Riza and Roi - 4

2296 Words
SIX MONTHS later... “Ano`ng ginagawa mo sa buhay mo, Ferdinand Roi?” Magkahalong galit at awa ang nasa tono ng kanyang mama. Dumilim ang kanyang mukha. Bagama’t nakasa-nayan na niyang humahalik sa ina ay tiyak na mahahalata nito ang kalamigan niya. Nahahapong ibinagsak niya ang sarili sa malambot na sofa. Ni hindi niya pinansin si Angel na nagkakakawag na makawala sa abuela para sumalubong sa kanya. “Roi, pinapabayaan mo ang anak mo,” malumanay na wika ng ina. Lalong lumalim ang gatla sa noo niya. “Of course not. Kaya nga ako patuloy na nagtatrabaho ay dahil sa kanya.” Huminga nang malalim ang ina. Naupo ito sa kaibayong sofa at kinandong ang apo. “Anak, hindi lang iyon ang punto. Hindi ka nagbibigay ng oras sa anak mo. Kung hindi pa ako madalas na pumarito ay lalo nang kawawa ang apo ko. Walang nag-aasikaso kung hindi ang katulong.” “Hindi naman puwedeng isama ko siya sa opisina,” paangil na sagot niya. “Roi, alam kong naiintindihan mo ang punto ko. Pilit mo lang isinasara iyang isip mo sa gusto kong pakinggan mo. Please, anak? Life must go on. Hindi dahil wala na si Carmela ay wala na ring halaga ang buhay mo. You’re too mechanical these days. Bahay-opisina, opisina-bahay. Kulang na lang ay huwag mong pansinin ang anak mo. “ Inihilig niya ang ulo sa sandalan at pumikit. Hindi na niya matandaan kung ilang beses nang sinabi sa kanya ng ina ng mga katagang iyon. Para itong sirang plaka. Paulit-ulit. “I still provide my son what he needs, Mama.” “Somehow right. But, Roi, hindi lang materyal na bagay ang kailangan ni Angel. He needs a father. He needs you.” Kinintalan nito ng halik sa ulo ang apo. Naasam niyang sana ay tigilan na siya ng ina sa litanya nito. Subalit hindi niya masasabi iyon. Mama niya ito at gaano man ang pagkapikon niya sa paulit-ulit na pangangaral ng ina ay hindi pa siya umaabot sa puntong sagutin ito. “Please, Mama. Hayaan muna ninyo ako,” malungkot na sabi niya. Isa pang buntunghininga ang pinakawalan nito. “Iyan ba ang talagang gusto mo, Roi? Napakahaba na ng anim na buwan para sa pagluluksa. Kailan ka babalik sa dating sarili mo?” Gumuhit ang panibagong kirot sa kanyang mukha. Minsan ay gusto niyang magtampo sa ina at sa buong pamilya mismo. They mentioned Carmela’s death so casually na tila walang halaga sa mga ito ang buhay ng kanyang asawa. Subalit alam niyang may punto rin ang kanyang pamilya. He had been mourning since that fateful day... at ang sakit at hapdi ay tila kahapon lang. Malinaw na malinaw pa sa isip niya ang mga detalye niyon: biktima si Carmela ng holdup. Bagama‘t sa pag-iimbestiga ay lumabas na hindi naman nanlaban si Carmela ay sinaksak pa rin ito matapos na makuha ang kaunting pera. Nahuli na ang gumawa ng krimen at ngayon ay nakakulong na. Ngunit hindi pa rin siya matahimik. He couldn’t understand. Ni wala pang tatlong libo ang nakuha sa kanyang asawa. At ni wala ring suot na alahas para maging mitsa ng buhay nito. Bakit kailangan pa iyong patayin? She wasn’t r***d na ipinagpapasalamat nila. Ngunit gayunpaman ay hindi pa rin iyon nakabawas sa sakit na nararamdaman niya ngayong wala na si Carmela. He loved her. Kahit na nang mga huling araw na iyon ay nagkakaproblema silang mag-asawa. Alam niyang hindi nawala ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Mahal siya ni Carmela. At ang pagmamahal at pag-aalala sa kanya ang nagtulak dito na puntahan siya sa ospital sa dis-oras na iyon ng gabi. Bagay na hindi naman kailangan. Pinatawagan niya ito para hindi masyadong mag-alala sa pagkabalam ng kanyang pag-uwi. Hindi niya inaasahang iyon pa ang magiging dahilan ng... Hinintay nila itong dumating sa ospital. At habang lumalakad ang oras ay tumitindi ang tensiyon sa kanya. Nang lumagpas sa kalkuladong oras ay kumontak na ng pulis si Frederick para maghanap sa kinaroroonan ni Carmela. Inabot na sila ng umaga sa ospital sa paghihintay, umaasam na sana’y walang nangyaring masama kay Carmela. Subalit dumating si Frederick at sinabi sa kanila ang malungkot na balita. He wanted to curse himself. Hanggang ngayon ay wala siyang ibang sinisisi kung hindi ang sarili. Kung pinilit niya itong isama ay hindi mangyayaring kakailanganin nitong sumakay sa taxi at maging biktima. Naaksidente man siya ngunit minor lang iyon. Ang pagkakabasag ng salamin sa tapat niya ang tanging naging sanhi ng kanyang sugat. Kung kasama niya si Carmela ay maingat ang pagmamaneho niya. At kung kasama niya ito, hindi siya iinom ng marami dahil maya’t maya ay pipigilin siya nito. Or better... kung hindi na lamang siya umalis ng bahay. Kung mas pinili niyang huwag um-attend ng baby shower at nag-usap sila tungkol sa problema nilang mag-asawa. Kung... Marami pang “kung” at “dapat sana”. Ngunit ilang libo mang dahilan iyon ay hindi na maibabalik ang buhay ni Carmela. Iniwan na siya nito. Siya at ang anak nila. Muling nag-init ang sulok ng kanyang mga mata. He was guilty as hell. Kasalanan niya ang nangyari dito. Now he had to suffer the pain of losing his beloved wife. Nang maramdamang aalpas sa kanyang mga mata ang namuong luha ay maagap niyang ikinurap-kurap ang mga mata at tumayo. Ni hindi niya sinulyapan ang inang nakamasid sa kanya. Dumiretso siya sa kuwarto at doon hinayaang palayain ang mga luha. Lalaki siya ngunit mula nang mamatay si Carmela ay hindi na niya matandaan kung ilang beses siyang nagkulong sa silid at nag-iiiyak. Wala siyang pakialam. Alam niya, hindi dahil nagdadalamhati siya sa pagkamatay ng asawa ay nabawasan na rin ang kanyang p*********i. Ngunit parang tukso ang mga luha. Mientras pinaaalpas ay tila lalong hindi nauubos. Nagsisikip ang kanyang dibdib. Alam niya, pansamantala lang ang pag-iyak niya. May mga oras pa ring darating na aatakehin siya ng kirot ng dalamhati. Pagkaraan ng ilang sandali, tinuyo niya ang mga mata at humugot ng malalim na paghinga. Nilapitan niya ang personal ref at kumuha ng tubig. Halos masaid ang laman ng bote. Ngunit malaki ang naitulong niyon para magluwag ang kanyang dibdib. Natigilan siya matapos na ibalik ang boteng may kaunti pang tubig sa ref. Paano siya makakawala sa pagluluksa kung lahat ng nasa paligid niya ay ang mga bagay na magpapaalala kay Carmela? The personal ref was Carmela’s luxury. Bagama‘t minsan lang iyon binanggit sa kanya ng asawa ay alam niya ang masidhing kagustuhan nito na magkaroon niyon. He bought the ref right away. At hindi nga siya nagkamali nang makita ang kislap sa mga mata nito nang iuwi niya ang ref. Hindi lang iyon. Lahat ng gamit at kasangkapan ay si Carmela ang nag-ayos. Ito rin ang pumili. Even their son. Angel was a splitting image of his wife. At bagaman masakit din sa kanyang ilayo ang loob sa anak ay pinipilit niya. He couldn’t stare at his son long enough without feeling that slicing pain. “Roi?” Mula sa kabila ng pinto ay kumatok ang kanyang mama. Nag-aalala ang tinig nito. “Roi?” Minsan pa niyang pinuno ng hangin ang dibdib. Inihilamos niya ang palad sa mukha bago tinungo ang pinto at binuksan iyon. Karga pa rin ng ama si Angel. At nakabihis ang bata ng panlakad. Kumunot ang kanyang noo. Tumikhim muna ang ina, tila nag-aalala rin ito sa damdamin niya. “Anak, I’ve decided na sa amin na muna si Angel.” Lalong dumilim ang kanyang ekspresyon. “Ilalayo ninyo sa akin ang anak ko?” “Roi, listen. Pinag-usapan namin ito ng papa mo. We’re worried about you. At naaawa kami rito sa bata. Kung hindi mo siya maaasikasong mabuti, willing kaming alagaan muna ang bata. Apo naman namin ang anak mo.” “Mama, kinukuha ninyo sa akin ang anak ko?” mariin niyang wika. “Hindi sa ganoon, hijo. Pansamantala lang naman ito. I hope you’ll be back to your old self. At kapag nakita naming naka-recover ka na nang husto, you can have your son back.” “Wala kang magiging problema sa pagkuha sa amin ng anak mo. Ayaw ko lang ma-deprive si Angel sa pagmamahal at atensiyon. Kawawa naman. He’s too young. At noong ganito pa kayo kaliit, halos ay hindi ko kayo hiwalayan ng tingin. Hindi mo dinanas ang ginagawa mo ngayon sa anak mo.” “No! Huwag ninyong dadalhin ang anak ko.” Nagsukatan sila ng tingin. Determinasyon ang mababasa sa mga mata ng ina. Mabuway na protesta naman ang sa kanya. “Show me, Roi. Show me that you are man enough to become a father to your son. At walang kuwestiyong ibabalik ko sa iyo ang anak mo,” she said in a motherly tone. At bago pa siya nakaimik ay tumalikod na ito. Nakita niyang naihanda na rin nito ang gamit ng anak niya. Nang diretso nitong tinungo ang pinto palabas ng bungalow ay maagap na isinunod ng katulong ang mga gamit ng bata. He was stunned for a moment. Noon lang mangyayaring mawawalay sa kanya ang anak. At masakit din sa kanyang makitang ilalayo ito ng sarili niyang ina. Pinigil niya ang sariling habulin ito. Bale-wala kung ipapangako niya ritong magiging mabuti na siyang ama kay Angel. She knew better than that. Ang tanging nagawa niya ay ihatid ito ng tingin. Nakaalis na ang sasakyan nito nang humakbang siya pabalik sa silid. “Kuya, maghahain na ho ba ako?” habol sa kanya ng katulong. Iling ang isinagot niya. Walang kibong lumayo ang katulong. Hindi na iyon bago. Madalas ay ang katulong din ang kumakain ng iniluluto nito. “SIYA po ba ang aalagaan ko?” sabi ng sumalubong kay Roselle nang dumating siya sa New Manila. Bago niya kinuha si Angel ay buo na ang plano nilang mag-asawa. Pansamantala muna nilang kukunin ang apo at dahil dalawa na ngayon ang kanilang apo matapos magsilang si Bernadette ng sanggol na babae ay okopado na ang buong oras niya. Nagpasya siyang kumuha ng yaya para makatulong niya sa pag-aalaga kay Angel. “His name is Angel. Bagay sa kanya, hindi ba, Miss Amante?” wika niya at inilapit ang baby. “‘Riza’ na lang ho,” anang babae. “Mukha nga hong anghel. Pakarga naman.” Kinuha na nito ang bata. Natuwa naman si Roselle nang walang resistance na sumama si Angel sa nakatakdang mag-alaga rito. “Mabuti at hindi nangingilala. Diyan na muna kayo sandali.” NAPANGITI si Riza. Nang kargahin niya ang bata ay agad na sumama ito sa kanya. Bumungisngis pa nga ito. At least, maganda ang simula nila ng batang aalagaan. Unang beses iyon na actual siyang mag-aalaga ng bata. She knew what to do according to books and theory. At kung nagkataong nag-tantrums ang bata ay baka umatras na siya. Hindi siya papasok na baby-sitter kung hindi kailangan. Napagtitiisan pa niya ang mababang suweldo sa ospital at extended duty kapag wala ang karelyebo niya. Ang kaso ay pressured na siya kay Bill. Araw-araw ay tumitindi ang demands nito. Hinamon niya ito ng break up ngunit hindi ito pumayag. At noon niya na-realize na mahirap palang ang boyfriend ay kapitbahay lang. Mahirap kumalas. Una ay nakikisali sa usapan si Nanay Lucy. Pilit itong pumapapel na ayusin nila ang relasyon. Nag-suggest pa ito na magpakasal na sila ni Bill at baka iyon daw ang sagot sa nagugulo nilang relasyon. Marriage? No. Hindi siya papayag. Lalo nang wala siyang pag-asang kumalas kay Bill kapag pumayag siyang magpakasal dito. At isa pa, nitong bandang huli lamang niya natantong dapat na siyang makipagkalas. Hindi niya ito mahal at sapat na dahilan iyon upang huwag nang magpatuloy ang kanilang lumalabong relasyon. Ni wala siyang balak na mag-exert ng effort para mag-work iyon. Timing ang pangangailangan ni Mrs. Roselle Ortega ng serbisyo niya. Iyon ang naging dahilan niya para mag-resign sa ospital. Nag-alok ang ginang ng malaking sahod, doble kaysa sa tinatanggap niya sa ospital. Praktikal lamang na tanggapin niya. At ang isa pa, stay-in ang trabaho. Tinanggap niya ang trabaho nang walang maraming tanong. Ang sabi sa kanya ni Mrs. Ortega ay kalahating taon ang bata at hindi maalagaan ng magulang. Fine. Marami naman talaga sa panahon ngayon na walang oras ang magulang sa anak. At pabor iyon sa kagaya niyang kailangan ng trabaho. At natuwa pa siya nang malamang anak nito ang crush niyang pasyente. It didn’t matter kung may-asawa na ang crush niya. Crush lang naman. Inilihim niya sa mag-inang Lucy at Bill ang paglipat niya ng trabaho. Kinausap niya ang limang boarders niya na halos kaedad niya. Kasundo niya ang mga ito at unanimous ang disgusto kay Bill. Lahat ay nanga-kong hindi siya ituturo kung nasaan siya. Si Katy na siyang pinakamatagal niyang boarder ang pinagbilinan niyang mag-asikaso sa bahay. Kahapon pa siya nasa New Manila. Ibinigay sa kanya ang isang guest room na katabi ng kuwartong inilaan kay Angel. Komportable na siya kaya naman binati niya ang sarili sa tamang pagpapasya. So what kung yaya ang labas niya ngayon? Ang pangarap niyang trabaho sa abroad ay halos ganoon din naman ang kauuwian. Yaya ng bata o yaya ng matanda. At sa suweldong inialok sa kanya ni Mrs. Ortega, hindi na niya kailangang mag-abroad pa. Ipinangako niya sa sarili na sa oras na dumating ang araw ng off niya ay iti-treat niya ang sarili. Naupo siya at itinayo sa kandungan ang bata. Inalalayan naman niya ang mga braso nito. Magaan na agad ang loob niya sa baby. Yumuko siya at hinalikan ito sa tiyan. Humagikhik ito nang tawa. Natawa na rin siya. “Tickle! Tickle!” At hinalikan niya ito nang ilang beses sa parteng tiyan. Nag-e-enjoy siya sa bata. Iniisip niya tuloy kung dahil sa anak-mayaman ito, mabangung-mabango at malinis, o dahil may natural na karisma ito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD