14

1589 Words
“ANO NGA pala ang ginagawa mo sa lugar na iyon?” tanong ni Art kay Elisa. Pagkatapos maghapunan ay niyaya siya ng lalaki na magkape sa veranda. Pero pinanindigan niyang kaya na niyang lakarin ang pagpunta roon kahit umiika. “May hinahanap kasi akong kaibigan. Nagbaka-sakali ako na makita siya rito. Kaso wala palang nakakakilala sa kanya rito. Malas pa dahil bihira pala ang biyahe ng jeepney. Binalak ko nang maglakad hanggang sa may masalubong akong sasakyan, kaso natapilok nga ako.” Halo-halo na ang totoo at kasinungalingan sa mga sinabi ni Elisa. Hindi naman niya puwedeng aminin na ang mismong Villa Samaniego ang pakay niya. Pumalatak si Art. “Importante bang mapuntahan mo ang kaibigan mo? Liblib ang lugar na ito. Kung nagkataon na hindi kita nadaanan, malamang ay inumaga ka na sa kinaroroonan mo kanina. Tagasaan ka ba?” “Sa Sierra Carmela. Ewan ko kung narinig mo na ang bayan namin. Sa kabilang bundok kami nitong Sta. Praxedes. I mean, sa bandang Aurora province kasi kami.” “Aurora? Ang layo na n’on dito, ah. Malamang na may dahilan para hanapin mo ang kaibigan mo. Ano ba ang pangalan niya? Ipagtatanong ko bukas.” “Hayaan mo na,” paiwas na sagot niya. “Actually, nagbabakasyon ako sa isang resort sa Claveria. Naalala ko lang ang kaibigan ko. Nabanggit niya kasi sa akin noon na taga-San Luis siya. Eh, matagal na kasi no’ng huli kaming nagkita. Noong college pa. Baka lumipat na siya.” Tinitigan siya nito na parang inaarok ang katotohanan sa sinabi niya. “Delikado ang ginawa mo. Pasalamat ka at hindi ka nakita ng mga taong-labas.” “Taong-labas?” “Iyong mga namumundok. Hindi ko lang alam kung ano ang tawag sa grupo nila pero alam mo na, wala rin silang ipinagkaiba sa mga rebelde ng gobyerno. At hindi nila patatawarin ang kagaya mo na bagong mukha sa kanila. Baka mapagkamalan kang espiya ng gobyerno.” “Papatayin nila ako?” Nagkibit-balikat ang lalaki. “Wala pa naman akong nabalitaang pinatay nila. Binibihag, marami.” Kinilabutan si Elisa. Naalala niya ang matandang katutubo na nakasalubong niya. Hindi kaya iyon ang dahilan kaya parang pinipigil siya nito kanina? “Ikaw, Art, hindi ka ba natatakot dito? Baka lusubin ng mga taong-labas itong bahay mo.” “Isa akong Samaniego. Dito sa San Luis, halos lahat ng tao ay may dugong Samaniego. Well, iilan lang naman ang tao dito, wala pa sigurong limandaan. Napansin mo naman siguro sa dinaanan mo kanina, halos walang kabahayan sa lugar.” “Pero may ganito pala kalaking bahay dito,” kaswal na sabi niya. “Ang lolo ko ang nagtayo nito. Hindi ko masyadong alam ang kuwento. Basta ang sabi ng papa ko, huwag ko raw kalimutang may property kami rito. Sa Maynila ipinanganak at lumaki ang papa ko. Ni hindi siya natuntong dito pero alam niya ang tungkol dito sa villa. Nang mamatay siya, kasama sa mga ari-ariang minana ko ang papeles nitong villa.” “Mag-isa ka lang ba rito?” “Sa ngayon, dalawa tayo,” nakangising sagot nito. “The truth is, ilang beses ko nang niyaya si Mama na pasyalan ang lugar na ito. Kinunan ko pa nga ng picture ang buong villa para maging interesado siyang puntahan. Sad to say, gaya ng papa ko noong nabubuhay pa ito, mas gusto ni Mama ang buhay sa Maynila. Mamamatay daw siya sa pagkainip sa ganitong lugar na huni ng kuliglig lang ang maririnig.” “W-wala ka pang asawa?” maingat na tanong ni Elisa. Iyon ang tanong na kanina pa niya gustong isatinig pero inihahanap pa niya ng tiyempo. “Muntik na noon.” Umiling-iling si Art. “For the record, wala kahit girlfriend. How about you?” “Wala rin. Very much single.” Parang gustong mahiya ni Elisa sa isinagot. Baka akalain nito na masyado niyang idinidiin dito na available siya. Kahit aaminin niya na habang nagtatagal ay nagkakainteres nga siya rito. Masarap kausap si Art at hindi rin bastos. “How old are you, Elsie? If you don’t mind my asking.” “Of course, I don’t mind. Twenty-seven na ako.” “Lagpas na sa twenty-five. Hindi ba’t ang gaya mong single, kapag malapit nang magtreinta ay parang nagpa-panic na? `Sabi nga nila, naghahabol na raw sa biyahe.” “Hindi ako kasali ro’n. Hindi naman hinahanap ang mapapangasawa, kusa iyong dumarating sa buhay ng tao.” Tumawa nang mahina ang lalaki. “Dapat pala, iyan din ang sinabi ko sa sarili ko noon.” “Bakit?” Tiningnan siya nito bago tumingin sa malayo. “Natural lang naman sa aming mga lalaki ang manligaw, kaya nanliligaw ako. There was this woman who really caught my attention. Alam mo, maloko din ako sa babae noon. `Sabi nga ng mama ko, kung mapapaldahan lang daw siguro ang poste, hindi malayong pati poste ligawan ko. “But when I met her—her name was Nica—nagbago ang lahat. I don’t know how it happened. I just knew she was the one I wanted to marry. To make the story short, we had a relationship. Three years of wonderful, bittersweet relationship. Siyempre, natural lang na may away at tampuhan paminsan-minsan. Sa bandang huli, inalok ko siya ng kasal. The wedding was already set…” Muli itong tumingin sa kanya. Nakatingin lang siya rito, piniling manahimik na lang. Nakikita ni Elisa ang sakit sa mga mata ni Art. At sandaling parang gusto niyang lumapit at yakapin ito. “Pati imbitasyon ay naipamigay na. Tatlong araw na lang ang hinihintay namin at kasal na namin. Then Nica called me up. Umiiyak siya sa telepono kaya nag-alala ako nang husto. Pinuntahan ko agad siya sa kanila. There, she admitted that she couldn’t go through the wedding.” Huminto si Art at muling nagsalin ng kape sa sariling tasa. Umuusok ang likido pero parang bale-walang nilagok agad nito iyon. “Ang tanga-tanga ko pa noon. I even consoled her. Akala ko, dahil mas bata siya sa akin ng twelve years kaya ganoon. Twenty-one lang siya at kaga-graduate lang ng college. Siyempre, hindi malayong malito siya sa pag-aasawa at sa pag-abot sa pangarap niya. I even assured her that she had nothing to worry about. Na hindi ko siya itatali sa bahay. Makakapagtrabaho rin siya kung gusto niya.” Bumuntong-hininga ito. “Kung hindi pa niya ako dineretsa, hindi ko pa malalaman ang talagang gusto niya.” “Umatras siya sa kasal ninyo?” tanong niya. Marahan itong tumango pero mababakas ang paghihirap ng kalooban nito. “She admitted she had fallen in love with someone else. At dagdag pa sa sakit ang pag-amin niyang nabuntis na siya ng lalaking iyon.” “Oh, God!” “It was very painful. Hindi ko kayang isa-isahin ang sakit na dinanas ko bukod pa sa kahihiyan. Siguro ay iyon ang pinakadahilan kaya bigla akong nagkainteres sa lugar na ito. This is my refuge. Dito ko natagpuan ang katahimikang hinahanap ko, literally and figuratively.” “M-matagal na bang nangyari iyon?” “Barely a year ago. Hindi ko masasabi kung naka-recover na ako. Siguro kapag nagawa ko nang magmahal ng ibang babae, iyon na ang palatandaan na naka-move on na ako.” Muli nitong dinampot ang tasa ng kape at sinaid ang laman niyon. “Mukhang ginawa kitang hingahan ng sama ng loob. Naikuwento ko na sa iyo ang buhay ko. Halika na sa itaas para makapagpahinga ka na.” Ngumiti si Elisa. “It’s all right, Art. Mabuti nga na may napaghingahan ka ng nararamdaman mo.” “Tomorrow, we’ll talk of something else. Boring na pag-usapan ang kabiguan.” Tumayo na ito at huminto sa harap niya. Walang sabi-sabing yumuko ito at pinangko siya. “H-huwag na, Art. Kakayanin ko na sigurong umakyat.” “I doubt it, Elsie,” sabi nito at binuhat na siya nang tuluyan. “Mas stressful ang pag-akyat sa hagdan. Baka lalo pang lumala ang maga sa paa mo.” Hindi na nagpumilit pa si Elisa. Isa pa, masarap sa pakiramdam ang pagpangko ni Art sa kanya. Sa mismong kama siya ibinaba nito. “Thank you,” aniya. “Mukha ka tuloy may pasyente dahil sa akin.” Mabilis itong umiling. “Hindi ko iniisip iyan. Mas bawi ako sa pagkakaroon ng bagong kaibigan sa katauhan mo.” Ngumiti lang si Elisa. Tumitig sa kanya ang binata. “Aaminin kong nakabawas sa bigat ng kalooban ko ang pagkukuwento ko ng tungkol kay Nica. Thanks for listening, Elsie. Goodnight.” “Goodnight din.” Tumango si Art. Palabas na ito ng pinto nang parang may maalala. “Nasa kabilang kuwarto lang ako. Iiwan kong nakabukas nang bahagya ang pinto. Kung may kailangan ka, tawagin mo lang ako. Mababaw naman akong matulog.” “Wala na siguro akong kailangan. Sobra-sobra nang pang-aabala na aabalahin pa kita sa pagtulog.” “`Ayan ka na naman. Huwag mo nang isipin iyan. Ang mabuti pa, isipin mong special guest kita. Tutal, mula nang mamalagi ako rito, ikaw ang kauna-unahan kong bisita.” Nang makaalis ang binata ay saka naisip ni Elisa kung bakit hindi na lang niya hiniling dito na ihatid siya sa Claveria. Iniisip niya ngayon kung tama bang doon siya magpalipas ng magdamag. Bago pumikit ay nagpasya siyang babalik na sa Claveria bukas. Kung totoo man o hindi ang baul ng kayamanan ay kalilimutan na lang niya. Si Art ang mas may karapatan doon bilang isang Samaniego. Ang gusto lang naman niya ay malaman kung totoo ba o hindi ang tungkol doon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD