Bernadette and Juniel - 12

1036 Words
“I CAN’T imagine myself being married to you,” tahasang amin ni Bernadette habang magkasalo sila ng binata sa ham croissant at hot chocolate. Sa halip na umuwi sa bahay ay nagyaya si Juniel sa Dunkin’ Donut. Doon nila ipinagpatuloy ang pag-uusap. Para hindi mag-alala ang daddy ng dalaga ay tumawag ito at ipinaalam kung saan sila naroroon. “Come again...” “Sabi ko, I can’t imagine myself being married to you,” nangingiting ulit niya sa sinabi. Natawa si Juniel. “Alam mo bang ganyan din ang rason ko kay Mama? Kung hindi ko nga lang inaalala na seryoso si Mama sa kanyang sinasabi ay matatawa ako.” “Talaga?” “May palagay akong daig pa ang may World War III sakaling magkasama tayo sa iisang bubong.” “Kahit naman ako. Napipigil ko pa rin ang bibig ko na magsasagot nang pabalang kay Mommy. She’s convincing me to get married at ikaw ang lalaking napili niya. Would you believe, sanggol pa lang ako, eh, naipagkasundo na raw niya ako kay Ninang Roselle.” “And hated the idea?” paniniyak ni Juniel. “Of course? Oo nga’t mommy ko siya pero hindi naman yata tama na pangunahan niya ako sa gusto ko. Imagine, nakasalalay dito ang buong kinabukasan at kaligayahan ko. Ikaw man ang lumagay sa katayuan ko.” “Yeah, I do understand you, Princess,” masuyong sang-ayon ng binata. “Sa tingin ko’y gusto lang akong paikutin ni Mommy. Talagang hindi siya titigil hangga’t `di nagkakaroon ng katuparan ang kasunduan nila ng mama mo.” “You’re right. Hanggang ngayon ay panay pa rin ang parinig sa akin ni Mama.” “Susundin mo ba siya?” Pagkuwa’y sumeryoso ang dalaga. “Ikaw?” Ibinalik nito ang tanong sa kanya. Natahimik si Bernadette. “Totoong may sakit ang mommy mo, Princess. Baka naman iniisip mo na—” “Of course not,” agap niya. “Hindi naman ako ganoong kasamang mag-isip. Ever since, naging masunurin akong anak sa kanila. Kaya `di ko napigilan ang sarili kong magrebelde.” “Paano kung atakehin muli ang mommy mo dahil ayaw mong sundin siya?” “Ako lang ba ang may ayaw? Papayag ka bang diktahan na lang nila tayo?” Ibinalik niya ang tanong sa binata. “May naisip akong solusyon. At sana’y hindi maging dahilan iyon para muling magkasakit ang mommy mo.” Sinaid na ni Juniel ang laman ng styro cup. “Kinakabahan ako sa sakit ni Mommy. Not because baka ikadali ng buhay niya iyon kundi baka gamitin niyang pang-emotional blackmail sa akin.” “`Sabi ko na nga ba’t may ganyang kang iniisip sa mommy mo.” “I can’t help it! Siyempre, mag-iisip siya ng paraan para lang—” “That’s enough, Princess. Magpasalamat ka’t buhay pa rin ang mommy mo. Walang makapagsasabi sa atin na umaarte lang si Tita Mariel. Baka mabigla na lang tayo, huli na para kumilos.” May sumigid na takot sa kaibuturan ng dibdib niya sa sinabing iyon ni Juniel. “Nasabi ko na ito kay Tito Benedict. Ang alam ko’y sa iyo niya ipinauubaya ang pagdedesisyon,” patuloy ng binata. Naalala niya ang sinabi ng ama sa telepono. “We make a compromise. Susundin natin ang gusto ng mga mother natin, at the same time, hindi kailangang magsakripisyo ang ating mga sarili.” “You mean, pakakasal pa rin tayo?” Napalunok si Bernadette. “Yes.” PUMAYAG si Benedict na maisama muna ni Juniel pansamantala sa bahay ng mga ito sa New Manila si Bernadette. Walang nakamalay sa mga kasambahay ni Juniel na may kasama itong umuwi. Sa guest room na katabi ng kuwarto nito ang inokupa ni Bernadette. Hindi makatulog ang dalaga. Ilang oras na lang ay mag-uumaga na. Nangako siya sa kanyang daddy na uuwi rin kinabukasan. Bagama’t may kaunting tampo pa rin siya sa kanyang ina ay mas nangingibabaw ngayon ang pag-uusig ng konsiyensiya dahil sa nangyari rito. Ilang oras na lang at magkakaharap na sila ng ina. Sa totoo lang, wala pa siyang maisip na sasabihin dito. Alam niyang may hinanakit din sa kanya ang ina. Hindi na niya hinintay na magising ang mga kasambahay ni Juniel. Nang makapaligo siya ay saka niya pinuntahan ang silid ng binata at marahang kumatok sa pinto. “Juniel...” mahinang tawag niya sa pangambang makagambala sa mga katabing silid. Sa ikatlong katok ay saka pa lamang bumukas ang pinto. “Yes?” Pupungas-pungas na bumungad si Juniel. Natigilan siya. Wala sa loob na natitigan ang kabuuan ng binatang nakatayo sa kanyang harap. Noon lang niya napagtuunan ng pansin ang magandang pangangatawan nito. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakita niya si Juniel na halos hubad, maliban sa puting underwear nitong tumatakip sa kaselanan. Sinaklot siya ng kakaibang damdamin nang magtama ang mga mata nila. Nakalimutan niya ang talagang pakay dito. Para na siyang itinulos sa kinatatayuan. She was fascinated by every bit of flesh that she saw. Wala siyang maisip na terminong maaaring gamitin upang ipaliwanag ang kasalukuyang nararamdaman. Napalunok siya. Namamalikmatang natitigan siya ng binata, tila may nararamdamang kakatwa sa kalooban ngunit sinarili na lamang. Astonishment? Awe? Thrill? Desire? Napakurap ang dalaga sa huling ideyang naisip. Napagtagumpayan niyang alisin ang paningin sa kaharap. Ganoon pa man hindi niya magawang tumingin sa mga mata nito. SAMANTALA, hirap din ang kalooban ni Juniel. Damn it, Bernadette! Nawala ang kahuli-hulihang antok sa katawan ng binata nang mabungaran ang dalaga. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang reaksiyon ni Bernadette pagkakita sa kanya. Nanunuot sa ilong niya ang preskong pabango ng dalaga. Halatang bagong paligo ito, basa pa ang buhok. Tila may puwersang nagdidikta sa kanya na kabigin ito at ikulong sa kanyang mga bisig. Nanuyo ang lalamunan niya nang maghinang ang mga mata nila. Humagod sa kabuuan niya ang mailap na mga mata nito. Pakiramdam niya ay may hatid na apoy ang titig na iyon ng dalaga. Lord! Pilit na kinokontrol niya ang sarili. Inisip niyang matatakot si Bernadette. Pero mahirap basahin ang nakikita niya sa mga mata nito. Pumikit-dumilat siya na nakatayo pa rin si Bernadette. Inakala niyang nanaginip lang siya. Napapikit siya nang mariin. Gahibla na lang ang natitira sa pagpipigil niya. Would he take this chance?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD