"THANKS for the dinner, Jester. I had fun." Sabi ni Nancy Jane pagkahatid sa kanya nito sa bahay niya.
Ngumiti ito. "Sana mapag-isipan mo ang sinabi ko kanina." Anito.
"I will." Usal niya.
"Sige na, magpahinga ka na."
"Salamat ulit."
Tumango lamang ito. Hinatid niya ng tanaw ang lalaki hanggang sa makasakay ito ng kotse. Hindi pa man din nakakaandar ang kotse ni Jester ay nakuha na ang atensiyon niya nang paparating na magkapareha.
Daig pa niya ang paulit-ulit na minaso ang puso nang makilala niya kung sino ang mga ito. Bigla ay pinanikipan siya ng dibdib. Tila kinakapos siya ng paghinga. Si Justin at ang babaeng nakita niya na dumating sa opisina nito. At parang nauupos na kandila ang pakiramdam niya habang pinapanood niya ang dalawa habang sweet na sweet na naglalakad. Panaka-naka ay hinahalikan pa ng babae sa labi si Justin. That scenario was such a torture for her.
Ano pa bang ginagawa niya doon? Hindi ba dapat ay tumakbo na siya papasok ng bahay? Para hindi na niya makita pa ang mga susunod na eksena. Ngunit hindi niya magawang ihakbang kahit isa sa dalawang paa niya. Para siyang tinulos mula sa kinatatayuan. Masokista na nga yata siya.
Naramdaman na lang niya na sa nasa harapan niyang muli si Jester. Hinarang nito ang katawan nito upang kahit paano'y hindi niya makita pang lalo ang eksenang iyon.
"Hindi mo kailangan na pasakitan ang sarili mo, Nancy Jane." Anito. "Just say so, then, I'll help you forget him."
Natutop niya ang bibig at saka impit na napaiyak. Wala nang sasakit pa sa tagpong iyon. Bakit nga ba ang kulit ng puso niya? Heto sa harapan niya ang lalaking handa siyang ibigin at alam niyang aalagaan siya maging ang puso niya. Ngunit, bakit ang pangalan pa rin ng lalaking walang ginawa kung hindi ang saktan siya ang pilit na sinisigaw ng puso niya? Kung sana'y maaaring turuan ang puso. Kung sana'y ganoon lang kadali ang lahat. Baka masaya na sana siya ngayon.
Kanina sa restaurant kung saan siya dinala ni Jester. Naghayag ito ng pagkagusto sa kanya. Nagpaalam din ito na manliligaw sa kanya. Ngunit dahil may nagmamay-ari na ng puso niya. Tinapat niya ito para hindi na ito umasa pa. Pero masigasig ito at sinabi sa kanya na handa siya nitong hintayin.
"Are you okay?" nag-aalalang tanong nito.
"I'm okay," usal niya sa pagitan ng paghikbi.
"Siya ba?"
Tumango lamang siya.
"You want me to stay?"
Umiling siya bilang kasagutan.
"Are you sure?" paniniguro ni Jester. "I can stay longer if you want."
"Hindi na. Ayos lang ako." Tila nanghihinang sagot niya. "Thanks, anyway."
Matagal bago ito muling nagsalita. Narinig pa niya na bumuntong-hininga ito.
"Kung iyon ang gusto mo. Basta, kung may kailangan ka. Tawagan mo lang ako. Anytime." Anito.
Tumango lang siya. Hindi na siya nanatili pa doon sa labas. Agad na siyang pumasok sa loob ng bahay. Baka mamaya, makita na naman niya ang dalawa. Mas lalo lang siyang masasaktan. Parang hindi na niya kakayanin pa kung may sumunod na eksena pa siyang makikita.
"PARE, iinom mo lang 'yang problema mo." Sabi ni Jared, saka inabot nito ang isang bote ng beer kay Justin.
Walang imik na kinuha niya ang bote at agad niyang ininom iyon. Hindi niya alam kung ano na nga ba ang nangyayari sa kanya. Ang sabi ng mga 'pengkum' niyang kaibigan, ang gulo daw ng utak niya. Napabuntong-hininga siya. Mukhang sasang-ayon na nga siya sa mga ito. Dahil maging siya ay naguguluhan na rin sa kanyang sarili.
Dapat ay panindigan niya ang nauna niyang sinabi na wala na siyang pakialam kay Nancy Jane. Ngunit ano itong nangyayari sa kanya? Nang malaman niyang interesado si Jester sa dalaga. Nag-protesta ang puso niya. Naiinis siyang isipin na magkasama ang dalawa.
"Sabihin mo nga sa amin, Pare. Tutal tayo tayo lang naman ang nandito." Ani Darrel sa kanya.
Tiningnan niya isa-isa ang mga kaibigan niya. Ngayon lang din niya napansin na kumpleto pala sila.
"Teka, bakit tayo kumpleto ngayon? Anong meron?" kunot-noong tanong niya. Binalingan niya si Jared at Humphrey. "Kayong dalawa, wala ba kayong event sa abroad or exhibit?"
"Secret," nang-aasar na sagot ni Humphrey.
"Eh ano naman kung nandito kami ni Humphrey at kumpleto tayo. Ayaw mo ba, Pare? Sabihin mo lang, aalis na lang kami." Kunwa'y nagtatampong wika ni Jared.
Pabirong binato niya ito ng nadampot niyang Bermuda grass. "'Lol! Hindi bagay sa'yo!" sabi pa niya.
"Hoy, huwag mong bunutin 'yang Bermuda grass namin. Lagot ako kay Misis." Saway sa kanya ni Roy.
"Hoy Chua! Bilang ko 'yang Bermuda grass na 'yan. Babayaran mo 'yan!" biglang sigaw ni Panyang sa hindi kalayuan.
"Teka nga, balik nga tayo sa totoong dahilan ng inuman na ito." Sabi naman ni Ken. "Vanni, take over." Baling nito sa katabi.
"Pare, ano ba talaga ang totoong feelings mo kay Nancy Jane?" tanong naman ni Vanni sa kanya.
Natuon ang atensiyon ng lahat sa kanya.
"Ha? Ako ba?" gulat niyang tanong, tinuro pa niya ang sarili.
"Hindi, hindi pare... Siya, siya." Pamimilosopo ni Vanni saka tinuro ang katabi nito. "Si Nancy Jane nga, 'di ba?"
Nagtawanan ang mga kaibigan niya. Napakamot siya ng ulo.
"Pambihira naman! Malay ko bang ako ang dahilan ng inuman na 'to." Aniya.
"Eh ano nga kasi? Naguguluhan kami sa'yo eh. Noong una sabi mo, wala ka ng pakialam sa kanya." Ani Victor. "But the way I see you now, you looked like a jealous boyfriend."
Justin breathes out. He felt the same way.
"Umamin ka nga sa amin, nagseselos ka ba?" seryosong tanong ni Leo.
Pilit na naghagilap ang isip niya ng maisasagot o maidadahilan. Pero nanatiling blangko iyon. Wala siyang nagawa kung hindi ang magkibit-balikat.
"I really don't know, dude." Sagot niya.
"Ang gulo mo," napapailing na wika ni Leo. "Kung mahal mo si Nancy Jane, sabihin mo na agad. Before it's too late."
"Leo is right. Bago pa siya tuluyang makuha ni Jester. He is a good guy. Hindi imposibleng mahulog ang loob ni Nancy Jane dito. You have to do something, Pare." Dagdag pa ni Dingdong.
"Or kung kaya mong panindigan ang sinabi mo. Huwag mo na lang siyang pakialaman sa buhay niya. Hayaan mong hanapin niya ang lalaking mamahalin siya at hindi siya sasaktan." Humphrey.
Napaisip siya ng labis sa sinabi ng mga kaibigan niya. Alam niyang hindi lang si Nancy Jane ang babae sa mundo. Mas marami pang mas hihigit dito kung tutuusin. Pero bakit ganoon na lang ang pagtanggi ng puso at isip niya sa ideyang iyon? Naroon ang kagustuhan niya na tanging sa kanyang lang nababagay si Nancy Jane.
Kailan ka pa naging makasarili, Justin? Baka naman mahal mo pa rin si
Nancy Jane? Lihim na panunudyo ng isip niya sa kanya.
Napakurap siya nang maramdaman niyang may tumapik sa braso niya. Si Roy ang bumungad sa kanya.
"Pare, one piece of advice. You better decide now, or you'll lose her for the rest of your life. Ikaw rin, baka pagsisihan mo."
Tinapik din niya ng mabilis sa braso nito. Lihim siyang nagpasalamat sa Panginoon para sa kanyang mga kaibigan. Simula pagkabata ay magkakasama na sila. Ito ang mga naging sandigan niya nang biglang umalis si Nancy Jane at iwan siya. At sa mga ganitong pagkakataon, napapatunayan nila sa isa't isa ang solido nilang pagkakaibigan.
NAGLALAKAD si Nancy Jane sa lobby ng Skyland Hotel. Katatapos lang ng board meeting nila. Maganda ang lagay ng investment nila, ayon na rin sa report ng pamunuan ng Hotel. Ibig sabihin ay nasa mabuting kalagayan ang stocks na pinamana ng Lolo niya sa kanya. And she must admit, the credit goes to the sole owner.
Maganda ang pagpapatakbo ni Justin sa Hotel. Isang bagay na labis din niyang hinangaan dito. She knew he would be a great leader. Noon pa man ay magaling na itong mamuno. Natatandaan niya, simula first year highschool hanggang fourth year ay lagi itong Class President. Kaya hindi na kataka-taka kung malayo ang narating nito.
"Mukhang malalim ang iniisip mo ah."
Bago pa niya makilala kung sino ang nagsalita ay bumangga na siya sa isang matipunong dibdib. At kung hindi siya naalalayan nito sa likod niya, malamang na bumagsak siya sa tiled floor ng lobby ng hotel.
"Ouch!" daing niya.
"Tama nga ako, wala ka nga sa sarili mo." Sabi pa nito.
Agad na bumilis ang pintig ng puso niya. Kilala niya kung sino ang may-ari ng baritonong tinig na iyon, na mala-musika ang dating sa kanyang pandinig.
"Justin," wala sa loob na sambit niya sa pangalan nito.
"Bakit ba iba ang dating sa akin kapag ikaw ang bumabanggit sa pangalan ko?" sabi pa nito. "A music to my ear."
Nag-angat siya ng ulo. Isang bagay na sana ay hindi na lang niya ginawa. Dahil ng magtama ang mga mata nila, daig pa niya ang nahipnotismo. She missed being this close with him. Iyong tipong halos isang dangkal na lamang ang layo ng mukha nito sa kanya.
Bigla niyang naisip kung kailan nga ba niya huling napagmasdan ito ng malapitan. Matagal na rin pala. Kung puwede lang na hilingin sa langit na sana'y huwag na lang matapos ang sandaling iyon.
Matapos niyang makita ito kasama ang ibang babae. Nakaramdam siya ng matinding selos. Kasabay niyon, ay ang munting hiling niya na sana'y siya na lang ang nasa posisyon ng babae. Noon lang din niya inamin sa sarili na sa loob ng mahabang panahon na napahiwalay siya dito. Inakala niya noon na limot na niya ang pag-ibig para dito. May mga naging ka-relasyon pa siya noong nasa America siya. Ngunit wala kahit isa man sa mga iyon ang minahal niya ng labis gaya ng pagmamahal niya para kay Justin.
At ngayon nga, inaamin na niya sa kanyang sarili. At sa Diyos na mismo. Mahal pa rin niya si Justin Karl Chua. At hindi kailan man iyon naglaho. Nagtago lang pala ang pagmamahal na iyon sa isang sulok ng kanyang puso.
"Natulala ka na diyan," wika nito.
Iyon ang nagpabalik sa kanyang kamalayan. Napakurap. Saka niya naalala na halos magkayakap na sila nito. Para siyang napaso na bahagya itong naitulak palayo sa kanya.
"O? Bakit? Sinabi ko lang na natulala ka diyan eh."
"Ah... Pasensiya ka na. A-Ano nga ulit 'yong sinasabi mo?" maang niyang tanong.
Nangingiti ito habang napapailing. Bahagya pa siyang nagulat nang bigla nitong hipuin ang noo niya ng isang palad nito.
"You looked puzzled. Are you sure you're okay? Wala ka naman lagnat." Sabi nito.
"A-Ayos lang ako." Kandabulol niyang sagot.
"No. You're not okay. Siguro hindi ka pa kumakain ng lunch. Kanina pa kita napapansin habang nasa meeting tayo. Namumutla ka." Anito.
Wala sa loob na napahawak siya sa magkabilang pisngi niya. "Ako? Namumutla?"
Tumango ito. Nagulat siya ng bigla nitong hawakan ang isang kamay niya at hilahin siya pabalik ng elevator.
"Teka lang, saan mo ba ako dadalhin?" tanong niya habang lumilingon sa paligid.
Paano ba naman kasi, nagsisimula na silang tingnan ng mga tao doon. Mga guests ng hotel, mas lalo na ang mga empleyado at pawang mga nakatingin ang mga ito sa mga kamay nilang magkahawak.
"Justin, pinagtitinginan tayo ng mga tao," bulong niya dito.
"Eh ano!" sagot lamang nito habang nakangiti. "Hayaan mo sila. I owned this hotel. I rule over these people. Gagawin kong lahat ng gusto ko dito at hahawakan ko ang kamay mo kahit kailan ko gusto."
Napatulala siya sa huling sinabi nito. Ano daw 'yon? Pero sa kabila ng lahat ng kaba. Tumatalon naman ang puso niya sa sobrang saya.
Kaya sino ba siya para tumanggi sa ganitong grasya? Kaya samantalahin na niya hangga't narito pa ang pagkakataon.
Pagdating nila sa loob ng Restaurant na nasa second floor lang ng hotel. Muli na naman nilang nakuha ang atensiyon ng mga tao pagpasok pa lang nila ng entrance door.
Sinubukan niyang bawiin ang kamay mula sa pagkakahawak ni Justin. Ngunit nabigo lang siya, mas lalo lang nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay niya. Ang mesa na nasa tagong bahagi ng restaurant ang pinili nito. Saka pa lang siya nakahinga ng maayos nang bitiwan na siya nito.
"Give us the Chef's Special." Anito sa waiter paglapit nito.
"Justin, I'm okay." Wika niya, habang patingin-tingin sa paligid. May ilang mga tao sa loob ng restaurant na lumilingon sa kanila.
"Bakit ka ba linga ng linga?" kunot-noong tanong nito.
"Naiilang kasi ako sa mga tao. Tinitingnan tayo." Sagot niya.
"Huwag mo na lang sila pansinin."
"Paano kung makarating sa girlfriend mo? Ayoko ng gulo." tanong niya.
Hindi ito nakaimik. Bigla ay tila kay lalim ng iniisip nito.
"Wala naman sigurong masama sa ginagawa natin. Besides, we're just having lunch." Depensa naman nito.
"Alam ko. Kaya lang alam mo rin naman ang mga tao. Nag-iingat lang ako."
"Tama ba ang nakikita ko? The two of you in one table. Tahimik at hindi nagbabangayan."
Paglingon nila ay isang nakangising Vanni ang naglalakad palapit sa kanila. Nakasuot ito ng Chef's Uniform. Nabasa din niya ang katagang 'Executive Chef' sa may bandang dibdib nito.
"Rio Vanni," aniya. "Executive Chef? Kailan pa?"
Nagkibit-balikat lang ito. "Just a few weeks ago." Sagot nito. "Eh kayong dalawa, himala yata at tahimik kayo."
Pabirong inirapan niya ito. "Ano naman palagay mo sa amin? War freak?"
"Hindi naman. Pero, malapit na."
"Tse!"
Nag-peace sign ito. Pagakatapos ay binalingan naman nito ang biglang nanahimik na si Justin.
"Ano Pare?"
"Magluto ka na doon sa loob. Chef's Special ha?" pagtataboy pa nito kay Vanni.
"Okay. Okay! I'll go. Mukhang nakakaistorbo ako sa date n'yo." Sabi pa ng huli habang naglalakad palayo. Pero tumigil pa ito sa gitna at muli silang nilingon.
"Alam mo, Dude. Intsik ka nga. Sa tanghaling tapat ka kung manligaw." Pang-aasar pa nito.
Dinampot nito ang isang tinidor na nakapatong doon sa ibabaw ng mesa at binato iyon kay Vanni. Nakailag naman ang huli.
"Layas na!" natatawang sabi ni Justin sa una.
"Kahit kailan talaga, ang lakas mang-asar ng taong 'yan!" aniya.
"Huwag mo ng pansinin ang isang 'yon. Napa-praning na 'yan. Lalo na ng naging sila ni Madi. Lalong nabaliw." Kuwento pa nito.
"He must be really in love with her." Komento naman niya habang nai-imagine niya ang dalawa.
"Right. At ayokong matulad sa kanya."
Nakadama siya na konting kirot sa kanyang dibdib pagkatapos niyang marinig iyon.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong niya.
"Ayokong main-love. Nakita ko kung paano nasaktan ang mga kaibigan ko bago sila naging masaya. Ayokong maranasan na masaktan ulit." Wala sa loob na sagot nito, habang tila nakatulala ito sa kawalan.
"Justin."
Doon lang ito natauhan.
"Okay ka lang?" nag-aalalang tanong niya dito.
"Oo naman. Ikaw nga itong hindi okay eh." Mabilis na sagot nito habang pilit na pinapasigla ang boses. "Bakit nga ba namumutla ka?" pag-iiba nito sa usapan.
Nagkibit-balikat siya. "Hindi ko alam. Baka siguro sa kakapuyat ko." Sabi naman niya.
"Ano ba kasing ginagawa mo sa bahay mo at napupuyat ka?" tanong nito na may halong panenermon.
"Teka nga, kung maka-sermon ka naman. Hindi lang talaga ako sanay na matulog ng maaga." Depensa naman niya sa sarili. Kahit na ang totoong dahilan ay napupuyat siya madalas dahil sa kakaisip dito. Pero siyempre, hindi na niya sinabi iyon. Sa kanya na lang iyon.
Ilang sandali pa ay dumating na ang inorder nito. Hindi siya nagugutom kanina nang hilahin siya ni Justin doon. Ngunit nang makita niya ang masarap na pagkain sa harapan niya ay biglang kumalam ang sikmura niya. Nang sulyapan niya ang oras ay pasado ala-una na pala.
Steak, Vegetables with rice and red ice tea ang nakahain ngayon sa harapan niya. It's her favorite. Napatingin siya kay Justin. Kung ganoon, alam pa rin nito ang paborito niyang pagkain.
"That's medium rare, gaya ng palagi mo noon ino-order." Sabi pa nito.
"You still remember?" hindi makapaniwalang tanong niya.
"Yeah. May mga bagay na mahirap kalimutan." Makahulugang sagot nito.
Gaya ng hindi ko paglimot ng pagmamahal ko sa'yo...
Kaysarap sanang isa-tinig ang mga katagang iyon. Kaya lamang ay hindi na maaari. Hindi nga ba't kasasabi lang nito na ayaw na nitong magmahal. Masakit man ay kailangan niyang tanggapin ang lahat. Na hindi sila ang para sa isa't isa. Na kahit kailan, mananatiling pangarap na lamang na mahalin din siya ng isang Justin Karl Chua.