Marra and Tody - 1

1792 Words
NASA backstage na ng teatro si Marra ay dinig na dinig pa niya ang masigabong palakpakan. Alam niyang para sa kanya iyon. Nginingitian niya ang bawat makasalubong niya. Sumunod na agad sa kanya ang manager niya kahit hindi pa siya nakakapagbihis. “You did it again, my dear.” Hinawakan siya ni Paul sa magkabilang pisngi at hinalikan. Gumanti naman siya sa pamamagitan ng yakap. Kahit pa nga basang-basa ng pawis ang kanyang suot. “Always the best,” wika naman ni Stephen. He was the director of the show at hindi ito tulad ni Paul na malamyang kumilos. May ilang panahong seryosong nanligaw sa kanya si Stephen sa kabila ng kaalamang kasal na siya. Tinanggap niya ang pakikipagkamay nito. “My idol,” ani Jeanne, kasamahan niyang ballet dancer. “I’ll miss you.” “Miss me?” nagtatakang tanong niya. “There will be other shows that we’ll perform together.” Ngunit ngiti lang ang isinagot ni Jeanne. Niyakap siya nitong muli at saka tinungo na ang sariling bihisan. Lumapit sa kanya ang alalay niyang si Rachel. Maliksi itong nag-abot sa kanya ng tuwalya. At kagaya ng iba ay nakangiti rin ito. Alam niyang masayang-masaya si Rachel. Dahil bago niya ito naging alalay ay nalaman niyang masugid niya itong tagahanga. Rachel was seeking for greener pastures in America. Ang kaso, minalas ito dahil minaltrato ng employer. Tumakas ito at humingi ng tulong sa Philippine Embassy. Nagkataong ang kanyang ama, na isang diplomat doon, ang nakausap nito. Iyon ang tagpong dinatnan niya noon. Unang kita pa lang niya kay Rachel ay magaan na agad ang kanyang loob dito. Kaya naman kinausap niya ang ama at walang pagdadalawang-isip na kinuha niya ang serbisyo ng babae. That was the time na dalaga pa siya at nagsisimula pa lang siyang gumawa ng pangalan bilang ballerina. Siya ang nagbigay ng bagong pag-asa kay Rachel. Nalaman niyang tapos ito sa kolehiyo ngunit bumaba ang morale sanhi ng dinanas na kalupitan sa banyagang employer. Tinulungan niyang maibalik ang self-esteem nito. At bilang ganti nito sa mga kabutihan niya ay ang hindi matatawarang paglilingkod nito sa kanya. “Nakita kong nanood din si Tody,” pabulong na wika ni Rachel. Naririnig sila ni Paul. Gayunpaman, isa itong British national kaya hindi nakakaintindi ng lengguwahe nila. Nabitin ang kanyang ngiti. Tatlong taon na siya sa London. Tatlong taon na rin buhat nang maghiwalay sila ni Tody. They decided to end their marriage because of many reasons... na hindi naman nila pinagkaabalahang linawin sa isa’t isa kung anu-ano ang mga iyon. Iisa lang ang alam nila pareho. Ang ideyang hindi nila natutuhang mahalin ang isa’t isa. Subalit sa punto de vista niya ay alam niyang in love siya sa asawa. Ngunit pride niya ang pumipigil sa kanya para aminin iyon kay Tody. Never would she admit that she was... and still was in love with her estranged husband. Dahil alam niyang wala rin namang patutunguhan iyon. Pareho lang silang nahibang sa kani-kanilang mga ambisyon. Napaunlad ni Tody ang sariling negosyo. Samantalang siya naman ay patuloy na kinikilala ng bansang Pilipinas sa larangan ng ballet. Nagtuluy-tuloy na ang daloy ng alaala sa kanyang gunita. She was almost at the peak of her career nang magpasya ang mga magulang nila. Noon ay naka-kasama na niya sa show si Lisa Macuja-Elizalde. Masyadong tight ang schedules niya. Kabi-kabila ang mga pagtatanghal. Hanggang sa dumating ang araw na nagpabago sa inog ng mundo niya... DUMATING si Marra mula sa isang show sa kanilang bahay. She was dead tired but excitement was written all over her face. Slowly but surely, her name, Marra Legeralde, was creating a big name in the scene. Inabutan niyang magkakaharap sa sala ang mga magulang niya, ang mag-asawang Ledesma at isang lalaki na malaki ang nakuhang features mula sa lalaking Ledesma. Kilala niya ang mag-asawa. Kaibigan ang mga ito ng kanyang mga magulang kahit na noong nasa Pilipinas pa lang sila. Si Dorina ay madalas niyang makitang nanonood ng kanilang show. Kaya alam niyang si Tody ay anak ng mga ito. Pero taliwas sa closeness ng mga magulang niya sa mga ito ay hindi siya ganoon kay Tody. Mas kilala pa nga niya si Jude. Dahil kaklase ito ng kanyang kuya noong nasa Ateneo pa ang mga ito. “Good evening to everybody,” magalang na bati niya sa mga ito. Lahat ng mga mata’y sa kanya natuon. Lumapit siya sa mga magulang at hinalikan ang mga ito. Gano’n din ang ginawa niya kay Dorina. Nginitian naman niya sina Romulo at Tody. “I hope you’re not too tired para hindi ka namin makaharap sa gabing ito,” malumanay na sabi ni Pepito Legeralde ngunit alam niyang sa kabila ng mababang tinig nito ay isa iyong kautusan. Nilinga niya ang ina. Close silang mag-ina kaya isang tingin pa lang niya rito ay alam niyang isang seryosong bagay ang nakatakdang pag-usapan. She excused herself. Kasunod niyang pumasok sa kuwarto si Rachel. Kaagad niyang inilatag ang katawan sa malambot na kama. May palagay siyang pagbibigyan siya ng mga ito ng kalahating oras para makapagpahinga. Agad na naglagay ng tatlong unan sa kanyang paanan si Rachel. Ipinatong niya roon ang pagod na mga paa. Hindi na siya nagtaka kung bakit hindi nakapanood ng kanyang show ang mga magulang. They used to watch her show, lalo na at finale iyon. Lubhang mahalaga ang sadya ng mga Ledesma kung kaya wala ang mga magulang niya sa teatro. Wala iyong kaso sa kanya. Alam niyang kahit na hindi manood ang mga magulang ay alam niyang hindi nagbabago ang suporta ng mga ito sa kanya. What puzzled her was the presence of the Ledesmas. Natatandaan pa niya ang anyo ni Tody. There was indeed uncertainty on his face. Ngunit naroroon din ang admiration na mababanaag sa mga mata nito. She was not conceited. Pero iyon ang nababasa niya sa mga mata ng binata. Ganito rin kasi ang nakikita niya sa mga mata ng mga manliligaw niya. Gayunpaman, napuna niya ang tila pang-aarok nito sa kanyang pagkatao. MAINGAT na inilapag ni Rachel sa isang settee ang isang casual dress. Mapusyaw na dilaw at cotton ang tela niyon. Wala iyong manggas at diretso ang tabas hanggang sa kalahati ng kanyang mga binti. Ang tanging magbibigay ng korte ay ang tali sa magkabilang baywang. Kasama sa inihanda nito ay ang ternong lace bra at bikini. Pagkatapos ay pumasok ito sa banyo. Alam niyang ihahanda nito ang mga gagamitin niya sa loob. Kabisado na siya ni Rachel. Wala pang tatlong minuto ay lumabas na ito, tumango sa kanya bilang pagbibigay-senyales na nakahanda na ang lahat. Naglinis lang naman siya ng katawan nang pumasok sa banyo. Hindi siya maaaring maligo. Mapapasma siya at hindi malabong magputukan ang lahat ng kanyang mga ugat. Her face was void of makeup. Hinayaan niyang baby powder ang tanging nakapahid sa pisngi niya. Her lips were naturally pinkish. Ipinasya niyang bumaba na sa sala. Dinatnan niyang umiinom ang mga naroroon ng tsaa. Nais niya sanang humingi ng dispensa sa pagkaantala niya subalit sa nakita niyang ekspresyon ng mga ito ay hindi na kailangan. Nalulugod ang mga itong makita siya. Walang kibong nakiumpok siya sa mga ito. Hindi niya alam kung ano ang dapat na sabihin. They were all sitting in the blue room. Espesyal na living room iyon. Ginagamit lang ang bahaging iyon ng kanilang bahay kapag seryoso ang pag-uusapan. Every pieces there had a shade of blue. Mula sa ocean blue na carpet hanggang sa pinakamapusyaw na asul sa mga almohadon. There were delicate jars around. Nakalalamang ang mga gamit na babasagin. Inisip niyang sinadyang ilagay ang mga iyon doon para isaalang-alang ang mga gamit na masisira kung magkakaroon ng mainitang pagtatalo. Lahat ay mamahalin at nakapanghihinayang na mabasag o masira. Lihim siyang umasam na hindi naman sana mauwi sa marahas na pagtatalo kung anuman ang magiging diskusyon sa gabing iyon. “This is about you and their son, hija,” malumanay ang tonong simula ng kanyang ama. Awtomatikong napalinga siya sa ina. Tumingin din ito sa kanya. Ngunit wala pa yatang isang segundo ang itinagal niyon at itinuon na nito sa iba ang pansin. Pinagtakhan niya ang inaktong iyon ng ina. Wala sa loob na napatingin siya kay Tody. Ito man ay nakatingin sa kanya. Mahirap hulaan kung ano ang iniisip nito. Isang tikhim ang pinakawalan ni Pepito Legaralde. “I hope you still remember what I was always tell you when you were young. It’s about the kasunduan.” Kasunduan. Napigil niya ang kanyang paghinga. Paano niya iyon makakalimutan? Kinalakhan na yata niya na naririnig iyon mula sa bibig ng ama. Minsan pa’y sumulyap siya sa mga Ledesma. Ngayon ay malinaw na sa kanya ang dahilan ng pagbisita ng mga ito sa kanila. Muli niyang pinukol ng tingin si Tody. Ngayon ay naiintindihan na niya ang ekspresyon nito. Iniisip nito—kinikilatis marahil—kung magiging karapat-dapat siyang bride nito. Mababakas sa mga mata nito ang tila pagdududa. “Marra...” tawag sa kanya ng ina. Napalunok siya at muling bumaling sa ama. “N-natatandaan ko ho.” Batas sa kanilang tahanan ang salita ng kanyang ama. Sinabi nito noon na ipinagkasundo siya. Kung kanino ay hindi niya alam maliban sa gabing ito. When she was a teenager ay bale-wala sa kanya ang salitang iyon ng kanyang ama. Iyon ay dahil malaki ang respeto niya rito. She adored her father. He was the epitome of a perfect man. He was a good provider, a loving husband and a caring father rolled into one. Bata pa siya ay natanim na sa isip niya na walang masamang bagay na gugustuhin ang kanyang ama para sa kanya. At wala siyang matandaang pagkakataon na tumutol siya sa sinabi nito. He rejected all her suitors. Dahil maagap ang kanyang ama sa pagpapaalala sa kanya na ipinagkasundo na siya nito. Perhaps it was just a simple coincidence na hindi pa siya tinamaan ng tinatawag na “pag-ibig” kaya bale-wala sa kanya kung umurong man ang mga manliligaw. She didn’t care. Nakatuon ang isip niya na sumunod sa kagustuhan ng ama. Gusto niyang patunayan na masunurin siyang anak. Kaya sa lahat ng pagkakataon ay nais niyang paluguran ito. Ngayon pa lang ay dapat na niyang ikondisyon ang isip. Si Joseph Thadeus Ledesma ang lalaking nakatakda niyang pakasalan. Bago natapos ang gabing iyon ay naitakda ang kanilang kasal. Tanging mga magulang nila ang nag-usap at nagpasya sa lahat ng detalye sa preparasyon ng kasal. Nagmistulang mga flower vases na palamuti lamang sa harapang iyon sina Marra at Tody. Hindi na nila naalalang gamitin ang kanilang mga bibig. Paminsan-minsa’y naalala silang konsultahin tungkol sa ilang detalye. Ngunit pagkibit-balikat lamang ang tugon ni Tody. Siya naman ay tango at iling. Nang gabing iyon ay nalaman niyang pareho lang sila ng binata... masunuring anak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD