Kabanata 6

2829 Words
Veronica Badtrip na badtrip tuloy ako pag-uwi. Ayoko sana ng panggulo sa mga oras na iyon pero nang magpunta si Buntis sa kandungan ko at nag-meow ay natunaw agad ang inis ko. “Ano? Gutom ka na?” Wala pa pala itong almusal. Baka nagwawala na ang mga bulate niya sa tiyan. Napatayo tuloy ako at binuhat ito nang marahan. “Hay, Rosalinda. Galit ako ngayon, e. Buwisit na Popoy iyon. Tingin sa akin, e, pokpok,” kausap ko rito. Inilagay ko ang cat food nito sa garapon ng candy, saka nilagyan ang kainan nito na platitong tag-kinse na nabili ko lang sa ukay-ukay last week. Para naman bongga ang kainan niya, hindi na takip ng garapon. Pumasok ako sa kuwarto at kumuha ng damit na pamalit. May bagong bili rin akong shampoo na nasa bote, mga sabon at lotion. Nakabili rin ako dahil wala na akong gastos sa pagkain. Habang naliligo sa tabi ng poso ay napapatulala ako. Lumalabas na kasi palagi sa isip ko ang mukha ni Gabriel. Ang mga ngiti nito, ang aliwalas ng mukha nito at ang pagiging mahinahon nito. Hindi ko alam pero parang gusto ko na siyang palaging kasama. Kaso, bawal nga pala akong maglinandi nang seryosohan. Suminghap ako bago magbanlaw. Daglian ko na ring tinapos ang ligo at nagpatuyo sa loob ng kuwarto. Ako lang ang tanging may kuwarto rito sa bahay. Ang mga kapatid ko at si Papa ay sa sala natutulog. Sa mahabang upuan at sa sahig. Kahit naman walang permanenteng trabaho si Papa, hindi nito pinababayaan na magkaroon ako ng mga panloob at damit na butas-butas. Kapag nakaka-sideline ito—minsan—at may sobrang pera, binibilhan ako nito ng mga bagong bra, panty at t-shirt. Nasa akin din ang electric fan na may kalakihan. Sa kanila naman ay ang ceiling fan na pinaglumaan na. “Maria Maganda!” Napairap ako habang nakaharap sa salamin at sinusuklay ang mahabang buhok. “Maria Sobrang Ganda!” Saka lang ako sumagot. “Ano na naman ba, Bogart? Wala ako sa mood, ha!” “Pinatatawag ka sa labas! Sinuntok mo raw ang anak ni Aling Linda!” Padabog kong inilapag ang suklay sa gilid bago lumabas. Nagdire-diretso ako palabas at hindi pinansin si Bogart na nakasunod. “Sinuntok mo talaga si Popoy? Natumba raw kanina at umiiyak nang magsumbong kay Aling Linda. Sabi niya, bigla ka na lang daw sumugod. Sabi naman ni Ekay, nilait ka raw kaya sinuntok mo. Hayup! Putok ang nguso ng tarantado!” daldal nito na hindi ko pinansin. Sa labas ng tindahan ni Aling Linda ay nagkukumpulan ang mga tao. Naroon na rin ang asawa ni Aling Linda na nanggagalaiti habang kaharap ang mga Barangay Tanod. Hinarap ko ang mga ito, saka tinaasan ng kilay si Walis Tambo na tumigil sa pag-iyak nang makita ako. “Yan, Pa! Bigla na lang nanuntok ’yang babaeng ’yan!” “Hoy! Bakit mo sinuntok ang anak ko? Ano’ng ginawa nito sa iyo? Ang tapang mong babae ka, a!” duro nito sa akin. “Nauna ang anak ninyo, Mang Lando. Bumili lang ako kanina ng pagkain ng pusa tapos bigla na lang nagdabog-dabog ’yang anak n’yo. Hindi ko naman inaano ’yan tapos bigla na lang ako sinabihan na easy girl at bayarang babae!” “Sinungaling ka talagang gaga ka!” sabat ni Popoy na hindi ko pinansin. “E, bakit ka nagagalit kung totoo namang malandi ka?! ’Yong nanay mo nga, e, humiwalay sa tatay mo dahil walang pera! Mas gusto n’yon ng mapera kaya talagang doon ka nagmana!” Nanlisik na ang mga mata ko sa galit. Ni hindi ko napansin ang pag-iinit ng sulok ng mga mata ko habang matalim na nakatingin sa mag-ama na nagpapakulo sa dugo ko ngayon. Iyon ang issue na hindi ko magawang depensahan dahil wala akong alam kung ano ba talaga ang totoong nangyari noon. Kung dahil ba talaga sa pera kaya niya kami iniwan. Gusto kong marinig ang totoo sa lahat ng mga issue na ibinabato sa pamilya namin. Gusto kong malinawan. Pero isa lang ang sigurado ako sa mga oras na iyon. Ang lahat ng tsismis patungkol sa nanay ko ay sa akin inuugnay. Ako ang tumatanggap ng lahat ng masasakit na salita na ibinabato ng ibang tao—na dapat sana ay siya ang sumasalo. Siya dapat ang humaharap sa mga ganitong paratang. Siya dapat. Pero bakit ako? Ni hindi ko nga nakasama sa paglaki ko ang babaeng iyon! Pinigil ko na lang ang sarili na bumato pa ng salita. Dinala kami sa barangay para roon i-settle ang away na hindi ko na inangalan. Kaharap ko si Popoy na panay ang tingin sa akin ng masama. Ang sarap pasabugin ng mukha nitong kasing sama ng ugali niya. Sa haba ng sinabi ni Kap, wala akong pinakinggan ni isa. Nakikipagtagisan lang ako ng tingin sa mag-ama na tila gustong durugin ng mga kamao ko. “. . . Okay, para hindi na humantong pa sa presinto ang bagay na ito ay mag-sorry na lang kayo sa isa’t isa.” Tumirik ang mga mata ko sa narinig. Sorry? Walang sorry-sorry rito! Mabubugbog ang dapat na mabugbog! Walang may balak mag-sorry kaya napasentido ang kausap naming namamahala sa barangay. “Bakit kami magso-sorry sa babaeng iyan? Kailangan niyang sagutin ang pampagamot sa anak ko!” hindi paawat na turan ni Mang Lando na inaawat naman ni Aling Linda. Mabuti pa nga si Aling Linda, hindi kinukunsinti ang mag-ama niya. Ito pa ang nanghihingi ng tawad sa akin kanina at halos luhuran na ako upang patawarin lang ang mag-ama niya. Halata namang takot ito sa maaaring gawin ng Tropang Adonis sa mag-ama niya oras na gantihan sila. “Lando, ’yong anak n’yo rin kasi ang nag-umpisa. Kahit sino ay magagalit kapag sinabihan ka ng ganoon. May mali rin naman si Maria dahil namisikal. Pareho lang may sala ang mga bata, kaya mas mainam kung mag-sorry na lang silang dalawa sa isa’t isa.” Sorry? Sorry his ass. Bakit ako hihingi ng tawad sa walis tambo? Kalbuhin ko pa ’yang letse na ’yan, e. “Wala pa ring may balak humingi ng tawad? Paano kayo makakauwi niyan kung parehas mataas pride ninyo?” “Kap, hindi ako magso-sorry sa kupal na ’yan at ganoon din siya sa akin. Mas mabuti pa kung umuwi na lang kami bago pa mandilim ulit ang paningin ko sa mga ’yan. I promise naman na hindi ko na dudurugin ang mukha niyan, as long as hindi rin ako makakarinig ng degrading words from his filthy mouth from now on, okay?” Huwag lang talagang haharap ulit sa akin ang Popoy na ’yan. Kapag nakasalubong ko ’to sa daan at natiyempuhan na inasar na naman niya ako, pati itlog nito, dudurugin ko. Ngumiti ako nang tipid kay Kap sabay tayo. Nauna na akong umuwi sa bahay. Pinagtitinginan pa ako ng mga nakakakilala sa akin nang makarating ako sa lugar namin. “Sino ba kasi ang nanay niyan?” “Ewan ko, pero kamag-anak daw ni Gobernadora. Alonzo rin ang isang ’yan, kaso iniwan ng nanay kasi hindi naman mayaman ’yang si Dante.” “Si Saniarah Alonzo ang nanay niyan! Nakita ko na iyon noong nandito pa iyon. Magandang babae pero maluho at may pagkamaldita. Laki sa yaman kasi.” Mariin kong naipikit ang mga mata nang makapasok sa pinto. Kahit anong layo nila sa akin ay dinig na dinig ko pa rin ang usapan nila sa labas. Ikinuyom ko ang kamay sabay hampas nang malakas sa pinto. Purong galit lang ang nararamdaman ko sa mga oras na iyon. Gusto kong magwala at durugin ang pagmumukha ng mga taong pinag-uusapan ang aming pamilya. Lalo na iyong mga nanghahamak sa akin kahit hindi ko naman inaano. Kasabay ng galit kong iyon ay ang lalong pagtatanim ko ng galit sa babaeng nang-iwan sa amin. Dahil naman sa kaniya kaya naleletse ang buhay namin ngayon! Ikinulong ko ang sarili sa kuwarto at doon nagmukmok. Hindi na ako lumabas hanggang gabi. Nawalan na rin ako ng ganang maglaba. Ayokong lumabas at baka makarinig na naman ako ng tsismis patungkol sa pamilya ko. Baka mapaaway na naman ako. “Maria!” Kinagabihan ay isang galit na tinig ni Kuya Damien ang narinig ko. Kahit walang gana ay lumabas pa rin ako ng kuwarto upang harapin ito. Sa sala ng bahay ay naroon si Papa, mga kapatid ko at ibang tropa nila. Ang Tropang Adonis. “Inaway ka ng gagong Popoy na ’yon?” nanggagalaiting tanong nito na ikinaiwas ko ng tingin. “Dapat hindi lang suntok ang ibinigay mo roon, Maria! Kung ako ’yon, dudurugin ko ang ribs n’yon!” sabat ni Tito Steve na hindi ko pinansin. “Na-settle na, Kuya. At least may souvenir siya sa akin,” walang kagana-gana kong turan sabay upo sa kawayang upuan. “Ano ba ang sinabi niya sa iyo?” usisa naman ni Kuya Damian na tumabi sa akin. Napairap tuloy ako sa kawalan nang maalala ang eksena kanina. “Malandi raw ako tulad ng nanay ko. Ano pa ba ang bago? Iyon naman palagi ang ibinabato sa akin sa akin ng mga pangit na ’yon.” Napatiim-bagang ang mga kapatid ko at lalong nagalit. “Tarantado talaga ’yang mga ’yan. Pati ’yong taong matagal nang wala rito ay dinadamay pa . . .” Nang mag-Sabado ay kinailangan kong magpunta sa palengke. Simpleng shirt at jogging pants lang ang isinuot ko. Ipinusod ko lang ang buhok ko upang walang maging sagabal mamaya. Wala pa rin ako sa mood nang magtungo sa tindahan ni Sir Chan. Inasikaso ko roon ang mga gulay at prutas niya, naglinis saka naupo habang nag-aalmusal. Kape at tinapay lang ang agahan ko na nabili ko sa kabilang tindahan. “Kape, Sir Chan,” bungad ko sa singkit na matangkad na lalaki na huminto sa tapat na lulan ng motor. Nakangiti ito nang tumango. “Sige, sige lang. Salamat, Ganda. Ako punta rito para hatid Ninja at Pagong.” Ngumiti na lang ako rito. Si Ninja at Pagong ang itinuturing niyang suwerte sa negosiyo niya kaya mahal na mahal niya at spoiled. Si Ninja, mabait naman pero makulit at ma-attitude. Kapag ayaw niya sa tao, lalo na kay Bogart ay kinakalmot niya kapag nilalapitan siya. Si Pagong naman na mahinhin ang friendly sa mga kustomer. Alam ko naman kung bakit suwerte ang mga pusang ito kay Mister Chan. Nakakahakot kasi ng maraming atensiyon ang dalawang bolang mabalahibo dahil sa kakulitan ng mga ito. Maraming atensiyon means maraming dadayo rito at bibili. Plus pa na may magandang tindera tuwing Sabado at Linggo. “Witwew! Buo na agad ang araw ko nang masilayan ko ang kagandahan mo, Maria!” Umagang-umaga, lalong nasira ang araw ko. Tinig pa lang ni Bogart na kahit nasa malayo pa ay dinig na dinig na rito. Pakanta-kanta pa na parang tanga. Lumagok ako sa iniinom na kape at diretso lang ang tingin sa unahan. Nang mapadaan na sa tapat si Bogart ay huminto ito at ngising tiningnan ako. “Good morning, Maria—dyosa ng probinsiya,” pang-uuto na naman nito na akala niya ay kakagatin ko. Lihim akong umismid sa kawalan at hindi ito sinulyapan. Napansin niya iyon kaya dumukwang ito palapit sa akin at ngumuso. Muntik na tuloy akong maduwal. Inis akong umatras palayo rito habang hindi pa rin ito sinusulyapan. “Hala, ayaw mamansin! Galit ka ba sa akin, Maria?” himutok nito. Nang may bumili na kustomer ay saka lang ako umimik. Nang makaalis din iyon ay iniwasan ko na naman si Bogart. Bakit ba kasi nandito na naman ito? Buwisit talaga. “Maria!” maktol nito kaya tuluyan nang naubos ang pasensiya ko. Isang matalim na tingin ang ibinigay ko rito. “Ano?!” “Bakit hindi mo ako pinapansin? Galit ka ba?” “Hindi! Lumayas ka na lang dito bago ko pa ilabas ang mga granada ko rito!” singhal ko bago ituloy ang almusal. “Galit ka ba dahil sa nangyari sa inyo ni Popoy? Hindi naman ako ganoon. Tanggap kita kahit sino ka man.” Hindi pa rin ito tumitigil kaya binuhat ko na si Ninja at inambahan ito na ihahagis sa kaniya. Dali-dali naman itong umalis kaya napahinga ako nang malalim. Ibinaba ko rin si Ninja at hinaplos-haplos ang ulo nito. Kaya lang ay natigilan na naman ako nang may sumulpot na namang lalaki sa tapat. Awtomatikong nawala ang kunot-noo ko at umayos ng upo. “Hi.” Ang fresh. Bagong ligo. At shems, ang kinis talaga ng balat nito. “Good morning,” bati ko na dahilan ng pag-smile nito. Humawak na naman ito sa batok bago iabot sa akin ang naka-plastic na kung ano. Daglian ko namang tinanggap iyon at sinilip. Isang naka-styro na Adobong manok with rice. May kutsara’t tinidor na rin doon. Halos magningning tuloy ang mga mata ko sa tuwa at nagpasalamat dito. “Luto mo ulit?” tanong ko at sumubo agad. Heaven talaga dahil tamang-tama sa panlasa ko. Binigyan ko ito ng upuan sa tapat. “Ahm, yeah. Nagluto ako ng almusal ko kanina, at ipinagtabi na kita—just in case you haven’t eaten yet.” Nangapal ang batok ko sa sinabi nito at pinag-initan ng mukha. Gosh. Concern na concern talaga siya sa akin, a. Ngingiti-ngiti tuloy ako habang kumakain. “Bibili ka ng prutas?” “Of course,” nakangiting tugon nito at pasimpleng kinagat ang ibabang labi na tila ba pinipigilan ang kilig. Hinayaan ko itong mamili roon habang inuubos ang ibinigay nitong pagkain. Sinusundan ko lang ang kilos nito. Abala ito sa pamimili ng prutas na ibig niya. Tama si Kimmy nang sabihin niya na medyo macho si Gabriel. Hindi ito payat. May laman-laman ito at medyo mabato ang katawan. Maganda rin ang facial features nito, pati na ang pangangatawan. Kahit sino ay sasang-ayon na halatang may kaya ito sa buhay dahil kitang-kita ito sa kilos at hitsura. Halatang alaga. Simple lang itong manamit pero kita naman sa suot nitong relo na mapera ito. Mamahalin daw kasi ang brand na iyon. Ang bango rin nito palagi at ang fresh. “Are you checking me out?” pigil na ngiting tanong nito na tapos na palang mamili. Natauhan naman ako at kinunotan ito ng noo. “Assuming! Natulala lang ako pero hindi ko napansin na sa iyo pala ako nakatingin,” pagdadahilan ko pero mukhang hindi ito naniwala. Lumawak lang lalo ang mga ngiti nito habang kumukuha ng pera sa wallet niya. “No, napansin ko na sinusundan mo ako ng tingin, e.” Umismid ako bilang pagsuko. “Okay, tinitingnan nga kita. Ang cute mo kasi.” Yumuko ito sabay labas ng isang libo. Ang ganda na ng pagkakangiti nito. “I also do that to you, too. Ang ganda mo kasi.” “Alam ko,” bulong ko sabay iwas. Hindi ito umimik pero nakangiti pa rin. “Wala pa ang kaibigan mo?” Nagkibit-balikat ako. “Mamaya pa iyon.” Natahimik kaming muli. Kaya lang ay bumato na naman ito ng tanong. “Are you coming to my birthday party?” Maloko ko itong nilingon. “Oo, basta may pizza roon, a,” demand ko sabay halakhak. Tumango-tango naman ito. “Sure. What else?” Napaisip naman ako kung ano pa ba. “Ahm, ano pa ba? Buko salad, Lumpiang shanghai, at fried chicken lang.” “Everything is noted, Mahal . . .” Natigilan ako at takang tiningnan ang lalaki na nasa ibang direksiyon na ang tingin. “Ano?” “What?” natatawang kaila nito. “Ano ang itinawag mo sa akin?” Lalo itong natawa sa sinabi ko. “What? Anong itinawag? Sabi ko, everything is noted. Mahal ng gagastusin ko dahil sa request mo,” paliwanag nito kaya natauhan ako agad. Para kasing tinawag ako nitong mahal. Hindi ko lang naintindihan dahil tila ibinulong niya lang iyon. Humalukipkip ako matapos itabi ang mga pinagkainan. “Pupunta ka ulit dito bukas?” “Yeah.” Ngumiti na naman ito kaya napakamot ako ng ulo. “Why? Gusto mo na ba ang presensiya ko rito?” Nanlaki ang mga mata ko at hindi makapaniwalang tiningnan ang lalaki na pigil ang ngisi. “Ano? Binabanatan mo na ako ng ganiyan, a! Nawala na ang sapi ng good boy sa katawan ni Gabriel?” Humalakhak lang ito at pinalitan din agad ang topic. “I wanna meet your brothers after my birthday party, Veronica. Puwede ba?” “Oh, bakit? Type mo?” biro ko na naging dahilan ng pagngisi nito. “No, I like their sister,” aniya na naman pero isinawalang bahala ko iyon. Akala ko kasi, nagbibiro lang ito. “I really wanna meet your family. Ipapakilala rin kita sa family ko.” Napalunok ako. Bakit kailangang ipakilala namin ang isa’t isa sa pamilya? Ano’ng mayroon? Nagkibit-balikat ako. “Para saan?” “Gusto ko lang na magkakilala tayong lahat,” tugon niya sabay hawak sa batok. Gusto kong tawanan ang sagot niyang iyon dahil parang ewan. Tumango-tango na lang ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD