The Ex-con’s Counterattack – Chapter 6
AMARA’S POINT OF VIEW.
Hanggang sa makauwi kami ni Papa ay tahimik pa rin ako. Natapos din namin nang mabilis ang aming trabaho sa mansion ng lalaking iyon. Kanina nga nang mag-lunch kami sa bahay niya dahil inabot na kami ng tanghali, napag-usapan nila ni Papa ang pagiging personal delivery girl ko kuno. Hindi ko nga maintindihan kung bakit pumayag si Papa.
“Oo nga pala, ‘Pa. Bakit ka pumayag na mag-deliver ako ng mga bulaklak sa lalaking iyon? Nakakatakot kaya pumunta sa bahay niya,” sabi ko. Nandito kami ngayon sa kusina dahil dumaan kami sa grocery at bumili ng mga sangkap sa kaniyang lulutuin.
Lumingon ito sa akin nang matapos niyang haluin ang sinigang na niluluto niya. “Ayaw mo ba?” tanong niya na napakunot sa aking noo.
Napaisip naman ako sa naging tanong niya. Magandang opportunity ito upang makapag-ipon ako ng pera para makapag-aral ako ulit. Kaya siguro pumayag si Papa dahil na rin sa alam nito ang plano kong mag-aral ulit. Hindi naman kasi ako matalino para makahanap ng scholarship kaya todo ang ipon ko dahil gusto kong ipagpatuloy ang nasimulan ko.
“Gusto po, napakasimple lang naman nang trabahong iyon, ‘Pa. Wala bang mas mahirap?” pagbibiro ko ngunit nagulat ako nang biglang may inilipag na repolyo at r****h si Papa sa mesa.
“Hugasan mo at hiwain mo, gagawin kong salad nang may magawa ka,” aniya at ibinalik ang pansin sa sinigang.
Napakamot na lang ako sa batok ko’t sinunod ang kaniyang inuutos. Habang ginagawa ko iyon ay hindi pa rin nawawala sa isipan ko ang mga mata ni Barry Veterano. Iyon ang narinig kong pakilala niya sa amin nang magsalo-salo kami sa hapagkainan. Para ngang may fiesta dahil sa dami ng kaniyang ipinahanda.
Ngunit ang ipnagtataka ko lang ay bakit mag-isa lang siya sa malaking bahay na iyon? Ang ibig kong sabihin, wala roon ang kaniyang pamilya o hindi naman kaya’y mga kapatid. Tanging ang mga nakita ko lang ay mga kasambahay at maraming mga armadong lalaki. Hindi ko nga pala siya kilala nang lubos. Baka nasa trabaho ang mga ito kaya siya lang ang naiwan doon upang i-entertain kami ni Papa.
Pero nakakapagtaka talaga, e.
“Mara, tapusin mo iyan at kakain na tayo.” Mabilis akong napabalik sa reyalidad nang magsalita si Papa. Kaya wala na akong nagawa at tinapos ko na ang pinapagawa niya.
-
Nang lunes ay maaga pa lang ay nasa shop na kami ni Papa. Abala kami sa pag-aayos ng mga bagong dating na mga bulaklak. Ngayon ko lang din napansin na malapit na palang undas kaya maraming pinakyaw si Papa na mga bulaklak.
“Narinig mo na ba iyong balita? May nakita na naman daw na bangkay sa ilog sa malapit na bayan. Nakakatakot, beh! Ang daming namamatay at sunod-sunod pa,” narinig kong sabi ng isang costumer na malapit sa puwesto ko. May kasama itong isa pang babae na mukhang kaibigan niya. Namimili sila ng mga bulaklak na hindi ko alam kung saan nila gagamitin.
“Talaga ba? I can’t believe that someone can do that!” sagot naman ng kasama niya.
“Kaya nga, e! That’s why we should take care. Hindi natin alam kung sino ang isusunod,” ani pa nito.
Naguguluhan ako ngunit alam ko ang pinag-uusapan nila. Nabalitan ko rin ang isa na namang krimen dahil maaga pa lang ay nakabukas na ang balita at nanonood si Papa. Maging ako’y natatakot din sa mga nababalitaan. Ayon pa naman sa balita ay wala silang sapat na impormasyon sa kung ano’ng dahilan nang mga nangyayari ngayon.
“But, sis! Aside from that. Nabalitaan mo na ba iyong bagong ilalabas na magazines?”
“I didn’t. Ano ba iyon?”
“Well… they say na ang Hot Men Society raw cover pero hindi pa naman sigurado. Alam mo naman na masyadong discreet ang organization nila.”
Kahit hindi ko naman balak na makinig sa kanila ay naririnig ko pa rin ang sinasabi nila at na-curious ako sa sinabi ng isa tungkol sa Hot ano raw? Basta iyong society na sinabi niya kanina.
“That’s true! Pero sana ay maitampok sila para naman makilala na natin sila. OMG! Can’t wait to see them on TV’s and everything.”
Hindi ko na sila narinig na magsalita pa kaya ipinagpatuloy ko ang ginagawa ko ngunit natigil din ako nang nilapitan ako ni Papa. Kaya sa kaniya ko naibaling ang aking tingin.
“Tumawag si sir Barry,” panimula nito. “Mag-deliver ka raw ngayon ng bulaklak sa kaniya.”
Nagpaalam ako kay Papa na gagawin ko lang ang mga sinabi niyang detalye na ide-deliver ko raw kay sir Barry. Mabilis ko namang natapos ang arrangement ng mga bulaklak kaya dali-dali akong lumapit kay Papa.
“Pa, ang susi? Aalis na ako,” sabi ko. Kinuha niya ang susi sa kaniyang bulsa at iniabot iyon sa akin. Muli akong nagpaalam at saka lumabas na ng aming flower shop. Sumakay ako sa aming mini truck at minaneho iyon.
Si Papa ang nagturo sa akin upang magmaneho dahil kung minsan ay ako ang nagpi-pick up ng mga bulaklak o hindi kaya’y nagde-deliver ng mga ito sa aming mga costumers. Mabilis lang akong nakarating sa sinabing lokasyon ni Papa, isa itong mataas na building at maraming naglalabas-masok na mga nakasuot ng formal attire.
Nag-park lang ako at kinuha na ang mga bulaklak na nakalagay sa isang rattan na basket. Dalawang klase ng mga bulaklak ang ang kaniyang pinaayos ngunit hindi nawawala ang mga tulips dito. Nang maisara ko ang pinto ay agad na akong naglakad papunta sa entrance nitong kompanya.
“ID?” agad na tanong ng guwardiya nang makalapit ako sa kaniyang puwesto. Kunot noo akong tumingin sa kaniya. “Miss, may ID ka ba?” paglilinaw niya.
“Ah, boss, wala po, eh. Nandito lang ho ako para mag-deliver nitong mga bulaklak,” sagot ko sabay pakita sa hawak kong mga bulaklak. Kapag hindi ako nito pinapasok ay baka malanta itong mga bulaklak dahil sa init dito sa labas. Pinagpapawisan na nga ako at sa sobrang malas ko sa buhay ay hindi ako nakapagdala man lang ng panyo.
“Para kanino?” tanong ng guwardiya.
“Interview ho ba ito?” tanong ko na may halong biro ngunit hindi nagbago ang expression niya sa mukha, kaya nagsimula na akong kabahan nang mas sumeryoso siyang nakatingin sa akin. “Ah haha, para po kay sir Barry,” dagdag ko’t tumawa nang pagak.
“Patingin. Iche-check ko lang,” anito. Kaya agad kong ipinakita sa kaniya ang mga bulaklak. May inilapit siyang parang scanner ng kung ano sa bulaklak at nang mapansin niyang mukhang wala naman akong dalang kakaiba bukod sa mga bulaklak ay nagbigay siya ng daan upang makapasok ako.
Nagpasalamat ako at agad kong hinanap ang reception area rito sa first floor ng building. Hindi naman ito mahirap hanapin dahil iyon ang una mong makikita kapag papasok ka rito. Lumapit ako kaya agad akong tiningnan ng babaeng naroroon.
“Hi good morning, ma’am. How may we help you?” tanong niyang may ngiti pa sa kaniyang labi.
“Saan po ang office ni sir Barry Veterano? Nandito po ako para mag-deliver ng mga bulaklak para sa kaniya.” Nagsalubong ang kaniyang kilay pero kalauna’y sinagot din nito ang tanong ko.
“Salamat! Magandang umaga rin,” nakangiti kong sabi at umalis na roon upang puntahan si sir Barry.