Chapter 2 Sudden Change

2865 Words
“Ano’ng nangyari?” agad na tanong ni Llander. Malungkot akong ngumiti at bumuntong-hininga. “Eh, di iyon, magko-community service iyong dalawa. Ito naman kasing si Arianna, hindi na lang nanahimik, eh!” reklamo ko. Naaawa din kasi ako sa kaibigan kong iyon kasi alam ko namang may pagkamahadera lang talaga minsan ang babaeng iyon at matagal na rin kasi siyang inis sa ugali ni Doris. “I guess you should avoid a friend like that. I mean, you should not be spending time with people who are destructive in nature,” iritadong saad niya. “She’s not destructive. Masyado lang siyang nagpadala sa emosyon niya. Hayaan mo na, huwag na nating pag-usapan,” sagot ko. Nalulungkot lang ako lalo, kaya ayaw ko na lang na pati kami nitong kaharap ko ay magtalo pa. Ngunit halatang mainit pa rin ang ulo nito. Pansin ko lang, ayaw na ayaw ni Llander na nasasangkot ako sa kahit na anong gulo. Naalala ko pa noong mga bata kami, may nam-bully sa akin sa school noong grade 6 ako, tapos may ginawa siya na hindi ko alam kaya mula noon hindi na ako ginugulo ng mga bully. “Hi! Avery!” tili ng isang grupo ng mga high school student noong papasok na sana kami sa National Bookstore. Kumabog ang dibdib ko, kasi mukhang nakilala yata nila ako. Patakbo silang lumapit sa akin at agad namang humarang si Llander sa pagitan namin ng mga excited na estudyante. “What do you guys want?” pormal na tanong nito agad sa kanila. “Pa-picture lang kami kay Miss Avery. Ang ganda-ganda pala niya sa personal!” pakiusap agad ng isa sa kanila. Pilit nila akong sinisilip habang si Llander naman ay itinatago ako sa likod niya. “Llander okay lang. Hayaan mo na,” bulong ko sa kaniya. Masungit naman niya akong tiningnan kaya napalunok ako. “Ano’ng gagawin ni’yo sa picture niya? Isa pa, hindi naman siya artista kaya hindi ni’yo kailangang magpa-picture sa kaniya!” seryoso pa ring pahayag ni Llander. Napaawang naman ang mga labi ng mga estudyante at halatang hindi nila nagustuhan ang sinabi ni Llander. “Bakit, sino ka ba?” asik ng isang dalagita na namaywang pa. Kung hindi ko ito kaedad ay mas bata lang siguro ng isang taon sa akin. “You are invading her private space, so go away!” taboy ni Llander sa kanila. Mabilis namang sumimangot ang mga babae at pilit pa rin akong inaabot ng tingin nila. Pero dahil matangkad si Llander at malaki na rin ang pangangatawan, hindi nila ako masilip. “Ang yabang! Sino ka ba? Bodyguard ka ba niya, ha?” matapang na tugis ng mga estudyante kay Llander. Dahil medyo nakakaagaw na kami ng atensyon ay ako na mismo ang umatras saka tumabi kay Llander para harapin ang mga gustong magpapicture. “Halina kayo, guys. Bilisan lang natin kasi kailangan na naming pumasok at uuwi rin kami agad,” mahinahong pahayag ko sa kanila. “Yay! Thank you, Miss Avery. Hindi ka lang maganda, sobrang bait mo pa! Sana mag-endorse ka na ulit ng iba pang products!” papuri pa nila sa akin. “Salamat…” sabi ko na lang at ngumiti sa kanila. Sa gilid ng mata ko ay kita kong bumuntong-hininga si Llander at madilim pa rin ang mukha. Pagkatapos niyon ay tumuloy na kami sa loob ng bookstore. Dumiretso agad ako sa mga librong bibilhin ko. Hanggang sa mapansin ko ang isang libro tungkol sa pagiging isang mabuting law enforcer. “Llander, look! Hindi ba gusto mong maging police? Why not buy these books so that–” “I already have them…” proud na sabi niya kaya napa-‘wow’ agad ako. “Talaga? Alam mo, sure ako na magiging magaling kang pulis. Tapos Mr. Poging pulis pa. Baka pati kriminal sumuko na agad sa iyo lalo na kung babae,” natatawang biro ko. Napalingon pa iyong ibang nasa loob nang mapalakas ang tawa ko. Pero kumibot ang kilay ko nang mamula siya at mapangiti. Mukhang gustong-gusto yata niyang tinatawag siyang poging pulis, ha? “Saang school ka nga pala mag-e-enroll kung sakaling kukuha ka ng criminology?” tanong ko habang isa-isang tinitingnan iyong hilera ng fiction books na tungkol sa mga crime and legal stories. “I have some incredible news," lumapit siya sa akin at hininaan lang ang boses. Hindi naman maitago ang excitement sa mukha niya kaya napapangiti na rin ako. Tumango ako sa kaniya habang hinihintay kung ano man iyong sasabihin niya. Na-curious din kasi talaga ako. "Ano iyon, Llander? Parang sobrang saya mo, ha? Pati tuloy ako, bigla ring na-excite." Tumawa naman siya na nagpalitaw ng mga mapuputi at pantay-pantay niyang mga ngipin. "I passed the PNPA entrance examination last year!" pabulong na pagbabalita niya sa akin. Puno ng katuwaan at pride ang boses niya. "I’ve been waiting for the right time to tell you, and I just couldn’t keep it any longer." Napuno ng kaligayahan ang dibdib ko kaya wala sa sariling nayakap ko siya nang mahigpit. "Wow, Llander, ang galing-galing mo talaga! Sabi ko na nga ba, mani lang sa iyo ‘yon, eh!" Natulala naman siya at napatitig sa akin. Mabilis tuloy akong kumalas sa pagkakayakap sa kaniya at umatras. “Sorry… na-excite lang ako kaya nayakap kita.” Ngunit hindi pa rin siya nagsalita. Pirmeng nakatitig lang siya sa akin na parang natuklaw ng ahas. Kaya ipinitik ko pa ang mga daliri ko sa harapan niya para pukawin ang atensyon niya. Mabilis naman siyang tumikhim at tumayo nang maayos. “Hindi naman lingid sa iyo na pangarap ko talagang maging pulis. Ang Daddy ko ay nagsilbi rin sa bayan pero ayaw kong maging politiko. Sa ganitong paraan ko gustong pagsilbihan at protektahan ang bayan. Passing the PNPA exam was the first step, and now I’m one step closer to making that dream a reality." Kitang-kita ko ang passion at sincerity sa bawat bitaw niya ng salita kaya muli akong tumango. "I’m so proud of you, Llander. This is exactly where you’re meant to be. Sigurado, matutuwa sina Tito at Tita nito!" Bumuntong-hininga siya at mas naging malambot ang tingin sa akin. May kakaiba sa mga titig niya na hindi ko mapangalanan. "Thank you. Your support means everything to me. Alam kong hindi ito magiging madali, pero ibibigay ko ang best ko. I’m ready to give it my all." Hinawakan ko ang kamay niya at magaan iyong pinisil. "Matalino ka, mabait at napakaresponsableng tao. Kaya naniniwala ako na hindi imposibleng makamit mo ang pangarap mo." Umabante siya para lumapit sa akin, pagkatapos ay hinaplos ang pisngi ko. “Kahit ano, kakayanin ko basta nasa tabi kita.” Tumango at ngumiti naman ako lalo sa kaniya. “Nandito lang naman ako palagi para sa iyo… bestfriends tayo, ‘di ba?” Biglang nabura ang ngiti niya at binawi ang kamay niyang humahaplos sa pisngi ko. Pagkatapos ay mabilis siyang tumalikod at lumakad na palayo. Kunot-noong sumunod naman ako nang mabilis sa kaniya. Habang ipina-punch na ng cashier iyong mga pinamili ko ay tahimik lang ito na nakamasid sa gilid. Bigla tuloy akong nag-alala kung may nasabi ba akong na-offend siya o ano. Nakayuko ito at hindi man lang tumitingin sa akin. “Tara?” agaw-pansin ko sa kaniya. Ni hindi nga yata nito namalayang tapos na akong magbayad. “Okay.” Kinuha niya ang mga dala ko at nauna na siyang lumabas ng store. Binilisan ko naman ang paglakad para makahabol sa malalaki niyang hakbang. “Llander wait – ay!” Nagulat ako nang biglang may mabangga. Muntik na akong matumba ngunit may isang pares ng mga bisig ang umalalay sa akin. Nilingon ko ito at nahihiyang tiningnan. “Hi! Sorry, ha? May hinahabol lang ako,” hinging paumanhin ko. Agad na sumilay ang ngiti sa mga labi nito. Ang tangkad niya, tapos ang guwapo pa! s**t! “It’s alright! I’m Leighton. You are?” tanong nito sa akin. bumaba ang tingin ko sa kamay niyang nakaumang sa harapan ko. Balak ko pa lang sanang tangapin iyon at sabihin sa kaniya ang pangalan ko kaya lang ay may humila na sa akin palayo. Nang tingnan ko ay si Llander pala iyon. Madilim na madilim ang mukha nito at mabibilis ang mga hakbang. Sa kabilang kamay niya ay ang paperbag na naglalaman ng mga libro at ibang gamit na binili ko. Ang kabilang kamay naman niya ay mahigpit na hawak ang kamay ko. “Llander, teka nga!” reklamo ko pero hindi ako nito pinakinggan. Bumagal lang ang lakad niya nang marating na namin ang elevator papunta sa parking lot. Hila-hila pa rin niya ako nang pumasok na roon. Pagkatapos ay hila-hila na naman niya ako hanggang sa marating namin ang sasakyan niya. Napapangiwi ako kasi nasasaktan na ako sa higpit ng pagkakahawak niya sa kamay ko. “Sakay!” utos niya nang buksan ang pintuan sa may harapan. Mabilis naman akong sumakay at napapalunok pa. Tinakbo niya ang driver’s seat at agad na sumakay. Ikinabit niya ang seatbelt niya saka mabilis na pinaandar ang kotse niya paalis. Medyo nai-stress na ako sa katahimikan naming dalawa kaya nagdesisyon na akong magsalita. “Teka nga lang, Llander, may problema ba tayo? Bakit bigla kang nanahimik? Galit ka ba? May nasabi ba akong hindi mo nagustuhan?” Marahas siyang nagbuga ng hangin. “Wala.” “Wala? Eh, bakit ang sungit mo? Alangan namang may regla ka?” sarkastikong banat ko. Humigpit ang hawak niya sa manibela at tumiim ang bagang niya. “Hindi ako masungit!” depensa naman niya. Umismid ako saka umirap. “Eh, anong tawag mo sa ginagawa mo ngayon? Nakasimangot ka. At iyang mga kilay mo, halos magdikit na. Tapos–” “Shut up!” putol niya sa akin. “Oh, see? Para kang bipolar!” naiinis ko na ring saad. Humalukipkip na ako at tumingin na sa daan. Bahala siya diyan kung ayaw niya ako kausapin. Kakainis, bigla na lang nagtataray samantalang hindi naman inaano! Noong malapit na kami sa village namin ay nilingon ko si Llander. Mas relax na ang mukha niya ngayon. Pero nababagbag pa rin kasi ang kalooban ko. Okay naman kasi kami kanina, tapos bigla na lang siyang naging nonchalant. Tapos nagsungit pa. “Llander…” tawag ko sa kaniya. Lumingon naman siya sa akin, saka bumuntong-hininga. “Parang gusto ko ng iced coffee at waffles ngayon,” lambing ko sa kaniya. Malapit na kami sa bahay at ayaw kong umuwi na hindi kami okay. Hindi kasi ako sanay na aloof siya sa akin. “Okay… punta tayo sa café malapit sa village,” pagpayag niya. Napangiti ako at tumango. Maliban sa garden café sa tapat ng university, madalas din kami rito ni Llander. Kaya kilala na rin kami ng may-ari at maging ng mga crew nila. Ako na agad ang naghanap ng puwesto namin kasi alam naman na ni Llander kung ano ang gusto kong orderin. Pagbalik ni Llander sa table namin ay masaya na ang awra niya, kaya gumaan na rin ang kalooban ko. Ngumingiti na rin siya ulit sa akin kaya unti-unti ay nawawala na rin iyong awkward feeling ko kanina. “Okay ka na ba?” tanong ko pa. Nakangiti siyang tumango. “Yeah! Sorry for being so immature…” “Bakit ba kasi? Sumama ba ang pakiramdam mo?” may pag-aalalang tanong ko. “Hindi… hindi naman. I am really sorry…” hinawakan pa niya ang kamay ko na nasa ibabaw ng mesa. Hinayaan ko lang siya at tumango na ako sa kaniya. Nang sumunod na araw habang naglalakad ako sa hallway papunta sa laboratory kung saan gaganapin ang klase namin, may narinig akong tila umiiyak sa kung saang bahagi. Hinanap ko kung saan iyon at doon ko nakita ang isang Grade 7 student na umiiyak. Napasinghap pa siya nang maramdaman ang presensiya ko. Namumutla ang mukha niya at medyo magulo ang mukha niya, pati ang uniform niya. Pero ang talagang pumukaw ng pansin ko ay ang matinding takot na nakikita ko sa mga mata niya. Palinga-linga siya sa paligid na animo ay may tinatakasan. "Hey, okay ka lang ba?" tanong ko habang sinusubukan kong gawing normal ang boses ko. Hindi siya nagsalita at biglang kumapit sa braso ko. Panibagong mga luha ang bumalong sa mga mata niya. I could feel her whole body shaking, her breaths coming in short, panicked gasps. Kaya banayad ko namang pinisil ang mga kamay niya para bigyan siya ng reassurance, sa tantiya ko ay kailangan talaga niyang kumalma. "What's wrong? Sabihin mo sa akin. I promise, tutulungan kita basta kaya ko," udyok ko sa kaniya sa mahinang boses. Ibinuka niya ang bibig niya para magsalita pero para bang bumara sa lalamunan niya ang gusto niyang sabihin. Muling nag-labasan ang masagana niyang mga luha kaya parang kumirot ang puso ko para sa kaniya. “Hey,” tumingin ako sa kaniya. “You’re safe with me. Maniwala ka, kahit ano pa iyan, wala akong ibang pagsasabihan.” Muli siyang nag-alinlangan at luminga sa paligid. Ngunit wala nang nagkalat na mga estudyante ngayon kasi oras na ng mga klase. Hanggang sa unti-unti niyang ituro ang dulo ng pasilyo na kinaroroonan namin. Sinundan ko naman iyon ng tingin. Lumunok siya nang tumingin sa mukha ko. “M-May… may nakita ako doon…” hirap niyang saad. Nanginginig ang boses niya. Nakagat pa niya ang pang-ibabang labi at tila hirap na ipaliwanag ang nais niyang sabihin. May kakaibang kaba akong naramdaman pero hindi ako nagpahalata. “Ano ang nakita mo?” kalmado kong tanong para hindi na maragdagan pa ang takot niya. Humigpit ang pagkakahawak niya sa braso ko at hindi naman siya nakasagot agad dahil biglang tumunog ang cellphone ko. Pero hindi ko na tiningnan kung sino ang tumatawag at pinatay na agad iyon. “M-May sumusunod sa akin… hindi lang siya nag-iisa… may mga kasama siya. At alam ko, mayroon silang gustong gawin sa akin.” Parang piniga ang puso ko sa narinig. Hindi maipagkakaila ang takot sa mukha niya kaya siguradong hindi ito magaang bagay lamang. “Okay,” panimula ko. “Ano'ng pangalan mo? Base sa hitsura mo, Grade 7 o Grade 8 ka pa lang ano?” tanong ko pa. Tumango naman agad siya. “Ako si Aileen…Grade 7 ako. Grade 8 na sana kaya lang nahinto ako, last year.” “Don’t worry, ang school natin ay kumpleto sa lahat ng surveillance camera. Sa ngayon, sasamahan muna kita sa students’ affairs office para–” “Hindi! gusto ko nang umuwi! Please uuwi na lang ako…” pakiusap niya sa akin. Dahil naaawa ako sa kaniya at sa hitsura niya ngayon. Tumango naman ako. “Sige. Tawagan mo ang Mommy o ang Daddy mo at magpasundo ka.” “Wala akong Mommy at Daddy. Ang Tita ko lang ang nag-transfer sa akin dito dahil dito rin nag-aaral ang mga anak ng amo niya,” sagot nito. “Kung gano’n, sino iyong mga anak ng amo mo at tutulungan kitang kausapin sila para naman–” “Hindi sila maniniwala! Baka saktan lang nila ako. Tulungan mo na lang akong makauwi, please. Ayaw ko na dito…” muli ay pagsusumamo niya. “Sige, sige. Halika na. Alam mo ba ang address ni’yo rito?” tanong ko. Tumango naman siya agad. Paalis na sana kami ng pasilyo na iyon nang bigla naming masalubong si Mr. Turibio. Bumaling agad ang tingin niya kay Aileen na humigpit ang pagkakakapit sa akin. “What are you both doing here? You are supposed to be in your class by now,” tanong niya at bahagya pang sinilip ang pambisig na relo. “Good morning po, Sir. Sasamahan ko lang po siya sa gate. Masama po kasi ang pakiramdam niya kaya gusto na po niyang umuwi,” pagdadahilan ko. Kumibot naman ang kilay nito at halatang hindi naniniwala. “Bumenta na iyang alibi na iyan para sa mga mahihilig mag-cutting class. Kung masama ang pakiramdam niya, doon siya sa infirmary at aasikasuhin siya ng nurse o doctor ng school. Pagkatapos tatawagan ang guardian niya kung talagang kailangang sunduin. Now go back to your class or you will suffer the consequences!” banta na niya sa amin. “Eh, kasi, Sir–” “Now!” tumaas na ang boses ni Mr. Turibio kaya halos sabay kaming mapatalon ni Aileen sa gulat. “Wait a minute, I believe you don’t belong to the same class. Ako na ang maghahatid sa kaniya sa klase niya. Sige na, tumuloy ka na sa klase mo!” utos pa ni Sir sa akin. Pero si Aileen ay ayaw namang bumitiw sa pagkakahawak sa kamay ko. “Sir… baka puwedeng…” hindi ko na naituloy ang sasabihin dahil pinaningkitan na ako nito ng mga mata. Kaya kahit labag man sa kalooban ay bumitiw ako kay Aileen at lumakad na papunta sa laboratory. Kitang-kita ko pa ang pagbagsak ng mga luha niya habang papalayo ako sa kaniya hanggang sa tuluyan na akong tumalikod. Hindi ko maipaliwanag ang kakaibang kaba sa dibdib ko at talagang kumikirot ang puso ko. Ni hindi man lang ako binigyan ni Sir ng chance na makapagpaliwanag kahit kitang-kita na ngang takot na takot si Aileen. Ipinagpatuloy ko ang paglakad na lubhang mabigat ang kalooban.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD