"Hindi ba umuwi si Tiyo Edward, Tiya?" usisa ni Maya kay Helen pagkarating niya sa kanilang bahay.
Umiling si Helen. "Nagpapalipas iyon ng galit." Kasalukuyan nitong sinusubuan ang anak na si Bea.
"Baka nasa barkada niya na naman at nakikipag-inom," dugtong ni Maya. Napabuntong hininga siya. Sakit talaga ng ulo ng kanyang tiya ang Edward na iyon.
"Hayaan na natin siya," wika ni Helen.
"Huwag niya lang talaga kayong sasaktan, Tiya Helen."
"Sa awa ng Diyos, hindi naman siya gano'n, anak. Marami siyang hindi magandang ugali, pero ni minsan ay hindi niya ako pinagbuhatan ng kamay."
Ngumiti si Maya. Inabot niya ang kamay ng tiyahin. "Tiya, magpapaalam ho sana ako."
Napatingin sa kanya nang mataman si Helen. "Bakit, saan ka pupunta?"
"Hindi naman ho ako aalis, Tiya. May bago ho akong trabaho. Umalis na ako sa pagtitindera," tugon niya. "Mas malaki ang sahod ko rito. Limang beses na mas malaki kaysa sahod ko sa tindahan. Pero kailangan ho na stay-in ako."
Nakangiti si Helen habang nagkikwento siya ngunit nawala iyon sa huling sinabi niya. "Stay-in? Ano ba ang trabahong iyan, anak?"
"Yaya ho, Tiya Helen."
"Yaya?"
Tumango si Maya. "'Di ba ho, umuwi iyong kapatid ni Doctor Harold?"
"Oo," tugon ni Helen. "Si Brad." Napanganga si Helen pagkawika. "Ah, siya ba ang magiging amo mo, Maya?"
"Oho, Tiya Helen. Tinanggap niya ho akong yaya ng baby niyang si Isabella."
"Wala namang problema, anak, kasi kilalang mababait naman ang pamilya ng mga Montero. Pero bakit kailangang stay-in?"
Ipinaliwanag ni Maya kay Helen ang lahat ng sinabi ni Brad sa kanya.
"Huwag ho kayong mag-alala, Tiya Helen. Sayang naman ho kung palalagpasin ko ang pagkakataon na ito. Isa pa, saan pa ba ako makakakita ng trabaho na pwede ko pang gawin ang ibang bagay sa umaga? Kailangan ko lang magpaalam. Kapag maluwag ang oras ni Sir, pupunta-puntahan ko kayo rito ni Bea sa umaga. Malapit lang naman dito ang bahay nina Sir, eh."
Nagbuntong hininga si Helen at ngumiti. Hinaplos niya ang buhok ng pamangkin. "Pasensya ka na, Maya. Kung hindi siguro kinuha ni Edward ang ipon ko, hindi ka mapipilitan na pumasok bilang yaya."
"Ano ba kayo, Tiya? Hindi naman ako napipilitan," nakangiting tugon ni Maya. "Blessing in disguise nga ho iyong pagkuha ni Tiyo sa ipon ninyo, eh. Dahil doon, makakapasok ako sa mas maayos na trabaho na may malaking sweldo. Dalawang buwan lang, babalik na sa akin ang naibigay kong pera sa inyo."
"Siya, sige. Magaan naman ang loob ko sa desisyon mo. Mapagkakatiwalaan naman siguro ang bago mong amo."
"Mukhang mabait naman ho si Sir Brad," tugon niya.
"Basta kapag may problema, huwag kang maglilihim sa akin."
"Wala ho akong magiging problema, Tiya. Ipinapangako ko sa inyo na magiging masaya ako sa trabaho ko."
Ngumiti si Helen at tumango. Nagbaling ito kay Bea. "Narinig mo, Bea? May bagong trabaho si ate Maya mo, mas magandang trabaho. Kaya lang, mas madalang na natin siyang makakasama dahil kailangan siyang mag-stay-in."
"Okay lang iyon, Bea," wika ni Maya. "Hayaan mo, bibilhan na lang kita ng maraming laruan. Malay mo, si Ate na ang mag-sponsor sa susunod mong kaarawan, 'di ba?"
"Ano? Anong trabaho ang sinasabi mo, Maya? Anong stay-in?"
Kapwa sila napalingon sa pintuan nang marinig ang boses ni Edward. Tama nga ang hinala ni Maya na galing ito sa barkada dahil lasing ito.
"Hindi pwede!" mariing wika ni Edward. "Bakit stay in? Sino ang tutulong kay Helen sa mga gawaing bahay at sa pag-aalaga kay Bea? Ang sabihin mo, gumagawa ka lang ng paraan para makatakas sa mga responsibilidad mo rito, Maya."
"Hindi ho, Uncle!" mabilis na tugon ni Maya.
"Hindi!" mariing wika pa rin ni Edward. "Manahimik ka rito sa bahay. Ang atupagin mo ay ang pagtulong sa tiya mo. Pinapayagan ka na ngang magtrabaho at mag-aral, umaabuso ka naman."
"Tiyo Edward." Tumayo si Maya at lumapit sa tiyuhin. "Malaki ho ang sasahurin ko sa bago kong trabaho. Kapag pinayagan ninyo ako, hindi na ninyo kailangang isipin ang perang kinuha ninyo kay Tiya."
Napatingin nang matalim si Edward sa kanya. "Aba at ang bastos ng bunganga ng batang are!" anito. "Ano ang karapatan mong isumbat sa akin ang perang iyon?"
Kinabahan si Maya sa reaksyon ng tiyuhin. "Uncle, makinig ka muna sa akin. Hindi kita sinusumbatan."
"Lumaki na talaga ang ulo mo!" singhal pa ni Edward. "Iyan ang resulta, Helen, sa ginagawa mong pagkampi sa batang iyan sa tuwing didisiplinahin ko siya," baling nito sa asawa.
"Edward, makinig ka muna sa bata," tugon ni Helen.
"Magbibigay ho ako sa inyo ng pera, buwanan," sabat ni Maya.
Natigilan si Edward sa narinig. "Ano'ng sabi mo? M-magbibigay ka?"
Tumango si Maya. "Oho, Tiyo, magbibigay ako. Kense mel ho ang sasahurin ko buwan buwan. Ibibigay ko sa inyo ang kalahati."
"Maya!" nabibiglang wika ni Helen.
"Okay lang, Tiya Helen. Sa dati Kong trabaho, tatlong libo lang ang nakukuha ko buwanan pero nakaipon ako para sa pag-aaral ko sa susunod na pasukan. Malaki na hong pera ang mahigit pitong libo na maitatabi ko."
Muli siyang nagbaling sa tiyuhin "Pagkakataon ko na ito para makatulong sa inyo, Tiyo. 'Di ba, iyon naman ang gusto ninyo, ang masuklian ko ang pag-aalaga sa akin ni Tiya Helen?" Tumingin siya kay Helen. Nginitian niya ito at saka muling nagbaling kay Edward. "Sa iniwan kong trabaho, sarili ko lang at ang pag-aaral ko ang natutustusan ko. Sa bagong trabaho na papasukan ko, makakapagbigay na ako sa inyo. Kaya, Tiyo Edward, payagan na ho sana ninyo ako."
Nagbuntong hininga si Edward at tumango. "Sige."
Ngumiti si Maya sa labis na saya.
"Pero siguraduhin mo lang na tutupad ka sa usapan na magbibigay ka sa amin buwan-buwan, walang mintis."
"Opo, Tiyo. Asahan ninyo iyan."
"Ayusin mo lang, Maya."
Tumango siya.
Sa puntong iyon ay umakyat na si Edward at pumasok sa kwarto nila ni Helen. Sisipol sipol pa ito na halatang nasasabik sa mga mangyayari sa susunod na buwan.
"Maya," tawag ni Helen sa pamangkin. "Hindi mo naman kailangang gawin iyon."
"Kailangan ho, Tiya. Wala hong ibang paraan para mapapayag si Tiyo. Huwag na ho kayong mag-alala. Ang mahalaga, pumayag na siya." Ngumiti siya. "Alam n'yo ba ang sabi sa akin ni Sir Brad? Dadagdagan niya ang sahod ko kaagad pagkatapos ng isang buwan?"
"Talaga, anak?" natutuwang wika ni Helen.
"Kaya kailangan kong pagbutihin ang trabaho ko. Kailangan kong magpakitang gilas."
"Alam ko namang hindi mo ipapahiya ang sarili mo kay Brad, anak."
"Isa po, Tiya, ang cute cute ni Isabella. Doon pa lang, Tiya, solve na ako. Sa sobrang cute ng baby, hindi ko na mararamdaman na nagtatrabaho ako."
"Gusto kong makita ang batang iyon."
"Makikita n'yo rin siya isang araw, Tiya."
Ngumiti sila sa isa't isa.
Pagkatapos ng pag-uusap na iyon, pumanhik na si Maya sa kanyang kwarto upang ihanda ang kanyang mga gamit. Bukas, titira na siya sa bahay ni Brad. Hindi niya maiwasang kiligin. Sa edad na bente tres, ngayon lang siya kinilig sa isang lalaki.
Sigurado siyang hindi siya mahihirapan sa trabaho dahil kay Brad. Ngiti pa lang nito ay nakakapag-energize na ng kaluluwa. Nauunawaan na niya ang mga kaklase niyang babae noong high school sa tuwing makikita ang mga crush nito. Parang asong nauulol ang mga iyon. Kulang na lang, maihi sa palda sa sobrang kilig. Nandidiri pa nga siya noon dahil sa kung paano kumilos ang mga ito. Natural lang pala iyon. Gano'n pala ang kilig. Mababaliw ka pala talaga.
Isang beses niya lang nakita si Brad, hindi na siya nito pinatulog kinagabihan. Ano pa kaya kung makasama na niya ito sa isang bahay araw-araw? Baka magmukha na siyang kwago lalo na at night person pala si Brad.
Gagawin niya ang lahat para ma-impress si Brad. Buti na lang talaga at lumaki siyang maraming alam sa buhay. Maliban sa marunong siyang mag-aalaga ng bata, marunong din siya sa lahat ng gawaing bahay. Magagamit niya iyon para magpapansin kay Brad. Ipapakita niya rito na jackpot ito sa pagkuha sa kanya dahil isa siyang all around.
Pakiramdam naman niya ay walang masama sa nararamdaman niya para kay Brad. wala naman itong asawa. May anak na nga ito, pero hindi naman ito kasal. Wala siyang pakialam sa laki ng agwat ng edad nilang dalawa. Basta ang alam niya, gagawin niya ang lahat, mapansin lang siya ng kanyang crush.
Pero si Tyron. Paano siya? Bigla siyang inalihan ng pag-aalala. Tatlong taon na itong nanliligaw sa kanya. Humarap siya sa salamin at kinausap ang sarili.
"Malinaw naman sa kanya na wala akong gusto sa kanya. Ilang beses ko na siyang binasted. Makulit lang talaga siya. Kung may gusto man akong iba, wala na siyang magagawa. Hindi ako dapat makonsensya dahil wala naman akong responsibilidad na ibalik sa kanya ang feelings niya para sa akin. Wala na akong kasalanan kung umaasa siya sa akin. Siya lang naman ang nagpapaasa sa sarili niya."
Pero uncle niya si Brad...
Napayuko na lamang siya at napabuntong hininga.