Lilo Mas lalong humigpit ang tila nakatali sa leeg ko, lalo na nang mismong aminin sa akin ni Mama Claudia kung gaano na katagal na may sakit si Lyndon. Nadurog ako. Hindi ko matanggap. "Lahat ay ginawa namin ng daddy niya para dugtungan ang buhay niya. Halos naglulumuhod na ako sa anak ko para lang magpaopera pero hindi niya ako pinakikinggan." Humigpit ang kamay niya sa palad ko. Hanggang ngayon ay nasa labas pa rin kami ng hardin. "Ikaw lang ang pag-asa namin Lilo para makumbinsi siya. Ikaw lang ang alam namin na puwedeng magpabago ng isip niya." Sinapo ko ang mukha. Hindi ko kayang humarap sa salamin sa mga oras na ito o magpakita sa mga anak ko. Napaos ako at nawalan ng sasabihin. Itong utak ko ay tila nagblanko. Inayos ni Mama Claudia ang buhok kong magulo. Pinaharap niya ako

