DALAWANG linggo na si Riza sa New Manila. Dalawang linggo na ring tahimik ang buhay niya. Ang sabi ng boarder niya ay walang tigil si Bill sa pangungulit kung nasaan siya. Their lips were sealed na siya namang inaasahan niya.
Para sa kanya ay tapos na ang kanilang relasyon. Na kay Bill na lang iyon kung gusto pa nitong umasa. Ngunit pinal na ang salitang binitiwan niya nang huli silang magkausap. Ayaw na niya.
Sa buong panahong nasa bago siyang trabaho ay hindi siya nag-aalala kay Bill.
Bahala siya sa buhay niya! Basta nag-e-enjoy siya sa pag-aalaga sa cute na si Angel.
Lubos ang tiwala sa kanya ni Roselle at ang apo naman nito kina Juniel at Bernadette ang madalas nitong dalawin. Kagaya ngayon. Silang dalawa lamang ni Angel ang nasa mansion maliban sa mga katulong.
Ang mag-asawang Frederick at Roselle ay nasa Alabang at kinalolokohan naman ang bagong apo. Isinasama sana sila ni Angel, kaso ay tulog pa ang alaga niya kanina. Hindi naman niya gustong gisingin ito dahil magta-tantrums ito sa buong maghapon kapag nasira ang tulog.
Sanay na sa kanya si Angel. Bagama‘t nag-e-enjoy siyang kasama ito ay naaawa rin siya rito. Hindi pa ito dinalaw ng mga magulang.
Ngayon ay alam na niya kung sino ang mga magulang nito. Nakita niya ang wedding picture sa loob ng study room.
Roi and Carmela seemed perfect for each other. Guwapo at maganda. Iyon nga lang, hindi na naitago ng wedding gown ang umbok ng tiyan ng babae.
Pilya siyang napangiti. Mabilis pala sa babae ang kanyang crush.
Sa litrato pa lang din niya nakita sina Juniel at Bernadette. Both had smiling faces, parang walang problemang maaaring magtagumpay sa pagsasama ng dalawa.
Nakilala na rin niya si Rei. Ngunit dahil subsob ito sa pag-aaral ay minsan lang yata niyang nakausap ito nang matagal.
Maliban kay Mrs. Ortega, wala na siyang ibang taong matagal na nakakausap sa mansion. Ang mga katulong ay umiiwas na magkuwento ng kahit na anong bagay tungkol sa pamilya. Bale-wala naman sa kanya iyon dahil mas nakatuon ang atensiyon niya sa pag-aalaga kay Angel.
Wala naman siyang reklamo. Para lang siyang nakikipaglaro sa bata. At hindi pa ito iyakin. Naisip niya, kung siya siguro ang ina ni Angel ay baka gustuhin pa niyang sa bahay na lang kaysa magtrabaho. After all, maalwan ang status sa buhay ng mga Ortega.
Mas masarap pa nga ang buhay niya ngayon. Dati ay tinitipid niya ang sarili sa pagkain ng espesyal na putahe pero ngayon ay pangkaraniwan na iyon. In between meals ay may meryenda. Kung gugustuhin niyang mag-midnight snack ay puwede rin.
Air-conditioned ang silid niya at may sarili pang banyo. May connecting door iyon sa kuwarto ni Angel. At hindi naman niya isinasara sa gabi para agad siyang magising kapag umingit ang bata.
So far ay hindi pa nagligalig ang bata. Palaging mahimbing ang tulog nito.
Binigyan siya ni Mrs. Ortega ng apat na araw na off sa loob ng isang buwan. Nasa kanya kung anong araw iyon basta ipaalam lang niya nang mas maaga para hindi makasabay sa anumang lakad nito.
Pero sa ginhawa ng buhay niya ngayon, kahit wala na siyang off ay walang problema sa kanya. Malayo sa kanya ang boredom. Kung gusto niyang aliwin ang sarili ay malaya siyang gumamit ng video room at manood ng gusto niyang pelikula.
Kompleto rin sa subscription ng leisure magazine si Mrs. Ortega. Ang lahat ng makikita niya sa mall ay nasa glossy ads na ng magazine. Hindi na niya kailangang sagupain ang traffic sa paglabas.
Nilinis niya ang mga feeding bottles ni Angel at pinakuluan iyon habang tulog pa rin ito. Nang balikan niya ay gising na ito at naglalarong mag-isa.
Inihanda naman niya ang tubig, pati ang bihisan. “Bath time, baby!” aniya rito.
Kagaya ng ibang bata, matutulog na ito kapag nakapaligo na at binigyan niya ng dede.
Hinubaran niya ito at pinahiran ng baby oil ang likod. Humagikhik na naman ito. Akala siguro ay maki-kipaglaro siya. Binuhat niya ito at inilubog sa bathtub. Nagkakakawag ito at natilamsikan siya.
Tapos na niya itong paliguan ay ayaw pa nitong umahon. Nag-anyong iiyak nang alisin niya sa tubig. Alam na niya ang susunod na gagawin. Kinuha niya ang inihandang dede at isinubo rito.
Nanahimik ito at nagkaroon din siya ng kapayapaang bihisan ito nang maayos.
NAG-HALF day si Roi. Wala namang masyadong trabaho sa opisina at kahit na marahil tambak ang trabaho ay ipapasa niya sa iba ang dapat na gawin. Nakapagpasya na siyang dalawin ang anak.
Buong dalawang linggo na hindi niya ito nakikita. At kung hindi sa kanyang inang siyang nakakausap niya sa telepono ay hindi niya malalaman ang kalagayan nito.
He was missing his son. Duda pa siya sa sariling kakayahan para kunin ang anak kaya dadalawin na lamang muna niya.
Inilabas niya sa compound ng opisina ang kotse at tinungo ang bahay ng mga magulang.
May tuwa sa mukha ng katulong nang mamukhaan siya. Maliksi nitong binuksan ang gate. Sa driveway niya inihinto ang sasakyan. Nasa garahe ang sasakyan ng ina.
“Si Angel?” tanong niya.
“Nasa itaas po.”
Tumango siya at tuluy-tuloy na sa pagpasok.
Alam niya kung saan pupuntahan ang anak. Sa nursery room na siya ring ginamit nila noon ni Rei. Nakapagitan iyon sa master’s bedroom at guest room na ipinagamit noon sa midwife na naging katuwang ng mama niya sa pag-aalaga sa kanila. May connecting doors sa magkabilang kuwarto.
At natatandaan niyang doon din siya natutulog noong baby pa si Rei. He was two years older at gusto niyang habang bine-baby ng mga magulang si Rei ay ganoon din siya.
Bukas ang nursery room nang itulak niya ang pinto.
Baby toys were scattered in the crib. Mukhang kapapaligo lang ng kanyang anak. Ang bathtub na ginamit ay hindi pa naililigpit at may tubig pa.
Nakita niyang bukas ang connecting door sa gawi ng guest room. Hindi niya iyon masyadong pinagtuunan ng pansin. Bukas ang pinto sa veranda at nakikita niya ang silhouette ng babaeng may kargang bata.
His mother had not changed her figure. She was always slim. Bagama‘t iniisip niyang ang ina ang may karga sa anak niya ay sumalit ang pagdududa. The silhouette was slim, all right. But taller, too. Not the towering height ngunit hamak na mas matangkad sa ina na sadyang maliit.
Something hit him. Ipinasa ng mama niya sa yaya ang kanyang anak?
Bumilis ang mga hakbang niya.
NARAMDAMAN naman ni Riza na tila may tao sa loob ng nursery. Pumihit siya para bumalik ngunit nasalubong na niya ang lalaki.
“You?”
“Ikaw!”
Kapwa nabigla at agad nakilala ang isa’t isa.
Kalahating taon na mula nang huli niyang makita si Roi ngunit hindi niya makakalimutan ang anyo nito.
Mula nang dumating siya sa New Manila at alagaan si Angel ay araw-araw niyang tinitingnan ang picture nitong nakakuwadro. Hindi napagbago ng wedding pose nito ang paghanga niya rito.
Ngunit kilometro ang pagitan ng pagkakaiba ng ekspresyon nito sa ekspresyon niya. His face became grim. And though his lips were tightly shut, the drawing power never left his face. Lalo pa nga itong naging lalaking-lalaki dahil doon.
Hindi niya alam kung paanong napagbago ng anim na buwan ang anyo nito. The boyish look was gone. He now looked matured... and formal.
There were no glint of cheerfulness in his eyes. Para ngang tinakasan ng buhay iyon. At halos maningkit sa pagkakatitig sa kanya.
Parang gusto niyang mailang. Ngunit natatandaan niyang ganito rin halos ang anyo nito noong sitahin siya sa ospital. Bugnutin.
Alam niya, he was Angel’s father. At gusto niyang magpasalamat na hindi nagmana ang bata sa ama. Kung temperamental si Angel ay baka sumuko siya.
She was about to speak ngunit naunahan siya nito.
“What are you doing here?” Mahina ngunit parang dagundong ang tinig nito.
Hindi naman siya natigatig. “I was hired by Mrs. Ortega.”
“Para maging yaya ng anak ko?” disgustong wika nito.
Ikinibit niya ang mga balikat. “I’m doing my job well, Mr. Ortega.”
Marahas itong huminga. At kung hindi lang marahil nahihihimbing na si Angel ay baka kinuha nito ang anak. “Nasaan ang mama?” pagkuwa`y tanong nito.
“Nasa Alabang, kasama ang papa ninyo.”
“Damn!” mariing usal nito at padabog na tumalikod.
Sinundan lamang niya ito ng tingin. Nakaramdam siya ng panghihinayang na tila maramot ang ngiti sa mga labi nito.
Pumasok na uli siya sa nursery at maingat na inilapag ang bata sa crib.
Iniligpit niya ang mga laruan bago ang mga pinaggamitan naman sa paliligo ang itinabi. Matatapos na siya roon nang muling bumalik si Roi. Padabog din nitong itinulak ang pinto.
Gusto niyang mainis. Nababastusan na siya sa ikinikilos nito. At kahit na tila mas galit pa ang anyo nito ngayon ay hindi rin siya nailang.
Nakipagsukatan siya rito ng tingin nang lingunin niya. “Dahan-dahan ka naman. Magigising iyong bata.”
“Pinagsasabihan mo ako?” galit nitong sita.
Itinaas niya ang noo. “Masama ba? Iyong anak mo lang ang iniintindi ko.”
“Eh, de patahanin mo `pag nag-iiyak!” pikong sagot nito: Na hindi ito sanay na sinasagut-sagot.
“Kung mag-iingat ka ng kilos, hindi siya magigising at hindi ko rin kailangang patahanin!”
Napatitig ito sa kanya. Marahil ay nagtataka ito kung saan siya kumukuha ng guts para ito sagut-sagutin.
Magbubuka pa lamang siya ng bibig nang umingit si Angel. Mayamaya lang ay pumalahaw na ito.
Nilapitan niya ang bata, binuhat at ipinaghele. Sinasabi na nga ba niya. Bihirang mag-tantrums si Angel pero mahirap aluin.
“See?” aniya sa lalaki. “Ikaw kasi!”
“Anong ako?” mulagat na wika nito. “Ikaw itong mas malakas ang boses sa akin!”
“Ako pa ang may kasalanan?” ganting-sabi niya.
Umagaw sa pagsasagutan nila ang palahaw ni Angel. Isinayaw-sayaw niya ito para tumahan ngunit mas lalong lumakas ang iyak.
Marahas ang ginawang paghinga ni Roi. Humakbang ito para kunin ang anak. “Akina iyang bata.”
Ngunit lalong umiyak si Angel. Isinubsob nito ang mukha sa kanyang balikat.
Umingos siya. Halata sa mukha niya ang inis. “Ang lakas ng loob mong kunin, ni hindi ka na nga yata kilala.”
Nakuyom na lang nito ang mga palad. “Pack his things!” At padabog itong lumabas ng kuwarto.
Umangat ang kilay niya. Hindi niya malaman kung dapat ngang sundin ang utos nito. Angel was still crying on her shoulder. Mas binigyan niya ito ng pansin.
Pagkaraan ng isang oras ay bumalik sa nursery si Roi. Hindi pa rin nagbabago ang bugnot na ekspresyon nito. “Nasaan ang mga gamit ng anak ko?”
“Aanhin mo?”
“Iuuwi ko si Angel, ano pa? Hindi mo ako sinunod?” mataas ang tonong wika nito.
Umiling siya. “Paano kita susunduin? Ayaw magpababa ni Angel. `Eto nga’t humihikbi pa. At isa pa, si Mrs. Ortega ang dapat na sundin ko, hindi ikaw.”
“At bakit hindi mo ako susundin? Anak ko iyan!”
“Oo nga. Inaangkin ko ba?” papilosopong sagot niya. Kitang-kita niyang naningkit ang mga mata nito. At bago pa siya nito ulusin ay agad na niyang idinugtong, “Kapag kinausap ako ni Mrs. Ortega tungkol sa pagkuha mo kay Angel ay saka ako mag-eempake.”
“Kung ayaw mong sumunod, ako ang gagawa!” Padaskol na binuksan nito ang cabinet. Sa ilalim niyon ay may isang malaking bag. Hinanap nito ang mga damit ng anak.
Tiningnan lang ito ni Riza at saka tumalikod, dala ang bata.
“Saan ka pupunta?” habol ni Roi.
“Tatawagan ko si Mrs. Ortega. Isusumbong kita.”
“Hindi na kailangan,” anitong tila nagpipigil. “I already talked to her. Pauwi na siya rito.”
Natigilan naman siya. “P-pumayag ba si Mrs. Ortega?” Bakas ang takot sa tinig niya.
“Wala siyang magagawa. Anak ko si Angel,” anito habang ineempake ang mga gamit.
Isang buntunghininga ang pinakawalan niya.
“Bakit?”
“Anong bakit?” mataray niyang tanong.
“You sighed. Bakit?” ulit na tanong nito.
“Natural lang iyon. Kung kukunin mo na si Angel, ibig sabihin, wala na akong trabaho.”
“Bumalik ka sa ospital. Nurse ka, `di ba?”
“Sa palagay mo ba ay madaling gawin iyon? Sa puwestong iniwan ko, baka hindi lang sampu ang nag-aagawang makakuha niyon. Wala na akong trabahong babalikan.”
“De sana, hindi ka nag-resign. Bakit ka kasi pumasok na yaya?”
“Mataas ang suweldo, siyempre pa.”
Amused na tiningnan siya nito. “Iyon lang? Mas pinili mong maging yaya kaysa gamitin ang propesyon mo?”
“Walang masama roon. I’m just being practical. Isa pa, nagagamit ko naman kay Angel ang pinag-aralan ko.”
Nagitla ito. “Bakit, inaano mo ang anak ko?”
“Inaalagaan ko, ano pa ba sa akala mo? Nursing iyon kung hindi mo alam!”
“Nag-aaway ba kayo?” Tinig ni Mrs. Ortega ang gumambala sa kanila.