“YES, Miss?” Nakangiting lumingon si Carter sa babaeng iyon sa kabila ng kabang nararamdaman.
“Huwag ka ngang ngumiti nang ganyan! Hindi ako isa sa mga babae mong nanghihina kaagad dahil lang sa ngiti mo! Kahit maghubad ka pa riyan at ibalandra ang abs mo, hindi ako maaapektuhan!” wika ng babae.
Nagsalubong ang mga kilay ni Carter. What is this woman saying?
Nagkatitigan sila ni Kevin. “Bro, mauna na ako, ha? Mukhang mapapa-trouble ka yata,” ani Kevin. Tinapik nito sa balikat si Carter at naglakad na palayo. Sumenyas ito na maghihintay sa may car park.
Hinarap na muli ni Carter ang babaeng mukhang malaki ang sama ng loob sa kanya.
“Are you a fan of mine, Miss? May dala ka bang magazine ko or anything? Akin na, I’ll sign it,” nakangiti pa ring wika niya. Naisip niyang baka isa lang ito sa mga tagahanga niya na hindi niya sinasadyang hindi pansinin noon kaya naghihimutok.
“Oy, Mr. Carter Davis, hindi mo ako fan! Hindi ako jeje para maging fan mo!”
Nakaramdam na ang binata ng pagkaasar at pagka-insulto. “Excuse me again, Miss! Kung may problema ka sa akin, sabihin mo nang deretsa sa akin. Hindi iyang ganyang ang dami mong paligoy-ligoy.”
“Gusto mo ng deretsa?” Pinagkrus nito ang mga kamay sa ilalim ng dibdib. “Pwes, Mr. Womanizer, tigilan mo ang best friend ko!”
Lalong nalito si Carter. Mr. Womanizer? Tama ba ang kanyang narinig?
“I don’t understand you, Miss. What is this all about?” Luminga siya sa kanyang paligid. Pinagtitinginan na sila ng mga taong nagsimulang magkumpulan.
“Kilala kita, Carter Davis. Isa kang babaero!”
Natawa si Carter. Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang pinagsasasabi ng babae. Hindi naman siya nagtataka kung bakit siya kilala nito dahil isa naman siyang celebrity na kung maituturing. Ngunit ang paraan ng pagkakasabi nitong kilala siya ay parang nangangahulugang pagkatao niya ang tinutukoy nito.
“Kilala mo si Abbey Delos Santos, ‘di ba? Siya ang tutor ng pamangkin ng friend mong si Kevin. Siya ang matalik kong kaibigan na patay na patay sa iyo! Pwede bang iwasan mo na lang siya? Ayaw kong maisama siya sa listahan ng mga babae mo.”
Carter smirked. “Miss, hindi ko na kasalanan kung iyang kaibigan mo ay patay na patay sa akin kagaya ng sabi mo. Hindi ko naman siya sinabihang gustuhin ako. It’s her free will. I thought I was just friendly with her. I am like that with everyone,” he explained.
“Friendly with everyone or with every girl? Magkaiba iyon!”
Naging conscious na si Carter dahil parang lalong dumarami ang mga nakikiusyuso sa kanila sa paligid.
“Pwede ba tayong mag-usap somewhere in private?”
Lalong nanggigil si Allison sa narinig. “Private? In your dreams!” mataray niyang wika.
Carter sighed. “It’s because you are making a scene here. People are looking at us. Let’s act like educated human beings and talk these things over in private. Honestly, kahit ano pa ang sabihin mo, hindi kita maiintindihan. I’m not a womanizer, ni wala nga akong girlfriend.”
Allison did a sarcastic slow clap. Pailing iling pa ito. “Inasahan ko nang sasabihin mo iyan. Ganyan madalas ang excuse ng lahat ng mga lalaking babaero para hindi sila mahuli. Sinasabi nilang single sila. Neknek mo! Hindi mo ako maloloko. May mga ebidensya ako, Mr. Davis! Huwag mo nang hintayin pa na ilabas ko ang mga iyon bago mo tigilan ang kaibigan ko.”
“The heck, I am not even doing anything to your friend!” Napakamot na lang sa batok si Carter.
“Binabalaan kita, Mr. Carter, ito ang una at huling warning ko sa iyo. Iwasan mo si Abbey, o ilalabas ko ang baho mo.” Matalim ang mga matang tinitigan niya ang modelo. Pagkatapos niyon ay naglakad na siya palayo.
Naiwang tulala si Carter. What has just happened? Sino ang baliw na babaeng iyon?
Unti unti na ring nag-alisan ang mga usyusero’t usyusera sa paligid. Walang nagawa si Carter kundi bumuntong hininga at umiling.
The next day, nabigla siya sa dami ng mga nag-unsubscribe sa kanyang channel. Nang i-check niya ang huling uploaded video niya, ang daming hindi magagandang komento ang nabasa niya.
“Sabi ko na nga ba, babaero ka, Carter. Itsura pa lang, mukha nang f*ckboy.”
“Tama lang sa ‘yo ang mapahiya in public, Lahat ng naloko ni Carter, lumabas na kayo!”
“You’re not a good influencer, Carter.”
Why all these people suddenly judged him big time?
Mayroon din namang naniniwala pa rin sa kanya pero hindi siya makapaniwala sa mga panghuhusgang natatanggap niya.
Medyo nasurpresa pa nga siya dahil hinihintay niyang may kumalat na video ng confrontation nila ng wirdong babaeng iyon, ngunit walang lumabas.
Magpapatuloy lang sana siya sa araw-araw niyang pamumuhay dahil naniniwala naman siyang huhupa rin ang issue at makakalimutan din ito ng mga tao ngunit naapektuhan rin ang kanyang trabaho bilang modelo.
Natanggap sana siya sa casting call para sa commercial ng isang kilalang canned tuna brand, ngunit tinawagan siya ng casting director na naghahanap na raw ito at ang mga kasama ng papalit sa kanya. Gano’n din ang nangyari sa iba pang casting calls na sinubukan niya. Maraming malalaking oportunidad ang nawala sa kanya dahil lamang sa isang babaeng pinagbibintangan siyang babaero.
He finally decided to do something against that woman. He will find her and make her pay for what she did to his career. Sa isang iglap, nawala ang atraksiyon niya sa babaeng iyon. Yes, he was physically attracted to her.
He went to Kevin’s house to see Abbey. That woman told him that Abbey is her best friend. Abbey must know where he could find her.
“You have a best friend, right?” Iyon ang pambungad na tanong ni Carter kay Abbey. Akala naman ng dalaga ay yayayain na siya nitong mag-date. Excited pa naman siyang lumapit nang tawagin siya nito.
Nagsalubong ang mga kilay niya. Tumango siya.
“What’s her name?” sunod na tanong ni Carter.
“Allison Tolentino po. Bakit ho, ano po ang kailangan ninyo sa kaibigan ko?”
“Malaki ang kasalanan niya sa akin. I’ll make her pay. Saan ko siya makikita?”
Napanganga si Abbey. “Ho? Bakit, ano ang ginawa ni Allison? Wala siyang sinasabi sa akin.”
“Can you, please, just tell me where she lives. Don’t worry, hindi ko naman siya agad ipapakulong. Kakausapin ko muna siya.”
Mukhang seryoso si Carter. Hindi man alam ang nagyayari, minabuting ibigay na lamang ni Abbey ang address ng kaibigan.
Nakita niyang mabibigat ang hakbang na lumabas ng bahay nina Kevin si Carter. Sobra ang pag-aalala niya sa kaibigan.
KAAGAD tumayo si Allison nang marinig ang sunud-sunod na pagkatok sa kanilang pintuan. Kliyente marahil, hula niya. Wala noon ang kanyang ina dahil lumabas upang bumili ng mga tela.
“Ano ang ginagawa mo rito?” tanong niya nang si Carter ang bumungad sa kanya pagbukas niya ng pinto.
“Wala ka yatang ideya kung ano ang ginawa mo sa akin, Ms. Tolentino.”
“Paano mo nalaman ang pangalan ko, at saka, paano mo natunton ang bahay namin?”
“Hindi na mahalaga iyon. Ang mahalaga, mapagbayad kita sa atraso mo sa akin.”
“Anong pinagsasasabi mo?” angil niya. “Kung wala kang mahalagang pakay, umalis ka na dahil busy ako.”
“Busy rin naman ako, Miss Tolentino. Ang kaso, nawalan ako ng pagkakaabalahan magmula ng gumawa ka ng mga walang katotohanang issue tungkol sa akin. Sisiguraduhin kong makukulong ka at magbabayad ka ng danyos sa paninirang puri mo sa akin.”
Biglang kumabog ang dibdib ni Allison, ngunit hindi siya dapat magpakita ng kaba dahil mayroon naman siyang ebidensya. “Mas lalo mo lang ipapahiya ang sarili mo Mr. Davis. Sabi ko naman sa iyo, may mga ebidensiya ako.”
“Anong mga ebidensya ang sinasabi mo? Gawa gawa?”
Sa sinabing iyon ni Carter ay na-trigger ang dalaga. Bumalik siya sa kanyang kwarto upang kunin ang cellphone niya. Paglabas niya ay nakapasok na si Carter sa kanilang bahay. Hindi na niya na ito itinaboy. Ipinakita niya rito ang mga ebidensyang tinutukoy niya.
Natigilan naman si Carter sa mga nakita.
Kitang kita ni Allison ang reaksyon na iyon sa mukha nito. “Ano, maipapakulong mo pa ba ako? Baka ikaw pa nga ang makulong kapag pinagtulungan ka na ng nga babae mo.”
“That’s my brother,” tugon ni Carter.
Kumunot ang noo ni Allison. “Palusot pa more!” aniya. “Umalis ka na lang Mr. Davis at gawin mo ang pakiusap ko sa iyo. Hindi ko ilalabas ang mga ebidensyang ito basta iwasan mo lang si Abbey.”
Hindi tumugon si Carter. Kinuha rin nito ang cellphone at iniabot sa kanya. Napanganga si Allison sa larawang nakita. Dalawa si Carter. Dalawa ba o totoo ngang may kambal ito?
“That’s Brendan, my twin brother. Matagal na namin siyang hinahanap. Five years ago, umalis siya sa bahay at pinutol niya ang kontak sa amin. Hindi na namin alam kung nasaan at kumusta na siya ngayon.”
Natulala na lamang si Allison. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig. Gusto niyang lamunin ng lupa ng mga oras na iyon.
“Magaling kang manghusga ng tao, Ms. Tolentino. Sa ginawa mo, sinira mo ang career ko. Hindi kita basta pwedeng palampasin lang.”
“Mr. Davis, hindi ko sinasadya. I’m sorry!” nauutal na wika ng dalaga. “Nagkamali ako. Patawarin ninyo ako, please, Mr. Davis!” naiiyak na dugtong pa niya.
“Alam mo bang nasayang ang pinakamalaki sanang break sa career ko dahil sa ginawa mo? Sinira mo ang pangalan ko. Kumuha ka na lang ng magaling na abugado, Miss Tolentino, dahil sisiguraduhin kong makukulong ka.”
Tumalikod na si Carter at akmang aalis na ngunit hinawakan siya nang mahigpit ni Allison sa braso.
“Gagawa ako ng public apology. Lilinisin ko ang pangalan mo. Gagawin ko ang lahat, patawarin mo lang ako,” wika ng dalaga.
Mataman siyang tinitigan ni Carter sa mata. Napansin ng binata ang mga naka-display na paintings sa mga dingding ng bahay. Alam niyang hindi iyon kopya lang. Hindi naman sa pangmamaliit, ngunit base sa kalagayan ng buhay nina Allison, wala itong kakayahang bumili ng original paintings.
“Sino ang gumawa ng mga iyan?” kuryuso niyang tanong.
“Ako,” mabilis na sagot ni Allison.
Linapitan ni Carter ang mga painting upang siyasatin ang mga iyon. Bawat stroke ay mukhang gawa ng propesyonal. Naagaw ng kanyang pansin ang painting ng isang hubad na babaeng naliligo sa sapa. “You did this, too?” tanong niyang muli. Tumango si Allison. “Your hands are pretty gifted.”
Hindi alam ni Allison kung magpapasalamat ba siya o ano, gayong plano siya nitong ipakulong.
Hinarap siyang muli ni Carter. “Tatanggapin ko ang alok mong gagawa ka ng public apology,” anito. Umaliwalas ang mukha ng dalaga sa narinig. “Pero hindi ibig sabihin no’n na papatawarin na kita.”
Naguluhan si Allison.
“I will only forgive you in one condition, Miss Tolentino. Paint me naked...”