Chapter 17 Pansin ko ang pananamlay ni Chuck sa mga sumunod na oras. Sa library ito nagbabad kaya hindi ko na inistorbo pa. At dahil hindi dumating si Kaye para sunduin ang aking anak ay ipinahatid ko na lang si Clint sa bahay nila. Nang gumabi na ay pinuntahan ko si Chuck sa library para sabay na kaming kumain ng hapunan. Nadatnan ko itong nakaupo sa sopa, nakapikit habang nakasandal ang likod ng ulo. Kunot na kunot ang noo nito na para bang nalugi sa negosyo, taliwas sa reaksiyon niya kanina nang iabot ni Patrick ang paper bag. "Chuck." Umupo ako sa tabi niya. Hinaplos ko ang noo nito para matanggal ang pangungunot niyon. "May problema ba?" pabulong kong tanong. Dumilat ang mga mata nito at pinagmasdan ako. Parang nang-uusig ang tingin nito, parang nakagawa ako ng malaking kasalanan.

