Chapter Seven

2585 Words
"MUKHANG maganda ang gising mo ngayon ah?" puna ni Allie kay Nancy Jane. "Ha?" Wala sa sariling napalingon siya sa katabi niya. Makahulugan ang ngiti nito. Parang may nais itong sabihin. "Malala ka na, alam mo ba 'yon?" ani Myca. "Paanong malala?" naguguluhang tanong niya. Hindi niya makuha ang ibig sabihin ng dalawang ito. "Wala lang. Madalas ka kasing tulala nitong mga nakaraang araw. Pero iba ang aura mo ngayon. Ang ganda ng ngiti mo eh." Paliwanag ni Adelle. Bumuntong-hininga siya saka umiling. Isa-isa pa niyang tinuro ang tatlong kasama niya. "Kayo ngang tatlo eh, tigilan nga ninyo ako. May gusto na naman kayong tumbukin." Saway niya sa mga ito. Naghagikgikan lang ang mga ito saka nag-high five pa. "Sali ako sa usapan!" sigaw naman ni Madi na mabilis pang naglalakad palapit sa kanila. Naroon kasi sila sa loob ng Rio's Finest. Naisipan niyang doon na lang mag-breakfast ng umagang iyon. Tiyempo naman na naabutan niya ang tatlo doon na kumakain din kaya naki-share na lang siya ng mesa sa mga ito. "Hmmm! Amoy kusina ka!" pabirong reklamo naman ni Adelle sabay takip sa ilong nito. "Malamang, amoy kusina ako! Ang masama kung mag-amoy banyo ako tapos sa kusina ako nanggaling." Ganting sagot naman ni Madi. "Echosera!" "Pengkum!" pang-aasar pang lalo ni Adelle. "Ambot!" "Hoy! Manahimik nga kayong dalawang mahadera!" saway ni Allie sa dalawa. Nag-ngisian lang sina Madi at Adelle, bago nag-beso pa. "Good Morning, Labandera!" bati ni Madi dito. "Good Morning, Kusinera!" sagot naman ni Adelle. Napailing siya. "Ang kulit n'yong dalawa! Buti hindi nakukunsumi sina Jared at Vanni sa inyong dalawa." Wika niya. "Naku, Nancy Jane. Malapit na." sabad naman ng bagong dating na si Panyang. "Kung ang mga jowa namin malapit na. Ano pa kaya si Roy?" pang-aasar naman ni Madi sa huli. "Tama!" sang-ayon ni Adelle. "Ako na magsasabi. Promise! Immune na 'yon sa akin!" sagot ni Panyang. Napuno ng tawanan ang buong Rio's. "Oh mga kagandahan, coffee," Sabi naman ni Abby. Bitbit nito ang isang tray na may ilang tasa ng kape. "Thanks Abby," aniya dito. "No thanks," tanggi naman ni Panyang. "Bawal daw sabi ng doctor." "Oo nga pala, jontis ka!" si Myca. "Girls! Smile!" Anang bagong dating na si Lady. Hawak nito ang professional camera na hula niya ay pag-aari ni Humphrey. Nagkanya-kanya silang pose. Matapos ang ilang shots. Nakisali ito sa mesa nila. "Nahawa ka na ng pagiging paparazzi ng boyfriend mo." Sabi ni Allie dito. "Siyempre, ganoon talaga kapag mahal mo." Sagot naman nito. "Uy teka, may nasagap akong chika. May nakita daw na magandang tanawin sa Skyland Hotel kahapon." Sabi ni Madi. May kung anong kaba ang biglang sumipa sa dibdib ni Nancy Jane. Sigurado niyang sila ni Justin ang tinutukoy nito. Naku Rio Vanni! Tsismoso ka talaga! Nanggigigil na sabi niya sa isip niya. Nagkunwari siyang walang alam. Nanatili lang siyang tahimik. "Anong klaseng tanawin?" curious na tanong ni Lady. "Sabi ng honey ko, nakita daw niya na magka-date ang isang mortal na magkaaway." Sagot naman ni Madi. Dumako ang tingin ng lahat sa kanya. "O? Bakit sa akin kayo lahat nakatingin?" maang niyang tanong. "Weh! Huwag ka ngang echoserang froglet diyan!" ani Madi. "Aha! Kaya pala ang ganda ng ngiti mo kanina ha?" panunudyo pa ni Allie sa kanya. "Uy wait lang, Sali kami ni Chinchin sa chikahan sa Rio's." sabad naman ni Chacha. Tulak nito ang stroller kung saan nakasakay ang tahimik at cute na baby. "Hi Baby," bati niya kay Chinchin. "Ang mga Ninang mo, napaka-tsismosa talaga. Huwag kang gagaya sa kanila ha? Bad 'yon! Lalo na sa Tita mo. Kapag dumadating siya always close your eyes." Sa halip ay pagkausap pa niya sa walang muwang na bata. Ngumiti si Chinchin sa kanya. "See? Pati bata ay sinasang-ayunan ako." Sabi pa niya. "Pati bata dinadamay mo." Sabi ni Panyang. "Sagutin mo na lang kasi ang tinatanong ni Madi." "Anong tanong? Wala naman tinatanong eh." Sabi pa niya. "Kailan pa kayo nagkasundo ni Justin?" tanong ni Madi. "Nagkasundo? Hindi ko nga alam kung magkasundo na kami." Sagot naman niya. "Eh kung hindi pa, bakit kayo magka-date kahapon?" tanong naman ni Panyang. "Hindi planado 'yon. Pauwi na nga ako nang magkita kami sa lobby. Bigla na lang niya akong hinila sa restaurant, kasi daw namumutla ako." Paliwanag naman niya. "Naks! Concern ang lolo ko." Kinikilig na komento ni Abby. "But at least, that's the start." Nakangiti wika ni Chacha. "I hope so. Kasi sa totoo lang, nakakapagod na ang palagi na lang kaming nag-aaway." "Tama!" sang-ayon ni Lady. Nabaling ang atensiyon nilang lahat ng tumunog ang wind chime na nakasabit sa entrance door ng Rio's. "Good Morning Ladies!" masiglang bati ni Justin. "Ayos ah! Mukhang napanaginipan n'yong dalawa ang isa't isa." Panunudyo pa ni Adelle sa kanila. "Nancy Jane, halika bilis! May gagawin tayo!" anito sabay hawak sa isang kamay niya at hila sa kanya palabas. "Uy teka, umagang umaga ha!" sigaw pa ni Panyang. Hindi na siya nakapag-react sa sinabi ng huli. Mas abala siya sa pagpapakalma ng puso niya. Dahil nang oras na maglapat ang balat nila. Labis na kaba ang dinulot niyon sa kanya. Pagdating nila sa labas ng restaurant ay tumambad sa kanya ang isang bike na nakaparada. "Ano 'yan?" nagtatakang tanong niya. "Barko siya 'teh! Barko!" pagbibiro pa ni Adelle. Sumunod pala ang mga ito sa kanila. "Bike." Simpleng sagot ni Justin. "Oo alam ko, bike 'yan. Kaya lang, bakit may bike dito?" tanong niya. "Kasi, tititigan mo siya hanggang sa kusa siyang umandar!" pang-aasar pang sabad ni Madi. "Magba-bike tayo!" ani Justin. "What?!" gulat niyang tanong. "Hindi ako marunong mag-bike!" "Alam ko. Kahit kailan naman hindi ka natutong mag-bike eh." Nilukutan niya ito ng ilong at nanulis ang nguso niya. Natatandaan pa nga niya, bata pa lang sila ay matiyaga siya nitong tinuturuang mag-bike. Ang kaso'y hindi talaga niya magawang matuto. Palagi na lang siyang nababalibag. Kaya ang ending niya, palagi siyang nasusugatan sa tuhod o sa binti. "Ayoko nga!" mariin niyang tanggi. "Subukan lang natin." Anito. "Ayaw!" "Hindi kita bibitawan." Pangungumbinsi pa nito. "Ayoko nga eh!" Humarap ito sa kanya at maingat na ginagap nito ang mukha niya ng dalawang palad nito. "Promise! I won't let you go this time." Diretso sa matang wika nito. May kung anong humaplos sa puso niya matapos niyang marinig ang mga sinabi nitong iyon. Bakit parang may ibang kahulugan ang sinabi nito? Tila ba hindi lang tungkol iyon sa pagsakay sa bisikleta. May mas malalim pang ibig sabihin ang mga salitang iyon. At tumagos lahat ng iyon sa puso niya. "Ayyyy! Ang sweet naman!!!" sabay-sabay na sabi ng mga kaibigan nilang babae. Mabilis pa sa kidlat silang naghiwalay na dalawa. Kapwa sila tumingin sa magkaibang direksiyon. Base sa nararamdaman niyang pag-iinit ng mukha niya. Alam niyang nagba-blush na siya. Pilit niyang pinakalma ang sarili. Dahil naghuhurumentado na naman ang puso niya. Bakit ba ganito pa rin kalakas ang dating mo sa akin? Bakit ba kahit nasasaktan na ako, ikaw pa rin ang mahal ko? Nagulat pa siya ng hilahin na naman siya nito sa kamay at pilit na pinasakay sa bisikleta. "Uy teka lang, huwag kang aalis sa likod ko ha?" kinakabahang sabi niya dito. Takot talaga siyang sumakay sa bisikleta. Ayaw na kasi niyang masugatan ulit. "Oo. Nandito lang ako." Habang nakasakay siya sa bisikleta ay hindi niya maiwasan ang panginginig ng tuhod. Ilang taon na rin ang nakakalipas simula ng huli niyang subukan na sumakay ulit doon. Nang apakan na niya ang pedal at paandarin na iyon ay agad siyang lumingon kung nandoon pa rin si Justin sa likuran niya. Ngumiti ito sa kanya. "Don't worry, hawak kita." Sabi lang nito. Napanatag siya. Pakiramdam niya ay hindi na ito mawawala pa sa kanya. Hanggang sa hindi na niya namamalayan na siya na malayo na ang nararating niya. Nagulat na lang siya paglingon niya ay kasabay na niya si Justin. Tumatakbo ito at hinahabol siya. Noon lang niya napansin na hindi na pala nito hawak ang bisikleta. Agad siyang nakadama ng takot at bigla na naman nangatog ang tuhod niya. Kaya gumewang-gewang ang bisikleta. Napatili siya dahil ano mang oras ay babalabag siya at siguradong hahalik ang mukha niya sa semento. Nang maramdaman na niya ang pagbagsak ay agad siyang pumikit. Hinintay niyang saluhin ng semento ang katawan niya. Ngunit parang bumagsak siya sa kung saan. Agad siyang dumilat. Nahigit niya ang paghinga ng makitang nasa ibabaw pala siya ni Justin. Kung ganoon, nasalo pala siya nito ng bumagsak siya. Pakiramdam niya ay paninikipan siya ng dibdib, kasabay niyon ay ang tripleng pagtibok ng kanyang puso. Paano ba naman hindi? Their faces were now an inch apart. Isang maling galaw ng kahit na isa sa kanila ay siguradong maglalapat ang mga labi nila. "A-Are y-you okay?" nauutal na tanong ni Justin sa kanya. Tumikhim siya saka alanganing napangiti. Tumango siya. "O-oo," usal niya. Nang subukan na niyang tumayo ay napahiyaw siya ng sumigid ang kirot na nagmula sa kanyang binti. Paglingon niya ay may sugat siya sa isang binti niya, galing sa kadena ng bisikleta. Agad siyang dinaluhan nito. Tumayo ito at inalis ang pagkakadagan ng bisikleta sa bandang hita niya. "May sugat ka." Anito. "O-okay lang ako. Maliit lang 'yan. Kayang-kaya ko na 'yan!" sabi pa niya. "No. Kasalanan ko 'to. Kung hindi ko pinilit na mag-bike ka baka hindi ka nadisgrasya ng ganito."  "Justin, ano ka ba? Konting sugat lang 'yan." Mayamaya ay natawa ito. "Ano naman ang nakakatawa ngayon?" nagtatakang tanong niya. "Wala naman. Naalala ko lang kasi noon, kapag tinuturuan kita mag-bike tapos nababalibag ka. Umiiyak ka lalo na kapag may sugat ka." Natatawa pa ring kuwento nito. "Ah ganoon, hinihintay mo siguro akong umiyak ano?" nakapameywang pang sabi niya. Nagkibit-balikat ito. "Hindi naman," anito. "Ewan! Hinihintay mong umiyak ako eh." Panghuhula pa niya. "Hindi ah!" natatawang tanggi nito. Hinamapas pa niya ito sa braso habang pinipigilan ang pagtawa. "What a nice view," anang isang boses ng babae. Pareho silang napalingon. Nakita nila nakatayo sa hindi kalayuan ang babaeng nakikita niyang laging kasama ni Justin. Hanggang ngayon ay hindi niya alam ang pangalan nito, at wala siyang balak na alamin pa iyon. "What are you doing here?" tanong ni Justin dito. Hindi na nito nagawa pang alalayan siyang tumayo dahil nilapitan na nito ang bagong dating. "Should I be the one asking you? What the hell was that?" mataray na tanong nito. "Are you cheating on me?" galit na tanong ulit nito. Hindi na niya namalayan na lumapit sa kanya si Panyang, Madi at Adelle. Ang mga ito ang nag-alalay sa kanya sa pagtayo. Nakasimangot na tiningnan siya ng babae simula ulo hanggang paa. Mas matangkad ito sa kanya. "And you," baling nito sa kanya. "In case you don't know me. Magpapakilala ako. My name's George, and I'm Justin's girlfriend. Kung ako sa'yo, kakalimutan ko na ang plano kong lumandi sa boyfriend ng may boyfriend. Ang lakas naman ng loob mong agawin si Justin sa akin. Bakit? Sino ka ba? b***h!" Nagkatinginan silang apat. Ang tatlong kasama niya ay halos lumagpas ang mga kilay sa mga noo nito. "Teka nga, excuse lang ano? Ateng may katabilan ang dila. Makasingit lang sa usapan." Sabad ni Panyang sa usapan. "I'm not talking to you!" singhal nito sa huli. Piningkitan si Panyang ng mata. "George ba ikamo ang pangalan mo? Tamang-tama! Ikaw pala 'yung kanina ko pa hinihintay ang hihigop ng pozo n***o sa bahay! Halika na at barado 'yung inidoro namin eh!" nanggigigil na tungayaw nito kay George. "Bagay na bagay ka doon. Kasing baho ng ugali mo ang lalabas doon!" "Sino ka ba? I said I'm not talking to you!" sigaw na naman nito. "Bakit?! Kinakausap ka din ba namin kanina bago ka magkalat ng kasamaan ng ugali mo dito?!" sigaw din ni Adelle dito. "Justin, puwede ba? Ilayo mo 'tong mahaderang hitad na syota mo sa amin. Tatadyakan ko 'yan!" nanggigigil din sabi ni Madi. Mukha naman natakot ang babae dahil bahagya itong napaatras. Samantalang siya, nanatiling tahimik habang ang mga kaibigan niya ay pinagtatanggol siya. "Sa susunod na susugod ka dito at iinsultuhin mo ang kaibigan ko! Mag-isip ka muna! Dahil kayang-kaya kitang itapon sa basurahan kahit na buntis ako! Pasalamat ka at wala kami sa mood makipag-away ngayon, dahil kung hindi kanina ka pa may kinalagyan dito, pati 'yang nguso mo!" banta pa ni Panyang. "Justin," ani Madi. "Kung puwede lang, huwag mo nang dadalhin dito sa Tanangco 'yang babaeng 'yan!" "Let's go!" sigaw ni Justin sa babae sabay hila dito. "Aray ko! Let me go!" hiyaw ng babae habang pumapalag sa mahigpit na pagkakakapit nito. Tinanaw ni Nancy Jane ang dalawa habang papalayo ang mga ito. She felt the insecurity in her arises. Mas magandang hindi hamak sa kanya si George. Wala siyang sinabi sa ganda nito. His kind of girl. At wala siya sa criteria nito. Kumbaga, kapag itinabi siya kay George. Baka magmukha siyang yaya ng babae. Sabagay, mataba siya noon. At kung hindi siya nagpursigeng mag-exercise at mag-work out, baka hanggang ngayon ay lumba-lumba pa rin siya. Tumulo ang luha mula sa mga mata niya. Ang ibig bang sabihin ng nangyari na iyon ay isang senyales na hindi sila talaga para sa isa't isa. "Girl..." Napalingon siya. Ang mga nakangiting mukha ng mga kaibigan niya ang bumungad sa kanya. "Huwag mo nang intindihin ang mahaderang 'yon!" sabi pa ni Adelle sa kanya. "Right. Maputi lang 'yon at mapula nguso pero mas maganda ka doon." Sabi pa ni Panyang. "Oo naman ano! Kelan pa naging maganda ang mukhang inidoro?" mataray pang komento ni Madi. "Halika na nga muna sa bahay, gamutin natin 'yang sugat mo." Habang naglalakad. "Nancy Jane, hanggang kailan ka ba ganyan? Simula noon hanggang ngayon, kapag may umaaway sa'yo ng dahil kay Justin. Lagi kang hindi kumikibo. Lagi kang walang imik. Lumaban ka naman. Matuto kang ipaglaban ang sarili mo at ang nararamdaman mo." Payo sa kanya ni Panyang. Maang siyang napatingin dito. "Paanong...?" "Matagal ko nang alam na may nararamdamam ka para kay Justin. At hindi ko nga ma-imagine kung paano mo nakaya na itago 'yon ng mahigit sampung taon." Sabi pa nito. "Hindi ko alam," umiiyak pa ring tugon niya. "Pakiramdam ko kasi, hindi kami bagay. Look at him now. Eh ako? Isang hamak na matabang babae na kung hindi nag-work out, baka lumba-lumba na ngayon." Napailing ang tatlo. "Eh ikaw naman pala ang problema. Masyado kang insecure eh!" sabi pa ni Adelle. "Iyon din ba ang dahilan kung bakit ka umalis?" tanong ni Madi. Umiling siya. "Iba naman 'yon. Totoo ang sinabi ko sa kanya noon. Kaya ako umalis ay dahil sa kagustuhan ng Daddy ko." "Hay naku, You two really need to talk. Marami kayong mga bagay na dapat pag-usapan na pinaghintay ninyo ng mahigit isang dekada." Sabi ni Panyang. "Paano n'yo natiis 'yon?" Pagdating sa bahay ni Madi ay agad nitong kinuha ang bulak, betadine at band aid. Ginamot nito ang sugat niya. "You look good together." Sabi ni Adelle. "Yeah. Just give yourselves a chance to talk." Dagdag naman ni Panyang. "Hindi ko alam. He just said ayaw na niyang magmahal. Dahil ayaw niyang masaktan. Alam kong hanggang ngayon ay may tinatago pa rin siyang galit dahil sa pag-iwan ko sa kanya noon." Paliwanag naman niya. Hindi na nagsalita pa ang mga ito. Hindi na naman niya napigilan ang mga luha niya sa pagbagsak. Hanggang kailan ba siya masasaktan? Kailan ba niya mararamdaman ang pagmamahal ng lalaking matagal ng laman ng kanyang mga pangarap? Ang tanging gusto lang naman niya ay maging masay. Kapiling ang lalaking tanging makakapagpasaya sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD