13

1410 Words
BAGO sa paningin ni Elisa ang lugar na namulatan. Pabalikwas siyang bumangon pero agad ding napigil iyon ng pag-atake ng kirot sa kanyang paa. Nang tingnan niya ay may benda na iyon. Pumikit siya nang mariin at inisip ang mga nangyari. At ganoon na lang ang paggaan ng loob niya nang maalala si Miguel. Mahirap mang maniwala pero nagpapasalamat siya na nagkita sila sa ilang na lugar na iyon. Pero ano ang ginagawa ni Miguel sa San Luis? Wala siyang kilalang kamag-anak nito sa lugar na iyon. Ang alam niya, kagaya niya ay taal ding taga-Sierra Carmela ito. Iginala ni Elisa ang tingin sa silid na kinaroroonan. Malaki ang silid. Panay antigo ang mga muwebles na nakikita niya. Makaluma rin ang kurtina—ginantsilyo, katerno ng sapin sa mesita, aparador, at kubrekama. Malalapad ang kahoy na sahig at mababakas ang kasinupan ng may-ari. Makintab na makintab iyon na parang alaga sa floor wax. Dahan-dahan siyang tumayo. Hindi niya kayang itapak nang mabuti ang isang paa pero nagawa niyang tawirin ang espasyo ng kama at tabi ng bintana. Nang dumungaw siya roon ay nakita niya ang isang malawak at masinop na bakuran. At ganoon na lang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang mapatingin sa malaking gate na bakal. Villa Samaniego. Namangha man ay iginala pa ni Elisa ang tingin. Pagdungaw niya ay natuklasan niyang nasa ikalawang palapag siya ng bahay. Isang malaking bahay iyon na parang isang magarang bahay-Kastila. Hindi niya alam kung ano ang dapat maramdaman ngayong naroon na siya sa villa. Pero ano ang kinalaman ni Miguel sa Villa Samaniego? “Gising ka na pala,”sabi ng boses ng isang lalaki mula sa likuran niya. Agad siyang lumingon. Nakahanda na ang kanyang ngiti pero napalitan iyon ng pagtataka. “Sino ka?” naratakot na tanong niya. Ngumiti ang lalaki. “My name is Art,” sabi nito na lumapit pa sa kanya. “Tinawag mo akong Miguel kanina nang hintuan kita sa sabana. I guess, may hawig ako sa isang taong kakilala mo.” Hindi agad nakakibo si Elisa. Napuno ng takot ang kanyang dibdib. Kung hindi ito si Miguel, isa itong estranghero. At nasa estrangherong lugar siya. Hindi malabong kapahamakan ang naghihintay sa kanya. Sumulyap siya sa lalaki. Sa biglang tingin ay may hawig nga ito kay Miguel, pero habang tinititigan ay nakita niya ang pagkakaiba ng mga ito. Mas maputi ito at mas matangkad din nang ilang pulgada kay Miguel, kahit pa hindi nagkakalayo ang bulto ng katawan ng mga ito. Higit ding matikas ang tindig nito. Mas matangos ang ilong nito, mas malapad nang bahagya ang mga labi pero mamula-mula. Sa mga mata nito kahawig si Miguel, at doon na nagtatapos ang pagkakahawig ng mga ito. Sa minsan pa niyang pagtingin dito ay nakita niyang mas malago rin ang mga kilay nito, at mas makapal ang mga pilikmata. “Hindi ko alam kung saan kita dadalhin kanina, Miss, kaya nagpasya na akong dito ka na lang muna.” Bumaba ang tingin ni Art sa nakabenda niyang paa. “Huwag mo sanang masamain kung pinakialaman ko na iyang paa mo. Napansin kong namamaga nang buhatin kita. Ipahinga mo lang muna para mas madaling humupa ang pamamaga. Huwag mo munang puwersahing itapak.” “S-salamat,” sabi ni Elisa. “Wala iyon,” nakangiting sabi ng lalaki. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang mapuputing ngipin nito. “Nakapaghanda na ako ng hapunan. Sandali lang at iaakyat ko rito ang para sa iyo.” “Huwag na,” maagap na sabi niya. “N-nakakahiya naman sa iyo. Saan ba ang komedor? Sa palagay ko, kaya ko namang pumunta roon.” Tinitigan si Elisa ni Art. Hindi niya alam kung dapat ba siyang mailang sa titig nito. Nakakailang pero malayo sa takot ang nasa dibdib niya nang mga sandaling iyon. Hindi niya kayang ipaliwanag at lalong hindi niya gustong maniwala sa ideyang pumasok sa kanyang isip. Pero kung aaminin niya ang totoo, sa palagay niya ay may atraksiyong nabubuo sa pagitan nila. Hindi dapat mangyari iyon, lalo at estranghero sila sa isa’t isa. “Sa ibaba ang komedor. Halika, aalalayan na lang kita sa pagbaba,” sabi nito. Humakbang si Elisa. Kahit sumakit uli ang kanyang paa ay sinikap niyang huwag iyong rumehistro sa mukha niya. Dahan-dahan siyang lumabas ng silid. Noon niya natuklasang talaga ngang malaki ang villa. Sa ikalawang palapag ay tatawirin pa nila ang pinakasala doon bago makababa ng hagdan. “Okay ka lang?” tanong ni Art. Tumango siya. Pero bago siya nakarating sa hagdan ay napauklo na siya. Hindi na niya kayang itago ang sakit na nararamdaman. “`Sabi ko naman sa iyo, huwag mo munang piliting itapak ang paa mo,” sabi nito sa banayad na boses. “Nakakahiya naman kasi sa iyo kung dadalhan mo pa ako ng pagkain. Malaking abala na iyon,” katwiran niya. Umiling lang si Art. “Mabuti pang buhatin na lang kita,” sabi nito. At bago pa siya makatutol ay pinangko na siya nito. Matatag ang mga bisig ng lalaki. Para makakuha ng balanse, kahit naiilang ay iniyakap niya ang mga braso sa leeg nito. Halos magkadikit ang kanilang mga mukha. Lalo pa siyang napatitig sa mga labi nitong parang hindi nalalapatan ng sigarilyo, parang kay sarap halikan. Napanganga si Elisa sa naisip. Ano at pumasok sa isip niya ang bagay na iyon? Sumulyap agad siya sa lalaki. Lihim niyang ipinagpasalamat na nasa pagbaba ng hagdan ang buong atensiyon nito. “Mahirap din ang masyadong malaki ang bahay,” nakangiting sabi nito nang magtama ang kanilang mga mata. “Medyo malayo ang komedor.” “B-baka kaya ko nang maglakad. Ibaba mo na ako. Baka nabibigatan ka na sa akin.” “Of course not! Ang gaan-gaan mo nga, eh.” Tumatama sa braso niya ang hininga nito. Pakiramdam niya ay idinuduyan siya habang pababa sila ng hagdan. Sa mismong upuan na sa komedor siya ibinaba nito. “Sandali lang at maghahain ako,” sabi nito, saka nagpunta sa kusina. Antigo rin ang hapag-kainan. Makapal ang kahoy na mesa at maraming nakaukit na design. Mula sa komedor ay tanaw ang malawak na sala. Para iyong isang ballroom, may grandiyoso pang chandelier sa kisame. Pero walang sindi iyon. Noon niya napansin na hindi naiilawan ang buong bahay. Pinakiramdaman ni Elisa ang sarili kung may takot pa ba siyang nararamdaman. Wala siyang napapansing ibang tao roon maliban sa lalaki. Hindi niya gaanong natandaan ang pangalang binanggit nito kanina. Tinitigan niya ang naglalakihang portraits na nakasabit sa malapad na bahagi ng pader. Karaniwan nang nakakatakot tingnan ang mga lumang portrait pero naaliw siyang pagmasdan iyon kahit hindi niya kilala ang mga naroon. “Lolo at lola ko sila,” sabi ng lalaki na bahagya niyang ikinagulat. Inihain nito ang malaking mangkok ng tinolang manok. Nakaramdam agad siya ng gutom nang maamoy ang pagkain. Nang matapos sa paghahain ay naupo na rin ang lalaki. “May gusto sana akong hilingin sa iyo bago tayo magsimulang kumain.” “Ano iyon?” bahagyang kinabahang tanong ni Elisa. Hindi siya masisisi kung may pagdududa man sa dibdib niya. Hindi niya kilala ang lalaki. At sa kalagayan niya, pakiramdam niya ay wala siyang kalaban-laban kung magtatangka man ito ng masama sa kanya. Muling lumitaw ang mapuputing ngipin nito. “Gusto ko lang malaman ang pangalan mo.” “Ah,” sambit niya. “Elsie. It’s Elisa Prieto pero ‘Elsie’ na lang ang itawag mo sa akin.” “Elsie,” ulit nito. “You can call me ‘Art.’ Mahaba ang talagang pangalan ko, eh. Isa pa, sanay na akong tawaging ‘Art’ ng lahat.” “Ano ang pangalan mo?” “Arturo Wilfredo Samaniego. Ang baduy, `no? Pinagsama kasi iyon na pangalan ng lolo ko at ng papa ko. `Yang nasa portrait.” Itinuro nito ang portrait na tiningnan niya kanina. “Iyan ang Lolo Arturo ko. Si Lola Lucila naman iyong isa. Sila ang talagang may-ari nitong villa. Ako, kailan ko lang nalamang may property pala kami rito.” Saglit na nawalan ng kibo si Elisa. Natatandaan pa niya ang mga karakter sa kuwentong nabasa niya sa journal ng kanyang lolo. Mga totoong tao pala ang binanggit nito roon. Kaya malamang ay totoo rin ang kayamanang sinasabi sa journal. Pasimpleng iginala niya ang paningin. Halatang inaayos uli ang villa. Hindi niya alam kung patuloy pa niyang tutuklasin ang baul ng kayamanan o kalilimutan na lang. After all, ang talagang may karapatan sa kayamanang iyon ay kaharap niya ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD