Makalipas ang isang linggo ay simula na ng work immersion ni Llander, inihahatid pa rin niya ako sa school kaya medyo naiirita ako dahil kailangan kong gumising nang maaga para makasabay sa kaniya. Gaya ngayon, inaantok pa ako kasi nga mag-aala-una na ako nakatulog dahil sa mga pinapanood kong vlogs.
“Bakit nakasimangot ka pa rin? Malapit na tayo sa school,” pansin sa akin ni Llander kaya inirapan ko siya.
“Huwag na kasi akong sunduin! Imbes na mas mahaba pa iyong tulog ko, eh! Istorbo ka!” asik ko sa kaniya.
“You know what, Avez, you just need to become a very responsible student. Alam mong may pasok ka ng alas-siyete tapos matutulog ka ng late!” sermon niya sa akin. Naaburido akong nagbuga ng hangin.
“Basta, bukas matutulog ako hanggang gusto ko at–”
“We’ll see… hindi mo naman siguro gugustuhing ma-late ako at magkaroon ng mababang grade sa work immersion. Dahil kahit ano pa’ng sabihin mo, ako ang maghahatid at susundo sa iyo. End of discussion!” pinal niyang saad saka lumiko na sa kanto papasok sa university.
Minsan tuloy ay hindi ko alam kung maiinis o matutuwa ako dito kay Llander. Parang minsan ay nakakasakal na rin iyong panghihimasok niya sa buhay ko. Concerned lang siya sa iyo. Sigaw naman ng maliit na bahagi ng utak ko.
Kaya nang matapat na kami sa gate ay bumaba akong masama ang loob at hindi ko man lang siya nilingon. Dire-diretso lang akong naglakad papasok sa compound ng junior high school. At dahil hindi ako masyadong tumitingin sa daan ay nakabangga ako.
“Oy… what do we have here? our pretty Avery… hello, Avez!” nakangising bati sa akin ni Jonas. Grade 12 na rin ito at nagtataka ako kung bakit naririto siya at ang mga barkada niyang nakakapangilabot tumingin.
“Pasensiya na. Nagmamadali lang kasi ako,” hinging paumanhin ko pero biglang humarang sa harapan ko si Romari.
“Masyado ka namang nagmamadali… maaga pa naman para sa first period mo, ah?” saad pa nito. Pikon na ako kay Llander kanina at mukhang dinadagdagan pa ng mga buwisit na ito.
“Umalis ka sa harapan ko Mr. President. Kasama na ba sa posisyon mo ngayon ang mang-harass ng mga estudyante?” mataray kong tanong sa kaniya. Natigilan naman ito at bahagyang luminga sa paligid, mukhang hindi niya nagustuhan ang sinabi ko.
“Ang taray mo naman! Nagmamagandang loob lang kami, ah?” seryosong komento ni Romari.
“Sinabi ko na ngang–”
“Hi, puwedeng magtanong?” narinig ko ang boses ng isang babae na nagpahinto sa akin sa pagsasalita. Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses at isang medyo may katandaang babae ang bumungad sa akin.
Bakas ang pag-aalala at lungkot sa mukha nito. Pero ngumiti ako sa kaniya. “Ano po iyon?” magalang kong tanong.
“Teka, Manang Loring, ano ang ginagawa ninyo dito sa school?” tila galit na tanong ni Romari sa ginang. Kumunot naman ang noo ko nang lingunin siya.
“Kilala mo siya?” tanong ko.
“Yeah. She is our maid,” mabilis na tugon ni Romari at muling bumaling sa matanda. “Bakit ka nandito?” untag niya uli rito.
“Romari, dalawang linggo nang mahigit na nawawala ang pamangkin ko. Kailangan ko nang humingi ng tulong sa director nitong eskwelahan ninyo,” naiiyak na sagot ni Aling Loring. Iyon kasi ang narinig kong binanggit ni Romari na pangalan nito.
“Sinabi ko naman sa iyo, hindi ba? Ginagawan na ng paraan ng school na mahanap si Aileen, isa pa–”
“Aileen?” putol ko kay Romari at tumingin ako sa babae. “Parang pamilyar sa akin ang pangalan na iyan,” sambit ko.
“Oo, hija… Aileen ang pangalan ng pamangkin ko. Nag-transfer siya sa school na ito at mula pa noong unang araw na pumasok siya hanggang ngayon ay hindi pa umuuwi. Hindi ba’t may CCTV ang school na ito? Baka maaari nilang makita roon kung saan pumunta ang pamangkin ko,” mabilisang paliwanag ni Aling Loring.
Bumalong na rin ang mga luha nito at halatang matindi ang pag-aalala. Sa gilid ng mga mata ko ay napansin kong tila nagkakatinginan ang mga magbabarkada. Pero hindi ko na pinansin dahil nakatuon ang atensiyon ko sa matanda.
“Umuwi na kayo, Aling Loring! Kapag malaman ni Mommy ang ginagawa ninyo, siguraodng malilintikan kayo!” may pagbabantang utos na ni Romari sa matanda kaya napamaang ako.
Nakapamaywang ko siyang muling hinarap. “Bakit hindi mo siya hayaang makausap ang director? Karapatan niya iyon, lalo at more than two weeks na palang hindi umuuwi ang pamnagkin niya!” katuwiran ko.
Kita kong napalunok si Romari pero pilit niyang pinatigas ang mukha niya. “This is our family affair, Avery. Huwag kang makialam. Sige na, umalis ka na! nagmamadali ka, hindi ba?” taboy na niya sa akin.
Tila naman ako napahiya doon kasi tama naman siya. Hindi ako puwedeng makialam sa mga personal nilang problema. Sa huli ay malungkot kong muling binalingan si Aling Loring.
“Pasensiya na po kayo, ha? Pero sana mahanap ni’yo na po ang pamangkin ninyo. Kasi–” bigla akong napahinto dahil ngayon ay naalala ko na kung sinong Aileen ang tinutukoy niya.
“Aling Loring, si Aileen po ba ay Grade 7?” natanong ko, biglang bumilis ang t***k ng puso ko.
Agad namang tumango ang matanda. “Kilala mo ba siya? Nakita mo na?” magkasunod nitong tanong.
“Opo… naalala ko na nga po siya. Nagkita na po kami dati at takot na takot siya nang makita ko kasi may sumusunod sa kaniya,” sagot ko. “Ganito na lang po… kung wala pong ginagawang aksyon ang school, puwede naman po kayong dumiretso sa mga pulis para–”
“Avery!” biglang sigaw ni Romari sa akin kaya napasinghap ako. “I told you not to interfere with our family matters!”
Parang nagpanting naman ang magkabilang tainga ko kaya sinamaan ko siya ng tingin. “Ano ba’ng problema mo? Alam mo, kung sa inuugali mo, parang ayaw mo naman siyang tulungan. Bakit may itinatago ka ba?” hamon ko sa kaniya.
Nanlaki ang mga mata niya at maging ang mga barkada niya ay tila sumama ang tingin sa akin. “Huwag kang namimintang, Avery! Baka hindi mo kilala kung sino ang pinagsasalitaan mo nang ganiyan!”
“Wow! Hindi ako namimintang, Romari. Sinasabi ko lang ang opinyon ko. Unless, may itinatago ka talaga kaya ayaw mo siyang ipakausap sa director?” hindi nagpapatalong sumbat ko. Natahimik naman si Romari at lumipat ang tingin kay Aling Loring.
“Uuwi ho ba kayo o gagawa pa kayo ng gulo dito? Masyado ni’yo na akong ipinapahiya dito, Aling Loring!”
Mas mahinahon na ang boses ni Romari pero mababakas pa rin ang kakaibang tono niya. Ngayon ay tila may bumabangong suspetsa sa dibdib ko. Tila ba may itinatago itong si Romari. At base rin sa reaksyon at itinatagong pagkabalisa ng mga kaibigan niya, may alam din ang mga ito.
“Huwag po kayong mag-alala, Aling Loring. Ilalapit ko po sa director ang problema ninyo. Puwede ni’yo rin pong iwan ang number ninyo sa akin,” bulong ko sa matanda. Pero sinenyasan ko siya na huwag nang sumagot pa.
Tumango na lamang ito at kahit nag-aalangan ay nagpaalam na para umalis. Hindi talaga makatkat sa isip ko ang kakaibang paghihinala dito kay Romari at sa grupo niya.
“O? Bakit ganiyan ang hitsura mo?” pansin sa akin ni Arianna nang marating ko na ang classroom namin. Napatingin ako sa mukha niya pero ang isip ko ay na kay Aileen at Aling Loring pa rin.
“Naalala mo ba dati noong na-late ako sa science class natin?” tanong ko kay Arianna.
Saglit itong nag-isip saka unti-unting tumango. “Oo. Sabi mo dati ay may tinulungan kang Grade 7,” tugon pa niya.
“Mismo! Alam mo ba, nagpunta ngayong umaga, as in ngayon lang bago ako pumasok dito, iyong Tita daw ni Aileen. Mahigit two weeks na raw kasi ito na hindi umuuwi,” pagkukuwento ko sa kaniya.
Nanlaki naman ang mga mata ng kaibigan ko. “Eh, saan daw nagpunta?” usisa niya.
“Iyon nga. Kung maalala mo, iyon iyong araw na nagkita kami ni Aileen. Takot na takot siya dahil may sumusunod daw sa kaniya. Hindi kaya…” hindi ko halos maituloy nag sasabihin ko dahil bigla akong nangilabot sa naiisip ko.
“Kumpleto naman sa CCTV ang school natin, bakit hindi nila tingnan? Saka isipin mo, more than two weeks na ang lumipas mula noong araw na ‘yon. Dapat ay na-report na iyon sa mga pulis!” bulalas pa ni Arianna na agad ko namang tinaguan.
“Iyon nga, eh! Bakit pinatagal pa nila nang ganito, hindi ba?” naguguluhan ko ring tanong.
Natigil ang pag-uusap namin nang dumating na ang teacher namin. Naging abala ako sa buong maghapon dahil nga malapit na ang final exam. Gayunpaman, hindi pa rin mawala-wala sa isip ko ang nangyari kaninang umaga.
At habang papunta ako sa school garden para doon hintayin si Llander ay nasalubong ko na naman ang grupo ni Romari. Hindi ko maintindihan pero para talaga akong naaalibadbaran sa mga magkakaibigang ito.
“Hello, Avery!” nakangiti at masayang bati sa akin ni Romari.
“Ano’ng kailangan ni’yo?” malamig na tanong ko agad sa kaniya. Alam kong nakatitig din sa akin ang mga kaibigan niya pero hindi ko sila binigyang-pansin.
“Well, I just want to apologize for how I behaved earlier. Medyo stress lang ako kanina at nadamay ka pa. Sorry talaga,” seryosong pahayag naman niya.
Hindi agad ako nakasagot at napatitig sa kaniya. Inoobserbahan ko kung sincere ba talaga siya sa sorry niya at mukhang totoo naman.
“Kung gano’n, kumusta na si Aileen? Nahanap na ba siya ng Tita niya? Bakit kasi hindi mo na lang sinamahan kay Director kanina? Madali lang naman iyon!” sumbat ko pa.
Napangiti siya at tumango. “Ah, oo… nahanap na siya. Sumama lang sa bagong kakilala. Iyong boyfriend na raw niya at doon na tumitira sa bahay ng lalaki,” tila dismayadong saad niya kaya napaawang ang mga labi ko.
“Kakakilala pa lang boyfriend na niya agad? Saka hindi naman gano’n ang hitsura ni Aileen noong makita ko siya. She looked very scared!” katuwiran ko.
Tumango-tango naman si Romari. “Yeah, that’s what I thought as well. Alam mo na, ignorante dahil galing sa liblib na probinsya. May nakilala lang na lalaki, ‘ayun, sumama na agad kahit ang bata-bata pa,” pabalewalang sagot niya.
Muli ay natahimik naman ako. Bigla ay hindi ko tuloy alam ang iisipin. Hindi rin naman ako puwedeng makialam sa mga personal na buhay nila. Kaya sa huli ay napabuntong-hininga na lamang ako.
“Kawawa naman siya kung gano’n… ang bata pa niya para maloko ng isang lalaki,” wala sa sariling komento ko.
“Wala na tayong magagawa doon, Avery! May mga kabataan talaga na kahit menor de edad pa lang, ang lalandi na!” biglang singit naman ni Jonas.
Nabaling ang atensyon ko sa kaniya at sinimangutan siya. “Okay… may sasabihin pa ba kayo? May gagawin pa kasi ako,” sabi ko na lang. Hindi talaga ako komportableng kausap sila.
“Eh… Avery, yayayain ka sana naming magmiryenda, eh!” hiling naman ni Romari.
“Oo nga, Avery, pumayag ka na! Para naman makabawi kami sa pagiging bad shot namin sa iyo kaninang umaga!” Segunda pa ni Macoy.
Alanganin ko silang nginitian. “Pasensiya na, baka parating na kasi si Llander. Ayaw pa naman no’n ang naghihintay nang matagal…” pagdadahilan ko. Pero ang totoo ay medyo male-late si Llander dahil may meeting pa raw sila doon sa work immersion niya.
“Ikaw naman, Avery, minsan lang, eh! Saka sandali lang, promise!” giit pa ni Jonas.
“Sige na, Avery. Saka, hindi mo naman boyfriend si Llander, hindi ba? Maiintindihan niya iyon kung mayroon ka pang ibang kaibigan maliban sa kaniya…” dagdag na udyok ni Romari.
Ngayon ay halos nakapalibot na silang anim sa akin kaya mas lalo akong parang naso-suffocate. Kaya itinaas ko ang dalawang kamay ko at bahagyang lumayo sa kanila.
“Pasensiya na talaga, guys! Next time na lang, okay?” tanggi ko. Pero kahit sa likod ng isip ko, hinding-hindi ako sasama sa kanila. Besides, I don’t want to be friends with them.
“Ang hirap mo namang imbitahin, Avery. Porke ba ikaw ang pinakamaganda dito sa campus, gano’n mo nalang kami tanggihan. Minsan lang naman, eh…” may paghihinanakit nang sambit ni Marvin na kanina pa tahimik gaya ni Paco.
“Ang kulit ni’yo naman, eh, ang sabi ko–”
“What is happening here?” malakas at seryoso ang boses na tanong ni Leighton kaya naputol ang pagsagot ko sa kanila. Hindi ko napansin at namalayan ang bigla niyang pagdating.
Dumilim naman ang mukha ni Romari pagkakita sa kaniya, at ganoon din ang mga kasama niya. “Huwag kang makialam dito! Nag-uusap lang kami!” asik ni Romari kay Leighton.
“Nag-uusap? Then why Avez look agitated and uncomfortable? Maybe you should just leave her alone!” walang gatol na sagot ni Leighton.
“Hoy, baguhan ka lang dito, ah, kaya huwag kang umasta na akala mo ay kung sino ka! Baka nakakalimutan mo kung sino ako?” maangas na angil ni Romari kay Leighton. At hindi ko kursunada ang tinutungo ng usapang ito kaya pumagitna na ako.
“Hep, hep, guys! Ayaw ko ng gulo. Sige na, Romari, umalis na kayo. Ikaw ang presidente ng student council kaya ikaw dapat ang unang nagpapalaganap ng peace and order dito sa school,” banayad na baling ko sa kaniya.
Nagsalubong ang kilay nito pero nanlilisik na rin ang mga mata kay Leighton. “Pasensiya na, Avery.” Bumaling siya kay Leighton. “Hindi pa tayo tapos. Pagbabayaran mo ang pangingialam mo ngayon!”
Pabulong nga lang ang pagkakasabi niyon ni Romari ngunit umabot pa rin sa pandinig ko. Umikot lang ang mga mata ko kasi para siyang hindi isang student leader sa inaasal niya. Sabagay, hindi naman siya ang ibinoto ko noon.
“Huwag mo akong takutin, at kahit sino ka pa, hindi mo ako masisindak!” ayaw patalong sagot naman ni Leighton.
“Romari, tara na! May araw din ang lalaking iyan!” anyaya na ni Paco kay Romari. Sinegundahan na rin iyon ng iba at tuluyan na silang umalis. Doon pa lamang ako nakahinga nang maluwag.
“Akala ko, gulo na!” nailing na sambit ko.
Natawa naman si Leighton sa akin. “Why the hell are you with those people! Alam mo bang may pagka-gangster ang mga iyon sa senior high?” tanong niya.
Nagkibit-balikat naman ako. “Nagyaya silang magmiryenda, kaya lang hindi ko sila trip kasama. Saka tingnan mo, anim silang lalaki tapos ako lang ang babae. Hindi magandang tingnan!”
Tumango-tango agad siya. “That’s right. Susunduin ka ba ni Llander? Ako na lang maghahatid sa iyo…” nakangiting presinta niya. Natawa naman ako.
“Oo, manunundo iyon. Kaya lang mamaya pa, kaya gagawin ko muna iyong mga assignment ko habang hinihintay siya,” sagot ko at lumakad na papunta sa may garden dahil doon ay may mga covered bench.
“Eh, ‘saan siya?” tanong nito at sinundan ako.
“Medyo male-late nga kaya dito na lang muna ako. Ikaw, nga pala, bakit hindi ka ba kasali sa work immersion?” gulat kong tanong.
“Exempted ako kasi mayroon akong competition sa lunes. Kaya nagpa-practice ako ngayon,” sagot naman niya.
“Wow, talaga? Puwede bang maging exempted doon?” gulat kong tanong.
“Ayaw ko nga sana, kasi gusto ko rin naman ma-practice iyong strand ko. Kaya lang nasabay naman. Alam mo naman ang dahilan kaya lumipat ako dito, ‘di ba?” paliwanag niya. Muli akong tumango-tango.
“Yeah…” tipid kong tugon.
“Avez, actually, may gusto akong itanong sa iyo…” medyo nag-aalangang sambit niya noong hindi ako magsalita.
“Ano iyon?” nakangiting tanong ko. Sabay kaming naupo at inilapag ko sa gilid ang bag ko, tapos sa mesa naman iyong iPad ko.
“Hmm… puwede ba kitang ligawan?”
Gulat akong napalingon sa kaniya at kumunot ang noo. “Ligawan? Natatawang tanong ko.
“Y-Yeah… puwede ba?” medyo nahihiya niyang tanong. Nagbaba naman ako ng tingin dahil biglang bumilis iyong t***k ng puso ko sa tanong niya.
Actually, mula pa last year ay marami nang nagbabalak. Pero pakiramdam ko masyadong napakabata ko pa para sa mga ganiyan. Isa pa, puwede lang daw akong magpaligaw kapag nakatapos na ako ng college.
“Pasensiya ka na, Leigh. Kaya lang hindi pa ako allowed maligawan. Friends na lang tayo,” diretsahang sagot ko.
Mahina naman siyang tumawa at tila naaaliw sa akin. “Ang bilis ko namang ma-friend zone? Iyan ba talaga ang dahilan o baka naman mayroon kang ibang napupusuan?” medyo may panunuksong tanong niya.
“Iyon talaga ang dahilan. Hindi maganda ang experience ng Mommy ko sa unang naging boyfriend niya. Muntik nang masira nang tuluyan ang buhay niya kung hindi niya nakilala si Daddy. Kaya ayaw din nilang mangyari sa akin iyon,” pagtatapat ko naman.
“Sabagay… pero hindi naman ibig sabihin no’n, eh, wala na akong pag-asa sa iyo, hindi ba?” hirit niya.
“Hmm… tingnan natin. Malay mo, kapag lumipas ang ilang taon ay makahanap ka rin ng iba,” sagot ko naman. Muli siyang tumawa. Magsasalita pa lang sana siya kaya lang biglang tumunog ang cellphone ko.
“Wait lang, tumatawag si Llander, sagutin ko lang…” sabi ko sa kaniya. Tumango lang ito. Hindi na ako tumayo pa kasi wala naman sigurong sensitibong sasabihin si Llander.
“Hello?” sagot ko sa tawag.
“Bakit kasama mo ang lalaking iyan? Paalisin mo siya, ngayon na. Papunta na ako diyan!” medyo galit na tanong nito kaya nagulat ako.
“Paano mo naman nalaman na may kasama ako?” naguluhang tanong ko. Napalinga pa tuloy ako sa paligid pero wala naman akong makita na nakatingin sa amin na puwedeng nagsabi sa kaniya.
“Hindi na mahalaga iyon! Paalisin mo na ang lalaking iyan! Tapos!” maawtoridad na utos niya saka pinatay ang tawag.
Napamaang naman ako at biglang naging blangko ang utak ko. Ano’ng nangyari? Bakit badtrip si Llander? May nangyari kaya sa pinagsasagawaan niya ng work immersion? Saka paano kaya niya nalaman na may kasama ako?
“May problema ba?” tanong sa akin ni Leigh kaya naagaw ang pansin ko.
Mabilis akong umiling at pilit na ngumiti para hindi na siya mag-usisa pa. “Ah, wala naman. Sige na, paalis na rin ako kasi darating na raw si Llander,” maayos ko namang kausap sa kaniya.
“Akala ko ba male-late siya?” nagtataka rin nitong tanong.
“Akala ko nga rin, eh. Pero parang mainit ang ulo. Baka may nangyari. Sige na, mauna ka na at baka mapagbuntunan ka pa ng inis niya. Para pa namang may regla minsan iyon kapag galit,” udyok ko kay Leighton.
“Sure ka ba na okay ka lang na maiwan dito nang mag-isa? Baka kasi may manggulo na naman sa iyo?” paniniguro niya.
“Okay lang. On the way naman na si Llander. Sige na, ingat ka. Saka, huwag masyadong mabilis magpatakbo…” bilin ko pa.
“Yes, baby…” pilyong sagot niya.
Nanlaki naman ang mga mata ko at mabilis na nag-init ang mga pisngi ko. “Hoy, tumigil ka nga! Baka mamaya niyan ay may nakarinig pa sa iyo,” saway ko sa kaniya.
“Don’t worry, I will call you that kapag tayong dalawa lang. Bye, Avez! Kumpleto na ang araw ko kasi nakita kita…” malambing na saad pa niya. Kumaway na lamang ako sa kaniya at saka inilabas ang itinatagong ngiti nang tuluyan na siyang makaalis.