TALISAY, Cebu "NANDITO ka lang pala, kanina pa kita hinahanap," ani ng boses sa likod ni Benjie, kaya nilingon niya ito. Bumungad sa kanyang paningin ang kaibigan at kapwa seminarista na si Greg. Isang tipid na ngiti ang isinukli niya rito at muli siyang tumingin sa langit, kaya naman umupo ito malapit sa kanya. "Mukhang malalim ang iniisip mo." Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya. "Nakita ko na naman iyong bata sa panaginip ko, Greg." Saglit niya itong nilingon at nang nakita niyang handa itong makinig sa kanya ay nagpatuloy siya sa pagsasalita. "At hindi ko rin maintindihan kung bakit nagdadalawang-isip na naman ako tungkol sa pangarap kong ito." "Sigurado ka bang ito talaga ang gusto mo, Benjie?" tanong ni Greg sa kanya, dahilan para matigilan siya.

