Prolouge
“AJ! Umayos ka nga sa paglalakad mo,” sita ni Gabby sa kaibigan nang makalabas sila ng bar.
"Maayos naman akong naglalakad eh," ani naman ni AJ sa kaibigan.
"Hindi ba’t hindi alam ng mga magulang mong umiinom ka pero ba’t naparami ka ng inom?
“Mabuti na lang, wala tayong pasok bukas dahil holiday,” sermon ni Gabby sa lasing na kaibigan.
Umayos naman ng tayo si AJ at inayos ang kan’yang sarili.
"Gabby, baka may kendi ka diyan?” tanong si AJ.
"Para saan naman ang kending hinihingi mo?" tanong ni Gabby sa kaibigan.
"Para hindi mangamoy alak bibig ko. At pahingi na rin ako ng pabango mo,” panghihingi ni AJ.
Napailing na lang si Gabby sa kan’yang kaibigan. Ngunit habang naglalakad sila patungo sa sakayan ng dyip ay biglang napaupo sa gitna ng daan si AJ.
"Uy, ayos ka lang ba? Tumayo ka diyan,” nag-aalalang tanong ni Gabby bago niya tinulungang tumayo si AJ.
"Medyo nahihilo lang ako pero salamat," sagot ni AJ.
Ini-abot naman ni Gabby sa kan’ya ang isang mineral water.
May napansin naman si Gabby na isang 24/7 na restaurant, kung kaya't inaya niya si AJ na kumain muna sila bago umuwi.
"May gusto ka bang kainin?" tanong ni Gabby kay AJ.
"Ikaw na ang bahalang pumili,” mahinang sagot ni AJ.
Iniwan muna saglit ni Gabby si AJ at umorder ng pagkain para sa kanilang dalawa.
Habang umu-order palang si Gabby ng pagkain ay biglang napaangat si AJ sa kadahilanang sumakit ang kan’yang sikmura at naduduwal siya.
Tumayo si AJ at nilapitan ang lalaking kumakain sa katabi nitong lamesa.
"Puwede pong magtanong?” garagal na tanong ni AJ sa lalaki.
Tumango naman ang lalaki.
“Saan po banda ‘yong restroom?" tanong ni AJ sa lalaki.
“Dumiretso ka lamang pagkatapos ay kumanan ka,” sagot ng lalaking customer.
Hindi na nag-atubiling pasalamatan ni AJ 'yong lalaki at dali-daling nagtungo sa banyo. Ngunit sa kamalasan ay maling banyo ang kan’yang napasukan, banyo ng mga lalaki.
"Sa kabila 'yong restroom ng mga babae,” sita ng isang lalaki.
"Bakit may babae rito?!" galit namang sigaw ng isa pang lalaking katatapos lamang umihi.
Pero hindi pinansin ni AJ ang mga sitang 'yon dahil lumalabo ang kan’yang paningin at naduduwal siya. Kung kaya’t nagmadali siyang pumasok sa malapit sa kan’yang cubicle pero may umiihi roong lalaki.
"S**t! Who the hell are you?!" gulat na sigaw sa kan’ya ng lalaki.
Pero 'tila walang narinig si AJ at tinulak palayo ang lalaki at walang ano-ano ay sumuka siya sa may bowl. Pumasok naman ang isa pang lalaki sa cubicle.
"Chef Matt? Ayos ka lang b--- P**a! Ba't may babae rito?"
Nagulat ang kapapasok na lalaki at nagtatakang napatingin sa lalaking tinawag niyang Chef Matt.
"I don't know her,” saad ni Chef Matt. “Bigla na lamang siyang pumasok dito at tinulak ako para sumuka."
Nagulat naman ang dalawang lalaki nang biglang tumayo si AJ at tumingin sa kanila nang blanko. Ngunit maya-maya ay bigla siyang natumba pero kaagad din naman siyang nasalo ni Chef Matt.
Gustong imulat ni AJ ang kan’yang mga mata pero nanghihina siya at sumasakit ang kan’yang ulo. Hindi niya rin alam kung anong nangyayari sa paligid niya.
“Gusto ko nang umuwi,” mahinang saad ni AJ.
"Paano na 'yan Chef Matt? Hinimatay na 'ata siya. Wala ba siyang kasama?" tanong ng lalaking kasama ni Chef Matt.
Hindi na pinansin ng Chef ang tanong ng kasama at nagmamadaling lumabas ng restaurant.
"Sa’n mo 'ko dadalhin? Sino ka? Asan si Gabby?" nanghihinang bulong ni AJ sa lalaki pero hindi siya pinansin nito.
Walang lakas si AJ kaya hindi niya rin alam kung nasaan siya at kung anong nangyayari sa kan’yang paligid. Nawawalan na siya ng ulirat.
"Just sleep and rest. Wala akong gagawin sa'yong masama."
Narinig niyang bulong sa kan’ya ng lalaking buhat siya hanggang sa tuluyan na siyang nawalan ng malay.