Bernadette and Juniel - 9

1326 Words
“SAAN ka pupunta bukas, Juniel?” tanong ni Roselle sa binata. Biyernes iyon ng gabi at magkakasalo silang buong mag-anak sa masaganang hapunan. “May lakad ka ba?” Umiling si Juniel. “Wala naman.” “Wala ba kayong lakad ni Bernadette?” patuloy ni Roselle. “Hindi ba’t palagi kayong magkasama tuwing Sabado?” Nagpalipat-lipat ang tingin ni Juniel sa dalawang kapatid at sa amaing si Frederick. Batid niyang alam na ng mga ito ang tungkol sa kasunduan. “Isang linggo na kaming hindi nag-uusap,” tugon niya at saka binilisan ang pagkain. Ang totoo ay nawala ang gana niya sa masasarap na putaheng nakahain sa mesa. Wala na kasing bukambibig ang kanyang mama kundi ang pangalan ni Bernadette. “Wala ka man lang ginagawang paraan?” Nangunot ang noo ni Roselle. “Busy ako,” matabang na sagot niya. Nang mag-angat siya ng paningin ay nasalubong niya ang tingin ni Frederick. “Don’t mind her,” iyon ang nabasa niyang kataga sa mga labi ng amain. Lihim siyang tumango. Iniwasan na niyang mapatingin sa dalawang kapatid. Ayaw niyang makitang nakikisimpatya ang mga ito sa kanya. Magsasalita pa sana si Roselle nang makita ang pagsenyas ng asawa. Napilitang tumahimik ito nang makita ang seryosong anyo ng lalaki. Tumayo ito para kunin ang dessert na pinalamig sa refrigerator. “Huwag ninyong patulan ang mama ninyo,” mahinang sabi ni Frederick sabay kindat sa mga anak. “Papa is right, Kuya,” sang-ayon ni Rei, sabay baling nito kay Juniel. “Baka pa-menopause na kaya nagkakaganyan,” biro ni Frederick nang makitang pabalik na sa kanila si Roselle. Tila may dumaang anghel dahil tumahimik ang apat na lalaki. “Siyanga pala, may good news ako sa inyo,” pambabasag ni Frederick sa katahimikan. “Kahit ang mama ninyo ay hindi pa ito alam.” Sumulyap ito kay Roselle. “Naglilihim ka na sa akin?” nanlalaki ang mga matang tanong ng ginang. “This is supposed to be a surprise, that’s why.” At bumaling ito sa mga anak. “Your Lola Adelaida sent us tickets. Nami-miss na raw nila tayong lahat.” Kitang-kita ang reaksiyon sa anyo ng mga ito. Bakas ang excitement sa anyo nina Roselle at Rei. Si Roi ay tila nalungkot. Samantalang si Juniel ay blangko ang ekspresyon maliban sa nahulog sa malalim na pag-iisip. “Kailan tayo aalis?” sabik na tanong ni Rei. Sakaling matutuloy, iyon bale ang pangatlong beses na magbabakasyon sila sa abroad. Lahat ng gastos ay sagot ng mga abuelo’t abuela nila. “Depende sa schedule ni Roi. Dahil siya lang naman ang nakatali ang oras sa trabaho. How about you, Juniel? Puwede mo bang ipasa sa iba ang trabaho mo `pag nagbakasyon tayo?” Umangat ang kilay ng binata. “Yeah, anytime.” Bigla ang dating ng ideya sa isip niya. Lihim na sinipa niya ang paa ni Roi. Subalit hindi pa rin nagbabago ang madilim na ekspresyon ng kapatid. Alam na niya ang iniisip ni Roi. Tiyak na nag-aalala ito kay Carmela. Sa naisip niya ay nakatitiyak siyang solusyon sa kasalukuyang problema ng lahat. TINIYAK ni Bernadette na naka-set ang alarm clock. At sa halip na ibalik iyon sa bedside table, inilagay niya ang alarm clock sa ulunan ng kama saka tinakpan ng kumot. Sa gayon ay hindi masyadong maingay ang tunog niyon. Tanging siya lang ang makakarinig. Sinadya niyang huwag ipaalam sa ina ang lakad. Bagama’t nakokonsiyensiya siya sa nakatakdang gawin ay pinanaig na lamang niya ang pagrerebelde ng kalooban. Mababaw ang naging tulog niya. Hindi pa man tumutunog ang alarm clock ay naalimpungatan na siya. Nang matapos maligo ay saka nagmamadaling nag-ayos sa sarili. Saglit lang ay dinampot na niya ang travelling bag na inayos niya kagabi. Walang kalatis na lumabas siya ng silid at nalagpasan ang kuwarto ng mga magulang. Sa labas ng bahay, doon niya hinintay ang pagdating ni Glenn. Hindi naman siya nainip. Nang huminto ang kotse nito sa tapat niya ay mabilis na siyang sumakay. “Halika na.” May urgency sa tinig niya. Kinakabahan siya. May palagay siya na ganito siguro ang pakiramdam ng mga nagtatanan. “Wala bang gising sa inyo?” Umiling siya. “Hindi naman ako nagpaalam.” Kumunot ang noo ng lalaki. “Maba-bad shot ako niyan sa inyo,” sabi nitong napasimangot. “Hindi naman nila alam na ikaw ang kasama ko,” katwiran ni Bernadette. PASIPUL-SIPOL pa si Juniel habang nagbibihis. Sabado ng umaga iyon. Mula nang malaman niya ang tungkol sa kasunduan ay nawalan na ng kapayapaan ang isip niya. Subalit nang magkausap sila ni Roi, kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag. “Telepono, Juniel.” Narinig niyang kumatok ang ina. Namamalikmatang natitigan siya ni Roselle. Nakangiti siya. “`Morning, Mama!” At dinampian niya ng isang halik sa noo ang ina. Bagama’t nagtataka sa kakaibang mood ay nasisiyahang sinundan siya ni Roselle ng tingin. “Pare, si Zaldy ito,” pakilala ng nasa kabilang linya. “Problema?” nabiglang tanong ng binata. “Si Darlene,” sagot nito. “What about her?” Nagsimula siyang mairita. Gusto pa yata ng kausap niya na hulaan niya kung anuman ang problema nito. “Ayaw na sa akin ni Darlene, pare. Pero hindi na ako na-shock nang sabihin niya iyon. Kasi, nahahalata ko na siya. Nanlamig na siya sa akin. Pero ang nakabigla sa akin ay nang isampal niya sa pagmumukha ko na... na ikaw ang gusto niya. Ano ba’ng meron ka na wala ako?” Karisma, iyon sana ang gustong ibiro ni Juniel. Pero dahil halata sa tinig ni Zaldy ang labis na galit at pagdaramdam, hindi na niya isinatinig. Bigla niyang naisip, nagiging hingahan yata siya ngayon ng mga problema. Una, si Roi; `tapos, si Zaldy. Puwede na ba siyang male version ni Tiya Dely? “Huwag kang mag-alala, hindi ko siya susulutin sa iyo,” aniya sa kawalan ng sasabihin. Hindi man lang siya naghinala na may damdamin sa kanya si Darlene. Buong akala niya ay naghihinga lang ito sa kanya ng sama ng loob at selos sa nobyo. “Maaasahan ko ba ang sinabi mo?” paniniyak ni Zaldy. Natawa siya. “Teka, wala ka bang tiwala sa akin?” Huminga nang malalim ang kausap. “Tinapos na niya ang relasyon namin. And who knows kung ano ang gagawin niya para pansinin mo,” desperadong wika nito. “Hindi ko ugaling mag-take advantage ng sitwasyon. Besides, hindi mo dapat pinag-iisipan ng ganoon si Darlene. Baka naman hindi totoo ang hinala mo. Hindi kaya nagsawa na siya sa kaseselos? Masyado ka kasing extra friendly sa mga babae.” Natahimik ang kabilang linya, pagkuwa’y nagmamadali na itong nagpaalam. Darlene and Zaldy. Kung break na sila, eh, de break. Ano ba’ng pakialam ko sa kanila? Biglang sumagi sa isip niya si Bernadette. May pakialam nga pala siya. Paano’y tiyak na pagbabalingan ni Zaldy si Bernadette. Maaaring nagdadrama lang ang lalaki na kunwari ay apektado ng breakup nila ni Darlene, pero hindi pa rin siya kumbinsido. Nakita niya kasi kung paano mag-flirt si Zaldy kay Bernadette. Lalaki rin siya kaya alam niya na may gusto si Zaldy sa kanyang kaibigan. Damn! mahinang pagmumura niya nang maisip ang posibilidad na binabaligtad lang ni Zaldy ang pangyayari. Nakipag-break ito kay Darlene dahil gusto nitong pumorma kay Bernadette. No way! sa loob-loob niya. Hindi niya papahintulutang makalapit ang lalaki kay Bernadette. Ngayon pa na ikakasal ang dalaga sa kanya. Nabigla siya sa ideyang pumasok sa isip. Hindi niya akalain na maiisip iyon. Somehow, may katwiran ang kanyang mama. Mukhang si Bernadette nga lang ang babae para sa kanya. “SAAN ka pupunta?” tanong ni Roi. Nakabihis na rin ito nang bumaba ng hagdan. “Ikaw, saan ka pupunta?” ganting-tanong ni Juniel. “Saan pa? Eh, de papasyalan ko si Carmela. Nami-miss ko na,” tugon nito. “Mukhang may lakad ka.” Tumaas ang isang sulok ng labi niya. “Doing something para mapadali ang kasal mo,” nang-aasar niyang sagot.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD