Bernadette and Juniel - 10

1649 Words
“SANDALI at gigisingin ko,” nagmamadaling sabi ni Mariel. Halata sa kilos ng ginang ang gaan ng loob sa binata. Nang pumanhik ito ay naiwan si Juniel sa sala. Alumpihit siya habang naghihintay. Ngayon pa lang sila mag-uusap ni Bernadette. Ni wala siyang ideya kung paano tinanggap ng dalaga ang tungkol sa “kasunduan” ng kani-kanilang mga ina. Pinagpapawisan na siya sa paghihintay na may mananaog sa hagdanan. Wala siyang ideya kung ano na ang nagaganap sa pagitan ni Bernadette at ng mommy nito. Baka ayaw siyang harapin ng dalaga... Hanggang sa maulinigan niya ang tila ingay sa ikalawang palapag ng bahay. Makaraan ang ilang saglit, pumapanaog si Benedict. Bakas sa mukha nito ang pangamba. “Wala si Princess,” sabi nito sa kanya. “Ang sabi ng Tita Mariel mo’y ilang damit niya ang nawawala.” Talo pa ng binata ang natuklaw ng ahas sa narinig na balita. SALITAN sina Benedict at Mariel sa pag-contact sa cellphone ng dalaga. Ngunit pumapasok sa voice mail box ang kanilang tawag. Alam nilang sadyang ini-off ni Bernadette ang cellphone. Matindi na ang pag-aalala ni Juniel para sa dalaga. Hindi niya alam kung nasaan ito ngayon. Ni hindi man lang ito nag-iwan ng mensahe sa mga magulang. Hindi naman siguro nagtanan... bigay-konswelo niya sa sarili. ANG PLANO ni Bernadette ay mamayang gabi pa tatawag sa ama. Hindi niya kakausapin ang kanyang mommy. Tiyak na sermon ang mapapala niya rito. For the meantime, gusto niyang i-enjoy ang katahimikan ng lugar. Nakahiga siya sa inilatag na malaking tuwalya sa buhanginan ng Bolinao. Nagsawa na siya sa paglalangoy sa dagat. “Sa cottage muna tayo,” sabi sa kanya ni Glenn. Nauna na itong tumayo at sinamsam ang dalawang bote ng suntan lotion. “Masakit na sa balat ang araw.” Pinagpag niya ang buhanging dumikit sa kanyang katawan. “Mauna ka nang mag-shower,” sabi nito sa kanya. Pumasok na siya sa banyo at naghintay ang lalaki sa labas. Nasa iisa silang cottage. Panatag naman ang loob niyang kasama ito. Buo naman ang tiwala niya rito. Nang matapos siya sa paliligo ay sumunod namang pumasok sa banyo ang lalaki. Kaya nagmamadali na siyang nagbihis. Sa pinto ng cottage siya pumuwesto. Pinagsawa niya ang mga mata sa maaliwalas na paligid. Wala pa yata sa dalawampu ang mga tao sa beach na iyon. “Magpahinga muna tayo,” ani Glenn na bigla siyang niyakap habang nakatalikod siya. Nabigla siya. Dama niya ang kahubdan nito na tanging tuwalya lamang ang tumatabing. Pasimple niyang kinalas ang mga braso nitong nakapulupot sa kanya. “Ikaw na lang dahil pagod ka sa pagmamaneho. Samantalang ako’y mula pa kanina nakapagpahinga. Kung gusto mo naman, I’ll read you a book.” Mabilis na siyang nakabalik sa silid. Nang makuha ang libro ay lumabas siyang muli. Nasa balkonahe ng cottage si Glenn. Tahimik itong nakatingin sa malayo. Nasa anyo ang pagtatampo. “Sa loob na tayo,” giit nito. Ang isang braso nito ay umakbay sa balikat niya. Hinayaan niya lang ito bagaman nasa mga mata niya ang disgusto. Subalit nakahalata si Glenn. “So you don’t want any body contact, huh?” Mas lamang ang panunuya sa tono nito kaysa pagtatampo. “Mahirap matukso, Glenn. Solo natin itong lugar at malakas makahatak ang ambience,” sabi na lamang niya at saka dumistansiya rito. “Nakahanda ako sa responsibilidad, Adette. Pananagutan ko...” “Hindi pa ako handa,” puno ng determinasyong sagot niya. Malamlam ang mga matang tinitigan siya nito. Pagkuwa’y pumasok na ito sa loob. Ilang minuto ang pinaraan ng dalaga bago naisipang silipin ang kasama. Nakatulog ito. Alas-dos pa lamang sa relo niya. At maaga pa para tumawag siya sa ama. Ganoon pa man, kinuha niya ang dalang cellphone. Nag-retrieve siya ng messages sa kanyang voice mail box. Nagitla pa siya nang marinig ang tinig ni Benedict. Hindi na siya nagkainteres na pakinggan pa ang ibang naunang pumasok na mensahe. Halata sa tinig ng ama ang labis na pag-aalala. Ipinasya niyang tumawag na sa bahay. “God, Princess! Where are you?” Nagsalubong ang mga kilay niya nang makilala ang boses ni Juniel. But then, hindi na niya kailangang pagbubuhusan iyon ng isip. Sino nga ba ang agad na tatawagan ng mommy niya ngayong nadiskubreng nawawala siya—kundi si Juniel? “I want to speak with Dad,” malamig niyang sabi. Wala siyang pakialam kay Juniel. “Princess, I have—” “My dad!” asik ng dalaga. “Siya lang ang gusto kong makausap. Maliwanag ba?” Narinig niya ang paghugot nito ng hininga bago ipinasa ang aparato. “Anak?” Nasa boses ni Benedict ang pag-aalala subalit nagkaroon ng relief nang marinig ang tinig niya. “I’m fine, Dad.” “Ano ba’ng nangyari sa `yo? Bakit ngayon ka lang tumawag?” sunud-sunod na tanong nito. “Low-batt kasi ang CP ko kanina at ngayon ko lang na-recharge,” pagsisinungaling niya. “I’m sorry...” “Ang akala namin ay—” “Naglayas ako?” natatawang putol niya sa sinasabi nito. “Well, iniisip ko pa lang ang bagay na iyan, Daddy. Ang hirap ng sitwasyon ko. Sana maintindihan mo ako.” Napabuntong-hininga si Benedict. “Mahal mo si Mommy kaya bale-wala sa iyo kung minaniobra man ni Lolo Alberto ang kasal ninyo. But, Dad, hindi tayo pare-pareho,” malungkot na sabi niya. “Please, Princess. Come home, dito na natin pag-usapan iyan.” Nakikiusap ang tinig ni Benedict. “What are we going to talk about? Ang mga detalye ng kasal?” mapakla niyang saad. “Come home, hija. I promise, everything will be all right,” bigay-assurance ni Benedict. “Ano’ng gagawin mo, Dad? Papaboran ako? At ano na lang ang mangyayari sa inyo ni Mommy? Magtatalo gabi-gabi?” “I’m trying na paliwanagan ang mommy mo,” giit nito. Napabuntong-hininga siya. “Just give me time na makapag-isip. Uuwi rin ako.” “Princess, nag-usap na kami ni Juniel. Man to man. I was thinking of considering his proposal. I promise you, wala kaming pagtatalunan ng mommy mo.” “I doubt it,” sambit niya. “At least spare some time to hear us,” pakiusap nito sa kanya. “Pag-iisipan ko,” matamlay niyang sagot. Umiral na naman sa dalaga ang katigasan ng loob. “`Bye for now.” Ini-off na niya ang cellphone. NANG magising si Glenn ay hinanap kaagad nito ang dalaga. Nasa tabing-dagat si Bernadette, nakatingin sa malayo. “Naiinip ka na ba?” tanong agad ng lalaki. “Anong oras tayo uuwi?” tugon niya. “Paano kung sabihin ko sa iyong hindi kita iuuwi?” Tumigas ang anyo niya. “Glenn, ayokong mag-overnight dito.” “Fine. Saan mo gustong mag-overnight?” “Uuwi ka na sa inyo at ako naman ay bahala na sa sarili ko,” deretso niyang sagot. Humakbang siya at mabagal na naglakad. Nakaagapay sa kanya si Glenn. “Sa palagay mo ba’y papayag ako sa sinabi mo?” “Kung gusto mong magkasundo tayo, huwag ka na lang kumontra,” mataray niyang sabi. Nawalan ng kibo si Glenn. Malalim ang iniisip niya sa mga oras na iyon. Inihahanda na niya ang sarili sa paglalayas. Saan nga ba siya pupunta? Apat hanggang limang oras ang biyahe pabalik sa Maynila. “Adette...” mahinang tawag ni Glenn. “I’m sorry... buo na ang pasya ko,” may katiyakang sabi niya. Nasa anyo ng lalaki ang pagtutol ngunit walang nagawa sa katigasan ng loob niya. “NAG-ENJOY ako, Glenn. To be honest, kahit minsan ay napipikon ako sa iyo,” pag-amin ni Bernadette nang pauwi na sila. Matabang ang ngiti ng lalaki. “Adette, wala akong intensiyon na galitin ka. I was just trying to bring back the old times. Malaki na kasi ang ipinagbago mo. Stupid of me, ni hindi kita tinanong kung committed ka na sa iba. In-assume ko na lang na tayo pa rin.” “Wala akong commitment,” sagot niya. Tila hindi nakapagpagaan sa kalooban nito ang sagot niya. “Kung ganoon, bakit malamig ang pakikitungo mo sa akin? Tayo pa rin, right?” “I don’t know, Glenn. Nalilito pa ako sa mga pangyayari.” “May problema ba?” Hindi siya nakakibo. “Well, siguro nga’y may pinaglalaanan ka ng sarili mo. Kaya ganoon na lang ang pangingilag mo sa akin.” “Iyon ba ang gusto mong ipamukha sa akin, Glenn? We went steady for almost a year. May natatandaan ka bang pagkakataon na pinagbigyan kita sa mga advances mo?” Umiling ito. “Noon iyon, Adette. At maiintindihan ko ang katwiran mong bata pa tayo at mahirap nang mapasubo. But it’s different this time. Nasa tamang edad na tayo. Kaya ko nang magkapamilya. Sinabi ko na sa `yo na isasama kita sa pagbabalik ko sa Canada.” “Really? Sigurado ka na sa sarili mong paka-kasalan mo ako? Teka, narinig ba kitang bumanggit ng kasal?” Sumulyap ito sa kanya. “Madali na lang iyon. Papipiliin pa kita kung saan mo gustong makasal tayo. Dito o sa Canada?” “Pumayag na ba akong pakasal sa iyo?” Umasim ang mukha nito. “Naguguluhan ako sa `yo. Hindi ka pa ba sigurado sa sarili mo?” Nagkibit siya ng balikat. “Wala pa akong balak mag-asawa.” “Puwede namang hindi muna tayo magpakasal.” “Lalong against ako sa live-in.” Inihinto nito sa tabi ang sasakyan. “Walang patutunguhan ang pag-uusap natin, Adette. Tell me, mahal mo pa ba ako?” Napakurap si Bernadette. “Ngayon mo na ba gustong malaman o makapaghihintay ka pa nang ilang araw?” “Bakit pa?” “Mag-iisip muna ako,” rason niya. “Nais kong malaman habang maaga pa lang,” matigas na sabi ni Glenn. “Kung paaasahin mo lang ako, `tapos ay bibiguin... bakit hindi pa ngayon?” Nakadama si Bernadette ng awa. “I’m sorry...” tanging nasabi niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD