Pabalibag na binuksan ni Yolanda ang isa sa mga pinto ng comfort room. Pagka-flush sa toilet ay agad syang naupo roon at inilabas ang kanina pa nagpapabigat sa kanyang pantog. Tumirik ang mga mata at napasipol pa si Yolanda nang maginhawahan sa wiwing kanina pa pinipigilan.
“Woooh, sarap!” Bago itaas ang zipper ng pantalon ay hinimas muna ni Yolanda ang puson na kumipis.
Palabas na sya nang marinig ang mga yabag. Sa wari nya ay matulis ang takong ng kung sino man dahil nage-echo iyon. Binalewala nya na lamang. At least may kasabay sya. Plano pa kasi nyang mag-retouch bago umuwi. Sya na lamang ang nasa opisina. Matapos lang ang ginagawa ay pinigil nya ang wiwing kanina pa gustong kumawala. Ang ending mag-isa na lamang sya sa building kaya walang pwedeng isama sa CR. Si Kring, hayun at nauna na sa parking. May kaharutan kasi.
Lumangitngit ang pinto. Lumabas na rin sya at humarap sa salamin. Yukong-yuko sya habang isa-isang inilalabas ang mga make-up sa kanyang pouch nang may mahagip sa gilid ang kanyang mata. Parang may isa pang dumating at dumire-diretso sa isa sa mga pinto ng toilet. Pero wala naman syang narinig na yabag.
“Excuse me?” salita nya. Medyo kabado na. Kung bakit kasi tila nakaputi ang huling dumating.
Tinatagan ni Yolanda ang kanyang sarili kahit pa pinagpapawisan na sya. Wala kasing tumugon sa kanyang sinabi. Isa pa ay kanina pa nya hinihintay na matapos ang dumating sa kabilang pinto. Pero ang tagal na, hindi pa rin lumalabas. Nakabibinging katahimikan.
“W-wag m-mong s-sabihin na n-nandito ka!” nanginginig nyang sigaw. “N-naman girl! Kung may kailangan ka, magpakita ka nang maayos. Wag kang m-manakot! Badtrip ka din eh!”
“…Hahahah...Sis, I'm here…”
“Shet. Nakuha pang mag-ingles ng lintek.”
Nanginginig na humarap si Yolanda sa salamin. Anong lakas ng sigaw nya nang makita ang babaeng nakatayo sa kanyang likuran.
Tulala sya.
Napanganga.
Nanlalaki ang mga mata.
Ang buong akala ni Yolanda ay nailabas na nya ang lahat ng laman ng kanyang pantog, hindi pala! Ramdam nya ang pag-agos ng wiwi sa kanyang pantalon. Naluluhang pumikit sya nang mariin.
“Hinde! Hindi ka totoo! Umalis ka na! Bakit ako? Bakit ako?” Nanlambot ang kanyang tuhod at napasalampak sya sa sahig. Anong siksik ang ginawa ni Yolanda sa ilalim ng lababo yakap ang kanyang dalawang tuhod, hindi alintana ang sobrang pagkabasa niyon.
Maya-maya ay nakarinig sya ng mga hikbi. Hindi pa rin sya ngmulat ng mga mata.
“…Please, Sis…wag kang matakot…I really, really need your help. Please…”
“Wala akong alam sa ganyan. Ano ka ba, nagahasa? Na-holdup? Ano? Hindi pa ba nahahanap ang bangkay mo? Di ko keri maghanap ng bangkay, anu ba. Sakto lang ang budget ko pang-gas para pumasok sa trabaho.” Kung may makakarinig siguro kay Yolanda ay baka pinagtatawana na sya. Pero anong magagawa nya? Sa sobrang takot at kaba ay hindi na rin nya alam ang mga lumalabas sa bibig nya.
“…None of the above, Sis… Tulungan mo ko sa hubby ko. Nakilala mo na sya...”
“Anak ng… ano namang magagawa ko sa asawa mo? Kung lasinggero yon o adik, wala akong time. Sa sarili ko nga wala na kong time eh, sa asawa mo pa. Di ko pa nakikilala yon! Sino ba yon?!”
Tumahimik na ang paligid. Nakiramdam si Yolanda. May sumisinghot. Ang singhot ay nauwi sa hagulgol. Hindi naman nakakatakot ang hagulgol dahil mahinhin na hagulgol ang naririnig nya. Nag-angat sya ng ulo at nakita ang white lady na nasa sulok din, nakayukyok gaya ng hitsura nya. Yumuyugyog ang mga balikat dahil sa pag-iyak.
Napabuga sya ng hangin, naaawa sa kaluluwang umaatungal.
“Tss! Wag ka nang umiyak! Uy! Kapag tinulungan ko ba yung asawa mo, ano naman ang mapapala ko?”
Aba, kailangan eh masiguro nya na titigilan na sya ng multong ito kapag nagawa nya ang “pagtulong” na sinasabi nito para sa asawa. Mukhang totoo nga ang poreber ah. Multo na si ate pero inlababo pa rin sa mister na naiwan.
“…Talaga?...” parang batang paniniguro nito sa kanya.
“OO nga! Tumahan ka na. Saan galing ang luha mo? May mata ka ba?”
“…Hindi naman ako umiiyak…umaakting lang...”
“Aba matinde! Gusto kitang makita. Ano bang hitsura mo? Baka kagaya ka nong iba huh, luwa ang mata, basag ang nguso, o kaya may taga sa noo.”
Tumawa ang multo. Pati ang pagtawam, mahinhin. Ano ba 'to?
“…Wala akong ganon, Sis… Sa tuwing haharap ka sa salamin o kahit anong bagay na may reflection, makikita mo ko. At MA GAN DA AKO!”
“Eh di ikaw na!” Gumapang si Yolanda. Dama pa rin nya ang panlalambot ng kanyang mga binti. Malamang nababaliw na sya. Paanong hindi? Nakikipag-usap sya sa isang kaluluwa. Magaling!
Nawala ang babae sa sulok. Kumurap ang ilaw. Parang nagsisi na tuloy sya na ginusto pa nyang makita ang mukha ng babae. Kahit kabado at pigil ang paghinga ay pinilit pa rin ni Yolanda na humarap sa salamin.
Bahala na. Kung hihimatayin man sya, sana ay may makakita agad sa kanya in case na mabagok ang kanyang ulo. Kung mabaliw naman sya, sana ay dalawin sya ni Kring sa mental kahit dalawang beses sa isang linggo.
“Game! Labas na, habang matino pa ang pag-iisip ko.”
Umihip ang malamyos na hangin. Nayakap ni Yolanda ang brasong nakalantad sa suot na sleeveless blouse.
“…Pikit ka muna…”
“Meganon pa?” Pero pumikit din naman sya.
“…Open your eyes, Sissy...”
Dahan-dahan syang nagmulat ng mga mata, hanggang sa nanlaki ang mata nya at muling pumikit.
“I-Ikaw y-yon?”
“…None other than, Sis...”
Tuluyan na syang nagmulat at namangha sa babaeng bagama't nakalutang ay mas mataas lang sa kanya nang kaunti. Nakasuot ito ng mahabang puting damit. Manipis ang tirante noon at mababa ang neckline. Sumusungaw ang dibdib ng multo, maputi, makinis. Walang sinabi ang dibdib nya. At ang bewang, kitang-kita ang pagka-kipot noon dahil sa hapit na suot nito. Sexing multo. Ikaw na!
Natutok ang mga mata nya sa mukha nito. Mas dapat atang mapagkamalan nyang anghel ang babae kaysa white lady. Maganda, walang kasing ganda.
Natanong nya tuloy ang sarili kung ganon din kaya sya kaganda kapag namatay sya. Mukhang malabo. Kung mamatay sya dahil sa pagkabaliw sa pakikipag-usap sa kaluluwa, malamang na mapabayaan nya ang sarili at magmukhang losyang kahit wala pa mang anak. Haggard na multo ang kalalabasan nya.
“Sure ka na white lady ka? Mas mukha kang anghel.”
Napangiti ang babae. Mas lalo itong gumanda sa paningin ni Yolanda. Okay, mas masama na 'to. Kung hindi insecurity ang nararamdaman nya, di kaya… di kaya tibo sya?
“…Kapag na-accomplish ko na ang dapat kong ma-accomplish, magiging ganap na angel na ko. So please, Sis, help me. Para matahimik na ko. Para sumaya na ang asawa ko…”
“Fine. Paano ba? Sasaniban mo ko? Paano kung di mo na isauli ang katawan ko?”
“…Hindi ko gagawin yon. Hindi ako sumasanib sa tao. Ganito kasi yon…”
Natagpuan na lamang ni Yolanda ang sarili na nakikinig sa paliwanag ng babaeng lumulutang . Creepy. Wala eh, kahit sya lutang din, lutang sa mga nangyayari.
“Ibig mong sabihin, yung mister mo, di pa rin nakaka-move on sa pagkamatay mo kaya di mo sya maiwan-iwan. Ang solusyon mo, maihanap natin o maihanap ko ang hubby mo ng babaeng muling magpapatibok ng puso nya. Tama?”
“…Check!...”
“Asawa mo pala yung lalaking nakatira don sa haunted house.”
“…Gwapo noh...” humagikgik ang multo.
“Medyo. Di ko masyadong makita, puro buhok ang mukha eh.”
Kumurap-kurap naman ang ilaw. Nawala na ang takot ni Yolanda. Hindi na rin sya kinikilabutan. Pero kulang pa rin ang salitang “nasasanay na.” muling umihip ang hangin. Umigkas ang ulo nya sa taong pumasok sa pinto. Si Kring.
“Yols, kanina pa ko sa parking. Nagwawala na ang mga ugat sa binti ko. Ang tagal mo!”
Luminga-linga si Yolanda sa paligid. Wala na ang multo. Nasapo nya ang ulo. Di nya man lang natanong ang pangalan ng multo. Sya kaya, kilala nito?
“Hoy! Anyare? Para kang sabog. Ano yan?” bumaba ang tingin ni Kring sa pantalon nyang kupas ang style. Bakas don ang basa. “Naihi ka?”
“Ingay mo! Nabasa lang ihi agad? Di ba pwedeng natapunan ng tubig?”
“Tubig, nag-umpisa sa pundyo?”
“Tara na nga!” Hinila na nya ang braso ng kaibigan at kinaladkad papunta sa parking. Wala muna syang ikwe-kwento rito. Sasarilinin na lamang muna nya ang nangyari sa CR. Never nyang aaminin dito na naihi sya sa pantalon. Pagtatawan lang sya nito at aasarin at hindi makakamove-on.
Nasa byahe na sila. Panay ang kwento ng kaibigan sa kung anu-anong bagay. Palagi iyong ganon, hindi nahihinto sa pagdadaldal. Ang katuwiran ay para raw hindi sya makatulog sa pagmamaneho. Pero wala ang atensyon ni Yolanda sa chinichismis nito. Naglalakbay ang kanyang isip sa multo at sa asawa nito, kung paano makakalapit sa lalaki at nang matapos na ang pagpapakita sa kanya ng babae.
“Lagpas na, Yols.”
“Huh?” sige pa rin sya sa pagmamaneho.
“Lagpas na ko samin. Ang layo na oh.”
“Tsk. Sorry. Sa bahay ka na lang muna matulog. Wala namang pasok bukas eh.”
“Okay. Basta wag mo kong iihian,” pang-aasar nito sa kanya. Matalim nyang tinitigan ang kaibigan.
May bumusina sa likuran. Tumaas ang tingin nya sa rearview mirror. Sa halip na ang sasakyan sa likod ang makita ay ang babaeng prenteng nakaupo sa backseat ang nakita nya. Ngiting-ngiti at nag-flying kiss pa.
Nailing na lamang si Yolanda. Umpisa na ng kabaliwan series nya!
Itutuloy…
Please Like and Follow <3