwasang tumaas ang isang kilay niya.
“Sipsip!” bulong niya na nauna nang sumakay sa kotse.
Mayamaya lang ay sumakay na rin ang binata.
Sumulyap sa kanya si Juniel sabay kindat. Matapos iyon ay mabilis na pinisil nito ang dulo ng ilong niya bago isinaksak sa ignition ang susi.
Wala pang kalahating oras ay naroon na sila sa bulwagan ng Westin Philippine Plaza.
Hindi pa man sila ganap na nakakapasok ay dama na ni Bernadette ang pag-iiba ng atmospera ng paligid.
Bakas ang excitement sa mga mata ng mga kababaihan nang makita ang binata. Subalit hindi nakaligtas sa paningin ni Bernadette ang tila pananaghili dahil nakaalalay sa kanya si Juniel.
Malapad ang ngiting ganti ni Juniel sa mga bumabati. Nanatili itong nakaalalay sa siko ng dalaga.
Inihatid siya ni Juniel sa mesang nakalaan sa kanila.
“Sasaglit lang muna ako sa men’s room,” paalam nito sa kanya at mabilis na lumayo.
Maagap na lumapit ang waiter kay Bernadette at nag-alok ng inumin. Tinanggihan niya iyon.
Mayamaya’y may lumapit sa dalaga. “Hi, Bernadette!”
Napangiti siya nang makilala ang lalaki. “Oh, Zaldy. Nice to see you here,” ganting-bati niya.
Si Zaldy ang dahilan kung bakit pumayag siya sa hiling ni Juniel na dumalo sa party.
Sa palagay ni Bernadette, Zaldy was the most desired bachelor this side of town. Bagaman marami ang naniniwalang mas may karapatan si Juniel sa titulong iyon.
Ganoon pa man, mas pinapahalagahan niya ang sariling opinyon at wala siyang pakialam sa iba. Natural lang sigurong si Zaldy ang paboran niya kaysa kay Juniel dahil nasa tiyan pa lamang yata siya ng ina ay inaasar na siya.
“Nagagalit ako sa sarili ko dahil hindi man lang ako nagtangkang tanungin ka kung interesado ka sa ganitong gathering. Naunahan tuloy ako ni Juniel,” anitong naupo sa silyang nakalaan para kay Juniel.
“He’s a family friend. Matagal na niyang binanggit ang tungkol sa party na ito sa mommy ko,” sagot ni Bernadette.
Somehow, gusto niyang iparating kay Zaldy na hindi siya ang personal na pumayag para makasama si Juniel sa gabing iyon.
“She’s mine tonight,” anang iritadong tinig.
Napalingon si Bernadette at nakita niya ang galit na anyo ni Juniel. Wala siyang pakialam kung galit ito dahil siya man ay nagagalit din.
Hindi niya nagustuhan ang sinabi ni Juniel na para bang inangkin na nito ang karapatan sa kanya.
“Maliwanag ba ang sinabi ko?” malamig ang tonong sabi ng binata kay Juniel.
Tumayo na si Zaldy. “See you later,” paalam nito sa dalaga at saka binalingan si Juniel. “Lucky you, pare.”
Nasisiyahang tumango ang binata at saka naupo sa nabakanteng silya. Kinambatan nito ang waiter.
“Give me brandy. At juice lang sa kanya,” sabi nito.
“Bakit kailangan mong sabihin iyon kay Zaldy?” sita niya nang makaalis ang waiter.
“Nawala lang ako, nag-entertain ka na agad ng iba,” tugon nito.
“Huwag mong sirain ang gabing ito, Juniel. Iiwanan kita,” banta niya.
Bahagyang inilapit ni Juniel ang mukha sa kanya. “Ikaw ang gumagawa n`on, Bernadette. Ako ang kasama mo kaya hindi mo na kailangang makipag ngitian sa ibang lalaki,” mahina ngunit mariin nitong sabi.
“Sosyalan itong pinagdalhan mo sa akin, Juniel. Ano ang gusto mong gawin ko? Ang makipagtitigan na lang sa `yo!” Umalsa ang boses niya.
“At kung sabihin kong iyon ang gusto kong mangyari, may angal ka?” nanghahamong ganti nito.
Padarag na tumayo si Bernadette. “Then find yourself another girl na papayag sa kabaliwan mong `yan!” Noon din ay tinalikuran niya ito.
Hinanap niya si Zaldy. Ganoon na lang ang kasiyahang mababakas sa mga mata ng lalaki nang lumapit siya rito.
“I guess, I’m also lucky,” wika nito hustong makaupo siya.
Nakita niyang tumingin ito sa pinanggalingang mesa. Kitang-kita niya ang pag-iiba ng ekspresyon ni Zaldy.
Nilingon niya ang tinitingnan ng lalaki. Nasalubong niya ang galit na anyo ni Juniel. Saglit lang ay may lumapit ditong magandang babae at naupo sa tabi nito.
“Let’s dance...” bulong sa kanya ni Zaldy na malapit na malapit ang mukha nito sa kanya.
Aminado si Bernadette na crush niya si Zaldy subalit sa pagkakataong iyon ay gusto niyang mainis dito. Masyado naman yatang malaki ang bilib nito sa sarili at hindi niya nagustuhan ang gesture na ginawa nito.
Akmang sasaklitin nito ang baywang ng dalaga ngunit naagapan niya ang kamay ni Zaldy.
“Sure,” patianod niya.
“Bernadette...” anas nito nang nasa gitna na sila ng dance floor.
“Yes?”
“Why the turn of events? Ang akala ko’y para lang kay Juniel ang buong gabi mo.”
Hindi siya nakasagot. Paano’y nakikita niya ang eksenang iyon. Mula sa medyo madilim na bahagi ay nakikita niya si Juniel kasama ang babaeng iyon. Kanina pa hindi humihiwalay ang babae sa kanyang kaibigan.
Tumaas ang kilay ni Bernadette sa nakikita. Pero ang totoo’y kanina pa kumukulo ang dugo niya bagaman hindi nga lang magawang ipahalata sa kasayaw.
Gustung-gusto na niyang lapitan si Juniel at hablutin sa katawan nito ang nakalambitin ritong babae.
Naiinis na’t lahat-lahat ay hindi naman niya magawang alisin ang paningin sa mga ito.
Namalayan na lang ni Bernadette na isa-isa nang nagsisibalik sa mesa ang mga bisita. Tapos na pala ang tugtog.
Wari’y nais pang namnamin ni Zaldy ang kahuli-hulihang nota ng musika. Kaya naman si Bernadette na ang kusang kumalas sa lalaki. At mabilis na siyang lumayo rito. Subalit nang lumingon siya, ganoon na lang ang pagtataka nang makitang wala na rin sa gitna sina Juniel.
Parang tinatambol ang dibdib niya sa labis na inis. Lalo na’t hindi niya makita sina Juniel at ang kasayaw nito. Hanggang sa mapadako siya sa kabilang panig ng bulwagan.
Marahas ang paghinga ni Bernadette nang marinig ang pag-uusap ng dalawang tao. Kilala niya ang boses ng isa. Nawala ang pag-uusap at pumalit ang tila ungol.
Malakas na tumikhim ang dalaga para iparamdam sa mga ito ang kanyang presensiya nang sa gayon ay maputol na ang anumang pinagkakaabalahan ng mga ito.
“Tama na...” Tinig iyon ni Juniel.
Wari’y itinulos sa kinatatayuan si Bernadette nang magtama ang mga mata nila ng binata. Kasalukuyan itong nag-aayos ng coat at kitang-kita ang pagkabigla sa anyo nang makita ang dalaga.
“Tapos na ba kayong magsayaw ng asungot na iyon?” pagkuwa’y sarkastikong tanong nito.
Napigil pa niya ang sarili. Gustung-gusto na niya itong sigawan, sampalin. Pero pinanaig pa rin niya ang hinahon at taas ang noong nagsalita. “Gusto ko nang umuwi...”
Bumadha ang pagtataka sa mga mata ng binata subalit mabilis sumang-ayon sa pamamagitan ng pagtalikod.
Nakasunod siya kay Juniel na tuluy-tuloy sa labas hanggang sa kinapaparadahan ng kotse nito.
“You spoiled the night!” Galit ang tono nito.
Nakasimangot na hinarap niya ito. “At sino kaya ang nauna sa atin?” nanunuyang ganti niya. “Ikaw ang naglagay sa akin sa kahiya-hiyang sitwasyon, Juniel. Mamili ka naman ng lugar!”
Sa halip na lalong magalit ay amusement ang mababakas sa mga mata ng binata.
“You and your dirty mind, Princess,” sabi nito na halatang nagpipigil ng tawa.
Lalo namang napikon si Bernadette at kagyat itong tinalikuran.
Nang nasa loob na sila ng kotse ay patuloy ang pagsasagutan nila.
“Hoy, lalaki! Hindi marumi ang utak ko. Kahit na sino’y kayang hulaan kung ano ang ginagawa ninyo roon!” asik niya.
“Really? Then tell me,” anito habang minamaniobra ang kotse palabas sa parking lot.
Naumid ang dila ni Bernadette.
“Natahimik ka riyan. Dahil wala ka na namang narinig. Ang hirap kasi sa `yo, marumi ang isip mo. Alam mo ba kung bakit umuungol si Darlene? Dahil lasing na at masama ang loob.”
“Pakialam ko...” bulong niya ngunit alam niyang naririnig ni Juniel.
Bumilis ang takbo ng sasakyan. Noon lang naalala ni Bernadette na ikabit ang seat belt.
“Dahil sa iyo. If you’re not aware of who you are flirting with, boyfriend ni Darlene si Zaldy. O, ngayon, maliwanag na?” Marahas siyang sinulyapan ng binata.
“Watch your words! I didn’t flirt with him! Siya ang lumapit sa akin.” Parang gusto niyang mapahiya sa sarili dahil nagkaroon siya ng interes kay Zaldy.
Sa isang banda, hindi naman niya alam na may girlfriend na ito. At malinaw na nakikipag-flirt din sa kanya ito.
“Gusto mong i-rewind ko sa iyo ang mga nangyari, Bernadette? Lumapit ka rin sa kanya, baka nakakalimutan mo.”
“Ikaw kasi! Hindi ako aalis sa mesa natin kung matino ka.”
“At hindi rin magkakaroon ng pagkakataong makalapit sa akin si Darlene. Poor Darlene, kulang na lang ay himatayin sa sama ng loob,” ani Juniel na halata ang simpatiya sa babae.
“Kawawa pala, eh, bakit ako’ng sinundan mo rito? Bakit hindi ka bumalik doon at paglubagin mo ang loob niya?”
Biglang nagpreno ang binata. “Gusto mong gawin ko `yon? At ano na lang ang sasabihin sa akin ng mommy mo kapag hinayaan kitang umuwing mag-isa?” anito sa nagtatagis na mga ngipin.
Napahalukipkip si Bernadette. Hanggang maaari ay ayaw niyang paapekto sa binata.
“They wouldn’t know, Juniel. By this time ay tulog na sila. Go back to the party. Puwede naman akong mag-taxi,” kaswal niyang sabi rito at tinangkang buksan ang lock.
Subalit mas maagap si Juniel. Nasa kontrol nito ang automatic lock.
“I’ll take you home...” Matapos ang ilang minutong katahimikan ay sinabi iyon ng binata.